Pagkatapos ang malakas na palatak ni Alba ay nagpahabol siya ng mahalagang paalaala upang ipaunawa kay Bsag–aw na sadyang nakapanghihinayang kung hindi matuloy ang pagkikita nila ni Annayatan sa ilog mamaya kaya napaisip nang malalim ang binata habang tinatanong ang sarili kung paano magkakaroon ng kaugnayan sa kanyang buhay ang dalaga kung ngayon pa lamang niya narinig ang pangalan nito. “Baka siya na . . . mistad! Oo! Baka si Annayatan na . . . ang itinakda ni Bathala! Upang makasama mo habambuhay . . . mistad! Sayang naman . . . !” Subalit muntik nang mapahamak ang pangalawang misyon ni Alba pagkat yaong kindat niya’y nagdulot ng galamgam sa puso ni Bag–aw kaya nabayok ang kanyang buong katawan hanggang sa humalakhak siya nang walang pag–aalagata na maaaring magising si Lakay Awallan dahil agaw–liwanag na ang paligid kung hindi lamang makapal ang hamog mula pa kaninang hating–gabi. Habang si Alba ang kinabahan pagkat sayang naman ang kanyang panghihibok kay Bag–aw kung magising si Lakay Awallan dahil magiging madali na lamang sa matanda ang sumilip sa bintana kaya mapipilitang bumangon kapag nalaman niya na gising pa pala silang dalawa upang itanong kung bakit hindi pa rin sila nagkaayos hanggang ngayon. Kaya naroroon ang posibilida upang masira ang kanyang plano na malapit nang magkaroon ng katuparan lalo’t kinilig si Bag–aw nang marinig niya ang pangalan ni Annayatan kaya walang duda na higit pa rito ang magiging reaksiyon niya kung magkaharap na sila ngunit mabuti na ang huwag munang pangungunahan ang sitwasyon hanggang hindi pa naririnig ang pagtanggap niya sa kanyang mungkahi. Napabuntung–hininga si Alba sabay ang pasasalamat dahil wala pa ang palatandaan mula sa siwang para isipin nila na sinisimulan na ni Lakay Awallan ang kanyang madaling–araw na panalangin ngunit maingay na sa kusina nang magdatingan ang mga nakatalaga ngayong araw upang ihanda ang kanilang almusal habang nagpapakulo ng salabat pagkat kailangan mainitan ang mga sikmura ng mga kalalakihang Malauegs bago pumasok sa kagubatan. Kung naging mahimbing man ang tulog ni Lakay Awallan ay dahil hating–gabi na nang matulog siya kaya hindi pa hinahagilap ng kanyang mga kamay ang tungkod na una hinahanap niya bago bumangon ngunit nagbibigay naman ito ng pagkakataon kay Alba upang lalong pagbutihin ang kanyang panghihimok lalo’t malapit nang bigkasin ng bibig ang mga kataga na kanina pa gustong marinig niya. Hindi man tuwirang tinanggap ni Bag–aw ang pahayag ni Alba ngunit hindi naman puwedeng magsinungaling ang reaksiyon niya na mas malinaw pa kaysa salita dahil bumalatay sa mga labi niya ang umis na hindi mawari ang kahulugan basta ang tiyak ay lumiwanag ang tingin ng kanyang inaantok na mga mata kaya maaari nang magbunyi maya–maya lamang ang mga kadalagahan kung hindi sila magseselos kapag nasilayan nila ang apo ng Punong Sugo habang kinakausap si Annayatan. Katunayan, talagang gusto na sanang umuwi kanina ni Alba kung hindi lamang naisip niya na isang hamon para sa kanya na may malawak nang karanasan sa panliligaw ang makumbinsi si Bag–aw kaya hindi siya sumuko kahit inumaga ang panunuyo niya dahil posibleng mabigyan niya ng ibang kahulugan ang pagtanggi ng kanyang mistad na dapat ikahiya kung malaman ito ng lahat. Sa kagustuhang mapasang–ayon si Bag–aw ay mistulang liniligawan niya ang binata dahil hindi puwedeng humantong sa kabiguan ang kanyang plano para mahanap na ng kanyang mistad ang kulang sa buhay nito pagkat dapat magkaroon ng resulta ang anumang nasimulan na niya kaya napagtiyagaan niya ang makipagkilala kay Annayatan maski naging mailap siya sa umpisa. Kay Sahing lamang naranasan niya ang matinding kabiguan dahil gaano man siya kahinhin noong dalaga pa ay ganoon din katindi ang kanyang pagiging selosa kaya handang pumatay maski mabiyuda pa siya lalo’t naging madali lamang para sa kanya ang magdeklara ng giyera sa tuwing hindi siya napagbibigyan kahit lima na ang kanilang anak at pang–anim ang kanyqang dinadala ngayon. Pagkaraan ang magdamag na panunuyo maski muntik pang humantong ito sa matinding kabiguan ay si Alba naman ang gustong humiyaw kung hindi niya napigilan ang sarili pagkat tiyak na magigising ang lahat samantalang hindi pa ito ang tamang panahon upang malaman nila lalo na kay Lakay Awallan kaya nayapos niya si Bag–aw para batiin dahil nagising din sa wakas ang puso nito.
“O . . . sige! Mistad! Daanan mo na lang . . . ako! Oo . . . mamaya! Umidlip muna tayo . . . ha?!” Anuman ang naging dahilan ni Bag–aw kaya biglang pumayag siya ay hindi na mahalagang malaman pa basta nakahinga nang malalim si Alba pagkat matutuloy na rin ang kanyang plano makaraan ang magdamag na pagtitiyaga at pagtitiis sa puyat na may paminsan–minsang pangamba dahil sa pahili–hiling katuwiran gayong pumapayag din pala. Lingid kay Alba ay si Sahing ang dahilan ni Bag–aw dahil mas pinagpuyatan pa niya ang panunuyo sa kanya habang isinasakripisyo naman niya ang magdamag na hindi silang mag–asawa ang magkatabi kaya malaki ang posibilidad na sisiklab mamaya ang giyera sa kubol nilang mag–asawa pagkat posibleng sinumpong na naman siya ng selos nang dahil kay Annayatan.
ITUTULOY
No responses yet