IKA – 193 LABAS

Segurado, kanina pa linapitan niya ang dalaga kung hindi lamang naging problema ang kanyang mga anak dahil sila ang muling nagpaalaala na may asawa na siya kahit ang totoo’y naghahanap pa rin ng paraan ang kanyang isip pagkat ayaw pumayag ang kanyang sarili hanggang hindi niya nakilala ang dalaga upang hindi siya makantiyawan kapag nabanggit niya ang tungkol sa suwerte ngunit hinayaan lamang niyang tangayin ng hangin ito.  Sa wari naman niya ay hindi mangingilag ang dalaga pagkat makipagkilala lang naman ang pakay niya para huwag lamang masayang ang pagkakataon maski huli na nang dumating siya sa buhay niya hanggang sa sandaling natigilan ang sarili niya dahil bawal sa tribu nila ang paghihiwalayin ang mag–asawa kaya minsan binalak na rin niya ang mag–ermitanyo na lamang kung hindi puwedeng paghiwalayin sila ni Sahing.  Baka puwede na rin hingin ang pahintulot ng dalaga upang madalaw siya mamayang gabi maski magagalit pa sa kanya si Sahing na buntis ng pang–anim nilang anak basta masunod lamang ang utos ng kanyang salawahang puso dahil lalong hindi niya maramdaman ang kahimbingan habang iniisip ang kanyang kabiguan kung maging mailap sa kanya ang suwerte.  Aminado si Alba na malaki ang kanyang panghihinayang nang hindi na niya nahintay ang pagkakataong ito upang makilala pa ang dalaga sanhi ng padalus–dalos na desisyon na pinagsisisihan naman niya ngayon pagkat hindi sana selosang babae ang napangasawa niya kung hindi naging mapusok ang kanyang puso kaya nasalitan nang miserableng buhay ang ligaya na inaasamp niya sa pag–aasawa.  Sana, nagkaroon siya ng dalawang puso sa kapahintulutan ni Bathala upang mamimili na lamang siya kung sino ang nararapat pag–ukulan ng tapat na pagsinta dahil naseseguro niya na kabalintunaan sa kasalukuyan ang magiging buhay niya sa piling ng dilag nito pagkat nasisinag sa kanyang masayang mukha ang kabutihan ng kanyang kalooban.  Subalit sadyang laging nasa huli ang pagsisisi pagkat hindi naman puwedeng takasan ang kanyang responsibilidad dahil tiyak na isusumpa siya ng kanilang Punong Sugo bukod pa ang ngitngit ng kanyang mga magulang kaya napahinagpis na lamang siya habang tumatango siya na waring inaayunan ang katuwiran na talagang may kaakibat na kamalasan ang kanyang buhay.  Nagwakas sa malalim na buntung–hininga ang pagdili–dili ni Alba matapos bumulong ang kanyang sarili na dapat lubayan na lamang niya ang malisyosong balakin dahil kanina pa pinapakinggan ni Bathala ang kanyang iniisip kaya tiyak na isusumpa lamang siya nito kung masama rin lamang ang kanyang hangarin sa dalagang Malauegs gayong may asawa na siya.  Hanggang sa naisip niya si Bag–aw para matapos na ang kanilang tampuhan dahil panahon na rin upang magkaroon ng kasintahan ang mistad niya imbes na ibinubuhos sa pangangaso ang kanyang panahon gayong wala namang sariling pamilya na dapat alalahanin kaya kailangan pa rin makilala niya ang dalagang Malauegs pagkat tiyak na pangalan nito ang kanyang magiging unang katanungan.  Tama!  Si Bag–aw na lamang ang hikayatin niya upang ligawan ang dalagang Malauegs nang may mapaglilibangan naman siya dahil pangangaso na lamang ang kanyang laging inaatupag kaya sa kanyang edad ngayon ay nag–iisa pa rin siya sa buhay pagkat ayaw man lamang pakinggan ang bulong ng kanyang puso kahit pansariling layunin lamang ang katuwiran ni Lakay Awallanb na bata pa siya para isipin ang pag–aasawa.  Kahit kasama niya sa kubol si Lakay Awallan ngunit iba pa rin ang ginagawang pag–aasikaso ng asawa sa kanyang mga pangangailangan na hindi kayang gawin nito sanhi ng katandaan para maranasan din niya ang pagmamahal ng isang babae na hindi niya naramdaman sa kanyang inang Dayandang maski taliwas dito ang nararanasan naman ni Alba sa piling ni Sahing.  At bakasakaling ito na rin ang magiging daan upang magpansinan na sila ni Bag–aw pagkat talagang nakapanghihinayang kung tuluyan nang mamagitan sa kanilang dalawa ang galit maski malayong mangyayari ito dahil tiyak na gagawa naman ng paraan sina Lakay Awallan at amang Luyong upang pagbatiin silang dalawa basta huwag na lamang ipagdamdam ang mga pangaral mula sa mga matatalas na dila.

            “Sayang naman . . . kung tumandang binata ang mistad ko!  At sayang din . . . kung walang magmamana sa kanyang kagalingan!  Tama!  Siya na lamang . . . ang irereto ko sa dalagang ‘yan!  Teka!  Kailangan makuha ko muna . . . ang pangalan niya!  Hmmm!”  Palibhasa, may karanasan na sa panliligaw si Alba ay naging madali na lamang sa kanya upang malaman ang pangalan ng dalagang Malauegs matapos ang kanilang maikling pag–uusap habang kaharap ang mga anak niya kaya naging mahirap pasinungalingan na may asawa na siya nang matuon naman sa kanya ang tanong nito ngunit nagpasalamat pa rin siya dahil naisagawa naman nang walang aberya ang kanyang plano.  Laking tuwa niya ngayong may dahilan na para kausapin niya si Bag–aw pagkat ayaw man lamang tumingin sa kanya kahit kaninang nag–aalmusal sila dahil parang walang napansin ang kanyang mistad samantalang magkatapat lamang sila sa hapag kaya hindi rin niya tinangka ang komustahin siya upang hindi mahahalata ni Lakay Awallan na hindi sila nag–uusap.  Marahil, hindi natanggihan ni Bag–aw ang yakag ni Lakay Awallan dahil talagang naging bihira na rin kung dumulog sila sa hapag kaya hindi nila nasasabayan sa almusal ang mga katutubong Malauegs lalo na kung mag–isa lamang sa kubol ang Punong Sugo ay hinahatiran na lamang siya ng pagkain ngunit kalabisan naman kung hindi pa rin sila sumabay gayong araw ng pahinga ngayon ng kanyang apo. Nagpapasalamat na lamang si Alba pagkat lingid pa rin kina Lakay Awallan at amang Luyong ang hidwaan nilang dalawa dahil tiyak na sa kanya pa rin ibubunton ang kanilang sermon maski sinisikap naman niya ang unawain si Bag–aw ngunit talagang matigas lang ang kalooban ng kanyang mistad kaya tumagal ang kanilang tampuhan gayong simpleng biro ang pinagmulan lamang nito.  Kunsabagay, matagal na sanang nagkabati ang dalawa kung nalaman agad ni Lakay Awallan ang tungkol sa kanilang hidwaan ngunit hindi naging ugali ni Bag–aw ang magsumbong kahit noong maliit pa lamang siya dahil maaaring natanim sa isip niya na hindi katuwiran ang pagiging Punong Sugo ng kanyang apong upang samantalahin niya ito lalo ngayong binata na siya.  Seguro, hindi na napigilan ni Lawug ang magtanong kung bakit hindi na sumasabay si Alba kay Bag–aw sa pangangaso ngunit nagkibit–balikat lamang siya imbes na ipagtapat ang totoo dahil matabil ang kanyang kapatid kaya hindi dapat malaman nito ang tungkol sa pagtatampo ng kanyang mistad upang hindi lumubha ang problema ngayong  nahanapan na niya ng kalutasan.  Pero buo na ang desisyon niya upang makipagkita mamayang gabi kay Bag–aw para ihingi ng tawad ang kanyang pagkakamali maski lumuhod pa siya nang maibsan naman ang bigat sa kanyang dibdib ngunit kailangan patulugin muna ang kanyang bunso pagkat siya ang laging hinahanap nito lalo na sa gabi kaya tiyak na mababalam ang punta niya sa tangkil.  Sana, darating siya sa tangkil na gising pa si Lakay Awallan upang hindi siya matatanggihan ni Bag–aw maski malaman pa ng matanda ang problema nilang dalawa kahit naroroon ang posibilidad na masesermunan sila ngunit mainam na ang mapayuhan sila kaysa patuloy na inililihim nila ang tungkol dito gayong sila rin naman ang naaapektuhan.  Segurado, maghapong natulog kanina si Bag–aw kaya hindi puwedeng magkunwari na naman siya dahil walang dahilan upang matulog nang maaga ngunit kailangan pa rin maging maingat ni Alba para hindi maramdaman ang kanyang paglapit sa tangkil kung gusto niyang magtagumpay ang plano pagkat kahangalan na rin kung patagalin pa ang kanilang tampuhan.  Nababagay pa mandin kay Bag–aw ang binibining nakilala ni Alba sa ilog kaninang tanghali pagkat ano pa ang kabuluhan ng kanyang sandata kung matanda na siya kaya makatuwiran lamang ang mag–asawa na siya habang malakas pa ito kaysa nagpapaniwala sa mga sinasabi ni Lakay Awallan kung posibleng pagsisihan lamang niya dahil walang umaagapay sa kanyang pagtanda.

Talagang masakit sa kalooban ni Alba ang hindi siya kinikibo ni Bag–aw nang dahil lamang sa biro samantalang puwede namang palipasin ito sa magdamag kaysa kinimkim niya hanggang sa naapektuhan na rin ang kanilang pagkakaibigan ngunit sinisikap na lamang niyang unawain ang ipinamalas na asal ng kanyang mistad pagkat hindi naman lingid sa kanya na sensitibo ang damdamin nito sanhi ng pagiging ulilang lubos sa mga magulang.  Mistulang nawalan siya ng mahalagang bagay na kayhirap hanapin samantalang nasa kanyang tabi lamang ito kaya nagtatanong ang kanyang isip kung bakit ganoon na lamang ang pagtatampo sa kanya ni Bag–aw kung talagang kapatid din ang turing niya sa kanya hanggang sa napapailing na lamang siya habang seryoso pa rin ang kanyang mukha pagkat naging mahirap para sa kanya ang ngumiti.  Malaking kawalan para sa kanya ang mga sandali na magkasama sila ni Bag–aw sa lahat nang mga pagkakataon sapul ng kanilang kamusmusan kaya dala–dala nila ito hanggang sa pangangaso ngunit naparam sa isang iglap ang mga alaalang ‘yon kung kailan nasa tamang disposisyon ang kanilang mga pag–iisip sa halip na naging madali na lamang sanang unawain ang mga nagawang pagkakamali sa isa’t isa imbes na seryosohin ito.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *