Gayunpaman, nagawa pa rin purihin ni Lakay Awallan si Alba dahil hindi siya nagdalawang–isip gumawa ng paraan upang magkaayos sila ni Bag–aw pagkat nararapat lamang matapos na ang kanilang hindi pagkakaunawaan para walang bumabagabag sa kanilang mga kaisipan habang ginagampan ang kanilang mga gawain sa araw–araw nang puspos sa saya ang kalooban. “Kaya pala . . . Bag–aw! Laging madaling–araw ang alis mo . . . para mangangaso! Dahil gusto mo lang palang iwasan . . . si Alba! Aba! ‘Yan . . . ang huwag mong gawin sa kanya! Ha?! Bag–aw!” Tuloy, si Bag–aw ang nasermunan maski hindi pa natukoy ang puno’t dulo ng tampuhan pagkat mas pinapahalagahan ni Lakay Awallan ang paggalang sa kapwa dahil ito ang ugali na laging isinasaalang–alang ng mga katutubong Malauegs kahit saan pa sila mapunta lalo na sa bayan ng Alcala upang hindi lapastanganin ng kahit sino ang kanilang pagkatao. Napakamot sa ulo si Bag–aw pagkat siya pa ngayon ang napagbuntunan nang hindi muna inalam ni Lakay Awallan ang totoong sanhi ng problema para nalaman din sana nito na hindi siya ang nagpasimula ngunit hindi na siya nangatuwiran upang hindi humaba ang pangaral dahil mangangaso pa siya bukas nang madaling–araw kaya gusto na sana niya ang matulog. Malinaw naman ang dahilan nang lingid kay Lakay Awallan kung bakit nagawang tikisin niya si Alba pagkat labis nasaktan sa kanyang biro ang kalooban niya kaya minabuti niya ang huwag na lamang pansinin ang mistad niya para hindi sila magkasakitan pa dahil hindi rin niya masasabi ang posibleng mangyari kung umabot na sa sukdulan ang galit niya. Minabuti niya ang huwag nang magpaliwanag kay Lakay Awallan nang matapos na ang komprontasyon dahil ramdam na niya ang pamimigat ng kanyang mga talukap maski natulog siya nang maghapon kanina ngunit mismong gabi na ang nang–aanyaya upang magpahinga na siya pagkat kailangan na naman niya ang gumising mamayang madaling–araw para mangangaso. Baka kanina pa siya naghihilik kung hindi lamang dumating si Alba na pumigil sa kanyang pagpasok sa kubol ngunit walang bakas ng galit ang kanyang mukha nang dumako sa kanyang mistad ang mga mata niya nang mapagtanto na dapat lamang magpasalamat siya pagkat pinapatunayan lamang ng kanyang mistad kung gaano kahalaga ang kanilang pagkakaibigan kaya sinikap nito ang gumawa ng paraan upang magkabati na sila. Mabuti na lamang pala hindi kaagad nahiwatigan ni Bag–aw ang paglapit ni Alba pagkat posible palang pumasok na siya sa kubol kung nabalam pa nang kaunti ang dating niya ngunit hustong nasambilat naman niya ang kanyang kamay nang akmang humakbang ang kanyang mga paa hanggang sa hindi na niya binitiwan ito kaya nangyari ang hilahan habang nagpupumiglas ang isa sa kanila. Bagaman, si Bag–aw lamang ang kababatid kung gaano kasakit sa kanyng puso ang nilikhang sugat ng biro ni Alba ay hindi rin naman niya itinatanggi na masama ang nagtatanim ng galit sa nakatatanda sa kanya kaya tinanggap niya nang bukal sa kalooban ang layunin ng kanyang mistad pagkat mainam pa rin ang maging mapagpatawad sa kapwa, ayon sa kanilang Punong Sugo. Samantalang abot–langit naman ang pasasalamat ni Alba habang hawak–hawak pa rin niya ang kamay ni Bag–aw pagkat umepekto ang unang plano na kaytagal niyang pinag–isipan para maibalik lamang ang mabuting samahan nilang dalawa dahil isang linggo rin tiniis niya ang lumbay kaya walang nahingahan ng mga problema ang kanyang sarili kung hindi pa ipinahintulot ni Bathala ang pagkakataong ito. Yamang naghilom na ang mga sugat sa kanilang mga damdamin ay sisikapin naman niya na magkaroon ng katuparan ang pangalawang misyon kahit alam niya na nangangailangan ito ng pulidong diskarte para hindi mabibigla ang kanyang mistad kapag binanggit na niya ang pangalan ng dilag na nakilala niya sa ilog kaya depende pa rin sa magiging resulta kung maging katanggap–taggap ito sa kinakapatid niya. Sana, hindi muling magtatampo si Bag–aw pagkat kabutihasn din naman ang posibleng kahahantungan kung mauwi sa pag–aasawahan ang unang pakipagkita niya sa dilag para maranasan naman niya ang ligayang hatid ng may pamilya dahil pansamantala lamang ang sayang nararamdaman niya sa pangangaso habang may kulang ang kanyang buhay. Totoong dumaraan sa maraming pagsubok ang isang manliligaw ngunit nagiging hamon naman ito sa kanya habang puspos ng pananabik ang damdamin lalo’t ito ang hangarin na mismong siya ang gumagawa ng diskarte dahil walang nagtuturo sa kanya kahit ang kanyang amang kaya walang kailangan kung harangan man ng libong sibat ang kanyang landas pagkat sadyang bulag ang mga mata ng pusong umiibig. Gayunpaman, dapat maging maingat si Alba sa pagbanggit sa pangalawang plano dahil pinaninindigan pa rin ni Lakay Awallan ang paniniwala na bata pa si Bag–aw upang isipin na niya ang pag–aasawa samantalang mahalay na rin tignan kung magpakandong pa siya sa matanda kaya maghanap na lamang siya ng tunay na mapaglalambingan pagkat mas kapana–panabik ang bulungan ng mga puso sa tuwing gabi. “Sandali! Ano ba ang dahilan . . . ha?! Alba?! Bakit nagtatampo sa ‘yo . . . si Bag–aw?!” Pagkatapos ang matamang paglilimi ni Lakay Awallan ay saka pa lamang napagtanto niya na hindi magtatampo nang ganoon katagal si Bag–aw kung hindi rin lamang matindi ang dahilan pagkat siya ang nagpalaki sa kanya kaya siya ang higit nakaaalam sa kanyang ugali maski totoong nagiging bugnutin siya kung minsan ngunit hindi ito dahilan upang siya ang pagmumulan ng problema. Oo, talagang sensitibo si Bag–aw mula pa sa kanyang pagkabata at taglay niya ito hanggang ngayon dahil siya lamang ang walang nagisnang mga magulang sa kanilang komunidad kaya ibinuhos na lamang sa pangangaso ang kanyang tanang panahon sapul nang matutunang gamitin niya ang tunod at busog ng kanyang amang Alawihaw. Kunsabagay, hindi naman nababahala si Lakay Awallan dahil sa edad ngayon ni Bag–aw ay nagagawa nang kontrolin ang kanyang sarili kaya mas gusto pa niya ang nangangaso pagkat maaaring ito naman ang kanyang naisip na paraan maski bihira lamang kung makisalamuha siya ngunit naiiwasan naman niya ang masangkot sa gulo habang nalilibang sa kanyang hilig.
ITUTULOY
No responses yet