Marahil, sadyang humibok sa puso ng dilag ang maglaba kahit nag–iisa lamang siya sa mga sandaling naroron naman sa ilog si Alba upang samahan sa paliligo ang mga anak kaya hindi puwedeng ipagpalagay na maaaring nagkataon lamang kundi talagang itinakda ang kanilang pagtatagpo dahil posibleng sila ang ginamit na intrumento ni Bathala para magkaroon ng katuparan ang plano niya kay Bag–aw. Sapagkat malaking kasinungalingan naman kung sa edad ngayon ni Bag–aw na dalawampu’t tatlong taon ay hindi pa siya nag–iisip ng malisya kaya hindi garantiya ang pagiging Punong Sugo ni Lakay Awallan upang paniniwalaan na bata pa ang kanyang apo pagkat namamalas mismo sa katawan niya ang katotohanan na hindi puwedeng pabulaanan. Si Lakay Awallan man ang nagpalaki kay Bag–aw kung hindi naman niya kayang arukin ang kanyang kalooban dahil siya lamang ang puwedeng magpahayag tungkol dito kaya nararapat lamang ang huwag nang panghihimasukan ang kanyang mga desisyon pagkat hindi katuwiran ang kanyang pananahimik upang ipagpalagay na sumasang–ayon siya. Katunayan, halos lahat na yata ng kadalagahang Malauegs sa bagong komunidad ay humahanga sa kanyang taglay na katangian at kakisigan ngunit naging lingid ito kay Lakay Awallan dahil walang hangal ang maglakas–loob upang pasinungalingan ang katuwiran niya kahit posibleng pagsisihan niya ito balang araw kaya tumututol ang kalooban ni Alba. Ngayong dumating na ang araw na ‘yon maski naghihintay na lamang ng pagkakataon upang ilatag ang pangalawang plano ni Alba dahil hindi puwedeng ipaalam ito kay Lakay Awallan para mananatili siya sa sariling paniniwala bilang paggalang na rin sa kanyang tungkulin pagkat kasalanang mortal kung kuwestiyunin ng sinuman ang kanyang katuwiran lalo’t siya ang nagpalaki kay Bag–aw. Seguro, idalangin na lamang ni Lakay Awallan na sana maunawain ang mapangasawa ni Bag–aw upang hindi rin tatahakin nito ang landas patungo sa kalbaryo na kinalalagyan ngayon ni Alba dahil pinairal ang kapusukan ng kanyang puso sa halip na pinakinggan ang bulong ng isip para nalaman niya na hindi pa handang magkaroon ng pamilya ang kanyang sarili. Walang duda na handa nang gampanan ni Bag–aw ang mabigat na responsibilidad sa pagkakaroon ng pamilya kung pagbabatayan ang edad niya pagkat seguradong naging aral din sa kanya ang mga nasaksihan niya upang tiyakin na hindi lamang mag–asawa ang turingan nila sa isa’t isa kundi matalik na magkaibigan para naiintindihan nito na pangangaso ang kanyang libangan sa buhay. Sana, ang dalagang nakilala ni Alba ay siya na ang itinakda ni Bathala upang makatuluyan ni Bag–aw habambuhay kaya kailangan na lamang maitakda rin ang kanilang pagkikita kahit bukas nang umaga nang magiging maganda naman ang mga panaginip niya sa halip na mga hayop sa kagubatan dahil talagang hindi rin naman ubra ang umibig sa diwata. Sana, hindi rin magagalit si Bag–aw kapag binanggit ni Alba ang tungkol sa dalaga pagkat hindi na ito biro ngunit kailangan lamang ilihim muna kay Lakay Awallan ang tungkol sa plano upang isipin nito na maliligo lamang ang kanilang pakay sa ilog bukas ng umaga dahil mahalagang maipakilalala sa kanya ang babae na sadyang itinakda ni Bathala para ibigin niya. Maya–maya, tumingala si Alba para alamin ang kasalukuyang posisyon ng mga bituin sa langit dahil patay ang buwan kaya nababalot ng pusikit na karimlan ang mundo mula pa kaninang takip–silim at tumitindi na rin ang lamig hatid ng makapal na ulop pagkat posibleng sumapit na ang hating–gabi nang hindi lamang nila napansin sanhi ng mahabang sermon ni Lakay Awallan. “Naku . . . Apong! Malalim na pala . . . ang gabi! Magpahinga na po . . . kayo! Kasi . . . ! Masama po sa inyo . . . ang napupuyat! Sige po! Matulog na po . . . kayo!” Sa kagustuhang malaman na ang magiging kahinatnan sa pangalawang plano ay talagang naglakas–loob na si Alba upang ipaalaala kay Lakay Awallan na kailangan na niya ang matulog dahil malapit na palang humimlay sa kanluran ang krus na bituin kaya seguradong darating na rin mamaya lamang ang madaling–araw hanggang sa napatingin siya kay Bag–aw para alamin kung nagpahiwatig na rin ba sa kanya ang antok. Hindi naman malaman ni Alba kung dapat bang mag–aalala siya nang mabigyan niya ng masamang kahulugan ang sunud–sunod na paghihikab ni Bag–aw ngunit hindi naman tinangka ng mistad niya ang pumasok kahit sa tangkil man lamang kaya hindi pa rin siya nawawalan ng pag–asa hanggang hindi niya narinig ang kanyang paalam upang matutulog na rin. Sana, hindi mangyayari ang pinangangambahan niya dahil talagang talampakang ipagtatapat na rin niya ang tungkol sa dalagang nakilala niya sa ilog maski marinig pa ito ni Lakay Awallan ay walang kailangan kung muling masermunan siya pagkat susop na ng panahon kaya depende na lamang kung pahalagahanni Ba–aw ang mensahe para sa kanyang buhay. Aminado si Alba na seguradong mahimbing na rin ang tulog niya habang katabi ang kanyang bunso ngunit kailangan tiisin niya ang antok dahil siya naman ang may gusto nito kaya lubus–lubusin na niya ang pagkkataon hanggang sa masabi niya kay Bag–aw ang tungkol sa pangalawang plano dahil ito ang mahalaga nang higit pa sa kapatawarang nakamtan niya basta huwag lamang siya magtampo uli. Aywan kung pakinggan naman kaya ni Lakay Awallan ang payo ni Alba maski hindi niya hinihingi dahil kisap–matang gumuhit lamang ito sa kanyang isip pagkat hindi masisimulan ang pangalawang misyon kung hindi pa matulog ang matanda maski malinaw naman na pilit lamang linalabanan niya ang antok gayong wala nang dahilan upang magtagal pa siya ngayong nalaman na niya ang tungkol sa tampuhan nila Bag–aw. Marahil, gusto nang magpaalam kina Alba at Bag–aw si Lakay Awallan pagkat nagpalipat–lipat sa kanila ang kanyang tingin ngunit hindi pa siya tumayo maski hagilap na ng kayang kamay ang tungkod kaya hindi magawang matuwa ng dalawa maliban sa maghintay hanggang sa napatanaw sa entrada ang isa sa kanila dahil sa sobrang panghal na pinalubha pa ng pag–aalala. Posibleng tama ang hinala ni Alba na matindi na rin ang nararamdamang antok ni Lakay Awallan dahil maya’t maya ang gumok sa leeg niya hanggang sa tuluyan nang natigil ang ugoy niya sa silyon pagkat talagang hindi na kayang sagupain ng karawan niya ang lamig ng ulop kaya tiyak na kanina pa siya naghihilik kung hindi lamang sa tampuhan nila ni Bag–aw.
ITUTULOY
No responses yet