IKA – 198 LABAS

Delikado man kay  Bag–aw ang nag–iisa sa  kagubatan ay nagpapasalamat pa rin si Lakay Awallan nang mahumaling siya sa pangangaso dahil nalalayo siya sa gulo kung laging wala siya sa komunidad ngunit sinasabayan na lamang niya ng dasal pagkat walang mahihingan ng tulon sakaling may nangyaring masama sa kanya kaya talagang kaiangang hintayin niya si Alba para may kasama siya.  Subalit madalas tinatanggihan niya ang kanyang payo dahil mas gusto pa niya ang nag–iisa kaysa may kasama maski naglipana sa kagubatan ang panganib kaya talagang hindi rin napapalagay ang kanyang kalooban hanggang hindi pa siya umuuwi lalo na kung inabot siya ng dilim pagkat kulang ang taglay na kakayahan kung hindi naman kayang hadlangan ang disgrasya.  Katunayan, sinisikap na lamang unawain ni Lakay Awallan si Bag–aw habang lumalaki siya dahil makanti lamang ang damdamin niya ay nagiging malaking isyu na ito noon para sa kanya ngunit maaaring natutunan na rin niya ang magpasensiya habang unti–unting nalilinawan ang isip niya pagkat magiging kahiya–hiya naman kung ugaling bata pa rin siya hanggang ngayon.  Basta huwag lamang si Bag–aw ang pagmumulan ng gulo na maaaring makasisira sa kanyang pagkatao ay kasiyahan na ni Lakay Awallan dahil hindi na puwedeng ikatuwiran ang kanyang pagiging ulilang lubos kung paulit–ulit na lamang ito kaya ganoon na lamang ang pagtataka niya nang malaman na may kimkim na galit pala siya kay Alba pagkat malinaw na hindi pa rin lubos napalis sa kanyang isip ang pagiging matampuhin.

            “Kasi . . . Apong!  Nakantiyawan ko po . . . si Bag–aw!  Medyo . . . h–hindi po kagandahan!  Ang kantiyaw ko po . . . sa kanya!  Opo . . . Apong!  Kaya hindi ko rin po . . . masisisi!  Kung nagtampo man sa akin . . .  ang mistad ko!  Opo!”  Tunay na kahanga–hanga ang ginawa ni Alba pagkat walang pag–aatubiling inamin ang kanyang pagkakamali na naging dahilan upang magtampo sa kanya si Bag–aw ngunit napaisip naman si Lakay Awallan habang pinapakinggan ang kanyang paliwanag dahil hindi niya lubos maarok kung bakit nagdamdam ang apo niya gayong simpleng kantiyaw lamang pala ang sanhi.  Maaaring binabalikan naman ni Bag–aw sa alaala kung paano ba nagsimula ang pangyayari na labis niyang dinamdam dahil nakayuko siya ngunit nagtataka naman si Lakay Awallan nang mabaling sa kanya ang tingin nito pagkat hindi pa rin siya nagsasalita hanggang ngayong bumitiw na sa pagkakahawak sa kanya si Alba kaya may pagkakataon na sana upang tumakbo.  Pagkatapos mapakinggan ni Lakay Awallan ang pahayag ni Alba ay nagpasunod siya ng mariing iling nang mapaglimi na hindi naman pala dapat ikagagalit ni Bag–aw ang kanyang kantiyaw dahil normal lamang sa magkakaibigan ang nagkakantiyawan paminsan–minsan lalo na sa mga kalalakihan pagkat nakalakhan na nila ito kaya hindi puwedeng ipagbawal ang nakaugalian na.  Maya–maya, kumunot ang noo niya pagkat hindi niya lubos madalumat kung bakit naging isyu na para kay Bag–aw ang kantiyaw ni Alba imbes na binalewala na lamang sana niya ito upang hindi naapektuhan ang kanilang pagkakaibigan na tumagal nang isang linggo samantalang wala namang halaga sa kanilang buhay ang biro kung hindi lamang nila pinalubha.  Kantiyawan ng mga kalalakihang Malauegs ang laging naririnig niya sa tuwing dumulog siya sa hapag ngunit hindi naman sila nagbabangayan maski nakasasakit ang kanilang biruan sa halip naggagalakgakan pa sila kaya napapasabay na rin siya nang wala sa loob pagkat magpatawa ang layunin lamang nito para sumaya sila dahil isa rin ito sa paraan upang pawiin ang kanilang pagod sanhi ng araw–araw na pangangaso.  Nang biglang naging pormal ang mukha ni Lakay Awallan pagkat hindi pa niya narinig na nagbiro kahit minsan si Bag–aw sa tuwing nag–uusap sila habang nagpapaantok sa tangkil upang isipin niya na maaaring nakipagbiruan din siya kay Alba hanggang sa humantong sa kanyang pagtatampo ang palitan ng kanilang biruan dahil posibleng naging masakit ang biro ng kanyang mistad kaya ganoon na lamang ang kanyang pagdaramdam.  Tungkol sa mga ipinapatupad na ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang malimit itinatanong ni Bag–aw kay Lakay Awallan kahit parehong walang alam ang dalawa ngunit maaaring nagiging interesado naman ang binata para alamin ito pagkat malaki ang kalamangan ng isang mandirigma kung batid niya ang mga impormasyon na tumutukoy sa lakas ng kanyang kaaway dahil nakasalalay rito ang katuparan ng paghihiganti.  Seguro, nais lamang alamin ni Bag–aw kung gaano kahigpit sa pagpapatupad sa mga ordinansa ang mga soldados noong panahon ng kanyang mga magulang upang maging dahilan ito ng kanilang kamatayan ngunit sino ba sa kanila ang nakababatid kung parehong hindi pa nila nararating ang bayan ng Alcala kung hindi ipapahintulot ng kapalaran hanggang sa mamamatay na lang yata sila.  Kadalasan, ibinabaling na lamang nila sa pangangaso ang usapan kung hindi rin lamang mahanapan ng tugon ang tanong dahil sadyang kaligayahan na ni Bag–aw ang naglalagi sa kagubatan lalo na kung maraming huli kaya naaaliw sa pakikinig sa kanyang mga kuwento si Lakay Awallan pagkat nakakawala ng antok kahit sila na lamang ang gising hanggang hating–gabi.  Kunsabagay, dating perito rin sa pangangaso si Lakay Awallan sa mga panahong malakas pa siya kaya marami rin ang humahanga sa kanyang kagalingan ngunit natigil lamang ito nang mamatay ang kanyang amang Bangkuwang upang humalili sa iniwang tungkulin nito bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs pagkat obligadong gawin niya ang dalawang beses na pagdarasal sa isang araw.

            “Ano ba ang naging kantiyaw mo . . . sa kanya?!  Upang magalit siya . . . sa ‘yo!  Ha?!”  Pagkatapos, tumingin sa labas si Lakay Awallan pagkat nagpaparamdam na ang matinding antok kaya kailangan na niya ang matulog dahil gigising na naman siya mamayang madaling–araw para magdasal maski puyat siya ngayong gabi ngunit obligadong gampanan nang buong katapatan ang kanyang tungkulin upang hindi sila itatakwil ni Bathala sa sandaling dumating ang kanilang pinangangambahan.  Subalit kailangan matapos muna ang paliwanag ni Alba pagkat nakasalalay rito ang sagot sa tanong kung may dahilan bang magtampo si Bag–aw kung simpleng kantiyaw lamang ang pinagmulan dahil ayaw pa rin iparinig ang kanyang panig gayong ito ang hinihintay niya mula pa kanina para magiging patas ang pagdinig niya sa kanilang mga katuwiran.  Kung hindi lamang dumating si Alba ay tiyak kanina pa siya naghihilik ngunit biglang lumipad ang kanyang antok nang malaman niya na nagkasamaan ng loob pala sila ni Bag–aw nang lingid sa kanya dahil sa takot na mapapagalitan sila gayong normal lamang kung napangaralan man niya ang mga nagkasala kaya sinisi niya ang dalawa pagkat lumabis naman yata ang pagiging malihim nila.  Pagkatapos ang pananghalian kanina ay dinalaw siya ni amang Luyong na nagpahinga muna mula sa pangangaso pagkat naging bihira na lamang kung magkaroon sila ng panahon upang magkuwentuhan kaya hindi niya nagawa ang umidlip dahil dahilig na ang araw nang matapos ang kanilang usapan habang maghapon namang mahimbing ang tulog ni  Bag–aw.  Palibhasa, noong maliliit pa lamang ang mga anak ni amang Luyong ay may pagkakataong pumupunta kina Lakay Awallan silang mag–amang upang komustahin si Bag–aw na gustung–gustong magpakalong sa kanya kaya natuon dito ang kanilang kuwentuhan maski malayo na ang panahong ‘yon ngunit parang kailan lamang kung gunitain lalo ngayong malalaki sila.  Nang umalis si amang Luyong ay naisip niya ang pumasok sa kubol upang hindi msdidisturbo ang kanyang tulog para mabawi sana ang puyat niya kagabi ngunit hindi na niya itinuloy ito nang magising naman si Bag–aw kaya hinintay na lamang nila ang hapunan pagkat malapit na rin lumatag ang dilim hanggang sa nagtagal pa sila sa tangkil matapos kumain.  Kaya isinagawa na lamang ni Lakay Awallan ang panghapong panalangin habang hinihintay niya ang hapunan para mahihiga na lamang sana siya mamayang gabi ngunit hindi ito nangyari nang dumating si Alba hanggang sa tuluyan nang nawala ang antok niya dahil sa kanyang nstuklasan na hindi puwedeng ipagwalang–bahala pagkat sangkot pala rito si Bag–aw.  Aywan kung lubos na naintindihan ni Lakay Awallan ang paliwanag ni Alba basta napatingin si Bag–aw sa kanyang ngunit hindi mawari kung ikinagalit niya ang muling pagbanggit sa kantiyaw na naging dahilan ng pagtatampo niya pagkat hindi rin naman niya tinangkang pigilin ang mistad niya habang matamang nakikinig naman ang matanda hanggang sa napaisip siya.

            “Kasi po . . . Apong!  Sabi ko po . . . sa kanya!  M–Magpabinyag po muna . . . siya!  Opo!  Binyag po . . . para m–magkaroon siya ng k–karanasan!  Opo!  Karanasan po!  Kasi . . . kailangan po ito!  Bago siya . . . !  Ah . . . !  Ano?!  Opo!  ‘Yon po! He!!!He!!!He!!!”  Dagling napatingin kay Bag–aw si Lakay Awallan habang dahan–dahang nagbabalik sa lumang komunidad ang isip niya upang bakasin sa gunita ang ginawang pagbibinyang niya sa sanggol nina Alawihaw at Dayandang kaya natitiyak niya na nabinyagan na ang apo niya ngunit ano ba ang kaugnayan nito sa kanyang pagtatampo kung ito lang pala ang naging kantiyaw sa kanya ni Alba.  Mahirap ilarawan ang naging reaksiyon ni Lakay Awallan hanggang sa gumuhit ang umis sa mga labi niya dahil wala naman palang dapat ipagtampo si Bag–aw kung binyag lamang ang dahilan pagkat karaniwan nang ginagawa ito at siya pa ang nagbibibgay ng basbas sa kanila ngunit hindi na kailangang ulitin sa kanya kung ito ang punto ng kantiyaw.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *