Talagang walang dapat ipagyayabang ang mga banyaga kung wariing mabuti pagkat tinanggap ng mga katutubo ng Sierra Madre ang kanilang pagdating sa bayan ng Alcala nang walang pagdadalawang–isip sa kanilang tunay na pakay dahil sa paniniwala na sila ang magiging daan upang mabago ang buhay nila ngunit sa kasamaang–palad lamang pagkat ipinagdamot ang kanilang taglay na karunungan. Mahalaga sa mga katutubo ng Sierra Madre ang pagmamahal sa kapwa maging banyaga man sila dahil ito ang utos sa kanila ni Bathala ngunit hindi ito tinugon ng mga tao na naturingang sibilisado upang maramdaman sana nila ang kabutihan sa pamamagitan ng pakipagkaibigan pagkat dito laging nagsisimula ang magandang ugnayan ng dalawang lahi. Bagkus, nasalitan ng matinding pagkamuhi ang pagmamahal na sinisikap ibahagi ng mga katutubo ng Sierra Madre nang samantalahin lamang ng mga banyaga ang kanilang kamangmangan hanggang sa lumubha pa ito nang walang habas na pinalayas sila mula sa mga komunidad na pagmamay–ari pa mandin ng kanilang mga ninuno mula nang likhain ni Bathala ang mundo. Kasalanan ba kung walang naipakitang titulo ang mga katutubo ng Sierra Madre upang patunayan ang kanilang karapatan sa mga lupain na kaytagal nang pinamahayan nila kaya tunay na masakit damhin ang katotohanan na hindi tao ang naging turing sa kanila ng mga banyaga pagkat natanim sa mga kaisipan nito ang paniniwala na isang uri ng alipin sila na sa Pilipinas lamang natatagpuan base sa aklat na nailathala sa bansang España
“Aba! Magpabinyag na rin kaya tayo . . . Apong Awallan?! Opo! Kung ‘yon lang pala . . . ang tanging paraan . . . para tigilan na tayo ng mga banyaga! Ano sa palagay mo . . . ha?! Mistad?!” Walang kaginsa–ginsang napatingin nang sabay sa labas ng tangkil sina Lakay Awallan at Bag–aw upang kilalanin ang sumabad sa kanilang pag–uusap pagkat mali pala ang akala na walang nakikinig sa kanila dahil tumingin pa sa kabundukan ng Sierra Madre ang matanda nang mabanggit ang naging kaugnayan nito sa kanilang buhay ngayong ramdam nila ang matinding balais kaya namalayan sana nila kung may lumapit. Napakamot na lamang sa ulo si Bag–aw nang makilala ang pangahas hanggang sa napasulyap pa siya kay Lakay Awallan ngunit walang narinig mula sa kanya maski halatang hindi niya nagustuhan ang ginawang pang–aabala ng pangahas sa kanilang pag–uusap ngunit hindi niya naiwasan ang mapaisip dahil may katuwiran din naman kung limiing mabuti ang tinuran nito para sa kapakanan ng tribung Malauegs maski ipinagpalagay pa na maaaring biro lamang ito. Nang mapagsino ni Lakay Awallan ang may–ari ng boses ay napahinagpis na lamang siya sa halip na magalit dahil tumimo sa kanyang isip ang tanong kung ano kaya ang magiging kahinatnan ng kanilang tribu kung lahat sila’y katutubong binyagan na rin pagkat tiyak na ito naman ang magiging dahilan upang mamaalam na sila sa kabundukan ng Sierra Madre samantalang sadyang inilaan ito ni Bathala matapos likhain nito ang mundo para pamahayan ng tribung Malauegs. Napailing nang mariin ang kanyang ulo pagkat ayaw niya na mangyayari rin sa mga katutubong Malauegs ang naging karanasan ni Kumander Tallang upang walang pagsisihan balang araw dahil seguradong wala na silang babalikan pa sa kabundukan ng Sierra Madre na naging paraiso ng kanilang kabataan mula pa sa panahon ng kanilang mga ninuno. Tuluyan nang natigil ang pag–uusap nina Lakay Awallan at Bag–aw dahil ikinabigaw nila ang boses ng isang pangahas na walang pakundangang sumabad lalo’t nabanggit pa nito ang salitang binyag na ipinagtaka naman nila pagkat tungkol sa pagbabago ang kanilang tinatalakay kaya nagkatinginan na lamang ang mag–apong maski hindi nila nagustuhan ang inasal nito nang walang pasintabi. Tungkol sa pagbabago ang binibigyang–diin ni Lakay Awallan para ipaunawa kay Bag–aw ang layunin ng mga banyaga maski salungat dito ang kanyang sarili kung pagbatayan ang sinapit ng kanilang lumang komunidad pagkat sinasamantala lamang ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang pagkakataon upang kamkamin ang malawak na kalupaan ng Sierra Madre habang kontrolado pa nito ang bayan ng Alcala. Gayong taliwas ito sa totoong layunin ng mga prayle na palaganapin ang pananampalataya upang mahikayat magpabinyag ang mga katutubo ng Sierra Madre pagkat imposible nang gustuhin pa ng mga katutubong erehe ang magpabinyag sila matapos ang mga pangyayari lalo na ang mga katutubong Malauegs dahil sa naranasang pagdurusa kaya nawalan na sila ng katahimikan. Kunsabagay, pabor naman kay Bag–aw ang pagdating ng pangahas pagkat makukumpirma niya kung talagang tuloy mamayang gabi ang lakad nila maski wala pang katiyakan kung payagan naman kaya siya dahil batid naman niya na ayaw ni Lakay Awallan ang lumabas siya sa gabi kahit ang mangapit–kubol lamang kaya sandaling napatingin siya sa kanyang apong. Aywan kung handa na siya upang ipaalam kay Lakay Awallan ang totoong sadya ng lakad niya mamayang gabi basta sa kanyang paniniwala ay hindi pa dumating ang tamang panahon para ipagtapat ang kanyang lihim dahil wala pa namang kaseguruhan ang lahat habang hinahawi pa lamang niya ang mga balakid para magkaroon ng katuparan ang pinapangarap na kaligayahan.
“Mistad Lawug . . . kanina ka pa ba r’yan . . . ha?!” Si Lawug pala ang sumabad sa pag–uusap nina Lakay Awallan at Bag–aw ngunit ikinagulat ng dalawa ang kanyang biglang pagdating pagkat hindi niya dating ginagawa ang lumilipat sa kanilang kubol para makipagkuwento gayong maaaga pa kung ito ang kanyang sadya hanggang sa napatingin sa kanluran ang matanda upang alamin kung lumubog na ba ang araw. Sapagkat talagang nalibang din naman sa pakipag–usap kay Bag–aw si Lakay Awallan kaya hindi pa niya nasisimulan ang panalangin para sa dapit–hapon ngunit napansin niya na mahaba yata ang liwanag dahil hindi pa dumatal ang silim sa paligid maski ramdam na niya ang lamig sa hapon hanggang sa muling dumako kay Lawug ang kanyang pansin na waring nagtatanong. Sapagkat hindi pa nagtatawag ng hapunan ang mga kusinera upang dumulog na sa hapag si Lawug kahit isa mga naatasan ngayong araw sa kusina ang kanyang inang Naga dahil kasalukuyan pa lamang linuluto ang mga pagkain pagkat sumaglit pa sila sa tumana para mamitas ng mga gulay ngunit hindi na lamang kumibo si Lakay Awallan kahit hindi niya inaasahan ang pagdating ng mistad ni Bag–aw. Subalit hindi pa rin naiwasan ng sarili niya ang magtanong kung tama ba ang naging palagay niya na si Bag–aw ang talagang sadya ni Lawug maski bihira kung magkita ang dalawa pagkat si Alba ang laging sumasabay sa kanya sa pangangaso kung hindi nagdeklara ng giyera si Sahing kaya napatingin na naman sa binata ang mga mata niya sa pagbabakasali na may ipagtatapat siya. Sa halip na matuwa si Bag–aw maski nagpaalaala sa kanya ang sadya ni Lawug kung bakit dumating siya sa kanilang kubol ay naging pormal pa rin ang kanyang mukha pagkat talagang nakapanghihinayang ang pagkakataon nang gambalain nito ang pag–uusap nila ni Lakay Awallan dahil lumalabas na marami pa palang dapat malaman niya habang nagpapalitan sila ng kuru–kuro.
ITUTULOY
No responses yet