IKA – 184 LABAS

Bagaman, sa mga kuwento lamang nakilala niya ang mga magulang niya ngunit hindi na sila napaknit magpahanggang ngayon sa kanyang isip pagkat talagang masakit sa kanyang puso upang tanggapin ang sinapit nila kaya lalong tumitindi ang kanyang hangarin para maipaghihiganti sila habang naalaala niya ang naging sanhi ng kanilang maagang pagkamatay.  Kaya mas gusto pa niya ang pumasok sa kagubatan dahil pansamantalang nalilimutan niya ang kuwento tungkol sa kanyang mga magulang habang nalilibang sa maghapong pangangaso ang kanyang sarili hanggang sa may mga pagkakataon na inaabot pa siya ng gabi ngunit ito naman ang talagang gusto niya para maagang umidlip ang kanyang mga mata sanhi ng kapaguran.  Bumalik sa bintana si Bag–aw matapos bitawan ni Lakay Awallan ang kanyang mga kamay nang sumagi sa isip niya na seguradong hindi ganito ang kanyang damdamin kung buhay lamang ang kanyang mga magulang dahil tiyak na sambot ng kanyang amang Alawihaw ang lahat nang mga problema niya kaya malilipos ng saya ang mga araw niya sa piling nila.  At lalong hindi niya mararamdaman ang pangamba pagkat naririyan naman ang kanyang inang Dayandang na laging magbibigay sa kanya ng paalaala ngunit natigagal siya nang mapatingin sa labas dahil masyado nang malayo ang mahigit sa dalawampung taon upang sikapin pang balikan ang nakaraan kaya napailing na lamang siya hababng nanlulumo ang kanyang damdamin.  Bakas naman sa mukha ni Lakay Awallan ang labis na kalungkutan hanggang sa nahiling niya kay Bathala na sana pakinggan naman nito ang kanyang mga dalangin upang hindi magkatotoo ang kanilang kinakatakutan pagkat siya man ay nangangamba na rin ngunit ayaw lamang iparamdam para hindi ito magsasanhi ng pagkagulumihanan sa kanilang lahat.  Nnoong dumating sa kanilang bagong komunidad ang dalawang soldados ay biglang nagbalik sa kanyang alaala ang nakaraan pagkat ‘yon ang unang pagkakataon na muling namalas niya ang mga mukha na nagdulot ng siphayo sa kanila habang naroroon pa sila sa lumang komunidad kaya muling napukaw sa kanyang dibdib ang poot na kaytagal nang ibinaon niya sa limot.  Subalit hindi na naging katanungan ng kanyang sarili kung paano natuklasan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang bagong komunidad dahil walang liblib sa kabundukan ng Sierra Madre ang hindi magagawang pasukin ng mga soldados pagkat minsan na nilang narating ito kaya umaasa siya na hindi basta ipahihintulot ni Bathala upang maulit ang pangyayari.  Gayunpaman, nabahala pa rin siya nang maalaala na halos ganito nagsimula ang mga pangyayari bago naganap ang pananalakay ng mga soldados sa lumang komunidad ngunit ang kaibahan lamang nito ay tungkol sa buwis at amilyaramyento ang naging problema nila noon nang tumanggi sila upang bayaran ang malaking pagkakautang nila dahil sa paniniwala na nais lamang samantalahin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang kamangmangan.  Pero mababayaran man nila ang pagkakautang na ‘yon ay tiyak na ipalulusob pa rin ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang lumang komunidad pagkat ginamit lamang na dahilan ang buwis at amilyaramyento upang kamkamin ang kanilang malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre dahil nauna rito ang ginawang pananalakay rin ng mga soldados sa dating komunidad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac hanggang sa napatay ang kanyang kapatid na si Lakay Lumbang.  Hanggang sa naisaloob niya na hindi tanggulan ng bagong komunidad ang kagubatan upang ipagpalagay na hindi kayang marating ng mga soldados ang bagong komunidad dahil nangyari na kaya nararapat lamang paghandaan ang posibilidad na mauulit ang pananalakay nila sa hating–gabi habang natutulog nang mahimbing silang lahat pagkat kabisado na nila ang mga liblib sa pusod ng kagubatan.  Walang hindi kayang tuntunin ang mga soldados dahil halos araw–araw ang ginagawang operasyon nila sa kabundukan ng Sierra Madre kaya hindi na balakid sa kanila ang mga ilog, ang madudulas na bulaos, ang mapanganib na lingay at ang mga mababangis na hayop pagkat naging bahagi na ito sa kanilang entrenamiento bago sila nadestino sa bayan ng Alcala.  Subalit kinutuban siya nang mamalas ang mga uniporme na suot ng dalawang miyembro ng grupo ni Kumander Tallang dahil madaling iugnay ito sa dalawang soldados na dumating sa kanilang bagong komunidad upang ibando ang ordinansa tungkol sa cedula ngunit hindi na niya tinangka ang mag–usisa pagkat wala siya sa katayuan para alamin ang katotohanan.  Pumiksi na lamang siya habang minamasdan ang kabundukan ng Sierra Madre hanggang sa binalingan niya si Bag–aw pagkat talaga namang hindi nila kailangan ang grupo ni Kumander Tallang dahil ligtas sila habang naririto sa bagong komunidad maski natatakot pa rin siya para sa seguridad ng mga kababaihang Malauegs dahil sila ang madalas bumababa sa bayan ng Alcala upang maglako ng mga gulay.  Maliban sa umaasa na sana may kahinatnan ang ginagawang plano ng magkapatid na amang Tagatoy at amang Luyong para magiging ligtas ang mga kababaihang Malauegs sa tuwing naglalako sila ng mga gulay maski walang hawak na cedula kung may mga kalalakihang Malauegs ang sumasabay naman sa kanila upang tiyakin ang kanilang seguridad pagkat hindi dapat matitigil ang kanilang hanapbuhay.  Sapagkat hindi lamang nakadepende sa pangangaso ang kanilang mga pangangailangan kaya handang suungin ng mga kababaihang Malauegs ang panganib maski walang hawak na cedula kung mahuli sila ng mga guwardiya sibil kaysa mamamatay naman sa gutom ang kanilang mga pamilya dahil sumukot sa takot ang kanilang mga sarili gayong may magagawa naman sila.

            “Sana nga . . . hindi na mangyayari uli ‘yon . . . Bag–aw!  Dahil ito  . . . ang lagi kong ipinagdarasal kay Bathala!  Bagaman . . . walang duda!  Magpapatuloy pa rin  . . . ang pagkakaroon ng pagbabago . . . sa ating bayan . . . dahil sa kanilang pagdating!  Sapagkat malinaw naman . . . Bag–aw!  Ang talagang layunin nila rito . . . ang magtayo ng sibilisasyon!  At palaganapin . . . ang kanilang relihiyon!”  Segurado, magiging kapuri–puri sa mga katutubo ng Sierra Madre ang pagbabago na pinagsisikapang simulan ng pamahalaang Kastila ng Alcala kapag namalas nila ang kabutihang dulot nito sa kanilang buhay dahil magiging daan ito upang mamulat sa kahalagahan ng sibilisasyon ang kanilang mga kaisipan lalo’t magbibigay ito sa kanila ng maraming pagkakataon tulad ng bumasa’t sumulat kaya mapupunan ng maraming karunungan ang kanilang kamangmangan para magagawa nila ang sumabay kahit sa pagsasalita man lamang ng wikang Kastila.  Marahil, hindi naman ganoon kamangmang ang mga katutubo ng Sierra Madre upang tanggihan nila ang maraming kapakinabangan na taglay ng sibilisasyon kung ito naman ang magpabago sa kanilang pamumuhay at pananaw dahil tao lamang sila para isiping hindi nila ramdam ang pangingimbulo lalo’t namamalas sa kanilang mga sarili ang malaking kaibahan kung ihambing sa mga hitsura ng mga banyaga.  Subalit nagiging makabuluhan lamang ang pagbabago kung walang namamatay, walang dumaranas ng pagmamalabis at walang inaagawan ng mga lupain at lalong katanggap–tanggap ang kahalagahan nito kung may kalayaan ang mga katutubo ng Sierra Madre kahit kaiba ang kanilang lahi, kulay at pananalig dahil mas importante sa mga mamamayan ang paggalang sa karapatan ng bawat isa upang mapapanatili ang mapayapang pamayanan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *