Kunsabagay, hindi naging kataka–taka sa kanya kung bakit agresibo sa panliligaw kay Annayatan si Bag–aw dahil lahat naman ay ganito ang pangarap sa buhay lalo’t minsan lamang maramdaman ng pusong umiibig ang tunay na pagmamahal pagkat mahirap nang matagpuan sa pangalawang pagkakataon ang nais nitong makasama habambuhay kahit lakbayin pa niya ang karagatan upang hanapin ang kawangis ng kanyang pagsinta. Kung naging kaakit–akit sa pandinig ni Lakay Awallan ang pangalan ni Annayatan ay naseseguro rin niya na maganda siya sa personal ngunit tiyak hindi pa niya nakatagpo ang mga magulang nito pagkat kilala na niya ang lahat nang mga magulang na may mga anak na dalaga sa bagong komunidad. Kaya isa sa mga magiging katanungan sana niya kay Bag–aw ang tungkol sa mga magulang ni Annayatan pagkat ngayon lamang niya nalaman na may pamilya palang naninirahan sa ibayo maliban pa ang albularyo at komadrona ng tribung Malauegs hanggang sa natanong niya ang sarili kung posible bang batid na rin nila na apo niya ang nanliligaw sa kanilang dalaga. Subalit hindi rin naman padadaig ang kakisigan ni Bag–aw maski sunog sa araw ang kanyang balat dahil pinaghalong Malauegs at Kalinga ang kanyang lahi kung ikumpara naman sa mga banyaga kahit wala siyang pinag–aralan pagkat mga ilong lamang ang maipagmalaki nila at mapusyaw na kaputian dahil namumutla ang mga kutis. Kaya nakalalamang na si Bag–aw sa kahit sinong kalalakihang Malauegs kung hitsura lamang ang batayan ni Annayatan sa maging sinta niya dahil tiyak na ayaw rin ng kanyang mga magulang na isang banyaga pa ang magiging manugang nila kahit ito na ang pagkakataon nila upang magkaroon ng sariling fusil. Mga pasubali na seguradong ipaglalaban naman ni Lakay Awallan pagkat talagang natatangi sa bagong komunidad ang taglay na tikas ni Bag–aw kaya tiyak na ito rin ang posibleng katuwiran kung bakit nabihag niya ang puso ni Annayatan ngunit nakapanghihinayang pa rin kung ayaw niyang magkuwento tungkol sa kanilang dalawa para nabigyan din sana ng payo dahil wala na rin katuturan upang tumutol pa siya. Seguro, narinig ni Lawug ang bulong ng isip ni Lakay Awallan pagkat tumikhim siya upang ipahiwatig ang kanyang pagtutol saka lumakad papunta sa hapag upang dumulog sa hapunan kaysa abutin pa siya ng gutom sanhi ng paghihintay dahil wala rin mabigkas na anumang kapintasan sa hitsura ni Bag–aw ang kanyang bibig para hindi siya maitsa–puwera sa pamanhikan.
Nairaos na ni Lakay Awallan ang panghapong dasal hanggang sa nahiga na rin siya matapos kumain ng hapunan dahil talagang balak naman niya ang matulog nang maaga ngunit nagtatanong pa rin ang kanyang sarili kung paano ba nakilala ni Bag–aw si Annayatan samantalang mas naging libangan pa nito ang pangangaso kaysa makipagkaibigan sa mga kadalagahang Malauegs sa kanilang bagong komunidad habang nagpapalipas sana ng panghal. Minsan, naging palagay pa niya na maaaring ginayuma ng ada si Bag–aw pagkat araw–araw ang kanyang pangangaso sa halip na magpahinga kahit paminsan–minsan dahil wala naman siyang pamilya na nangangailangan ng kanyang suporta samantalang ang mga pamilyadong kalalakihang Malauegs ay nag–uunahan upang hingin ang pahintulot niya para ipasyal ang kanilang mga anak kung araw ng palengke sa bayan ng Alcala. Kunsabagay, may layunin din naman ang pangingilag ni Bag–aw nang maiisawan niya ang masangkot sa problema dahil may mga asawa na ang karamihan sa kanyang mga kaedad para maagapan agad ng lunas ang sugat likha ng matabil na dila sa pang–uulot ng malisyosong utak pagkat walang pinipili ang selos upang magkaroon lamang ng rason ang pagsusuwatan nilang mag–asawa. Aywan kung batid na ni Lakay Awallan na matagal nang hindi nag–uusap sina Bag–aw at Alba pagkat hindi marunong magtimpi ang kanyang apo ngunit dapat malaman muna niya kung sino ang pasimuno ng hidwaan dahil madali lamang ang manisi gayong hindi na lingid sa kanila ang kanyang ugali. Pero madaling sabihin na talagang nagdulot ng negatibong epekto kay Bag–aw ang pagiging ulilang lubos niya ngunit may katuwiran din naman upang magalit siya pagkat hindi na normal kung halos araw–araw ang ginagawang pangangantiyaw sa kanya dahil maliwanag na hinahamak nila ang kanyang pagkatao sa halip na respetuhin nila ang nag–iisang apo ng Punong Sugo ng tribung Malauegs. Gayunpaman, malaki pa rin ang kasalanan ni Alba kung tuusin dahil siya ang dapat naging tagapagtanggol ni Bag–aw pagkat nakatatandang kapatid ang tingin niya sa kanya lalo’t hindi na lingid sa kanya ang pagiging matampuhin niya dahil hindi marunong magtimpi kaya nararapat lamang magsisimula sa kanya ang hakbang upang magkaayos silang dalawa. Sapagkat naging sensitibo ang damdamin ni Bag–aw ay siya na ang kusang lumalayo upang hindi humantong sa karahasan sakaling lumubha pa ang kantiyawan dahil talagang nagngangalit ang kanyang kalooban kapag nabibigyan niya ito ng masamang kahulugan maski pasapyaw lamang basta nakanti ang kanyang kaakuhan ngunit hindi naman nagkamali ang kanyang desisyon pagkat nagbunga ng kabutihan ang pag–iwas niya sa kanila. Palibhasa, lalong nahasa ang kanyang kakayahan dahil naging masigasig siya sa pangangaso kahit walang sumasabay sa kanya ay marami naman ang kanyang huli sa tuwing umuuwi siya sa bagong komunidad pagkat walang kahuntahan sa pag–iisa ang sarili niya samantalang hindi lamang nagastusan kundi napagod din sa paglalakad habang papunta at pabalik ang mga bumaba sa bayan ng Alcala maski nalibang sa maghapong pamamasyal ang kanilang mga pamilya. Basta ang pakiwari niya ay nagkakaroon ng kapanatagan ang kanyang kalooban sa tuwing nangangaso siya maski mapanganib sa kanya ang nag–iisa sa kagubatan dahil wala siyang naririnig na maaaring ipagdaramdam ang kanyang puso hanggang sa dumarating sa kanya ang sandali na nag–aatubili nang bumalik sa bagong komunidad ang sarili niya kung hindi lamang naaalaala niya si Lakay Awallan na laging hinihintay ang kanyang pag–uwi. Katunayan, aliw na aliw siya habang nakikinig sa mga huni ng mga ibon pagkat pinapawi nito ang kanyang kalungkutan ngunit hindi pa rin naiiwasan niya ang magdamdam sa tuwing naalaala ang kanyang mga magulang dahil hindi niya naranasan ang maglambing sa kanyang inang Dayandang ngunit tinitiis na lamang niya ito kaysa maghanap pa ng pagbuntunan ng sisi kung bakit ganito ang naging buhay niya. Dapat mang pangingilagan ang kagubatan ngunit paraiso ito para sa kanya na madalas naglalagi rito hanggang sa abutin ng dilim pagkat walang duda na binabantayan siya ng kanyang mga magulang maski walang namamalas ang kanyang mga mata upang iparamdam ang pagmamahal na hindi nila naipagkaloob sa kanya sanhi ng maagang paglisan nila sa mundo. Pero may mga pagkakataon na hinahanap–hanap din niya si Alba pagkat matagal na rin hindi sila nag–uusap ngunit malayo yata ang posibilidad upang gumawa siya ng hakbang para magkabati uli sila dahil masyadong nasaktan ang kalooban niya sa kanyang kantiyaw kaya ipinauubaya na lamang niya sa himala kahit walang katiyakan kung kailan ito magaganap basta bahala na ang bukas. Hanggang sa dumating ang gabi nang biglang dumalaw si Alba ngunit dala nito ang magandang balita na hindi naman natanggihan ni Bag–aw maski ikinagulat niya lalo’t ito rin ang pagkakataong hinihintay niya upang magkabati na silang dalawa pagkat masyado nang matagal ang isang buwan para matiis nila ang isa’t isa samantalang mas kapana–panabik mapakinggan uli ang mga kuwentuhan at halakhakan habang nangangaso sila sa kagubatan.
ITUTULOY
No responses yet