IKA – 205 LABAS

Lingid sa kanya ay si Bag–aw ang aninong pilit sinisipat niya ngunit maaaring hindi malinaw sa kanyang paningin maski kinakawayan na siya nito dahil naging balakid ang pusikit na dilim kaya pansamantalang natigil ang kanyang paglalakad upang talusin nang mabuti ang kanyang sapantaha hanggang sa muling humakbang nang marahan ang kanyang mga paa.  Hindi rin naman tumayo si Bag–aw upang salubungin sana si Alba na humihinto sandali sa bawat hakbang niya dahil nagdududa pa rin hanggang sa dahan–dahang lumakad pabalik ang kanyang mga paa nang maisip niya ang umuwi na lamang kung hindi niya mahanap ang kanyang mistad pagkat inaantok na rin siya ngunit napalingon siya para tiyakin ang kanyang naririnig.  Halos magtatakbo naman papunta sa hapag si Alba pagkat naging ugali na ni Bag–aw ang tumataltak sa tuwing nararamdam niya ang pagkainip kaya tuwang–tuwa siya dahil maihahabol pa rin ang kanyang plano na muntik nang sagpangin ng dilim kung hindi siya naging matiyaga sa paghahanap ng kanyang mistad ngunit husto namang tumilaok ang mga labuyo para ihudyat ang pagsapit ng madaling –araw.  Aywan kung balak pa rin ni Bag–aw ang mangangaso maski puyat siya ngayong gabi dahil wala naman sa kanyang kilos ang pagmamadaling kunin ang kanyang busog at tunod sa halip kampante ang kanyang kalooban kaya walang kakupas–kupas din ang ngisi ni Alba pagkat walang duda na matutuloy ang lusong nilang dalawa sa ilog mamayang umaga para makilala ng kanyang mistad ang dalaga.

            “Mistad . . . salamat uli!  Ha?!  Dahil . . . hindi naging mahirap sa ‘yo!  Ang . . . !  Ang . . . patawarin ako!”  Muling hiningi ni Alba ang kapatawaran ni Bag–aw upang magkaroon nang ganap na kapanatagan ang kanyang damdamin maski totoong nagkaayos na sila sa harap ni Lakay Awallan ay mainam pa rin kung masambit mismo nito ang pagpapatawad dahil aminado rin naman siya sa pagkakamaling nagawa niya kaya nangangako siya na magiging maingat na sa pagbibiro.  Kabutihan, hindi nagdalawang–isip lumapit sa hapag si Alba nang maaninaw niya ang silweta ni Bag –aw habang hinihintay siya nito kaya hindi mailalarawan sa simpleng pananalita ang naramdaman galak ng kanyang kalooban pagkat matutuloy  na rin nang walang duda ang katuparan sa pangalawang misyon kahit madaling–araw na dahil importanteng makilala mamayang umaga rin ng kanyang mistad ang dilag.  Lalong lumakas ang pag–asa niya nang hindi na tumagal ang kanyang paghahanap kay Bag–aw kaya gustong maghihiyaw ang kanyang puso kung hindi lamang kalabisan pagkat mabubulahaw naman ang kahimbingan ng mga katutubong Malauegs dahil talagang uuwi na sana siya nang magpahiwatig ang matinding antok kahit hindi niya nabanggit ang tungkol sa dalaga.  Talagang sinadya ni Bag–aw ang hintayin si Alba sa hapag pagkat nararapat lamang malaman din niya na hindi siya nagtanim ng galit dahil lamang sa kantiyaw kundi simpleng pagtatampo ng isang bunso sa kanyang nakatatandang kapatid kaya dapat lamang ipagpasalamat nang siya mismo ang gumawa ng paraan upang muling pasiglahin ang kanilang mabuting turingan.  Aminado rin naman si Alba na talagang kinabahan siya nang hindi niya mahanap–hanap si Bag–aw dahil hindi na nila mapag–uusapan ang tungkol sa dalaga kung iniwasan pa rin siya nito maski nagkasundo na sila kaya ang seryosong mukha kanina’y masaya na ngayon pagkat malinaw ang mensahe sa umis na sumalubong sa kanyang paglapit maski walang salitang namutawi sa mga labi.  Tuloy, muling nayapos niya si Bag–aw upang iparamdam ang kanyang pasasalamat ngayong nagkasundo na sila dahil walang gabi na hindi niya ipinagdarasal kay Bathala na sana matutunan ng kanyang mistad ang magpatawad kaya magiging mahimbing na ang tulog niya pagkat magaan nang damhin sa kalooban ang malaman na walang nagtatampo sa kanya.  Hindi naman niya itinatanggi na talagang pinanghihinayangan din niya ang mga araw na hindi niya nasasabayan sa pangangaso si Bag–aw dahil pinapawi ng mga masasayang kuwento ang kanilang kapaguran pagkat animo’y may sariling mundo sila na hindi pa natutuklasan ng kahit sino maliban sa mga diwata sa kagubatan habang minamatyagan sila ng mga ito.  Minsan pang umusal ng pangako kay Bathala ang isip ni Alba upang hindi na muling magagalit sa kanya si Bag–aw dahil nagiging miserable siya kung walang nasasabihan ng kanyang mga problema kaya gusto nang mananangis ang kanyang kaluluwa kung hindi lamang magiging kahiya–hiya sanhi ng nararamdamang awa sa kanyang sarili pagkat hindi na niya nasusumpungan ang kapayapaan mula nang magkaroon siya ng pamilya.  Basta idalangin na lamang niya na sana hindi magagalit si Bag–aw kapag binanggit na niya ang tungkol sa dalaga para hindi masisira ang pangako niya dahil talagang importante ang malaman ito ng mistad niya pagkat matulin ang paglalakbay ng panahon kaya naroroon ang malaking posibilidad upang maapektuhan ang kanyang pagkatao hanggang sa tumandang binata siya ngunit huli na kung mapansin pa niya ito.  Kunsabagay, dito masusubukan ang tunay na pagkatao ni Bag–aw dahil normal lamang ang ganitong kuwento kaya dapat magiging bukas ang kanyang isip pagkat magiging malaking rebelasyon mamaya kung paano niya tatanggapin ito pagkat may dahilan na upang pagdududahan ang kanyang tunay na kasarian kung maging dahilan na naman ito ng panibagong tampuhan nila.  Sapagkat magiging kakuruan nang lahat na panlabas lamang pala ang kanyang katapangan sa tunay na nararamdaman niya kung ikagalit pa rin niya ang kuwento tungkol sa dalaga kaya huwag munang pangunahan ang magiging reaksiyon niya hanggang hindi pa naipagtapat ni Alba ang pangalawang misyon na kanina pa naghihintay kung hindi lamang ito nabalam.  “Alam mo . . . mistad!  May . . . nakilala akong dalaga!  Annayatan!  Oo . . . mistad!  Annayatan . . . ang kanyang pangalan!  Maganda siya . . . mistad!  Siya na yata . . . ang pinakamagandang dilag . . . sa ating tribu!  Totoo mistad . . . hindi ako nagsisinungaling!”  Bumuntung–hininga nang malalim si Alba saka tumingala para hanapin sa langit ang kinaroroonan ni Bathala sa pagbabakasakaling bigyan ng linaw ang kanyang isip upang madalumat ang kaaya–ayang pananalita dahil mahirap nang magtampo uli si Bag–aw kaya sinimulan niya ng pabulong ang pagpaparating sa balita maski hindi mawari kung naging maganda ito sa kanyang pandinig.  Kunsabagay, talaga namang maganda si Annayatan, ang dalagang nakilala ni Alba sa ilog pagkat tunay na nakabibighani ang kanyang taglay na kariktan ngunit walang duda na ngayon pa lamang narinig ni Bag–aw ang kanyang pangalan kahit hindi siya nakitaan ng interes kaya nararapat lamang maitakda mamayang umaga ang kanilang pagkikita para masisimulan na rin ang panliligaw kung sadyang sila ang itinakda sa isa’t isa.  Sinisikap ni Alba na isabay sa tiyempo ang paglalarawan niya kay Annayatan upang hindi maupasala ang damdamin ni Bag–aw dahil naging aral na sa kanya ang isang linggong tampuhan nilang dalawa pagkat ang mabanggit man lamang sa kanya ang pangalan ng dalaga ay kasiyahan na niya kaya depende na rin sa kanya kung dapat bang ikagalak ang balita.  Madali lamang ang magsinungaling kung tuusin pagkat puwedeng magtagni–tagni ng istorya si Alba ngunit hindi kayang lansihin ang talas ng mukta ni Bag–aw dahil mapanuri rin ang tingin niya kaya naging maingat siya para hindi magiging mahirap depensahan ang kanyang tinuran kung asaltuhin siya ng maraming katanungan mula sa kanyang mistad.  Dapat lamang magiging kapani–paniwala ang kuwento tungkol sa dalaga para magkaroon ng interes si Bag–aw dahil simpleng pagkakahumaling lamang ang sinasabing hilig niya sa pangangaso habang wala pang pinagkaaabalahan ang sarili niya kaya nararapat lamang mabaling sa ibang aktibidad ang kanyang pansin upang hindi  niya tataglayin ang matinding pagsisisi pagkat hindi pabalik ang lakad ng panahon.  Hindi rin naman itinatanggi ni Alba na talagang napaibig nang lihim ang puso niya kay Annayatan nang saglit din naging salawahan siya kaya imposible na babanggitin pa niya kay Bag–aw ang tungkol sa kanya kung binata pa lamang siya pagkat nasa kanya na ang mga katangian na hinahanap niya sa isang dilag kung hindi lamang siya maagang tinisod ng kamalasan.  Kunsabagay, hindi naman talagang malas ang buhay may–asawa niya pagkat nagkaroon naman siya ng limang anak kay Sahing kahit madalas nagtatalo silang mag–asawa ngunit talaga yatang ito ang kanyang kapalaran kaya damhin na lamang niya sa panaginip ang hinahangad na masayang pamilya dahil tiyak na may pagbabago pa rin magaganap kapag matanda na sila.  Marahil, malaking tulong din ang mga naging karanasan niya sa panliligaw pagkat nalaman agad niya ang pangalan ni Annayatan kahit unang pagkikita pa lamang nila kaya tunay na kahanga–hanga ang kanyang liksi dahil maaaring taos sa kanyang layunin ang naisip na paraan upang mapasaya ang mistad niya maski may isang linggo nang nagtatampo siya sa kanya.  Kunsabagay, malay ba kung balewala lamang sa mga bata ang pakipag–usap ng kanilang amang sa isang dilag ngunit dapat pa rin ikabahala ni Alba ang magiging epekto ng kanyang kapangahasan dahil posibleng magagatungan ang selos ni Sahing kung biglang nabanggit ng mga anak niya ang pangalan ni Annayatan gayunman maaaring hindi ito nangyari kanina pagkat nagawa niya ang lumabas sa kanilang kubol para makipagkita kay Bag–aw.  Dagling naparam ang tuwa ni Alba dahil nabigyan niya ng masamang kahulugan ang matalas na titig ni Bag–aw kaya sandaling natahimik siya pagkat naging seryoso ang kanyang mukha ngunit hindi siya nag–aalala habang tinatantiya ang nararamdaman ng mistad niya dahil handa na rin siya upang umuwi kung sakaling masamain nito ang mga sinasabi niya.  Tuloy, hindi niya naiwasang sisihin ang sarili maski handang humingi ng paumanhin dahil nagpaalaala sa kanya ang mahigpit na bilin ni Lakay Awallan ngunit may magagawa pa kaya siya kung talagang hindi na maiwasan hanggang sa napabuntung–hininga siya nang mapansin ang umis ni Bag–aw na waring nais tumanggi kahit naroroon ang pagpayag kaya gustong maghuhumiyaw ang kanyang kalooban sanhi ng sobrang kagalakan.  “Bagay na bagay . . . kayo!  Oo . . . mistad!  Tiyak . . .  magiging ulirang asawa siya!  Kunsabagay . . .  huwaran ka rin naman . . . sa lahat ng mga kalalakihang Malauegs!”  Pagkatapos manligalig ang mga nakababahalang katanungan ay ramdam ngayon ni Alba ang tagumpay sa kanyang pangalawang misyon dahil hindi pala nagkamali ang kanyang sapantaha kaya bukal sa kanyang kalooban ang magparaya pagkat kaligayahan niya ang makatuluyan ni Bag–aw si Annayatan upang magkaroon na rin ng sariling pamilya ang kanyang mistad.  Itinodo ni Alba ang panghihimok kay Bag–aw ngunit idinaan niya sa bulong dahil hindi rin siya segurado na sila lamang ang gising pa pagkat kanina pa tumitilaok ang mga labuyo kaya posibleng may bumabangon na upang ihanda ang kanilang almusal at maaaring nagising na rin si Lakay Awallan maski puyat siya kagabi para sa madaling–araw na panalangin.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *