Kasamaang–palad dahil hindi pa yata nagpaalam kay Lakay Awallan si Bag–aw gayong may lakad pala siya mamayang gabi ay malamang na wala rin kaseguruhan kung payagan siya ngunit nagiging madali lamang ang pag–iisip ng paraan kung talagang desidido ang kalooban upang ituloy ang gustong gawin pagkat walang masama sa bawal basta huwag lamang magpahuli.
“Ikaw . . . mistad! Ha?! Basta ka na lamang sumasabad . . . sa usapan! Nang . . . walang pasintabi! Bakit ka nga ba . . . naparito? Ha?! Ang alam ko . . .! Mamayang gabi pa . . . ang tipanan natin sa ibayo! Hindi ba?!” Kung isang sekreto ang tipanan na sina Bag–aw at Lawug lamang ang dapat nakababatid ay tiyak huli na ang lahat upang ituwid pa ang kanilang pagkakamali pagkat hindi naman puwedeng ikubli sa kasinungalingan ang anumang naririnig ni Lakay Awallan nang kusang sambitin ito ng walang taros na bibig dahil talagang madaling madulas ang dila na may iniingatang lihim. Seguro, nawaglit din sa isip ni Bag–aw ang pag–iingat ngunit tatanggapin ba ni Lawug ang pagkakamali kahit siya ang dahilan kung bakit nabanggit ang sekreto maski hindi pa yata dapat malaman ng sinuman lalo na kay Lakay Awallan pagkat tiyak na sasamantalahin niya ang pag–uusisa upang linawin ang tungkol sa kanyang narinig para hindi nanghuhula ang sarili niya. Tuloy, napatingin na rin kay Lakay Awallan si Bag–aw upang pakiramdaman ang reaksiyon nito habang umiiling siya matapos mapagkukuro ang kanyang kamalian dahil hindi sana ito nangyari kung hindi siya nagpatangay ng inis kay Lawug kaya sarili rin niya ang dapat sisihin pagkat hindi niya ipinaalaala sa mga taong nakababatid sa kanyang lihim ang mahigpit na pag–iingat. Siyempre, nabigyan ni Lakay Awallan ng sariling kahulugan ang salita lalo’t ngayon lamang niya narinig ito mula mismo sa bibig ni Bag–aw hanggang sa naisaloob niya na talaga palang may dahilan ang pagpunta ni Lawug sa tangkil na taliwas sa kanyang akala kanina na maaaring napadaan lamang siya para dumulog sa hapag. Sapagkat hindi pa kahit kailan nababanggit ni Bag–aw ang tungkol sa tipanan ay naisip niya na maaaring isang lihim ito na ayaw ipaalam sa kanya ngunit lalong kumunot ang noo niya habang tinitiyak kung tama ba ang kanyang naging sapantaha hanggang sa kumislap sa utak niya ang hinala na posibleng may liniligawan na siya. Huh?! Muntik nang tumayo ni Lakay Awallan kung nahagilap agad ng kanyang kamay ang tungkod nang magbiro sa kanyang isip na malapit na palang magkaroon ng asawa si Bag–aw nang lingid sa kanya kung hindi pa nabanggit nito ang salitang tipanan ngunit hindi mawari kung pagtutol ang kahulugan ng kanyang mariing pag–iling basta hindi man lamang kumurap ang kanyang mga mata. Diyata, mag–aasawa na si Bag–aw maski nakapagtataka kung paano nagkaroon siya ng kasintahan kung hindi siya umaalis ng gabi hanggang sa naisaloob niya na puwede rin namang gawin sa araw ang panliligaw ngunit mas pinaninindigan niya ang paniniwala na maaaring tumatakas siya kung kailan mahimbing na ang tulog niya dahil hindi siya nagkukuwento tungkol dito sa tuwing nagpapaantok sila sa tangkil. Para malilinawan ang kanyang sarili ay hindi na siya nagdalawang–isip mag–usisa kung sino ang magiging katipan mamayang gabi nina Bag–aw at Lawug kaysa ililihim pa ng dalawa ngayong nalaman na niya ang tungkol dito upang isabay na rin nila ang pagpapaalam sa kanya ngunit depende pa rin sa kanilang paliwanag kung dapat bang pumayag siya lalo’t sinisikap pang ilingid nila ito sa kanya. Aywan kung nangahulugan ba ito na pumapayag na si Lakay Awallan upang magkaroon ng sariling pamilya si Bag–aw maski salungat ito sa madalas ikinakatuwiran niya na bata pa siya para lumagay sa tahimik kung kailan magulo ang sitwasyon lalo’t hindi pa naisakatuparan ang sumpang paghihiganti ay posibleng tuluyan na rin maisasantabi ito kapag nag–asawa siya at nagkaroon ng mga anak dahil tiyak mag–aatubili na rin siya.
“Tipanan?! Saan ‘yon?! Ha?!” Aywan kung natuwa si Lakay Awallan nang malaman niya na may usapan pala sina Bag–aw at Lawug upang lumabas mamayang gabi para sa isang tipanan hanggang sa nagpalipat–lipat sa kanilang dalawa ang kanyang mga mata pagkat mahirap paniwalaan ang kanyang naging kutob na maaaring may katagalan na ito. Nang magtanong ang sarili niya kung sino kina Bag–aw at Lawug ang umaakyat ng ligaw dahil hindi naman sila magpupuyat mamayang gabi kung kuwentuhan lamang ang sadya nila sa tipanan lalo’t pinaninindigan pa rin niya na hindi pa handa upang magkaroon ng sariling pamilya ang kanyang apo maski napag–iwanan na ng mga kaedad niya gayong sabay–sabay naman silang nasunat. Segurado naman si Lakay Awallan sa kahulugan ng tipanan dahil nangyari na rin ito sa kanyang buhay kaya naging anak niya si Alawihaw ngunit sa malimit na pagpapaantok nila sa tangkil at sa dinami–rami ng kanilang napag–uusapan ay wala siyang natatandaan na nagtanong tungkol sa panliligaw si Bag–aw maski pabiro man lamang kahit minsan. Dahil laging nauunang humiga si Bag–aw sanhi ng sobrang kapaguran niya sa maghapong pangangaso kaysa kanya ay mahirap isipin na sumasalisi siya kung mahimbing na ang kanyang tulog pagkat madaling–araw pa lamang ay gising na siya para ihanda ang sarili sa pangangaso kahit mag–isang pumapasok sa kagubatan kung hindi na niya mahintay si Alba. Nagdadalawang–isip si Lakay Awallan upang magpasalamat kung totoo na may nililigawan na si Bag–aw dahil malaki ang posibilidad upang maiiwan siyang nag–iisa sa kubol kung kailangan na nito ang humiwalay mula sa kanyang poder kahit huli na kung tuusin pagkat talagang dumarating sa tao ang ganitong sandali sa kanyang buhay kaya hindi puwedeng pigilin ninuman. Subalit naisip din naman niya na maaaring makabubuti kung mabaling sa panliligaw ang pansin ni Bag–aw sa halip na pangangaso ang kanyang laging inaatupag kahit ang totoo’y naroroon sa sulok ng utak niya ang matinding pagtutol pagkat mapipilitan siya upang mamumuhay nang mag–isa sa kubol kapag nag–asawa na ang apo niya gayong hindi pa siya handa lalo’t matanda na siya. Pero naguguluhan pa rin ang kalooban niya pagkat si Lawug ang sumasagot sa halip na si Bag–aw ang dapat magpaliwanag dahil talagang para sa kanya ang tanong ngunit hinayaan na lamang niya basta malaman lamang ang tungkol sa kanilang lakad mamayang gabi hanggang sa dumako sa hapag ang mga mata niya. Tuloy, nais na niya ang maniwala na si Bag–aw ang talagang may tipanan mamayang gabi pagkat hindi man lamang siya lumingon sa kanya kaya hindi kataka–taka kung bumalatay sa kanyang mga mata ang lumbay kahit gusto niya ang ngumiti upang ikubli ang totoong nararamdaman niya dahil wala sa hagap niya na marinig ang ganitong balita.
“Ah . . . ! Sa tawid po ng ilog . . . Apong! Opo! Doon po naninirahan! . . . si Annayatan! Ang pamilya po . . . ni Annayatan! Opo!” Totoo na malapit lamang ang pook na tinutukoy ni Lawug ngunit hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang sitwasyon sa labas ng bagong komunidad maski maliwanag ang buwan kung hindi naman maipangako nito ang kanilang kaligtasan dahil kaakibat ng gabi ang maraming panganib na hindi madaling mapansin lalo’t walang nakababatid kung ano ang naging hakbang ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa kanila dahil sa cedula. Hanggang sa napasilip sa labas ng tangkil si Lakay Awallan upang tayain ang tiyempo pagkat lubhang delikado ang tumatawid sa ilog kung masama ang panahon dahil bigla na lamang rumaragasa ang baha nang walang palatandaan ngunit gaano man kaaliwalas ang kalangitan ngayon ay posible pa rin magbago ang galaw ng hangin mamayang pagdilim. Naging aral na sa kanilang lahat ang kawalang–ingat sa mga sarili lalo’t marami–rami na ang nalunod sanhi ng pagiging alangas kaya walang pinapayagan upang tumawid sa ilog pagsapit ng gabi pagkat umaapaw ang tubig kung malakas ang ulan maliban na lamang kung talagang kailangan sunduin sa ibayo ang komadrona ngunit bihira lamang mangyari ito dahil sinasaluno na siya maski maliwanag pa lamang para maiiwasan ang disgrasya. Kailanman, hindi pa pumayag si Lakay Awallan upang lumipat ng kubol si Bag–aw para makipagkuwentuhan lamang dahil hindi dapat nagpupuyat siya pagkat laging madaling–araw ang gising niya ngunit nang kanyang malaman na may tipanan sila ni Lawug mamayang gabi ay hindi naawat sa pagtatanong ang kanyang sarili kung paano ito nangyari nang lingid sa kanya. Sana, payagan ni Lakay Awallan si Bag–aw dahil sa pangalan pa lamang ay tiyak na taglay ni Annayatan ang kagandahan na pumukaw sa kanyang pihikang puso para magkaroon na siya ng apo sa talampakan pagkat sobrang sakripisyo na rin sa kanyang panig kung wala man lamang nagbago sa kanyang buhay makaraan ang mahigit sa dalawampung taon. Nagtataka lamang siya kung bakit hindi pa rin sumasabad sa usapan si Bag–aw samantalang gusto na niyang paniwala na siya ang talagang may katipan mamayang gabi kahit masyadong maaga pa para umakyat na siya ng ligaw pagkat hindi pa sila kumain ng hapunan dahil maaaring nagpahabol naman ng karagdagang ulam ang mga kalalakihang Malauegs na kararating lamang mula sa tumana. Hanggang sa hindi na naitago ang kanyang ngiti nang may naalaala siya pagkat talaga namang kahiya–hiya kung sa bahay pa ng liniligawan maghapunan si Bag–aw lalo’t walang disiplina ang bibig niya kung gutom kaya malusog ang katawan niya maski laging pagod mula sa maghapong pangangaso. Aywan kung nangyari sa buhay ni Lakay Awallan noong nanliligaw pa lamang siya sa inang ni Alawihaw pagkat normal lamang kung naiugnay niya kay Bag–aw ang naging karanasan niya maski totoong nakakahiya ngunit nagiging katawa–tawa pa rin ito habang binabalikan sa gunita hanggang sa umiling na lamang siya nang maisaloob na malayong gagawin din ito ng kanyang apo.
“Annayatan?! Sino naman . . . si Annayatan?!” Talagang dahan–dahan pa ang bigkas ni Lakay Awallan sa pangalan ni Annayatan upang tiyakin na hindi siya magkakamali kahit gusto sana niya ang bumanggit ng iba upang pakiramdaman ang reaksiyon ni Bag–aw ngunit wala siyang maisip dahil mga kababaihang Malauegs ang madalas sumasalubong sa paningin niya sa tuwing lumalabas siya sa tangkil pagkatapos ang kanyang pagdarasal sa umaga’t hapon.
ITUTULOY
No responses yet