IKA – 209 LABAS

Sakali mang pumayag siya sa kahilingan ni Alba ay unang karanasan ng kanyang buhay ang manligaw ngunit wala namang kaseguruhan kung pumayag si Lakay Awallan kahit ngayong binata na siya kaya nagdadalawang–isip siya upang ikompromiso sa isang kasunduan ang sarili kung hindi naman niya matutupad ito dahil hindi niya magawang suwayin ang salita ng matanda.  Mainam pa yata ang huwag nang gawin kung ang pakipagkita niya sa dalaga ay magpapaalaala lamang sa katuwiran ni Lakay Awallan para hindi siya magkakaroon ng problema dahil madaling tuklasin ang lihim maski ipagpilitan pang napapanahon na rin upang mag–asawa siya kung hindi naman ito tanggap ng matanda na sa simula pa lamang ay naging dominante na.  Palibhasa, limitado lamang sa pangangaso ang buhay ni Bag–aw ay naging mahirap sa kanya upang gawin ang isang bagay na hindi sumagi sa isip niya kahit kailan kaya napakamot na lamang siya sa ulo sabay iling nang mariin dahil gugustuhin na lamang niya ang gumising sa madaling–araw kaysa magpaalam pa siya kay Lakay Awallan para lamang manligaw.  Tiyak na lalong aantukin lamang siya habang nakipag–usap sa isang dalaga dahil hindi pa niya naranasan ito sa tanang  buhay niya bukod pa ang kanyang pagiging lakoniko kaya magiging kabagut–bagot lamang sa kanya ang bawat sandal pagkat kuntento na sa pakikinig ang sarili niya sa halip na siya ang nagsasalita hanggang sa muling napasulyap siya kay Alba.  Oo, kahit noong maliit pa lamang si Bag–aw ay nasa tabi lamang siya ni Lakay Awallan sa tuwing may ginaganap na pulong sa bagong komunidad pagkat hindi siya mahilig magkuwento ngunit taglay niya ito hanggang ngayong binata na siya kaya naging malihim siya dahil laging nagpaalaala sa kanya na malaking kahihiyan kung masangkot sa gulo ang apo ng Punong Sugo.  Katunayan, kay Lakay Awallan lamang bukas ang kanyang kalooban at kay Alba noong hindi pa sila nagkaroon ng tampuhan pagkat naiintindihan nila ang kanyang damdamin ngunit masaya siya sa ganitong kalagayan dahil nagiging kaaliw–aliw sa kanyang pakiramdam ang iba’t ibang huni ng mga ibon habang ginagalugad ang kagubatan upang hanapin ang mga lungga ng mga hayop.  Subalit unti–unti namang gumuguhit sa mukha niya ang labis na kalungkutan pagkat naturingang lalaki siya ngunit nagdurusa naman ang kalooban kaya hindi madaling tanggapin ang kanyang mga katuwiran na nagkukubli sa matinding pangamba kung mismong damdamin niya ang sumasalungat imbes na aminin ang katotohanan kaysa lalong sinisikil ang  sigaw ng puso.  Tuloy, lalong pinasigid ni Alba ang panghihimok pagkat halata naman na gusto rin ni Bag–aw kung hindi lamang naging matinding balaksila sa kanyang mga pangarap ang mga katagang nag–aalis ng kanyang karapatan upang lumigaya sa piling ng tunay na nagmamahal sa kanya  para hindi naman masabi na bigo ang naging buhay niya sa mundo na dagdag pasakit sa kanyang pagiging ulilang lubos.  “Sige na . . . mistad!  Pumayag . . . ka na!  Ha?!  Baka ito na . . . ang hinihintay mong kapalaran!  Basta makilala mo lamang . . . si Annayatan!  Masaya na ako para sa iyo . . . mistad!  Oo!  Totoo ‘yon!  Kaya . . . pumayag ka na!  Ha . . . mistad?!”  Palibhasas, desididong isakatuparan ni Alba ang pangalawang misyon ay hindi niya linubayan si Bag–aw hanggang hindi niya narinig ang pagsang–ayon nito dahil pinagsikapan pa mandin niya ang makipagkilala kay Annayatan kaya talagang nakapanghihinayang naman kung hindi ito matuloy para makapagpahinga na rin siya pagkat tumitindi na ang antok niya.  Yamang nagpahiwatig na rin ang tagumpay maski kailangan lamang ang kaunti pang pang–uudyok ay nararapat lamang samantalahin ito habang hindi pa sumisilay sa silangan ang araw dahil sapat na ang simpleng tango upang kayaning batahin ang pagod at puyat sa magdamag ngunit ngayon lamang nalaman ni Alba na mahirap din palang kumbinsihin si Bag–aw.  Pero pagtitiyagaan pa rin ni Alba pagkat nararapat lamang si Annayatan ang laging kaulayaw ni Bag–aw sa pagtulog niya sa halip na mga hayop dahil maaaring ikamamatay niya ang bangungot kung mga sungay ang lumalabas sa mga panaginip niya kaya ngayon masusubok ang kanyang galing kung totoong nalinang na ng maraming karanasan ang kanyang kakayahan sa panliligaw.  Bagkus, kinakatay ang mga hayop upang magkaroon ng ulam sa araw–araw ang kanilang hapag na pagsasaluhan naman nila ngunit sinarili na lamang ni Alba ang biro para hindi sumama uli ang loob ni Bag–aw dahil nakasalalay sa pangalawang misyon ang magiging kinabukasan niya lalo’t siya ang nakatakdang humalili kay Lakay Awallan bilang Punong Sugo ng tribung Malauegs.  Paano magiging epektibo ang payo na may kaugnayan sa problema ng mag–asawa kung hindi naman niya naranasan ito pagkat binubuo ng maraming karanasan ang karunungan para may kabuluhan ang bawat paalaala na binibigkas ng kanyang bibig dahil pinagdaanan niya ito sa tunay na buhay kaya ito ang katuwiran kung bakit walang nangangahas kuwestiyunin ang mga desisyon ni Lakay Awallan.  Kunsabagay, karaniwan namang nagsisimula sa simpleng pagkakaibigan ang relasyon ng mag–asawa hanggang sa ninais ng lalaki ang ligawan siya pagkat ito naman ang talagang pakay niya sa simula pa lamang lalo na kung ramdam ng bawat isa ang sigla sa tuwing magkasama sila kaya humahantong sa kasalan ang maikling suyuan maski hindi pa lubos na kilala ang isa’t isa basta magkaroon lamang ng katuparan ang kanilang pagmamahalan.  Sakaling ganito rin ang kasasapitan nina Bag–aw at Annayatan ay masasabing tunay na itinakda ni Bathala ang kanilang pagsasama habambuhay kaya wala na rin magagawa ang pagtutol ni Lakay Awallan dahil siya rin ang mapasama kung halimbawang ipagkait ang kanyang basbas para huwag lamang magkatuluyan ang dalaswa pagkat tiyak na magiging kuwento na lamang sa mga katutubong Malauegs ang Punong Sugo sa halip na magkaroon pa sila nito.  Si Alba na kanina pa naghihintay ng tugon ay gustong humalit nang tawa habang tinititigan si Bag–aw dahil mistulang hirap aminin ang totoong saloobin nito kaya ayaw tumingin nang deretso sa kanya ngunit batid niya na hindi ubra sa tunggalian ng mga puso ang paulik–ulik na desisyon pagkat magkakaroon naman ng pagdududa  ang damdamin ng kanyang liniligawan.  Pero kumakapit pa rin sa gahiblang pag–asa si Alba kaya itinuloy ang kanyang panghihimok hanggang sa mapagtanto ni Bag–aw na wala namang masama kung subukan din niya ang naiibang laban sa buhay maski hindi ito kabilang sa mga natutunan niya imbes na limitado lamang sa pakipagbuno sa mga mabababgis na hayop ang alam lamang niya.  Kasamaang–palad, hindi lahat nang klase ng laban ay naituro na ni Lakay Awallan pagkat mali rin naman kung maagang iminulat sa murang edad ni Bag–aw ang tungkol sa panliligaw gayong may tamang panahon naman para rito kaya may katuwiran kung bakit nabuhos sa pangangaso ang kanyang atensiyon sapul nang matutunan niya ang humawak ng busog at tunod dahil ito ang naging buhay ng mga kalalakihang Malauegs na kailangan sundan din niya.  Aywan kung naging paksa rin nina Lakay Awallan at Bag–aw ang tungkol sa pag–aasawa kahit minsan sa madalas na pag–uusap nila sa tangkil habang nagpapaantok dahil wala rin naman nababanggit ang binata sa tuwing nangangaso sila ni Alba ngunit maliwanag naman ang dahilanan kung hindi ito nauungkat pagkat pinaninindigan mismo ng matanda ang kanyang katuwiran.

            “Seguro mistad . . . sa ibang araw na lang!  Ha?!”  Patay!  Walang kaginsa–ginsang nanlumo si Alba habang mistulang nalayot ang kanyang lakas maski may dahilan pagkat puyat siya kaya sandaling sumambulat ang kanyang pag–asa kung hindi pa niya naagapang pakalmahin ang sarili dahil mali pala ang kanyang palagay na isang tango na lamang ang kailangan upang magtagumpay ang pangalawang misyon.  Diyata, mawawalan pa ng saysay ang kanyang pagsisikap samantalang pinagtiyagaan pa manding salugsugin niya ang mga detalye dahil si Bag–aw ang nasa isip niya habang nakipagkilala siya kay Annayatan pagkatapos masisira lamang ang kanyang plano kaya iglap nalipos nang matinding kabiguan ang kanyang sarili pagkat hindi naging madali ang pagtanggap niya sa tugon nito.  Ngayon, napatunayan ni Alba na walang sariling disposisyon si Bag–aw dahil takot ikampay ang sariling bagwis maski daranasin ang matinding kalungkutan sa kanyang pag–iisa hanggang sa kanyang pagtanda basta huwag lamang masuway ang utos ni Lakay Awallan kaya hindi rin niya malaman kung dapat bang kahabagan siya pagkat mas matimbang pa ang paniniwalang hangal siya.  Baka nangangamba lamang si Bag–aw dahil ito ang laban na hindi niya kabisado kung anong diskarte ang dapat gamitin, kung paano ipanalo ito ng pusong walang karanasan lalo na kung hindi kabilang sa mga natutunan niya ang panliligaw pagkat nakakahiya naman kung hingin niya ang payo ni Lakay Awallan kung kailan binata na siya upang harapin ang katotohanan.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *