Mangmang man ang naging turing ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga katutubong Malauegs ngunit ang taglay na kaalaman ni Lakay Awallan mula pa sa kanyang kabataan hanggang ngayong matanda na siya ay sapat na upang paniwalaan na laging tama ang kanyang naging obserbasyon na malayo ang posibilidad para magkaroon ng katuparan ang pangarap nilang makapag–aral maski magiging katutubong binyagan pa silang lahat. Siyempre, magdadalawang–isip muna ang pamahalaang Kastila ng Alcala bago ipamulat sa mga katutubong Malauegs ang kanilang mga karapatan dahil mga banyaga lamang ang nararapat magkaroon nito maliban sa mga dasal pagkat kailangan ituro ito sa kanila bilang mga binyagan upang sundin nila ang maling paniniwala na kasalanan ang hindi nagbibigay ng kontribusyon sa simbahan upang lalong masasadlak sila sa kahirapan. Batid ng pamahalaang Kastila ng Alcala na posibleng gamitin lamang ng mga katutubong Malauegs laban sa gobyerno ang kanilang karunungan kapag napag–aralan nila sanhi ng marubdob na hangarin upang tuklasin ang katotohanan na may karapatan pala ang bawat nilalang sa mundo kaya nararapat lamang ipaglaban nila ito dahil walang kailangan kahit buhay pa nila ang magiging katumbas sa pagtatanggol. Segurado, mapapaknit na sa isipan ng mga banyaga ang maling pagkaintindi na sa Pilipinas lamang matatagpuan ang pambihirang uri ng alipin dahil hindi na basta madidiktahan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga katutubong Malauegs kung may taglay nang karunungan ang kanilang mga sarili pagkat tiyak hindi na rin sila papayag upang yurakan pa ng kahit sino ang kanilang mga karapatan. Sapagkat puwede na silang makipagtagisan ng katuwiran sa mga banyaga upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan ay walang duda na lalong mag–aalab ang kanilang lunggati upang makamtan ang kanilang minimithing kalayaan pagkat ito ang nararapat na maging sigaw nilanng lahat sa halip na sila ang ginagawang busabos sa sariling bayan. Puwes, kailangan masupil na agad ang ninanais mangyari ng mga katutubong Malauegs bago pa maganap ang kinakatakutan ng mga banyaga para hindi na umabot sa sukdulan ang sitwasyon dahil tiyak na walang kalaban–laban maski armado pa ng mga fusil ang mga soldados at mga guwardiya sibil kung sabay–sabay naman ang pag–aalsa nila sa tulong ng kilusan ni Kumander Tallang na naghihintay lamang ng tamang pagkakataon upang ibagsak ang pamahalaang Kastila ng Alcala. Sa halip na pag–aaksayahan pa ng panahon ang pagtuturo sa mga katutubong Malauegs nang matuto silang bumasa’t sumulat ay talagang gustuhin na lamang ng pamahalaang Kastila ng Alcala na panatilihin ang kanilang kamangmangan para madali na lamang sa kanila ang maniwala sa mga kasinungalingan sa pamamagitan ng pagpapairal ng mga ordinansa upang wala silang matutuklasan na anupaman na maaaring mag–udyok sa kanila ng himagsikan pagdating ng araw. Maliwanag na maraming problema ang dapat isaalang–alang muna ng mga katutubong Malauegs dahil hindi pala solusyon ang magpabinyag sila kahit marami–maraming buhay rin ang nabago mula nang yakapin nila ang pananampalataya, marami rin naman ang kinasiyahan ng suwerte nang mapatakan ng agwa bendita ang kanilang mga noo ngunit hindi pa rin puwedeng panghawakan ang katuwirang ito pagkat hindi pare–pareho ang kapalaran ng tao. Basta ang malinaw para kay Lakay Awallan ay magpapatuloy sa paghahasik ng lagim ang pamahalaang Kastila ng Alcala hanggang hindi nakamkam nito ang malawak na kalupaan ng Sierra Madre dahil hindi na priyoridad nito ang umasiste sa mga prayle upang maipalaganap ang pananampalataya na pangunahing layunin nila matapos matuklasan nito na hindi pala titulado ang mga lupain na kinatatayuan ng mga komunidad ng mga katutubo ng Sierra Madre. Subalit hindi naman niya maibigay ang tiyak na tugon kung hanggang kailan ito magtatagal dahil maraming bagay ang kailangan ikonsidera pagkat hindi puwedeng iaasa nila sa kilusan ang kalutasan ng problema kahit gaano pa kasigasig sa hangarin ang grupo ni Kumander Tallang upang wasakan ang paniil ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa mga katutubo ng Sierra Madre.
“Sandali lang . . . mistad! Huwag ka . . . masyadong magmamadali! Ha? Kasi . . . hindi ganoon kadali ‘yon! Oo!” Palibhasa, may kimkim na galit ang puso ni Bag–aw laban sa pamahalaang Kastila ng Alcala ay hindi niya namamalas ang kabutihan sa katuwiran ni Lawug pagkat mahirap din namang paniwalaan na nanaisin nilang lahat ang magpabinyag para magkaroon lamang ng katuparan ang kanilang mga pangarap sa bubay kahit kabalintunaan ito sa posibleng mangyayari sa kanila sa hinaharap kung magiging padalus–dalos sila sa paggawa ng desisyon. Sapagkat mas nararamdaman pa niya ang tinamong kasawian ng kanyang mga magulang na parehong biktima ng atrosidad ng pamahalaang Kastila ng Alcala kaya hindi rin siya puwedeng sisihin kung naging mapaghiganti ang puso niya pagkat nagdusa sanhi ng matinding kaapihan ang kanyang damdamin nang maging ulilang lubos siya dahil sa mga kuwento na lamang nakilala niya kung sino sila. Kulang ang mahigit sa dalawampung taon hanggang hindi niya naisakatuparan ang paghihiganti para ganap niyang malilimutan ang sinapit ng kanyang mga magulang ngunit hihintayin pa rin niya ang araw na hindi na kailangan hingin pa niya ang pagsang–ayon ni Lakay Awallan dahil hindi naman siya papayag upang taglayin sa hukay ang kabiguan niya. Hindi rin niya lubos maintindihan kung bakit matindi ang pagtutol ni Lakay Awallan sa kanyang balak gayong buhay ng kanyang mga magulang ang nais niyang bigyan ng katarungan pagkat hindi rin nila matatamo ang kapayapaan habang laging nagpapagunita sa kanilang mga isipan ang mapait na alaala dahil wala silang ginawang hakbang. Tuloy, napapaisip siya nang magtanong ang sarili kung hindi ba naging mahalaga para kay Lakay Awallan ang buhay ng kanyang amang pagkat hindi puwedeng idahilan na ayaw niya ng kaguluhan samantalang nag–iisang anak niya si Alawihaw na binaril nang walang kalaban–laban habang ipinagtatanggol nito ang kanilang lumang komunidad upang hindi niya hangarin ang maghiganti laban sa mga soldados. Segurado, ganito rin ang iniisip ng mga namatayan ng kanilang mga amang maski hindi sila nagsasalita ngunit tiyak nagpupumiglas mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso ang paghihiganti kung hindi lamang nagpahiwatig ng pagtutol si Lakay Awallan pagkat walang katiyakan ang susunod na pagkakataon upang maisakatuparan pa nila ito dahil wala na rin kabuluhan kung patay na silang lahat. Sapagkat hindi puwedeng bumangon mula sa hukay ang mga patay upang sila mismo ang magsagawa ng paghihiganti kung nabigo mang isakatuparan ito noong nabubuhay pa lamang sila pagkat tiyak na gustuhin na lamang nila ang manahimik kaysa muling masasadlak sa kabiguan kung maging ang mga multo nila ay hindi na rin kinakatakutan ng mga soldados. Sadyang mahirap ipagwalang–bahala ang kuwento tungkol sa mga nakulong sa natutupok na sagradong kubol dahil dinig pa rin hanggang sa pusod ng kagubatan ang mga palahaw ng mga musmos, ang mga hagibik ng mga kababaihang Malauegs at ang pananangis ng lupon ng mga matatandang Malauegs habang nasusunog nang buhay silang lahat pagkat nagiging maigsi lamang ang mahigit sa dalawampung taon sa tuwing binabalikan ito sa alaala.
ITUTULOY
No responses yet