IKA – 192 LABAS

            Mula nang magkatampuhan sina Bag–aw at Alba ay matagal din hindi na nagsasama sa pangangaso ang dalawa na lubhang nakaapekto naman sa pinagsamahan nila kaya parehong inaasam na sana matapos na ang kanilang hidwaan upang manumbalik na rin ang kanilang masasayang araw na mahirap isantabi kung lagi namang nagpaalaala ito sa tuwing nag–iisa ang bawat isa sa kanila dahil hindi pala ganoon kadali ang magkunwari na hindi kawalan ang sinuman sa kanila.   Si Alba lang naman ang katulingaw ni Bag–aw sa pangangaso ngunit nabago ang lahat maging ang pakikitungo nila sa isa’t isa dahil masyadong dinibdib ng binata ang kanyang ginawa hanggang sa tumagal ito kahit sa puso nila ay seguradong naroron ang matinding hangarin na sana magkabati na sila pagkat higit pa sa magkapatid ang turingan nilang dalawa kaya talagang nakapanghihinayang.  Sadyang inaagahan ni Bag–aw ang pagpunta sa kagubatan para hindi sila magpang–abot ni Alba na laging tanghali ang gising dahil mas nangangailangan ng atensiyon ang kanyang pamilya lalo na nang muling magdalantao ang kanyang asawa kaya tuluyan nang nawalan siya ng panahon upang sabayan sa pangangaso ang kanyang mistad hanggang sa napapailing na lamang siya.  Subalit pinanghahawakan pa rin ni Alba ang natitirang pag–asa na sana magkabati na sila ni Bag–aw dahil hindi naman maaaring taglayin hanggang sa pagtanda ang kanilang tampuhan kung puwede namang ayusin ito habang wala pang nakababatid pagkat tiyak na masesermunan naman siya ni amang Luyong gayundin si Bag–aw kay Lakay Awallan.  Kasamaang–palad lamang dahil si Lakay Awallan ang laging nararatnan niya na gising pa habang nagpapahinga sa tangkil kung kailan may panahon siya upang dalawin sana si Bag–aw kaya kaagad nagpapaalam na siya pagkat tulog na ang kanyang mista kahit may pagdududa siya ngunit kailangan paniwalaan niya ang salita ng Punong Sugo.  Aywan kung nagtulug–tulugan lamang si Bag–aw basta ito ang laging sinasabi ni Lakay Awallan sa tuwing lumilipat siya sa tangkil ngunit lalo lamang nanunumbat ang kanyang sarili dahil sa pagkakamali na labis namang pinagsisisihan niya pagkat naging sanhi pa ito upang masira ang kanilang pagiging mistad kaya pinapalipas na lamang niya sa pamamagitan ng pagbabalik–tanaw sa mga masasayang araw noong sabay pa sila sa pangangaso para pawiin ang kanyang pananabik na muling makasama siya.  Parang tinitikis naman siya pagkat hindi umeepekto ang lahat nang paraang naisip niya upang mapalis ang pagtatampo ni Bag–aw ngunit hindi pa rin siya sumusuko dahil naging karagdagang alalahanin lamang niya ang nangyayari sa kanilang dalawa kaya importante ang kanyang kapatawaran para maramdaman niya ang kahimbingan sa gabi.  Ayaw naman ni Alba na lumubha pa ang pagtatampo sa kanya ni Bag–aw upang hindi ito makararating kay Lakay Awallan at tiyak na makaririnig din siya ng mga pang–aalimura mula kay amang Luyong dahil mas mahal pa yata niya ang apo ng Punong Sugo kaysa kanya na sariling anak samantalang tumatayong pangalawang amang  lamang siya mula nang maulila sa mga magulang ang kanyang mistad.  Aminado siya na may mga pagkakataong naghihinakit ang kanyang kalooban sanhi ng ipinamamalas na pagpapahalaga ni amang Luyong kay Bag–aw ngunit hindi na lamang niya binibigyan ng masamang kahulugan ito dahil nauunawaan naman niya ang katuwiran nito kaya walang dapat ipag–aalala kung tuusin pagkat mas importante pa rin ang  maayos na pakikitungo nila sa isa’t isa.  Pero hindi na rin yata tama kung tumagal nang isang linggong singkad ang kanilang tampuhan pagkat dapat nang ikabahala kung wala pa rin solusyon ang problemang ito kaya hindi niya nararamdaman ang kahimbingan dahil labis nang nakaapekto sa kanya ang gabi–gabing pag–iisip ng paraan kahit mismong si Bag–aw ang kusa nang umiiwas sa kanya   Talagang bihira lamang kung dumalo sa almusal si Bag–aw dahil madaling–araw pa lamang ay pumapasok na siya sa kagubatan na dati nang ginagawa niya maski wala pang naganap na tampuhan habang natuon naman sa pamilya ang buong panahon ni Alba kaya lalong walang paraan upang muling magkabati sila kahit naroroon ang matinding kagustuhan.  Oo, pansamantalang natigil ang pangangaso ni Alba pagkat priyoridad pa rin para sa kanya ang pamilya kahit may problema silang mag–asawa ngunit may mga anak sila na mas nangangailangan ng kanyang pangangalaga kaya mahalagang magampanan nang maayos ang kanyang responsibilidad at hindi naman mahirap unawain kung bakit laging maaga ang pasok ni Bag–aw sa kagubatan sa halip na hintayin siya.  Mahirap ang magsinungaling ngunit kailangan gawin ito dahil hindi pa siya handa upang ipagtapat kay Lakay Awallan ang tungkol sa tampuhan nila ni Bag–aw at lalong hindi puwedeng malaman ito ni amang Luyong maliban na lamang kung mismong mistad niya ang umamin kahit imposibleng gagawin niya ito pagkat tiyak na hindi ito ikatutuwa ng matanda.  Dahil tunay na kahiya–hiya ang mapangaralan kung kailan may pamilya na siya kahit kasalanan pa niya kaya sisikapin na lamang niya ang mag–isip ng paraan maski maraming beses nang ginawa niya ito dahil  kailangan matapos na ang tampuhan nila ni Bag–aw bago pa ito malaman nina Lakay Awallan at amang Luyong para magkaroon na rin ng katahimikan ang kani–kanyang kalooban.  Dagdag pang problema ni Alba dahil hindi umuuwi para sa pananghalian si Bag–aw pagkat maraming prutas sa kagubatan kaya maghapon man ang kanyang pangangaso ay hindi pa rin niya nararamdaman ang gutom lalo’t naging kasayahan na ng kalooban niya ang gumagala habang naghahanap ng mahuhuli maski pangat sa mga mababangis na hayop ang kanyang buhay.  At napupuna rin niya na si amang Assassi ang laging sumasabay kay Lakay Awallan sa hapunan maski yata dumating na si Bag–aw galing sa pangangaso kaya muntik nang napatakbo ang mga paa niya papunta sa kanilang kubol upang tiyakin ang kanyang hinala ngunit naghunus–dili na lamang siya dahil seguradong malalaman nang lahat ang tungkol sa kanilang tampuhan.   Kahit ang kanyang kapatid na si Lawug ay tila nagtataka na rin dahil bihira nang lumalabas upang makipagkuwentuhan ang itinuturing nilang kapatid ngunit hindi niya tinangka ang magtanong sa kanya pagkat mas gusto pa niya ang sumasama kay inang Naga para maglako ng mga gulay sa bayan ng Alcala kaya nanatiling lingid sa lahat ang kanyang problema.

            Minsan, habang binabantayan ni Alba ang kanyang mga anak na naliligo sa ilog ay napansin niya ang dalagang Malauegs na mag–isang naglalaba kaya naging palaisipan niya kung bakit wala man lamang sumabay sa kanya ngunit ang kanyang taglay na kagandahan na puwedeng samantalahin ng sinumang kalalakihang Malauegs ang talagang ikinabahala niya dahil walang magtatanggol sa kanya na ikinabahala naman niya pagkat hindi araw nang paglalaba at paligo ngayon ng mga katutubong Malauegs upang masaklolohan siya.  Bagaman, hindi naman delikado kahit walang mga kadalagahang Malauegs ang sumabay sa kanya ay nakababahala pa rin nang pangahasan niya ang maglaba nang nag–iisa lalo’t babae pa mandin siya dahil hindi garantiya ang katuwiran na maginoo ang lahat nang kalalakihang Malauegs kung inalihan na siya ng matinding iyag ay bahala na kung  ikulong siya sa pusod ng kagubatan.  Tuloy, hindi na napagtuunan ni Alba ang kanyang mga anak na masayang naliligo nang umiral na naman ang kapilyuhan niya sa mga kadalagahang Malauegs pagkat naging madalas ang panakaw na tingin niya sa dilag kaya posibleng siya rin ang pagmumulan sa peligro na sinasabi niya kung hindi siya maghunus–dili  para hindi maragdagan ang kanyang problema.  Aywan kung namalayan din ng binibini ang kanyang mga sulyap dahil talagang gustung–gustong pagmasdan ng kanyang mga mata ang kariktan niya ngunit subsob naman siya sa paglalaba hanggang sa naglaro sa kanyang isip ang komustahin siya kaya dahan–dahang humakbang ang kanyang mga paa habang kumukuha ng tiyempo at iniisip ang kanyang magiging pambungad na bati upang hindi niya ikabibigla ang kanyang paglapit.  Totoong malaking kasalanan ang mangimbulo pa siya sa angking ganda ng dilag dahil may asawa na siya ngunit ayaw naman magpapigil ang kanyang damdamin maski yata magsumbong pa kay Sahing ang mga bata pagkat hindi dapat pinapalampas ang pagkakataon na mailap pa kaysa mga hayop sa kagubatan upang walang pagsisihan ang kanyang sarili kahit matutulog pa siya sa labas ng kubol mamayang gabi.  Kahit maragdagan pa ang kanyang mga kasalanan ay hindi niya itinatanggi ang katotohanan na nais nang mabighani sa dalaga ang kanyang puso kaya mapapalagay lamang ang kanyang kalooban kapag nagkakilala na sila ngunit biglang naramdaman niya ang sandaling pag–aalinlangan hanggang sa huminto siya maski totoong bihasa nang umusal sa mga tayutay ang kanyang dila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *