IKA – 210 LABAS

Sana, siya na ang gumawa ng paraan upang tuklasin ang tungkol dito ngayong binata na siya kaya katorpehan pa rin maituturing ang katuwiran niya pagkat walang dahilan para maruruwag siya sa pagharap sa isang laban na puso ang tanging sandata maski walang nagturo sa kanya kung paano pakitunguhan ang mga kamag–anak ng kanyang nililigawan dahil sila ang kadalasang naging problema.  Kung ginapi niya ang mga mababangis na hayop sa kagubatan ay tiyak na hindi siya kayang lapain ng kanyang liniligawan dahil lakas ng loob at kagalingan sa panunuyo ang mahalagang sandata upang mabibighani ang dalagang magiging bahagi ng kanyang buhay pagkat walang binatbat ang talim ng tunod sa tagisan ng dalawang puso.  Katunayan, malaking kalamangasn ang pagiging hawas ng kanyang katawan dahil ito ang laging pinapangarap ng mga kadalagahang Malauegs habang umaasa na sana isa sa kanila ang palarin ng kanyang pag–ibig dahil banat sa maghapong pangagaso ang sarili kaya hindi kataka–taka kung kababaliwan nila ang kanyang hitsura na mistulang walang bahid ng malisya.  Kaya walang dapat ikabahala si Bag–aw kung talagang kailanganin niya ang ayuda ng isang eksperto sa panliligaw kaysa magpagahis siya sa takot kung ito naman ang magiging dahilan upang  lalong panghihinaan ang kalooban niya samantalang kumpleto naman ang kuwento ni Alba sakaling sumentro sa pagkatao ni  Annayatan ang mga tanong niya.  Hanggang sa hindi naiwasang ihambing ni Alba ang kanyang sarili dahil siya mismo ang agresibo noong nanliligaw pa lamang siya kaya naging madali lamang sa kanya na mapaibig ang mga nililigawan niya maski humantong sa kamalasan ang kanyang pag–aasawa ngunit maipagmamalaki naman niya sa lahat nang mga kalalakihang Malauegs na hindi niya naranasan ang mabigo.  Kabutihan, natutop agad ang kanyang bibig bago pa mapahalakhak nang maalaala ang paraang ginawa ni Sahing kaya humantong sa kasalan ang kanilang pag–iibigan nang malaman ng kanyang mga magulang na ipinagbubuntis na nito ang kanilang panganay maski sukal sa kanyang kalooban dahil malaking kasalanan kung takasan ang kanyang pananagutan.  Sanhi ng kapusukan ng kanyang puso ay napasubo siya maski hindi pa handa noon ang kanyang sarili upang magkaroon ng pamilya kaya pikit–matang tinanggap na lamang niya ang pagkakamali para hindi siya itatakwil ng kanilang tribu bilang parusa sa kanya ngunit ramdam niya ang masidhing kalungkutan habang binabasbasan ni Lakay Awallan ang kanilang pagsasama.  “Kasi . . .  hindi pa ako handa!  Pagdating . . . sa bagay na ‘yan!  Oo . . . mistad!”  Talaga?!  Lalong dumiin ang kamot ni Alba sa kanyang ulo upang doon na lamang ibunton ang kanyang ngitngit pagkat lumalabas ang katorpehan ni Bag–aw sa panliligaw samantalang hindi pa niya nasubukan ngunit hindi naman siya pumapayag dahil hindi pa niya naranasan ang kabiguan kahit minsan kaya isang hamon ito sa kanya na bihasa na sa ganitong problema.  Walang duda na matindi ang naging impluwensiyahan kay Bag–aw ang mga pangaral ni Lakay Awallan kaya ganito ang kanyang naging katuwiran kahit ngayong binata na siya ngunit kailangang maitutuwid niya ang maling paniniwalang ito bago pa tuluyang maging miserable ang kanyang buhay pagkat sino pa ba ang magpamalas ng malasakit sa kanya para magising sa katotohanan ang kanyang mga mata.  Dapat malaman ni Bag–aw na panahon na rin upang tumayo siya sa sariling mga paa pagkat pangarap ng kahit sino ang pag–aasawa lalo’t nabibilang na lamang ang mga araw ni Lakay Awallan kaya ito ang kailangang paghanda para hindi niya danasin ang hirap nang nag–iisa dahil tunay na mapanglaw ang buhay kung walang karamay sa pagtanda.  Kaya nakakatakot kung mag–isa na lamang siya balang araw kahit maging Punong Sugo pa siya kung hindi naman matugunan nito ang mga kakulangan niya sa buhay ay mawawalan din ng kabuluhan ang pagsisisi pagkat hindi na rin puwedeng ibalik ang nasayang na pagkakataon maski lumuha nang magdamag ang kanyang kaluluwa habang nagmamakaawa kay Bathala.  Samakatuwid, nararapat lamang pahalagahan niya ang pagkakataon ngayong dumating na ito sa kanyang buhay dahil wala nang mapaghihingahan ang kanyang mga hinakdal kung tumandang binata siya pagkat magiging katawa–tawa naman kung kailan uugud–ugod na siya ay saka pa naisipan niya ang pag–aasawa para magpaalaga lamang ng kanyang maybahay.  At may maliligawan pa kaya si Bag–aw sakaling darating pa ang araw upang gustuhin na rin niya ang mag–asawa kung wala nang katutubong Malauegs ang nabubuhay dahil seguradong naparam na sa kalupaan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs sa panahong ‘yon habang nagpapatuloy ang isinusulong na pagbabago ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Pagkatapos ang sandaling pag–iisip ay napagtanto ni  Alba na kailangan niya ang mag–iba ng taktika para hindi magagawang tumanggi ni Bag–aw dahil maaaring may sumasagka lamang sa kanyang desisyon kaya nagdadalawang–isip siya ngunit hindi niya ikinabahala ito pagkat may nabuong solusyon na ang isip niya upang matuloy mamayang umaga ang kanyang plano.  Sino ba sa mga kalalakihang Malauegs ang ayaw magkaroon ng sariling pamilya pagkat ito ang nagbibigay ng inspirasyon sa buhay nila bukod pa sa pinapatunayan din ng pag–aasawa ang pagiging responsable nila kaya pinangatawanan na ni Alba ang naging kapalaran niya nang maluwag sa kanyang kalooban dahil sa limang anghel na umaaliw sa kanya.  Lintik sa tanghaling–tapat kung totoo ang hinala ni Alba tungkol sa tunay na kasarian ni Bag–aw maski ikagagalit pa ni Bathala dahil tiyak na ipagluluksa niya ito sukdang isumpa siya ng mga anito pagkat nagdududa na rin siya kung bakit naging madali lamang sa mistad niya ang tumanggi sa halip na subukan muna pagkat hindi lamang sa pangangaso nararamdaman ang kasiyahan sa buhay.  Puwes, handa nang isugal ni Alba ang ultimong paraan kahit kanina pa siya nagtitimpi para magkaalaman na kung hanggang saan ang pagiging siging ng puso ni Bag–aw dahil hindi  rin niya isusuko ang gabing ito na taglay ang matinding kabiguan sa kanyang plano kung dulot naman nito ay dungis sa kanyang kakayahan bilang eksperto sa ganitong larangan.  Tutal, hindi naman magiging kawalan niya kung talagang ayaw makipagkita ni Bag–aw kay Annayatan dahil kalabisan naman kung sarili pa niya ang magpakita ng interes sa plano kaya pangako niya ang iwasan na lamang siya maski magbago pa ang kanyang desisyon kung huli na rin ang lahat para ipaunawa sa kanya na minsan lamang dumarating sa buhay ng tao ang pagkakataon.

            “Puwes . . . ganito na lang!  Mistad!  Mamayang umaga . . . sabay tayong maliligo sa ilog!  Kasi . . . !  Araw–araw . . . naglalaba si Annayatan!  Kaya ipagpaliban mo muna . . . ang pangangaso!  Mistad!  Bumawi ka na lamang . . . sa susunod na araw!  Ha?!”  Marahil, inaalam lamang ni Bag–aw kung kailan siya huling naligo sanhi ng kanyang kaabalahan sa pangangaso saka yumuko nang magtanong uli ang sarili kung kailan din ba siya huling nagpalit ng bahag kaya napangiti siya nang marinig ang bulong ni Alba ngunit hindi naman niya itinatanggi na talagang lingguhan kung maligo siya pagkat ito ang araw ng pahinga niya.  Matapos ilatag ni Alba ang huling baraha ay nagpasunod siya ng malalim na buntung–hininga dahil nagbabadya na ang liwanag sa silangan ngunit hindi siya nawalan ng pag–asa pagkat mistulang ibinulong sa pandinig niya ang pagpayag ni Bag–aw para matigil lamang ang pangungulit niya nang maya–maya’y sunud–sunod ang kanyang paghihikab kaya sandaling napapikit ang kanyang mga mata.  Sa paraang naisip niya ay tiyak na mapipilitang pumayag si Bag–aw dahil seguradong ayaw rin niya na magisnan sila ni Lakay Awallan pagkat seguradong iisipin ng matanda na hindi pa rin sila nagkasundo kaya maririnig na naman nila ang litanya ng mga pangaral hanggang tanghali na lalong kahiya–hiya kung malaman ng lahat ang naging dahilan ng kanilang tampuhan.  Kanina pa nagsimula ang pag–iingay ng mga kampapalis sa kabundukan ng Sierra Madre habang sumasabay naman ang tilaok ng mga labuyo sa kagubatan kaya muling nasambit ni Alba ang madalas na katuwiran niya noong nanliligaw pa lamang siya na kailangan nang pasabugin ang lahat nang bala sa arsenal upang mapasuko ang kaaway nang walang kalaban–laban ngunit nagpapasalamat pa rin siya pagkat sa dinami–rami ng dalagang nakaulayaw niya ay si Sahing lamang ang kanyang nabuntisan.  Ipinapahiwatig sa marahang hakbang ni Bag–aw ang kagustuhang matulog na maski wala nang balak mangangaso ngunit nais naman maneguro ni Alba kaya sumabay siya hanggang sa tangkil upang sa kanilang paghihiwalay ay may katiyakan na ang kanyang plano nang walang pakundangan sa posibilidad na maaaring nagdarasal na nang mga sandaling ‘yon si Lakay Awallan.  Aywan kung ano ang iniisip ni Bag–aw basta natahimik siya matapos sumandal sa bintana ng tangkil sa halip na pumasok upang umupo sa silyon kung talagang inaantok na siya ngunit yumuko uli siya pagkat hustong isang linggo kahapon na hindi siya naligo nang mawaglit sa isip niya ang sumaglit sa ilog kung hindi lang nagpaalaala sa kanya ang bulong ni Alba.  Habang pangiti–ngiti naman si Alba imbes na mag–aalala dahil mas priyoridad pa rin ang kanyang pangalawang misyon kahit kanina pa hinihintay ni Sahing ang kanyang pag–uwi kaya normal lamang kung magdeklara siya ng giyera mamaya pagkat ang kanyang paalam na sandali lamang ay tumagal naman hanggang ngayon nang hindi niya inaasahan.  Maaaring pinag–iisipan nang maigi ni Bag–aw ang suhestiyon ni Alba dahil tiyak na makakantiyawan na naman siya kapag nalaman nito na isinasabay na rin niya ang paglalaba sa kanyang bahag kaya lumulusong na siya sa ilog upang maligo kahit madilim pa lamang para hindi magiging paksa sa kuwentuhan ng mga kababaihang Malauegs ang tungkol dito.  Segurado, lalong ipagdiinan ni Alba na talagang kailangan na niya ang mag–asawa kapag nalaman nito ang kanyang sekreto para hindi siya ang mismong naglalaba ng kanyang bahag dahil sa edad niya ngayon ay dapat asawa na niya ang gumagawa nito hanggang sa nagkibit–balikat na lamang siya pagkat wala sa hagap niya na mauungkat ang bagay na ito.  Tuloy, napangiti si Bag–aw nang wala sa loob kaya napasiglaw agad siya upang tiyakin na hindi ito napansin ni Alba hanggang sa dahan–dahang pumasok siya sa tangkil saka humilig sa bintana sa halip na umupo sa silyon dahil maaaring lalabas na rin mamaya lamang si Lakay Awallan para hintayin ang mainit na salabat mula sa kusina ngunit nagpaiwan sa labas ang mistad niya.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *