Sapagkat malayo na ang panahon na kailangan halikan pa si Bag–aw upang tumahan lamang pagkat hindi na siya paslit para muling gawin ito ngayong malalaki na sila kaya mainam pa kung banggitin na lamang ni Alba ang tungkol sa pangalawang plano nang malaman niya kung tanggap ba ng kanyang mistad ang ireto siya kahit walang paunang salita dahil biglaan din naman ang pangyayari. Nararapat lamang samantalahin ang pagkakataon pagkat tiyak na matutulog na rin mamaya lamang si Bag–aw dahil laging madaling–araw ang gising niya kaya naging orasan na niya ang tilaok ng mga labuyo upang pumasok sa kagubatan kahit madilim pa ang paligid nang walang pangangamba sa kanyang kaligtasan matapos humigop ng mainit na salabat. Pero maaaring hindi rin matutuloy ang pangangaso bukas ni Bag–aw kapag inilatag na ni Alba ang pangalawang plano kahit naroroon ang pagdududa kung ayunan niya ito ngunit mainam na ang manalig sa positibong resulta sa halip na isipin agad ang kabiguan para mahikayat ang suwerte na mas mailap pa kaysa mga hayop sa kagubatan kung magparamdam. Manapa, bumalik sana sa ilog bukas ng umaga ang dalagang nakilala ni Alba para makilala rin siya ni Bag–aw kung hindi niya tanggihan ang paanyaya dahil kabutihan naman ang hatid nito sa kanyang sarili kung tuusin ang posibilidad na magpapabago sa kanyang buhay pagkat panahon na rin upang pakinggan ang bulong ng kanyang puso kaysa paniwalaan ang maling katuwiran ng matanda.
“Ibig mong sabihin . . . Bag–aw?! Nagtatampo ka . . . kay Alba?! Ha?!” Nang makita ni Lakay Awallan ang pagtango ni Bag–aw ay lalong tumibay ang kanyang hinala dahil hindi na sila nagsasabay pumasok sa kagubatan nang higit sa isang linggo ngunit lalong hindi na naging kataka–taka sa kanya kung maliwanag na ang paligid sa tuwing hinahanap siya ni Alba pagkat may pamilya ang mistad niya kaya dapat lamang na ito ang unang asikasuhin nito bago mangagaso. Sapagkat hindi pa naman katagalan ang isang linggo kaya mabilis nagpagunita ang kanyang mga napapansin noon kay Bag–aw dahil na rin sa mga ikinikilos niya upang isipin na may iniiwasan siya gayong hindi naman niya dating ginagawa ito hanggang sa nagtuluy–tuloy pa ang pagbabalik–tanaw ng kanyang malak para malilinawan ang kanyang mga napupuna. Taliwas sa kanyang akala na nais lamang samantalahin ni Bag–aw ang oras upang maagang makauwi ay talaga palang sinasadyang agahan niya ang pagpasok sa kagubatan kahit madaling–araw pa lamang dahil ayaw palang makasabay niya sa pangangaso si Alba kaya hindi na puwedeng ipagwalang–bahala pa ang kanyang nasaksihan ngayon pagkat may pakialam siya bilang Punong Sugo. Wala rin sa hagap ni Lakay Awallan na nagkaroon pala ng tampuhan ang dalawa dahil wala namang binabanggit si Alba tungkol dito maliban sa magtanong kung umalis na ba si Bag–aw saka babalik sa kanilang kubol habang pailing–iling na parang sinisisi ang sarili pagkat tinanghali ang gising niya hanggang minsan habang nagpapahangin sa tangkil ang matanda ay dumating siya ngunit hindi lumabas ang kanyang mistad. Hanggang sa naging madalang na ang paglipat ni Alba sa tangkil upang makipagkuwentuhan kay Bag–aw mula noon ngunit hindi pa rin nagduda si Lakay Awallan basta ang naging katuwiran ng matanda ay hindi dapat sisihin ang kanyang mistad kung napuyat man sa nagdaang gabi dahil pamilyado siya kaya laging tinatanghali nang gising maski naisin pa niya ang sumabay sa kanya sa pangangasso. Datapuwa, sa nasaksihan ngayon ni Lakay Awallan ay tandisang sinasabi niya na hindi pala dahilan kung madaling–araw umaalis si Bag–aw habang tanghali naman kung magising ni Alba kaya hindi na sila nagsasabay sa pangangaso pagkat nag–iiwasan lamang pala ang dalawa ngunit naging palaisipan naman niya kung bakit inilihim sa kanya ang kanilang tampuhan. Tuloy, nagtatanong ang kanyang sarili kung bakit hindi ipinagtapat ni Alba ang kanilang problema samantalang maraming pagkakataon naman kung ginusto lamang nito pagkat ‘yon ang nararapat bilang nakatatandang kapatid ni Bag–aw dahil tungkulin naman niya bilang Punong Sugo ang pagbatiin silang dalawa upang hindi ito tumagal ng isang linggo. Disin, naayos nang maaga ang kanilang hidwaan kung ipinarating agad ito sa kanya sa halip na inilihim nila kaya tumagal nang isang linggo nang walang pakundangan sa magiging epekto nito pagkat malaki ang posibilidad upang lumawig pa ito kung patuloy nilang sinasarili hanggang sa pagtanda gayong hindi ito nagbibigasy ng mabuting ehemplo para sa mga kabataang Malauegs.
ITUTULOY
No responses yet