Maya–maya, ang hinihintay na hudyat para lumabas na si Alba ay dinig na ng mga butiki kaya dahan–dahang tinungo niya ang tangkil dahil kailangan maagapan niya si Bag–aw bago maisipan nito ang matulog na rin kapag nainip na sa paghihintay sa kanya pagkat hindi pa niya naisisiwalat ang pangalawang misyon tungkol sa dilag kaya sayang naman kung umuwing bigo siya. Napabilis ang balik ni Alba dahil siya ang kinikilig sa tuwing naalaala ang dalagang nakilala niya sa ilog pagkat talaga namang nakapanghihinayang ang kanyang ganda kaya kasalanan mang sabihin na sana pinapayagan ng kanilang tribu ang pagpapalit ng asawa ay seguradong hindi na siya magsasayang pa ng pagkakataon upang ligawan ang dilag kaysa magpaubaya pa siya kay Bag–aw. Hustong palabas na ng silid ang kanyang hakbang nang mapalingon siya sabay hinto upang tiyakin ang kanyang naulinigan hanggang sa bumalik nang patiyad ang kanyang mga paa para tiyakin kung talaga bang si Lakay Awallan ang nagsasalita pagkat pikit na ang mga mata nito at naghihilik na nang iwan niya kaya kumunot ang noo niya dahil lalong nabalam ang kanyang paglabas. Mas segurado pa siya na maaaring nanaginip lamang si Lakay Awallan maski imposibleng paniwalaan dahil halos kapipikit pa lamang ng mga mata nito ngunit mahirap naman balewalain ang hilik na narinig niya pagkat lalong imposible na galing kay Bag–aw gayong gising pa ang kanyang mistad kaya inalam niya ang pinanggagalingan ng talhak. Aywan kung may mga pangyayari na nagsasalita si Lakay Awallan habang natutulog sa gabi dahil wala pa namang nababanggit tungkol dito si Bag–aw ngunit ito naman ang naging palagay ni Alba pagkat ito ang malapit na posibilidad upang paniwalaanan niya kaysa tanungin pa ang kanyang mistad na kanina pa inabot ng panghal sanhi ng paghihintay sa kanya. Nang gulantangin si Alba sa kanyang natuklasan pagkat hindi pala nanaginip lamang si Lakay Awallan kundi talagang gising pa siya dahil dilat ang mga mata niya habang nagsasalita ngunit hindi na siya bumangon kaya nag–aatubili namang lumapit sa papag niya ang kanyang mga paa nang maisip na maaaring sinaniban siya ng masamang espiritu. Napailing na lamang ni Alba kaya pinakinggan na lamang niya ang karugtong ng sermon ni Lakay Awallan dahil ngayon pa lamang yata nabuo ito sa kanyang isip kung kailan matutulog na lamang siya ngunit hindi niya naiwasan ang muling mapailing pagkat hindi na niya piho kung mababanggit pa niya kay Bag–aw ang tungkol sa pangalawang misyon ngayong nabalam na naman ang paglabas niya.
“Magpapahinga na ako . . . ! Ayusin ninyo . . . ang anumang problema . . . mayroon kayo! Ha?! Huwag kayo matulog . . . ngayong gabi! Hanggang . . . hindi pa napapawi! Ang . . . sama ng loob n’yo! Sa . . . isa’t isa! Ha?! Alba?!” Hindi mawari ni Alba ang nararamdaman niya kung dapat bang magulat ngunit mas gusto niya ang humalakhak dahil naisahan siya ni Lakay Awallan nang maipagpalagay niya na tulog na siya hanggang sa natanong niya ang sarili kung saan galing ang hilik pagkat gising pa pala siya maski pikit ang mga mata nang iwan niya kaya lumikot ang kanyang mga mata upang hanapin ang tugon. Seguro, guni–guni lamang niya pagkat kanina pa naghihintay sa tangkil si Bag–aw kaya nagkibit–balikat na lamang siya habang pinapakinggan ang sana’y huling paalaala ni Lakay Awallan sa gabing ‘yon matapos mapagkuro na normal lamang kung nagpasunod ng bilin ang matanda sanhi ng kanyang pag–aalala para tiyakin na sa kanyang paggising bukas ay nagkabati na silang magmistad. Pagkatapos, muling pumikit ang mga mata ni Lakay Awallan nang makita ang pagtango ni Alba na kasalukuyang nagdarasal ang isip upang mangyari ang kagustuhan niya na umagahin nang gising ang matanda dahil pinananabikan na niya ang magiging reaksiyon ni Bag–aw kapag naiparating niya ang magandang balita kaya hindi dapat mauulit ang pagkakamali niya. Hinintay muna si Alba na marinig ang palatandaan ng kahimbingan ni Lakay Awallan upang hindi na mauudlot ang pag–alis niya pagkat nag–aalala na rin siya dahil lalo lamang nababalam ang kanyang paglabas sanhi ng maling akala ngunit may paniniyak na siya sa sarili para hindi na siya pabalik–balik sa silid na madilim maski bukas ang bintana. Hanggang sa napangiti siya nang marinig ang lumalakas na hlik ni Lakay Awallan dahil seguradong nakipagtipan na kay Bathala ang kanyang espiritu kaya imposibleng nagkamali na naman siya ngunit tumingala pa rin siya na waring tinatanong ang mga butiki pagkat kanina pa siya hinihila palabas ng mga paa niya kung hindi lamang sa kanyang pahabol na bilin. Maya–maya, patiyad ang lakad niya palabas ng kubol upang hindi makalikha ng ingay ang kanyang mga hakbang ngunit minsan pang lumingon siya para tiyakin na tuluyan nang napayapa ang naliligalig na damdamin hanggang sa narating niya ang tangkil nang mabahala na naman siya pagkat hindi na niya dinatnan doon si Bag–aw kaya wala sa loob nang mabaling kay Lakay Awallan ang kanyang paninisi. Talagang kinabahan siya dahil tiyak na mabubulilyaso rin ang pangalawang plano kung tama ang kanyang kutob na maaaring hindi na siya nahintay ni Bag–aw nang tumagal ang pagbabantay niya kay Lakay Awallan ngunit naghanap pa rin sa madilim na kapaligran ang kanyang mga mata sa pagbabakasali na maaaring naglakad–lakad lamang ang kanyang mistad para hindi antukin. Sumilip siya sa loob ng kubol nang maipagpalagay na maaaring nahiga na rin si Bag–aw nang hindi niya napansin maski imposible upang paniniwalaan ang sariling sapantaha dahil tiyak na magpapaalam ang mistad niya hanggang sa narating pa niya ang kanyang papag ngunit wala roon ang hinahanap niya kaya napaisip siya habang nililirip ang kanyang posibleng kinaroroonan. Ngayon pa yata masisira ang kanyang plano kung kailan mahimbing nang natutulog si Lakay Awallan dahil kanina pa niya hinihintay ang pagkakataong ito para makausap nang masinsinan si Bag–aw kaya dali–daling bumalik siya sa tangkil hanggang sa tuluyan nang lumabas upang pakiramdamn ang paligid maski nagiging balakid din sa paghahanap ang kanilang kaitiman. Naku! Kabutihan, hindi siya napasigaw nang tumutol ang kanyang sarili sa bulong ng isip niya na puwede namang ipagpabukas na lamang ang pangalawang plano dahil nagkasundo na rin sila kaya wala nang problema pagkat hindi naman lingid sa kanya na laging madaling–araw ang alis ni Bag–aw upang mangangaso ngunit tinanggihan niya ang katuwirang ito. Sapagkat natitiyak naman ni Alba na hindi pa natutulog si Bag–aw ay matinding sinalungat ng kanyang kalooban ang pang–uupat na mas mainam kung matulog na lamang siya kahit hindi pa niya nababanggit sa kanyang mistad ang tungkol sa dalaga dahil hindi naman ito ang huling gabi upang mawalan siya ng pag–asa sa halip darating pa ang maraming pagkakataon. At hindi rin naman magiging mahimbing ang kanyang tulog kung pamaya’t maya ang bangon niya kaya itinuloy na lamang niya ang paghahanap pagkat hindi puwedeng ipagpabukas ang dapat malaman ngayon ni Bag–aw dahil kailangan maipakilala sa dilag ang mistad niya para magkaroon agad ng resulta bukas ng umaga rin ang pangalawang plano.
Kanina, habang nag–uusap sina Lakay Awallan at Alba ay minabuti ni Bag–aw ang maglakad–lakad maski tumitindi ang lamig upang damhin ang katahimikan ng bagong komunidad habang natutulog nang buong kahimbingan ang mga katutubong Malauegs maliban sa mga tanod sa pasukan at sa kanilang tatlo na gising pa rin hanggang ngayong sumapit na ang hating–gabi dahil naging seryoso sa pagbibigay ng pangaral si Lakay Awallan samantalang simpleng tampuhan lamang ang kailangang aregluhin niya. Sa halip na bumalik sa tangkil si Bag–aw ay dumeretso siya sa hapag upang doon na lamang hintayin si Alba ngunit hindi siya nagtaka kung bakit hindi pa rin siya inaantok pagkat natulog siya nang maghapon kanina para samantalahin ang araw ng kanyang pahinga dahil madalas nararamdaman niya ang matinding kapagalan sanhi ng maghapong pangangaso. At may sandali na hindi niya kayang labanan ang antok dahil laging madaling–araw ang gising niya kaya wala nang dahilan ngayong nagkabati na sila ni Alba upang hindi sila muling magkasabay sa pangangaso maliban na lamang kung tanghaliin nang gising ang kanyang mistad dahil talagang nasanay na siya na madaling–araw ang pasok sa kagubatan. Hindi pa siya natatagalan sa hapag nang matanaw niya ang paglabas ni Alba pagkat nawaglit din sa isip niya na patayin ang gasera nang pumasok na sa silid si Lakay Awallan upang hindi magagambala ng liwanag na tumatagos sa loob ng kubol ang tulog nito ngunit hindi pa rin niya tinawag maski labas–pasok na sa tangkil ang mistad niya dahil sa paghahanap sa kanya. Seguro, magpaparamdam lamang siya kapag hindi natunton ni Alba ang kanyang kinaroroonan para bigyan na rin ng leksiyon ang kanyang mistad dahil may katuwiran naman pala ang kanyang pagtatampo nang mismong si Lakay Awallan ay hindi rin nagustuhan nito ang biro niya kaya sisipol na lamang mamaya siya kung ramdam na niya ang pagod sa paghahanap. Sadyang binagalan ni Alba ang paglalakad habang hinahanap niya si Bag–aw upang huminto paminsan–minsan sa tuwing may napapansin siya hanggang sa inaninaw nang maigi ng mga mata niya kung si Bag–aw ba ang aninong natatanaw niya sa hapag dahil nag–aalangan yata siya para kumpirmahin gayong wala pa namang namatay sa bagong komunidad kung takot siya sa multo.
ITUTULOY
No responses yet