Paulit–ulit na iginagalawad ang kanyang mga braso saka nagpasunod ng malalim na buntung–hininga para pasiglahin ang daloy ng kanyang dugo dahil maaaring nanamlay lamang sanhi ng magdamag na puyat kaya naisip niya ang sumaglit sa kusina nang mainitan ng salabat ang kanyang sikmura habang hindi pa dumarating si Alba upang sunduin siya. Pagkatapos, dahan–dahan ang tayo niya upang hindi mabibigla ang kanyang katawan ngunit napaupo na naman siya nang tumambad ang kanyang sarili na wala palang saplot nang matulog siya kaya kaagad hinanap ang kanyang bahag na nauna pa yata sa ilog samantalang hindi pa niya binalak ang maglaba hanggang sa nagtaka siya habang tinitiyak kung totoo ba ang kanyang panaginip. Diyata, nahiga siya nang hubo’t hubad samantalang hindi naman yata siya nakatulog nang mahimbing upang hindi mamalayan ang kanyang ginagawa matapos gumuhit sa isip niya ang larawan ng isang dilag ngunit napaisip siya matapos maalaala na posible kayang namalas ni Lakay Awallan ang kanyang hubad na katawan pagkat lumapit kanina sa papag niya ang matanda. Ipinagkibit–balikat na lamang niya kung totoo man ang kanyang naging palagay matapos mabaling sa dilag na naging kaulayaw niya sa panaginip maski hindi rin niya tiyak kung siya si Annayatan pagkat mamaya pa lamang magaganap ang kanilang pagkikita kung hindi magiging problema si Lakay Awallan dahil seguradong magtatanong ang matanda. Baka ito na rin ang matagal nang hinihintay na palatandaan upang hanapan ng kaluban ang kanyang sandata imbes na laging bahag lamang ang naging panakip dito hanggang sa kanyang pagtanda kaya napangiti siya habang isinusuot ang kanyang saplot saka dahan–dahang tinungo ng mga paa niya ang tangkil para alamin kung dumating na si Alba. Matapos maisaloob na seguro wala namang masama kung subukin niya ang makipagkilala kay Annayatan kaysa umiwas kung pagsisihan din niya balang araw dahil hindi man lamang niya tinangka nang minsang dumating ang pagkakataon kaya buo na ang desisyon niya nang mapagtanto na panahon na rin upang pagtuunan niya ang ganitong laban sa buhay. Sapagkat wala namang dapat ipangamba sakaling humantong sa kabiguan ang kanyang pakipagsapalaran kay Annayatan dahil ang importante naman ay nagkaroon siya ng karanasan na puwedeng magiging batayan kung muling umibig ang kanyang puso para hindi na siya magkakamali pagkat hindi maaring ihalintulad sa pangangaso ang panliligaw kahit gaano pa katalas ang tunod. Marahang iniuugoy ni Lakay Awallan ang kanyang silyon sa tulong ng tungkod habang umiinom ng mainit na salabat nang datnan siya ni Bag–aw ngunit sumulyap lamang siya sa halip na magtanong upang kumpirmahin sana kung nagkasundo na sila ni Alba dahil ito rin naman ang kanyang bilin bago natulog kagabi gayong halos kani–kanina lamang naghiwalay ang dalawa nang lingid sa kanya. Matapos magmano ni Bag–aw kay Lakay Awallan ay pumunta siya sa kusina dala ang isang lumbo na walang laman para kumuha ng salabat upang mainitan muna ang kanyang sikmura bago maliligo mamaya sa ilog ngunit hindi rin siya nagtagal doon dahil kay Alba pagkat seguradong magtataka ang matanda kung bakit napaaga ang lipat–kubol ng kanyang mistad. Kaya kailangan naroroon siya sa tangkil upang siya na lamang ang mangangatuwiran kung magtanong si Lakay Awallan pagkat ang munting pagkakamali sa pagsagot ni Alba ay posibleng magpahamak lamang sa kanilang plano kung kailan pinanabikan na rin niya ang makipagkita kay Annayatan para kumpirmahin ang tunay na pagkatao ng dalagang napanaginipan niya.
Marahil, napagtanto ni Bag–aw na panahon na rin upang sarili naman niya ang pag–ukulan ng pansin kaysa sayangin sa pangangaso ang kanyang buhay dahil tatanda rin siya pagdating ng araw tulad ni Lakay Awallan kahit maging Punong Sugo pa siya kung kalungkutan naman ang maramdaman niya sa pag–iisa kaya masuwerte pa ang matandang may apo pagkat siya ang naging karamay nito. Lahat nang may buhay ay may hangganan tulad ng mga halaman, mga hayop at lalo na si Lakay Awallan pagkat nabibilang na lamang ang kanyang pananatili sa mundo habang nalalapit ang pagsapit ng dapit–hapon ng kanyang buhay kaya nararapat lamang paghandaan na rin ni Bag–aw ang pagdating ng araw na ‘yon upang hindi siya mabibigla kung wala nang mahingan ng tulong ang kanyang sarili. Bagaman, totoong lunas ng gutom ang anumang mahuhuli sa pangangaso ngunit hindi nito natutugunan ang mga pangarap ng sinuman pagkat higit pa rito ang nais marating ng kanyang pagpupunyagi dahil tao siya na nakasalalay sa tagumpay ang kasiyahan kahit ano pa ang estado ng kanyang pamumuhay kaya hindi maaaring ihiwalay ni Bag–aw sa ganitong katuwiran ang sarili. Libong beses mang itanggi ni Bag–aw ngunit talagang napag–iwanan na siya ng panahon dahil hindi dapat gawing priyoridad ang pangangaso kung wala namang sariling pamilya na kailangan pakainin niya pagkat kasinungalingan kung hindi man lamang sumagi sa isip niya ang pag–aasawa sa mga sandaling namamahinga siya habang nagpapaantok sa tangkil. Samantalang may kani–kanila nang pamilya ang mga kaedad niya pagkat tinanggap nila ang katotohanan na sadyang bahagi ng kanilang buhay ang pag–aasawa upang maranasan din nila ang pagiging magulang dahil bahagi ng tinataglay na karunungan ang anumang nararanasan para maragdagan ang kanilang kaalaman kaya magiging madali na lamang sa kanila ang pagbibigay ng payo sakaling kailanganin ito ng kanilang mga anak. At patunayan na rin na may kakayahan sila upang bumuo ng sariling pamilya dahil kalabisan naman kung hanggang sa kanilang pagtanda ay dependiyente pa rin sila sa mga magulang kaya hindi dapat mamulat sa ganitong ehemplo ang kanilang mga anak para hindi sila magiging miserable pagkat sadyang mapanghamon ang buhay sa kabundukan ng Sierra Madre. Tunay na walang hanggan ang pagmamahal ng mga magulang sa kanilang mga anak ngunit hindi nangangahulugan na panghahawakan nila ang katuwirang ito pagkat yumayao ang lahat para magkaroon ng puwang sa mundo ang mga bagong henerasyon kaya nararapat lamang na maging responsable sila pagdating ng kanilang panahon. Seguro, namulat sa katotohanan si Bag–aw matapos maisip ang kanyang magiging buhay kung walang kaagapay hanggang sa kanyang pagtanda dahil hindi man lamang niya pinagsikapan ang magkaroon ng pamilya kaya minabuti niya ang pumayag para maiba naman ang paglilibangan ng kanyang sarili sa halip na pangangaso ang laging inaatupag niya. Sana, ganito rin ang magiging pananaw ni Lakay Awallan pagkat sadyang masakit ang inuusig kung kailan patay na siya sanhi ng walang kapatawarang pagkakamali samantalang naranasan din naman niya ang umibig kaya masuwerte pa rin siya na hindi hamak dahil hindi niya nararamdaman ang pag–iisa hanggang sa kanyang mga huling araw sa mundo. Naging kapasyahan ni Bag–aw ang huwag munang banggitin kay Lakay Awallan ang tungkol kay Annayatan hanggang sa magiging magkasintahan na sila upang wala nang dahilan ang pagtutol ng matanda kung kailanganin na niya ang basbas nito para sa pamanhikan ngunit napangiti na naman siya dahil masyadong nagmamadali ang kanyang sarili samantalang wala pang kaseguruhan ang nakatakdang pagkikita nila ng dalaga.
Palabas na si Alba sa kanilang kubol nang matanaw siya ni Bag–aw na hindi rin naman nagtagal sa kusina dahil waring nang–aamuki na sa kanya ang aliw–iw ng tubig kaya gusto na rin niya ang lumusong sa ilog pagkat isang linggo ba naman na hindi pa siya naliligo para lubus–lubusin na lamang niya ang pagtulog mamaya pagkatapos ang panaghalian upang mabawi ang kanyang puyat sa magdamag. Aywan kung maligo ang priyoridad niya kaysa makipagkilala kay Annayatan basta masigla pa rin ang kanyang kilos maski puyat siya dahil maya’t maya ang pagpaparamdam ng kanyang panaginip kagabi kaya ito rin ang layunin niya para alamin kung kamukha ng dilag na nagdulot ng ligalig sa kanyang isip ang dalagang nakatakdang makilala niya sa ilog. Hanggang sa natawa siya nang maalaala na kailangang samahan pa siya ni Alba para maligo lamang kung kailan binata na siya samantalang alam naman niya ang bulaos papunta sa ilog mula nang matutunan niya ang mag–isa ngunit mabilis gumulong pabalik sa nakaraan ang kanyang gunita dahil talagang ganito naman silang dalawa lalo na noong maliliit pa lamang sila. Laging si Alba ang umaalalay sa kanya sa tuwing naliligo sila sa ilog kasama si Lawug habang nagtatampisaw sila sa mababaw na parte ng tubig pagkat wala pa sa kanila ang marunong lumangoy hanggang sa napasabay sa kanila si amang Assassi na binata pa noon kaya siya ang nagturo sa kanila ngunit unang natuto ang kanyang mistad dahil sa pagiging desidido niya. Kaya si Alba naman ang nagturo sa kanya sa paglangoy kahit maraming beses din muntik–muntikan nang malunod siya bago natutong lumangoy ngunit hindi na lamang nila ipinaalam kina Lakay Awallan at amang Luyong ang pangyayari para hindi sila pagbabawalang maligo araw–araw hanggang sa nawawaglit na sa kanila ang pananghalian dahil sa sobrang katuwaan. Ah! Kaysarap balik–balikan ang mga araw na nagtatampisaw sila sa tubig tuwing umaga lalo na kung maalinsangan ang panahon pagkat walang bumabagabag sa mga puso’t kaisipan nila basta sa paggising ay naghihintay na ang mga kalaro na handa sa maghapong habulan, kantiyawan, kantahan at kaunting kimbot sa bawat panalo sa laro dahil ang pikon ay talo.
ITUTULOY
No responses yet