IKA – 213 LABAS

Hanggang sa naging kapasyahan niya na ilihim muna kay Lakay Awallan ang napag–usapan nila ni Alba pagkat seguradong hindi niya kayang sagutin ang maraming katanungan nito tungkol kay Annayatan dahil mamaya pa lamang magaganap ang kanilang pagtatagpo hanggang sa napabalikws siya nang bumagsak sa kanyang mga labi ang butiki kaya nasampal niya ang sariling bibig.  Seguro, ngayon pa lamang natanggap ni Lakay Awallan ang mainit na salabat pagkat dinig niya ang pagpapasalamat nito ngunit hndi siya lumabas maski gusto sana niya ang humigop din dahil talagang inaantok siya kung hindi lamang inaabala ng mga alalahanin ang kanyang pagtulog lalo’t mamaya na rin magaganap ang pagkikita nila ni Annayatan na magiging unang karanasan naman niya sa buhay.  Yamang, hindi siya mapalagay ay tuluyan nang idinilat ang kanyang mga mata ngunit mabigat ang katawan niya para bumangon kaya hiniyaang gising ang sarili niya habang pinapakinggan ang huni ng mga ibon sa pagbabakasakali na antukin din siya para hindi siya naghihikab kapag naroroon na sila sa ilog pagkat hindi dapat makitaan siya ng kahit munting kapintasan sa harap ng dalaga.

            Gaano man katindi ang antok ni Bag–aw ay gising pa rin ang kanyang diwa pagkat masidhi ang pang–uupat ng kanyang sarili upang tuparin ang pangako na makipagtagpo siya kay Annayatan sa ilog ngunit iglap sumagila sa kanya ang pag–aalinlangan nang magparamdam ang takot kaya nalimang ang isip niya sanhi ng pabagu–bagong desisyon samantalang nagagawa niya ang mangangaso kahit nag–iisa lamang siya lalo na noong may tampuhan pa silang magmistad.  Pabiling–biling siya habang pinipilit ipikit nang mariin ang kanyang mga mata pagkat hindi rin niya mawari kung sanhi ng magdamag na puyat ang kanyang nararamdamang antok ngunit mas nanliligalig sa isip niya ang binitiwang kompromiso dahil seguradong panghahawakan ni Alba ang kanyang pangako kaya walang duda na mapupulaan lamang ang kanyang pagkatao kung magtalu–sira siya sa kanilang usapan.  Maya–maya, napapadilat ang kanyang mga mata kung kailan naidlip na siya dahil talagang hindi napapakali ang isip niya pagkat ngayon pa lamang niya gagawin ang bagay na hindi sumagi kahit sa kanyang panaginip kaya naroroon ang pagdadalawang–isip ng kanyang damdamin kung dapat bang pagbigyan niya ang pakiusap ni Alba para malaman din niya ang sukdulan ng kanyang kakayahan.  Tunay na kabalintunaan ang naging pagtanggap niya sa bagong hamon ng kanyang buhay kung ihalintulad ito sa isang dambuhalang sawa na ginahis niya dahil naging ugali na niya ang mangangaso noon kahit mag–isa lamang siya pagkat hindi niya naintindihan ang kuwentuhan ng grupo ni amang Tagatoy nang minsang sumabay siya sa kanila.  Katunayan, iniisip pa lamang niya ang makipagkilala mamaya kay Annayatan ay mistulang nagdedeliryo na siya samantalang maayos naman ang kalagayan ng katawan niya maski laging pagod kaya matindi ang pagsisisi niya kung bakit hindi na lamang pinanindigan ang pagtanggi para wala na sanang pinangangambahan ang kanyang sarili dahil maaaring ito ang sanhi kung bakit hindi siya maidlip.  Mali pala nang basta na lamang pumayag siya sa kagustuhan ni Alba pagkat hindi siya makatulog dahil sa problema na bumabagabag ngayon sa kanyang isip kaya sinikap na naman niya ang umidlip kahit pansamantala basta maipahinga lamang ang kanyang sarili na dumanas ng puyat para maaliwalas na ang kanyang pag–iisip mamayang paggising niya.  Sana, magiging paborable ang desisyon ni Bag–aw mamayang paggising niya dahil ang nararamdaman niyang tigatig ay panimula pa lamang sa maraming gabing pagpupuyat para madalaw lamang niya si Annayatan kaya nararapat lamang tanggapin ang bagong hamon sa kanyang buhay dahil kailangan masabayan niya ang mabilis na inog ng mundo upang may kasama siya sa pagbabalik–tanaw sa mga alaala.  Marahil, hinatid na lamang ang kanilang almusal dahil dinig niya ang boses na nagsasabing tulog siya ngunit hindi niya pinangahasan ang lumabas para hindi mapapahiya si Lakay Awallan maski ramdam na rin niya ang gutom hanggang sa nasundan ito ng tinig ni amang Assassi kaya naisaloob niya na hindi rin pala nangangaso ang kanyang nakatatandang pinsan.  Pero nang muling humikab si Bag–aw ay natahimik na siya hanggang sa hindi na niya naramdamn ang paglapit ni Lakay Awallan para gisingin sana siya kaya bumalik sa tangkil ang matanda upang ituloy ang kanyang pagkain habang nag–uusap sila ni amang Assassi na hindi pa pala umalis dahil dalawang araw nang hindi umuuwi si Ulep lalo’t hinuhuli ng mga guwardiya sibil ang mga walang cedula.

Samantala, huwag naman sanang tumagal hanggang hapon ang kahimbingan ni Bag–aw pagkat pupunta pa siya sa ilog mamayang umaga kaya naghahanda na rin si Alba dahil ipinaubaya muna niya kay amang Luyong ang bunso at ang mga kambal matapos ipaliwanag ang dahilan habang ang  panganay at ang pangalawa ay buntot ng kanilang inang Sahing na abala sa kusina.  Sapagkat hindi rin pala pumasok sa kagubatan si amang Luyong ngunit nakabuti naman pagkat nalaman sana niya na nagkaroon pala ng tampuhan sina Alba at Bag–aw kung nagising siya nang maaga kaya hindi ito ang kanyang naging paalam nang ipaubayas muna sa kanyang amang ang pag–aalaga sa kanyang mga anak upang samahan ang kanyang mistad sa ilog.  Aywan kung talagang naging mahimbing ang tulog ni Bag–aw basta masakit ang ulo niya nang bumangon siya kaya pinakiramdaman muna ang kanyang sarili habang nangangalumbaba sa gilid ng papag imbes na lumabas upang alamin kung dumating na si Alba dahil tiyak na tatawagin din siya ni Lakay Awallan maski magtataka kung bakit naisipan niya ang maligo ngayong umaga pagkat simple lang din kung mangantiyaw ang matandang ito.  Marahil, kulang pa ang itinagal ng kanyang tulog dahil muling pumikit nang matagal ang mga mata niya para hindi mabibigla ang kanyang katawan kapag tumayo siya pagkat mistulang sumusuliling ang paningin niya kaya naipagpalagay niya na maaaring epekto lamang ito ng magdamag na pagpupuyat kagabi ngunit hindi siya nabahala habang pinapakiramdaman ang kanyang sarili. 

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *