IKA – 206 LABAS

Sapagkat ganitong oras gumigising si Lakay Awallan para simulan ang pagdarasal na tumatagal hanggang umaga upang tiyakin na naririnig ni Bathala ang mga kahilingan niya saka lalabas siya sa tangkil habang hinihintay ang mainit na salabat mula sa kusina kaya walang sinayang na sandali si Alba pagkat naitakda na sa isip niya ang magaganap na tipanan nina Bag–aw at Annayatan mamayang umaga.  Naging orasan din ng mga kababaihang Malauegs ang tilaok ng mga labuyo upang magtungo sa kusina pagkat kailangan nailatag na sa hapag ang almusal mamayang paggising nang lahat kaya maya’t maya naman ang pagmamatyag ni Alba sa paligid para tiyakin na wala pang gumagalaw na anino dahil posibleng magagambala naman ang pag–uusap nila ni Bag–aw.  Ganitong oras din nagpapakulo sila ng salabat dahil ito ang kailangan ng mga kalalakihang Malauegs  kahit hindi na sila kumain ng almusal basta nainitan ang kanilang tiyan pagkat maagang nangangaso ang kanilang grupo kaya dasal ni Alba na sana tulog pa ang kanyang amang Luyong upang hindi matanong nito kung bakit gising na siya dahil karaniwang bangon niya ay mainit na ang araw.  Suko sa langit ang pasasalamat ni Alba pagkat hindi niya nakitaan ng pagtutol si Bag–aw maski kumunot ang kanyang noo nang marinig ang kuwento tungkol kay Annayatan ngunit tahimik lamang siya habang pinapakinggan ang pagsasalita niya dahil mistulang naseseguro na niya ang posibleng kahahantungan kapag naipakilala na ang isa’t isa sa kanila mamayang umaga.  Matapos tarulin ang iniisip ni Bag–aw ay patangu–tango naman siya upang patotohanan ang kanyang balita maski kulang ito sa impormasyon dahil minsan pa lamang nakatagpo niya si Annayatan at naging madalian pa yata para hindi maghihinala ang kanyang mga anak pagkat nagmana sa ugali ng inang ang kanilang panganay kaya ang pagiging sumbungero nito ang madalas na dahilan ng giyera nilang mag–asawa.  Aywan kung ikinatuwa naman ni Bag–aw ang balita basta nakatitig lamang ang kanyang inaantok na mga mata ngunit seryoso naman ang mukha ni Alba pagkat hindi rin naman niya ipagpipilitan ang plano sakaling magalit siya hanggang sa humakbang siya na ikinabahala niya nang maisip na maaaring matutulog na siya dahil sunud–sunod ang kanyang hikab.  Pero mali pala ang naging palagay ni Alba pagkat hindi naman pabalik sa kubol ang lakad ni Bag–aw kaya wala palang dapat ipangamba ngunit minabuti niya ang sumabay sa paglalakad dahil hindi rin niya lulubayin ang pagsunod sa kanya maski malapit na yatang mamaalam ang dilim hanggang hindi siya sumang–ayon upang maganap na mamayang umaga ang pagtatagpo nila ni Annayatan.  Kabutihan, hindi pa nagdatingan ang mga nakatalaga sa kusina at mahimbing pa rin yata ang tulog ng mga kalalakihang Malauegs maliban sa kanilang dalawa na talagang hindi natulog nang magdamag kaya may kabuluhan pa ba ang pagpupuyat kung palampasin din lamang niya ang pagkakataon dahil sadyang kaabang–abang ang magiging katuparan ng pangalawang misyon.  Subalit si Alba ang naumid pagkat malayo sa punto ang tugon ni Bag–aw samantalang si Annayatan ang kanilang pinag–uusapan kaya sandaling napaisip siya habang tinatanong ang sarili kung maganda ba si Sahing kahit hindi siya segurado kung ano ba ang batayan ng kagandahan upang tumango siya dahil mahirap tanungin ang sarili na minsan din naging hangal sanhi ng kapusukan ng kanyang damdamin.

            “Mas . . . maganda pa ba siya?!  Kaysa asawa mo . . .  ha?!  Mistad?!”  Kunsabagay, kagandahan ang tanging namamalas ng lalaking naging baliw sa pagmamahal ang puso kaya kailangan pang mauntog sa bato ang ulo niya upang magising ang kanyang mga matang naging bulag ss pag–ibig ngunit bihira lang naman ang may ganitong karanasan at isa na si Alba sa kanila dahil nagkukubli lamang pala sa panlabas na anyo ang pagiging selosa ng kanyang asawa.  Iniisip na lamang ni Alba na maaaring nagbibiro lamang si Bag–aw maski pormal ang kanyang mukha ngunit gugustuhin na lamang niya ang ganitong tanong kaysa nagtampo na naman siya dahil hindi na rin tama kung bigyan ng masamang kahulugan ng mistad niya ang bawat pagkakamali niya pagkat nararapat lamang maging malawak na ang kanilang pang–unawa habang tumatanda sila.  Diyata, naging sukatan pa ni Bag–aw ang taglay na kagandahan ng asawa ni Alba hanggang sa namangha siya pagkat tiyak na ikagugulat din nito ang kanyang sagot kung noon pa niya narinig ang tanong kahit minsan din naging bulag ang kanyang mga mata dahil laging panlabas na anyo ang tinitignan lamang ng baliw na puso ngunit normal lamang ito sa taong umiibig kaya tinatanggap niya ang anumang kapintasan ng kanyang asawa.  Talagang nagulat din si Alba ngayong nalaman niya na maganda pala sa tingin ni Bag–aw ang kanyang asawa ngunit ayaw namang isipin niya na higit pa rito ang kanyang paghanga pagkat mas tiyak pang sabihin na posibleng nadismaya siya sa pagiging selosa ng asawa niya kaya maaaring ito rin ang naging dahilan kung bakit hindi siya nagmadaling magkaroon ng pamilya.  Katunayan, talagang palaban din naman ang kariktan ni Sahing kaya tinanggap na lamang ni Alba na siya ang sadyang itinakda ni Bathala upang makasama niya habambuhay maski matindi ang pagtutol ng kanyang mga magulang noong ikinasal sila ngunit napagtanto niya na lalong gumaganda ang kuwento ng kanilang pagmamahalan habang tumatagal ang kanilang pagsasama dahil ang pagiging selosa ng asawa niya ay tanda ng tapat na pag–ibig.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *