Maling–mali pala ang kanyang akala noon na malayang magagawa niya ang mga bagay–bagay kung malaki na siya pagkat may mga obligasyon palang dapat gampanan sa mundong ito ang bawat nilalang upang masabayan niya ang buhay na puspos ng pagsubok kaya kailangan mananatiling matatag ang tapak sa lupa ng kanyang mga paa kahit kapusin siya ng lakas basta may natitira pang hininga. Lalo na ang katulad niya na walang nagisnang mga magulang ay matinding linggatong pala ang naghihintay sa kanyang paglaki kaya hindi pa rin niya nasusumpungan ang kapayapaan dahil kabilang din pala sa kanyang laban ang pag–ibig na sadyang hindi itinuro sa kanya ni Lakay Awallan para siya mismo ang tumuklas nito kapag nagpahiwatig na ang kanyang puso. Hanggang sa natanong niya ang sarili kung makatuwiran ba ang pag–aasawa para magkaroon ng solusyon ang kanyang mga problema kung kagaya rin lamang kay Sahing ang magiging katuwang niya sa buhay ngunit mariing iling ang kanyang naging kasagutan pagkat hindi naman pare–pareho ang pag–uugali ng tao upang ito ang magiging batayan niya. Saka na lamang siya magbibigay ng tugon sa tanong kung paano niya haharapin ang napipintong pagkikita nila ni Annayatan upang sa kanyang pagbabalik galing sa ilog ay taglay na niya ang alaala na pagyayamanin naman habambuhay ng kanyang puso pagkat wala pa namang katiyakan kung maging kaaliw–aliw ang kanilang pagtatagpo dahil posibleng magbago pa ang isip nito kapag namalas ang kanyang hitsura. Kinaiinipan naman ni Alba ang paghihintay kay Bag–aw dahil ibinabadya na ng araw na bagong luwal mula sa kabundukan ang oras ng paglalaba ng mga kababaihang Malauegs at nababahala pa siya pagkat kanina pa maraming itinatanong si Lakay Awallan habang humihigop ng salabat ang kanyang mistad kaya sana makaalis na sila para hindi na humaba pa ang kanilang usapan.
“Mistad . . . tena!” Salungat naman ang naging katuwiran ni Bag–aw nang kanyang datnan si Alba habang kinakausap siya ni Lakay Awallan pagkat nagagawa naman pala niya ang gumising nang maaga maski puyat kung talagang gustuhin lamang niya kaya napatanong ang kanyang sarili kung gaano ba kaganda si Annayatan upang siya pa ang nagpapamalas ng pananabik. Mangyari, laging idinadahilan ni Alba si Sahing kung bakit hindi siya napapasabay sa pangangaso na tanggap naman ni Bag–aw dahil talagang halos gabi–gabi rin nag–aaway silang mag–asawa kaya madali nang unawain ang kalagayan niya ngunit muling kumislap sa kanyang isip ang tanong kung ano na ba ang nangyari kanina pagkat talagang kapuna–puna ang matinding galit ng asawa niya hanggang sa napalingon sa kusina ang kanyang mga mata nang maalala ang nagbigay sa kanya ng mainit na salabat. Seguro, wala na rin panahon para magkaroon ng komprontasyon silang mag–asawa kaya hinayaan muna ni Sahing na magpahinga si Alba pagkat kabilang siya sa mga itinalaga sa kusina ngayong araw ngunit wala pa in dapat ipagpasalamat kung tiyak naman ang pagsambulat bukas ng kinikimkim na galit dahil wala nang dahilan upang ipagwalang–bahala ang pangyayari. Pero ang importante para kay Alba ay tinupad niya ang pangako na ipapakilala kay Annayatan si Bag–aw kahit sandali lamang ang idlip niya dahil mamayang gabi pa naman magaganap ang giyera nila ni Sahing ngunit napaghandaan na yata niya ito kaya kalmado lamang siya sa halip na seryosohin ang banta kung lambingan naman ang madalas na hantungan nito. Itinuloy ni Bag–aw ang paghigop sa salabat maski umuusok pa para magiging agresibo ang kanyang pakiramdam sa pagharap kay Annayatan upang alamin na rin kung talaga bang kaya ng kanyang sarili ang makipag–usap sa isang dalaga kahit bagito pa lamang siya sa ganitong larangan dahil ngayon pa lang niya susubukan ito sa gulang na dalawampu’t tatlong taon. Sa halip na sumabad sa usapan tungkol sa panununda dahil isinisingit paminsan–minsan ni amang Luyong ang paggawa ng salakab sa araw ng kanyang pahinga katuwang si Alba ngunit pumasok na lamang siya sa kubol upang ihanda na rin ang sarili habang inuubos na lamang niya ang natitirang salabat pagkat mas pinagtuunan niya ang pangangaso kaya hindi siya nagkaroon ng interes dito. Subalit natigilan siya maski hindi niya ikinabahala nang mabanggit sa usapan nila ang ilog pagkat hindi naman nasambit ang pangalan ni Annayatan kaya kunwari na walang narinig ang kanyang mga tainga nang bumalik siya sa tangkil ngunit hindi niya naiwasan ang mapasulyap kay Alba upang ipaalaala na hindi dapat malaman ni Lakay Awallan ang totoong sadya nila roon. Kunsabagay, hindi naman hangal si Alba upang hayaang makompromiso ang sariling plano gayong pinagpuyatan pa mandin nilang dalawa ito kaya malayong ipagtatapat niya kay Lakay Awallan ang tungkol dito para matuloy na ang pagkikita nina Bag–aw at Annayatan dahil ito ang tagpo na hindi nagpatulog sa kanya habang sinisikap harayain sa isip niya ang kapana–panabik na eksena. Kung si Bag–aw naman ang tanungin ay ayaw rin niya na mauudlot ang kanilang plano kung kailan nakapagdesisyon na siya kaya ipinagdarasal niya na sana hindi mahahalata ni Lakay Awallan ang totoong pakay nila sa ilog para hindi siya pigilin nito dahil kailangan masilayan mismo ng mga mata niya ang tinataglay na kagandahan ni Annayatan pagkat magkaiba ang batayan ng mga kalalakihan kung ilarawan ang kani–kanilang ginigiliw. Aywan kung napansin ni Alba ngunit naging kahina–hinala ang ngiti ni Lakay Awallan samantalang wala namang dapat ikatuwa sa kanilang kuwentuhan kung tungkol lamang ito sa pangangaso dahil hindi rin niya inakala na ipagpapaliban pala ni Bag–aw ang pagpasok ngayon sa kagubatan hanggang sa inamin niya na talagang lingguhan lamang kung maisipan ng apo niya ang maligo. Nagpahabol pa ng paalaala si Alba para apurahin ni Bag–aw ang paghigop sa salabat dahil mabuti na ang mauna sila sa ilog kung hindi pa dumating ang grupo ni Annayatan nang mapayuhan muna ang kanyang mistad kung paano lapitan ang dalaga maski abala siya sa paglalaba pagkat hindi puwedeng banggitin ito habang kaharap nila si Lakay Awallan upang hindi maghihinala ang matanda. “Tamang–tama mistad . . . mainit na ang araw! Segurado . . . marami nang tao sa ilog! Oo . . . mistad!” Subalit napansin pala ni Bag–aw ang mistulang nang–iintrigang ngiti ni Lakay Awallan ngunit ipinagkibit–balikat lamang niya ito nang maisip na talagang matutuwa ang matanda dahil ngayon lamang nangyari na kailangan pang sabayan siya sa pagpaligo kung kailan binata na siya kaya napailing na lamang siya imbes na mangangamba kung kailan nakagayak na siya. Anuman ang kumukubli sa likod ng mahiwagang ngiti ni Lakay Awallan ay bahala na basta sasama pa rin siya kay Alba upang makilala si Annayatan pagkat nagtataka rin siya kung bakit hindi na napaknit sa isip niya ang pangalan nito at lalong naligalig ang kanyang damdamin samantalang mamaya pa lamang ang takdang pagkikita nila kung matuloy dahil maaaring pinaasa lamang nito si Alba. Hanggang sa nagtanong ang kanyang sarili kung posible bang namalas ni Lakay Awallan ang kanyang kalot na katawan nang dumaan siya sa tapat ng kanyang papag kaya hindi pa rin napapawi ang nanunudyong ngiti niya na nagdulot naman sa kanya ng siki pagkat ang magising na walang anumang saplot ang kanyang katawan ay tunay na kahihiyan kung magiging paksa ito sa mga kuwentuhan. Naging palaisipan din niya hanggang ngayon nang magisnan ang sarili na wala nang saplot pagkat walang dahilan upang hubarin niya ito lalo’t malamig ang madaling–araw maliban kung napigtas lamang ang tali nito kaya napayuko siya para tiyakin na matibay ang pagkakabuhol dahil seguradong magiging katawa–tawa lamang siya sa harap ni Annayatan kung mapigtas uli ang kanyang bahag. Palibhasa, walang tabike sa pagitan ng kanilang silid ay nasanay na si Bag–aw kaya hindi siya nagdadalang–hiya dahil si Lakay Awallan naman ang kasa–kasama niya sa kubol sapul nang magkaroon siya ng malay hanggang ngayong binata na siya ngunit may kabutihan din naman ang ganito pagkat bumabangon na rin siya para paghandaan ang pagpasok niya sa kagubatan kung gising na ang matanda upang magdasal sa madaling–araw. Sakali mang magkatotoo ang palagay na sadyang itinakda ni Bathala ang pagsasama nina Bag–aw at Annayatan ay tiyak na mapipilitan din magpatayo ng sariling kubol ang mag–asawa dahil ito naman ang talagang nararapat kaya sinikap ng mga kaedad niya ang humiwalay sa kani–kanilang mga magulang mula nang magkaroon na sila ng pamilya para hindi maimpluwensiyahan ang kanilang mga desisyon. Halimbawa na lamang si amang Assassi na kahit si Lakay Awallan ang kumupkop sa kanya mula pa sa lumang komunidad nang maulila siya ay ninais pa rin niya ang bumukod nang magkaroon na siya ng sariling pamilya pagkat hindi katanggap–tanggap sa kanila ang makipisan pa rin sa mga magulang ang mag–asawa upang hindi sila magiging pabigat lalo na kung may anak na sila. Gayundin naman si Alba nang sadyang ibinukod ang kanyang pamilya dahil ayaw niya na madamay pa ang kanyang mga magulang sa tuwing nagdedeklara ng giyera si Sahing para hindi lumubha ang problema lalo’t tutol pa mandin sa kanyang asawa ang inang Naga niya ngunit kuntento na siya sa ganitong buhay pagkat kagyat din namang humuhupa ang bagsik ng pagseselos. Samakatuwid, may katuwiran pala si Alba nang ipaalaala nito kay Bag–aw na sa edad niyang dalawampu’t tatlong taon ay panahon na rin upang magkaroon siya ng asawa pagkat dito nasusukat ang pagiging responsable ng isang lalaki kung paano niya tugunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya para mapabuti ang kanilang kalagayan. Patay–malisya naman si Bag–aw sa pagkukunwari na hindi niya pansin ang paminsan–minsang sulyap sa kanya ni Lakay Awallan habang kinakausap nito si Alba upang hindi magkaroon ng aberya ang pagkikita nila ni Annayatan kaya isang lagok na lamang yata ng salabat ang kailangan ubusin niya dahil sa pagmamadali pagkat sayang naman kung sa kanilang pagdating sa ilog ay nagsiuwian na ang mga kadalagahang Malauegs sanhi ng kanyang pagiging makupad.
ITUTULOY
No responses yet