Mabuti na lamang naagapan ni Alba ang kamay ni Bag–aw nang umakmang pumasok sa kubol kaya hindi na rin niya binitiwan hanggang sa napailing na lamang siya habang mistulang naghihilahan silang dalawa pagkat hindi na rin nagawa ng mistad niya ang pumiglas dahil sa higpit nang pagkakahawak niya samantalang napatingin na lamang sa kanila si Lakay Awallan. Subalit ang katotohanang lingid sa dalawa ay ikinabigla rin ni Lakay Awallan ang naging reaksiyon ni Bag–aw dahil hindi ganito ang namamalas niya sa tuwing nagkikita sila ni Alba ngunit ipinagpalagay na lamang niya na maaring nagbibiruan lamang ang dalawa pagkat may katagalan na rin hindi sila nagsasabay sa pangangaso at mabibilang din ang gabi kung lumipat sa tangkil ang mistad ng kanyang apo. Katunayan, hindi na tinangka ni Lakay Awallan ang magtanong at lalong hindi rin niya binigyan ng anumang kahulugan ito sa halip inisip na lamang niya na maaaring pinanabikan lamang ng isa’t isa ang muling pagkikita nila hanggang sa sandaling sumulyap sa kanya si Bag–aw na waring inaalam ang kanyang naging reaksiyon habang nagaganap ang madramang pagtatagpo sa pagitan nila ni Alba. Kunsabagay, dapat lamang pagtakhan ang mistulang pagpupumiglas ni Bag–aw mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Alba sa kanyang kamay dahil taliwas ito sa dati nang ginagawa nila na nagsasakbayan kaya kumunot ang noo ni Lakay Awallan matapos maisaloob na maaaring may namagitang problema sa kanila habang pinagmamasdan niya ang dalawa. Marahil, talagang kailangan nang ipagtapat nina Bag–aw at Alba ang nangyayaring tampuhan sa pagitan nila bago pa mapapatunayan ni Lakay Awallan na tama pala ang kanyang napansin maski hindi niya tinangka ang magtanong pagkat maaaring naghihintay lamang siya upang magsalita ang isa sa kanila kaya dapat lamang samantalahin ang pagkakataon para magkaayos sila. Mangyari, mistulang nagkakahiyaan pa sina Bag–aw at Alba maski magkatabi na sila kaya napaisip ang matanda pagkat talagang hindi niya maintindihan ang kahulugan sa mga ikinikilos nila ngunit nagsawalang–kibo pa rin siya matapos maisaloob na maaaring nangingilala lamang sa isa’t isa ang kanilang mga sarili dahil sa tagal nang hindi sila nagsasabay sa pangagaso. Bagaman, gusto sana ni Lakay Awallan na may kasama sa pangangaso si Bag–aw dahil mas ligtas kung may kasama siya kaysa nag–iisa upang masaklolohan agad siya pagkat may posibilidad na hindi madaling mapapansin ang nagbabantang panganib sa madilim na pook kung madaling–araw pa lamang ay ginagalugad na niya ang kagubatan sa pagsisikap na makahuli nang marami. Pero binalewala pa rin ang kanyang mga napupuna sa mga nagdaang araw sa katuwirang lagi namang maagang pumapasok sa kagubatan si Bag–aw ngunit dumalang naman ang pagdalaw sa kanila ni Alba para makipagkuwentuhan hanggang sa naalaala niya ang gabing ‘yon nang biglang umalis siya nang malamang tulog na ang mistad niya. Kunsabagay, mas nangangailangan ng atensiyon ang pamilya ni Alba kaysa mangapit–kubol siya kaya ‘yon ang kanyang naiintindihang dahilan kung bakit bihira na sila magkita ni Bag–aw ngunit nagsisimula naman ang kanyang pagdududa pagkat hindi ganito ang pakikitungo nila sa isa’t isa maski parehong abala dahil nagkakaroon pa rin sila ng pagkakataon upang magkuwentuhan habang nagpapaantok sa tangkil. Hanggang sa may napansin siya kaninang umaga dahil taliwas sa mga nagdaang araw na halos wala nang katapusan ang kuwentuhan nina Bag–aw at Alba habang nag–aalmusal ay hindi sila nag–uusap at hindi man lamang nagtitinginan hanggang sa dumating ang gabing ito upang kumpirmahin na tama pala ang kanyang hinala maski itanggi pa nila na may namagitang problema sa kanilang dalawa. Naging katuwiran na lamang ni Lakay Awallan na maaaring natakot si Bag–aw kaya minabuti niya ang ilihim na lamang kaysa aminin na naging kasamaan nang loob niya si Alba kung sermon din naman ang marinig niya ngunit napapailing na lamang ang matanda habang minamasdan ang dalawa na gusto pa yatang mag–iyakan dahil sa pangyayari na sila rin naman ang may kagagawan. Samakatuwid, magiging mahimbing na ang tulog ni Alba ngayong nagtagumpay ang kanyang unang plano na makausap si Bag–aw ngunit huwag munang lubusin ang pagbubunyi dahil wala pang katiyakan kung matuwa ang kanyang mistad kapag binanggit niya ang tungkol sa pinakamagandang dilag sa buong tribung Malauegs kaya kuwestiyonable pa rin ang pangalawang plano. Baka panibagong problema ang dulot lamang ng labis na kagalakan pagkat masyadong sensitibo pala ang damdamin ni Bag–aw kaya dapat magiging maingat si Alba upang hindi mauulit ang kanyang pagtatampo dahil tiyak na magagalit pa rin siya kapag nabigyan ng masamang kahulugan ang pagiging atribido niya kahit naroron ang mabuting layunin para ireto siya sa magandang dilag. “Komusta ka . . . mistad?! Pasensiya ka na sa akin . . . ha?!” Pagkatapos, inakbayan ni Alba si Bag–aw nang pakabig sa kanyang dibdib para iparamdam ang bawat pintig ng puso niya habang hinihingi ang kapatawaran ng kanyang mistad hanggang sa pinisil niya nang mariin ang balikat nito saka nagpasunod ng mahigpit na yapos pagkat kulang ang simpleng salita upang ilarawan ang pagsisisi ng kanyang kalooban. Marahil, ibig na rin ni Bag–aw ang makipag–ayos ngunit maaaring pumipigil lamang sa kanya ang hiya upang gawin ito dahil gumanti siya ng yapos na ikinagalak naman ni Alba pagkat masakit din naman kung magpatuloy ang pagtatanim niya ng sama ng loob nang dahil lamang sa biro kaysa pahalagahan ang kanilang pagkakaibigan na pinanday ng maraming karanasan. Sapagkat wala rin namang patutunguhan ang kanilang tampuhan kaya mainam nang tapusin ito ngayong gabi dahil wala namang dapat ipangamba ang kanilang mga kalooban kung malaman ito ni Lakay Awallan pagkat kabutihan naman ang pakay ng sermon basta maibalik lamang ang dating sigla ng kanilang pagkakaibigan na pansamantalang nalugami sanhi ng pagiging alangas ng kani–kanyang sarili. Talagang nararapat lamang ang huwag nang palubhain pa ang kanilang hidwaan dahil sila–sila rin naman ang magdamayan kung mangyari ang pananalakay ng mga soldados sa kanilang bagong komunidad kaya makatuwiran lamang ang maging mapagpatawad sila sa isa’t isa lalo na si Bag–aw pagkat tiyak na sa kanya ihahabilin balang araw ang tungkulin ng Punong Sugo ng tribung Malauegs. Hindi ba nila pinanghihinayangan ang mga masasayang araw na sabay nilang ninanamnam habang nangangaso sila kaya madalas nawawaglit sa kanilang mga isipan na kailangan na palang bumalik sila sa komunidad kahit may lungkot ang kanilang mga damdamin upang pansamantalang lisanin ang kanilang sariling mundo dahil sumapit na ang dapit–hapon. Kunsabagay, totoong nakapanghihinayang ang magandang relasyon nina Alba at Bag–aw dahil higit pa sa magkapatid ang turingan nila sa isa’t isa kaya ito lamang ang alaala na maipagmamalaki nila pagdating ng araw na pareho nang humahawak ng tungkod ang kanilang mga kamay pagkat talaga namang nagbibigay–kulay ang paminsan–minsang tampuhan basta huwag lamang seryosohin. Pero mas kahanga–hanga si Alba pagkat nagawa niya ang magpakumbaba upang magkabati lamang sila ni Bag–aw ngunit nag–iwan naman ito ng mabuting aral dahil pinapatunayan nito na handang magpatawad ang isa’t isa sa kanila para sa katiwasayan ng kanilang mga kalooban basta huwag lamang masisira ang mabuting samahan na hinabi ng kanilang mga musmos na kaisipan. Napausal ng pasasalamat ang sarili ni Alba sabay ang pangako na magiging maingat na siya upang hindi na mauulit ang pagtatampo ni Bag–aw nang dahil lamang sa biro pagkat siya ang higit naapektuhan nang hindi siya pansinin nito ngunit walang duda na muling manunumbalik ang dating samahan nilang magmistad na isang linggo rin napatid. Maaaring tama ang naging katuwiran ni Alba na lubhang nakaapekto sa pagkatao ni Bag–aw ang pagiging ulilang lubos niya kahit naririyan si Lakay Awallan ngunit iba pa rin ang pagmamahal ng mga magulang na hindi niya naramdaman sa tanang buhay niya kaya siya na mismo ang nagkakaroon ng habag sa sarili kapag nasasaktan ang kanyang damdamin. “Hindi ko naman intensiyon na saktan . . . ang damdamin mo! Mistad! Oo! Gusto ko lang naman na . . . pasayahin ka! Kasi . . . ! Lagi ka na lang . . . malungkot! Ganoon lang . . . ‘yon! Mistad! Pasensiya na! Ha?!” Nalipos ng tuwa ang puso ni Alba nang mamalas ang marahang pagtango ni Bag–aw pagkat ganap nang napawi ang problema na araw–gabing bumagabag sa kanyag damdamin kaya hindi niya nararamdaman ang kahimbingan sa pagtulog maging ang pang–araw–araw na gawain ay hindi niya mabigyan ng konsentrasyon dahil maya’t maya ang pagtatanong ng kanyang sarili kung may pag–asa pa bang magkabati sila ng kanyang mistad. Tuloy, gumaan ang kanyang pakiramdam ngayong napatawad na siya ni Bag–aw kaya nararapat lamang magpasalamat siya kay Bathala pagkat itinuro nito ang paraan kung paano maaayos ang kanyang problema dahil hindi rin naman siya papayag upang taglayin ito hanggang sa kanyang pagtanda gayong madali namang hanapan ng solusyon gaya ng ginawa niya. Katunayan, lagi niyang kinakausap si Bathala maski hindi siya marunong magdasal para ituro sa kanya ang paraan kung paanong mapaglubag ang kalooban ni Bag–aw pagkat hindi na niya kayang batahin pa ang panunumbat ng kanyang konsensiya sa tuwing nagpaalaala sa kanya ang biro na naging dahilan kung bakit nagkarooon ng lamat ang kanilang pagkakaibigan. Seguro, sa awa ni Bathala ay pinakinggan ang kanyang kahilingan pagkat maaaring sapat na ang naging pahinga sa maghapon ni Bag–aw kaya hindi siya maagang natulog ngayong gabi ngunit halos ayaw namang bumitiw sa pagkakayapos ang kanyang mga bisig sanhi ng sobrang pananabik dahil mahigit sa isang linggo rin hindi sila nagkikibuan. Subalit kulang pa yata para kay Alba ang mahigpit na yakap dahil pinupog niya ng halik ang magkabilang tainga ni Bag–aw sanhi ng sobrang kagalakan pagkat mistulang nabitag niya ang mailap na suwerte na isang linggo rin naging mailap sa kanya gayong kailangan lamang pala ang kaunting dasal upang umamo kaya naging pangako niya sa sarili na hinding–hindi niya hahayaan na muling sumama ang loob ng kanyang mistad. Katunayan, ganito rin naman ang ginagawa ni Alba noong maliliit pa sila dahil sa tuwa niya kapag nananalo sila sa mga laro ngunit higit pa rito kapag ngumingibi na si Bag–aw para hindi matuloy ang kanyang pag–iyak hanggang sa naalaala niya ito upang ulitin ngayon kaya hindi niya tinigilan ang paghalik sa batok ng mistad niya hanggang sa nagsisigaw siya sa tindi ng naramdamang kalamkam. Tuloy, si Bag–aw na ang kusang kumalas sa pagkakayapos mula kay Alba para hindi na mauulit ang isang linggong walang kibuan pagkat gumana na naman ang kanyang kapilyuhan nang maalaala ang nakaraan imbes na maging maingat dahil malaki ang posiblidad upang bawiin niya ang kapatawaran na kagagawad pa lamang sa kanya maski ikatuwiran pa na natangay lamang siya sa sobrang kagalakan.
ITUTULOY
No responses yet