IKA – 190 LABAS

Kunsabagay, may punto rin naman ang Punong Sugo dahil hindi magdadalawang–isip tawirin ni Bag–aw ang ilog kung hindi rin lamang siya desidido kay Annayatan kaya balewala sa kanya ang banta ng rumaragasang baha sakaling abutin siya ng malakas na ulan basta madalaw lamang ang inspirasyon ng kanyang buhay upang patunayan ang katapatan niya.  Palibhasa, hanggang sa hapag ang nararating lamang ni Lakay Awallan sa tuwing lumalabas siya galing sa tangkil ay nasambit na lamang niya na maaaring natatangi ang kariktan ni Annayatan sa lahat nang mga kadalagahang Malauegs sa bagong komunidad pagkat hindi isusuko ni Bag–aw ang kanyang pagiging binata sa isang katulad ni Sahing dahil tiyak na ayaw rin nitong tahakin ang naging kalbaryo ni Alba.  Naging halimbawa ni Lakay Awallan si Alawihaw dahil sa isang dalagang Kalinga pa nahumaling ang kanyang puso samantalang maraming naggagandahang dilag din naman sa kanilang lumang komunidad noon ngunit hindi na siya tumutol pagkat mas madaling intindihin na posibleng nanggagaling sa tribung Kalinga ang itinakda ng kanyang kapalaran kahit nangangailangan ito ng sakripisyo sa tuwing dinadalaw niya si Dayandang dahil nalalagay sa panganib ang kanyang buhay habang binabagtas ang bundok ng Cordillera.  Pero muling ginulo ng katanungan ang kanyang isip kung talaga bang si Bag–aw ang may nililigawan sa ibayo kahit ito ang kanyang naging pagkukuro kanina pagkat si Lawug ang agresibo sa pagpapaliwanag gayong matagal na sanang nabanggit ng kanyang apo ang tungkol kay Annayatan dahil tiyak na hindi niya magagawang ilihim nang ganoon katagal ang totoong damdamin niya.  Naku!  Huwag naman sanang totohanin ni Lakay Awallan ang banta niya na makabubuti pa ang huwag na lamang niyang palabasin mamayang gabi si Bag–aw sakaling tama ang suspetsa niya na alalay lamang pala ni Lawug ang kanyang papel maski pinaninindigan pa rin niya ang katuwiran na bata pa ang apo niya para isipin na nito ang pag–aasawa.  Subalit siya na rin ang may sabi noon na madaling intindihin ang naging kapalaran ni Alawihaw kaysa ipagpilitan ang kanyang suhestiyon dahil hindi naman siya ang makisama habang sa kaso ni Annayatan ay posibleng si Bag–aw pa ang maambunan ng suwerte kung magkatuluyan ang dalawa basta dalasan lamang ang kanyang pagdarasal.  Sapagkat may kapilyuhan din ang tadhana kung hindi marunong magpasalamat ang pinagpala ngunit lalong masakit kapag humantong sa totohanang hiwalayan ang mag–asawa kung naging palalo ang biro nito sa kanila kaya masuwerteng hindi hamak sina Alba at Sahing pagkat nanatili pa rin ang kanilang pagmamahalan sa isa’t isa maski gabi–gabi ang deklarasyon nila ng giyera dahil nagiging ordinaryong tagpo na lamang ang madalas na bangayan nila.  Sakaling totoo na si Lawug ang talagang nanliligaw kay Annayatan ay idadalangin pa rin ba ni Lakay Awallan na sana dumating ang dilag na makakatuwang habambuhay ni Bag–aw dahil seguradong pagtatawanan lamang siya ng mga kadalagahang Malauegs kung maging bulandal siya hanggang sa kanyang pagtanda pagkat tiyak na mabibigyan nila ng malisyosong kahulugan kung bakit ginusto pa niya ang huwag nang magkaroon ng asawa.  Baka ang mga diwata na dating naaaliw sa kanya ay magsitago na lamang sa mga kuweba kapag natanaw nila ang kanyang pagdating para mangangaso sa kagubatan pagkat pinagdududahan na rin nila ang kanyang tunay na pagkatao ngunit lalong masama kung hindi na rin maglabasan mula sa mga lungga ang mga mababangis na hayop.  Dali–daling natampal ni Lakay Awallan ang kanyang noo matapos paalpasin mula sa kanyang dibdib ang malalim na buntung–hininga para pawiin ang mga nakababahalang sapantaha dahil walang duda na pamumunuan ng talyada ang tribung Malauegs sa halip na dating Punong Sugo hanggang sa muntik na siyang napahalakhak kung hindi naagapan ang pagtutop sa kanyang bibig pagkat lalong maghuhumiyaw ang mga kaluluwa ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang.

            “Hoy . . . mistad!  Tinatanong . . . ni Apong Awallan!  Kung . . . sino raw si Annayatan?!”  Nanlaki ang mga mata ni Lakay Awallan dahil kumpirmado na si Bag–aw pala ang nakatakdang pumunta mamayang gabi sa ibayo para manligaw kay Annayatan nang alipalang tumalilis siya papunta sa likuran ng kubol sa halip na magpaliwanag sa kanya upang narinig din niya ang kanyang pakiusap na sana magiging bahagi pa rin sa mga plano niya ang matanda na naging kasukob niya sa tirahan maski magkaroon na siya ng asawa.  Kunsabagay, likas na kay Bag–aw ang pagiging malihim kung may problema siya hanggang hindi ito itinatanong ni Lakay Awallan pagkat naisip niya na magiging kaabalahan lamang ang idulog pa sa kanya maging ang suliranin ng puso niya lalo’t laging bukambibig ng matanda ang katuwiran na bata pa siya upang naisin ang pag–aasawa sa tuwing nagtatanong sa kanya ang mga kababaihang Malauegs.  Tuloy, naalaala ni Lakay Awallan ang magpasalamat kay Bathala dahil naituwid ang kanyang maling sapantaha ngunit pumiksi lamang siya maski lalong tumindi ang pangamba sa kanyang dibdib nang maisaloob na araw na lamang pala ang kailangan bilangin niya upang tuluyan na siyang mag–iisa sa kubol pagkat wala rin namang magagawa ang kanyang pagtutol kung talagang desidido nang magkaroon ng sariling pamilya si Bag–aw.  Ikinagulat din ni Lawug ang biglang pag–iwas ni Bag–aw samantalang wala namang masama kung inamin niya ang totoo habang pangiti–ngiti lamang si Lakay Awallan imbes na magalit dahil sa naging asal ng kanyang apo gayong hindi naman dapat ikahihiya kahit ipagsisigawan pa sa kabundukan ng Sierra Madre na may nililigawan na siya hanggang sa nasundan na lamang nila ng tingin ang pagtakas niya.  Pero hindi pa rin mawari ni Lakay Awallan kung dapat bang humalakhak siya basta mas ramdam niya ang pangungulila pagkat nasanay na siya na laging may kasama sa kubol kahit noong nag–asawa na si Alawihaw ngunit may nagpaalaala pa rin sa kanya kung nawaglit sa isip niya ang kumain sanhi ng araw–araw na pagdarasal dahil kasuno naman niya ang binatilyong si Assassi.  Hanggang sa kailangan ni amang Assassi ang humiwalay na rin nang magkaroon ito ng pamilya ngunit si Bag–aw naman ang kanyang naging kasa–kasama sa loob ng mahigit sa dalawampung taon kaya nababahala ang kanyang kalooban ngayong hindi na puwedeng pigilin ang pagsapit ng panahon upang siya naman ang magsarili dahil talagang hindi niya napaghandaan ang ganitong kalagayan maski alam niya.  Tuloy, habang iniisip niya ang nalalapit na paghihiwalay nila ni Bag–aw ay lalong sumisidhi ang kanyang pangamba maski sinisikap niya ang ngumiti dahil hindi na puwedeng pagbawalan pa ang kanyang apo kung matagal na siyang nanliligaw kay Annayatan pagkat seguradong hindi na siya makikinig sa kanya lalo’t sadyang malakas ang balani ng mga pusong umiibig upang hamakin nito maging ang kanyang payo.  Matagal nalibing sa pananahimik ang kanyang sarili pagkat hindi niya lubos–maisip ang magiging buhay niya kung mag–isa na lamang siya dahil tiyak na mapipilitang magtayo ng sariling kubol si Bag–aw para ibukod ang asawa nito ngunit seguradong ikalulungkot naman niya ang pagdating ng araw na ito hanggang sa napatingala siya upang hilingin ang gabay ni Bathala.  Pumikit na lamang siya nang maramdaman ang pangulimlim ng kanyang mga mata para pigilin ang pagpatak ng kanyang mga luha dahil masyado nang malayo ang mahigit sa dalawampung taon upang balikan pa niya ang nakaraan maliban sa bakasin na lamang sa gunita ang mga alaala na iniwan nito pagkat lalong mahapdi kung hayaang dumaloy uli ang dugo mula sa puso na batbat ng maraming sugat.  Marahil, tagimtim na lamang ng kanyang kalooban ang magkaroon ng katuparan ang kanyang pangarap upang mahintay pa ang kanyang magiging apo sa talampakan bago tuluyang mamaalam sa mundo ang kanyang kaluluwa upang sundan si Alawihaw kung saan man siya naroroon ngayon para malaman din nito ang magandang balita tungkol kay Bag–aw.  Pagkatapos isandal sa silyon ang kanyang ulo ay napabuntung–hininga siya ngunit hindi na niya binalak ang umidlip uli dahil maaari nang simulan maya–maya lamang ang kanyang panghapong panalangin maski hindi na siya sumabay sa hapunan pagkat plano niya ang matulog nang maaga imbes na magpapaantok pa sa tangkil sa pagbabakasakaling malimutan niya kahit sa buong magdamag man lamang ang mga problema niya.  Mangyari, mistulang talunan ang naging pakiramdam niya dahil may inililihim pala si Bag–aw ngunit inaarok pa rin niya kung paano ba nagkaroon siya ng panahon sa panliligaw samantalang bihira lamang ang kanyang pahinga pagkat masyadong natuon sa pangangaso ang kanyang isip maliban na lamang kung talagang kailangan na ang maligo siya para hilurin ang kumakapal na libag sa kanyang mga singit.  “Si Bag–aw . . . na lamang po!  Ang tanungin n’yo . . . Apong!”  Ngumiti lamang si Lakay Awallan pagkat hindi niya puwedeng tanungin ang ayaw humarap sa kanya dahil hindi pa yata handa si Bag–aw upang ipagtapat sa kanya kung hanggang saan na ba ang relasyon nila ni Annayatan ngunit hindi na lamang siya nagsalita para hindi sumama ang loob nito kay Lawug.  Sapagkat hindi puwedeng itanggi ni Lawug na siya ang naging sanhi kung bakit naiugnay kay Annayatan ang itinakdang tipanan mamayang gabi lalo’t pinatunayan pa ito sa ipinakitang reaksiyon ni Bag–aw kahit wala silang narinig mula sa kanya ngunit madali namang unawain ang kahulugan ng kanyang biglang pagkaripas pagkat ngayon lamang nangyari sa kanya ang hindi naman dating ginagawa niya.  Base sa pagkaintindi ni Lakay Awallan ay walang duda na ikinagalit ni Bag–aw ang pagbanggit ni Lawug sa pangalan ni Annayatan nang walang pasabi muna mula sa kanya ngunit iniwasan na lamang niya ang magkomento pagkat dumarating na rin mula sa kusina ang sundo upang ipaalam na maaari na silang dumulog sa hapag para sa hapunan nila.  Minabuti na rin ni Lawug ang huwag nang magbigay ng karagdagang impormasyon patungkol kay Annayatan pagkat sapat nang pahiwatig ang kanyang namalas para hindi tuluyang magtampo sa kanya si Bag–aw lalo’t maramdamin ang puso niya kahit noong mga bata pa sila ay tumatahimik na lamang ang mga kalaro niya kapag nagsisimula na ang pagmamaktol niya.  Segurado, sa kusina dumaan nang pumasok sa loob ng kubol si Bag–aw pagkat naramdaman ni Lakay Awallan ang kanyang marahang paglalakad ngunit lumingon lamang siya imbes na pansinin ito dahil hindi na rin siya naghihintay ng paliwanag mula sa kanya kahit marami sana siyang itatanong tungkol kay Annayatan para makilala niya ang pagkatao nito maski hindi pa sila pinagtagpo ng pagkakataon.  Naipagpalagay ni Lakay Awallan na maaaring ninais na rin ni Bag–aw ang magkaroon ng sariling pamilya nang magkakilala sila ni Annayatan hanggang sa nasambit niya na posibleng may katuwiran din kung bakit hindi siya nagmadaling mag–asawa noon pagkat talaga palang may dahilan din ang kanyang matagal na paghihintay sa dalagang tunay na itinitibok ng kanyang puso.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *