Nakapagtataka rin naman kung bakit parang inaagawan ng asawa si Sahing samantalang mas madalas pa ang pananatili ni Alba sa kubol kung hind rin lamang siya ang naitalagang magbantay sa pasukan ng bagong komunidad ngunit mga hayop lang yata ang hindi niya mapagdiskitahan dahil sa tindi ng selos niya gayong kapara ng mga baitang ng hagdan ang agwat ng kanyang limang anak bukod pa ang kanyang ipinagbubuntis. Palibhasa, ang naisip na lunas ni Alba para matigil lamang ang selos ni Sahing ay maalab na karinyo kaya nagkaroon agad sila ng limang anak sa apat na taon pa lamang nilang pagsasama pagkat dalawa rito ang kambal ngunit mahal naman nina inang Naga at amang Luyong ang kanilang mga apo maski galit sila sa manugang dahil sa pagiging eskandalosa nito. Pero huli na nang mapagtanto ni Alba na hindi pala epektibo ang kanyang naisip na lunas pagkat buntis na naman si Sahing sa pang–anim nilang anak at lalong bumibigat ang kanyang problema dahil hindi rin naman nagbago ang ugali ng kanyang asawa ngunit hindi niya magawang dumaing sa kanyang mga magulang kaya si Bag–aw ang naging sumbungan niya. Kaypala, hindi na dapat pagtakhan pa kung karaniwang eksena na lamang sa bagong komunidad ang bangayan nilang mag–asawa kung mas kaabang–abang naman ang magaganap na pagtatagpo ng dalawang nilalang dahil sadyang itinakda ni Bathala ang kanilang pagkikita mamaya sa ilog kaya sumigla ang pakiramdam ni Alba maski nagdeklara na ng giyera ang kanyang asawa. Aywan kung napansin din ni Alba si Sahing basta kanina pa palakad–lakad sa labas ng kanilang kubol ang kanyang asawa habang gusto namang matawa ni Bag–aw dahil alam na nito ang magiging kahinatnan mamaya pagkat sumisingasing na ang ilong niya, nag–aapoy ang mga mata, naglalagablab ang puso, at dumadalas ang kanyang buntung–hininga. Samantalang si Bag–aw lamang ang kausap ni Alba kaya si Lakay Awallan na ang sumuko pagkat ayaw namang makinig ang mag–asawa maski paulit–ulit na lamang ang kanyang payo sa kanila ngunit ito ang tagpo na pinanabikan naman sa bagong komunidad dahil nagiging mapanglaw ang araw kung walang ganitong palabas ang mag–asawa habang nag–iiyakan ang kanilang mga anak. Sana, hindi sunduin ni Sahing si Alba pagkat kalabisan na rin at tiyak na maiisipan niya ang maghuramentado kahit mabiyudo na rin siya dahil madali lamang hanapan ng pangalawang inang ang kanilang mga anak lalo’t puyat siya kaya wala sa tamang katinuan ang kanyang utak upang magpasensiya maski nagtagumpay ang kanyang plano. Sapagkat gusto na rin ni Bag–aw ang magpahinga ay walang pag–aatubiling itinuro niya si Sahing na nagbabalak pa yatang salunuin si Alba para gumawa ng eskandalo kung tumagal pa ang kanilang pag–usap dahil walang pinipiling oras ang kanyang selos kahit hating–gabi basta inalihan ng demonyo ang kanyang utak kaya nabubulahaw ang kahimbingan ng lahat. Hustong kumakaway si Sahing nang matanaw siya ni Alba ngunit biglang humigpit ang kuyom ng kanyang mga palad sa halip na mabahala nang maisip niya na kailangan na ang golpe de gulat para maturuan ng leksiyon ang kanyang asawa nang hindi na muling pangangahasan nito ang maghamon ng gulo dahil kalabisan na rin ang laging nagpapasensiya alang–alang sa kanilang mga anak. “O . . . mistad! Umuwi ka na! Kasi . . . ang asawa mo! Kanina pa kumakaway . . . sa ‘yo! Hayun . . . ! Sige . . . mamaya na lang!” Pagkaraka, nagmamadali nang pumasok sa kubol si Bag–aw imbes na hintayin pa ang inaasahang tagpo habang dahan–dahan naman ang lakad ni Alba sa halip na mag–aalala kaya naghiwalay ang dalawa na hindi naitaga sa isip ang kanilang napagkasunduan maliban sa umasa na magiging lalaki sila para panindigan ang kanilang mga salita. Seguro, said na ang pasensiya ni Alba dahil hindi gumuhit sa mukha niya ang pangamba sa halip lalo pang binagalan ang kanyang paglalakad ngunit tikom ang bibig ni Sahing na ipinagtataka naman niya pagkat naging kaduda–duda para sa kanya ang ganitong istilo kaya maaaring malaking sorpresa ang daratnan niya hanggang sa pumiksi lamang siya. Kunsabagay, lagi namang handa sa engkuwentro si Alba dahil naging ordinaryo na lamang kay Sahing ang pagdedeklara ng giyera kaya naging katawa–tawa ang huling pangyayari pagkat kasalukuyang kumakain siya nang pananghalian nang karaka–rakang tinanong nito kung saan siya natulog kagabi samantalang magdamag siya sa pasukan bilang tanod. Pero may dahilan naman pala kung bakit ganoon ang naging asta ni Sahing pagkat tiyak nawaglit din sa alaala ni Alba na kabilang sa mga nakatalaga sa kusina ngayong umaga ang kanyang asawa kaya nagtatakbo siya nang maalaala na kailangang umuwi na siya hanggang sa pumasok agad siya sa kubol. para bantayan ang kanilang bunso na mahimbing pa ang tulog. Kaagad din humiga sa papag si Bag–aw maski maliwanag na ang kapaligiran sa pababakasakali na maiidlip pa rin siya pagkat hindi na kayang labanan ang pamimigat ng kanyang mga talukap sanhi ng magdamag na puyat ngunit naramdaman pa niya ang marahang paglalakad ni Lakay Awallan papunta sa tangkil upang hintayin ang mainit na salabat mula sa kusina. Bagaman, pikit na ang kanyang mga mata habang nangungumulo ay napadilat siya dahil naaabala ang kanyang tulog ng mga kampapalis na sumasalimbay pa sa bintana kaya bumiling pakaliwa ang kanyang ulo ngunit lalong hindi na siya naidlip nang maalaala ang usapan nila ni Alba pagkat naging katanungan niya kung bakit biglang napaayon na lamang ang sarili niya. Aywan kung matupad niya ang pangako lalo na kung tanghaliin siya ng gising sanhi ng matinding puyat maliban na lamang kung daanan siya ni Alba ngunit hindi pa rin niya tiyak dahil maaaring magiging mahimbing din ang tulog ng kanyang mistad hanggang sa muling nagtanong ang sarili niya kung natuloy kaya ang giyera ng mag–asawa pagkat nakapapanibago ang katahimikan ng bagong komunidad. Lalong hindi rin niya masagot ang tanong kung dapat bang seryosohin niya ang usapan nila ni Alba dahil walang–duda na magtatanong si Lakay Awallan maski maliligo lamang ang kanyang sadya pagkat tama naman si Alba na hustong isang linggo kahapon mula nang huling lumusong siya sa ilog kaya talagang kailangan na niya ang maligo at magpalit ng bahag.
ITUTULOY
No responses yet