IKA – 216 LABAS

            “Sandali lang . . . mistad!  Higupin ko muna itong salabat . . . para mainitan naman ang sikmura ko!”  Maya’t maya naman ang tingin ni Alba sa araw dahil siya ang hindi napapalagay habang iniisip ang mga kadalagahang Malauegs pagkat hindi naman nila kontrolado ang oras ng kanilang paglalaba kaya maaaring sandali lamang sa ilog ang ilan sa kanila lalo na si Annayatan pagkat naglaba na siya kahapon hanggang sa napataltak siya matapos umiling nang msriin.  Matapos higupin ang huling patak ng salabat ay dinimol pa rin ni Bag–aw ang kanyang mga labi maski hinihintay na siya ni Alba dahil talagang nagustuhan niya ang timpla kaya gustong namnamin muna niya ang lasa para pawiin ang lamig na humihilab sa kanyang tiyan pagkat bumangon siya maski mabigat ang pakiramdam  nang malaman na kalot pala ang katawan niya habang natutulog.  Tuloy, napangiti siya nang maramdaman ng kanyang kalooban ang ginhawa sabay lapit sa kanyang mistad na kanina pa nag–aalala ngunit hindi pa naman katagalan nang dumating sa ilog ang grupo ni Annayatan kaya walang dapat ikabahala ang dalawa basta huwag lamang tumagal hanggang tanghali ang lusong nila sa ilog pagkat tiyak na mga libag ng mga naligo ang daratnan na lamang nila.  Sa sobrang pananabik naman ni Bag–aw ay bumibilis ang pintig ng puso niya maski imahinasyon pa lamang ang gumagana sa isip niya dahil sa panaginip na nagdulot ng palaisip gayong mamaya pa lamang magkakakroon ito ng katuparan kung kasiyahan siya ng kapalaran pagkat aminado naman siya na maski anong pagsisikap niya para pasiglahin ang sarili ay talagang ramdam niya ang matinding pangamba.  Subalit si Alba ang napapangiti nang magbiro ang sarili niya na sana hindi mapapautot mamaya si Bag–aw kung kailan nag–uusap na sila ni Annayatan sanhi ng masamang epekto ng salabat pagkat ito ang madalas nangyayari sa kanila lalo na sa mga kalalakihang Malauegs sa tuwing nangangaso sila sa kagubatan kaya nagiging katuwaan na lamang nila ito.  Kunsabagay, may solusyon naman kung talagang hindi na niya kayang pigilin pa ay ilunoy na lamang sa tubig ang kanyang katawan basta huwag lamang magpapahalata para mga bulubok ang lumutang imbes na tunog ng kanyang utot dahil madali namang lutasin ang anumang problema lalo na kung kasalukuyan ang panliigaw upang hindi mapapahiya.  Kung kalmado lamang si Bag–aw ay matindi naman ang pagkabahala ni Alba nang mapansin niya na mataas na ang araw kaya naisip niya ang mauna na lamang sa ilog para tiyakin na daratnan niya roon si Annayatan habang hinihintay naman nila ang pagsunod ng binata ngunit hindi ito naging katanggap–tanggap sa kanya dahil posibleng magbago naman ang desisyon ng mistad niya.  Lalong hindi na pala kailangan pagkat tinapik na ni Bag–aw ang balikat ni Alba upang ipaalam na puwede na silang umalis nang biglang nagpahabol ng biro si Lakay Awallan kaya nagkatinginan ang dalawa ngunit kaagad umiling ang huli para unahan ang posibleng tanong ng binata dahil tungkol naman sa pangangaso ang kanilang napag–uusapan nang mapansin nito ang dumadalang na huli ng mga kalalakihang Malauegs.

            “Hindi mo sinabi sa akin . . . Bag–aw!  Mamamansing pala kayo ni Alba . . .  ngayon!”  Ngayon, alam na ni Bag–aw ang kahulugan ng mapanlalang na ngiti ni Lakay Awallan ngunit paneneguro na hindi mababalam ang kanilang lakad ay pumiksi lamang siya dahil tiyak naghihintay pa ang maraming katanungan kung mangatuwiran pa siya kaya hinihila na ni Alba ang kanyang kamay upang maratnan pa nila si Annayatan kung naroroon na siya sa ilog.  Muling napasulyap kay Alba ang mga mata ni Bag–aw ngunit hindi na siya pinansin nito kaya minabuti niya ang bumalik maski nagmamadali sila pagkat hindi pa naging maayos ang kanyang paalam sa kagustuhang iwasan ang mga tanong ni Lakay Awallan dahil kanina pa nanunudyo ang tingin nito sa kanya samantalang maliligo lamang ang sadya nila sa ilog.  Habang naniniwala naman si Bag–aw na iisa lamang ang katauhan ng dalagang napanaginipan niya at si Annayatan kahit hindi pa sila pinagtagpo kaya gustung–gusto na niya ang pumunta sa ilog para kumpirmahin ang kanyang hinala kung hindi lamang inabala ni Lakay Awallan ang kanilang lakad lalo’t ramdam na sa balat ang init ng araw.  Batid ni Bag–aw na bihira lamang magbiro si Lakay Awallan ngunit may punto kung marunong umintindi ang kanyang binibiro lalo na kung pabalik–balik na lamang sa kanya ang mga mag–asawa sa tuwing nagkakaroon sila ng problema kaya madalang na ang lumalapit sa kanya basta may kaugnayan sa pamilya ang suliranin para iwas kahihiyan dahil mahirap sagutin ang tanong kung bakit nagpakasal pa sila kung hindi rin lamang pala magkasundo.  Gayunpaman, nagpasalamat pa rin siya dahil hanggang doon lamang ang nasambit ni Lakay Awallan kaya tama lamang nang inilihim nila ang plano para hindi sila magkaroon ng balakid ngayong unti–unti nang sumisigla ang kanyang puso samantalang hindi niya nararadaman ito sa tuwing nangangaso siya pagkat panganib ang laging nagpaalaala sa kanyang isip.  Pero ipinagkibit–balikat lamang ni Alba ang biro ni Lakay Awallan dahil totoo rin naman na hindi pa nila naranasan ang pamamansing kahit kailan pagkat mas pinagtutuunan nilang dalawa ang pangangaso kaysa magtiyagang magbabad sa tubig hanggang sa natigil din ang kanyang paglalakad sabay kamot sa ulo niya nang makitang bumalik sa tangkil si Bag–aw.  Nang mapangiti si Alba matapos maisaloob na kung alam lamang ni Lakay Awallan na ibang klase ng pamimingwit ang gustong matutunan ngayong araw ni Bag–aw para humuli ng espesyal na isda maski  hindi na gamitan ng baliwasan kug puwede namang sigpawin gamit ang mga kamay upang magiging ulam niya habambuhay nang hindi na siya laging nananginip.  Kunsabagay, panahon na rin upang magkaroon ng sariling disposisyon si Bag–aw sa kanyang buhay kaysa laging nananangan sa mga paalaala kahit totoong may kabutihan din naman ito ngunit lahat nang labis ay masama lalo’t matulin ang pagdaraan ng araw kaya magigimbal na lamang siya kung magisnan ang sarili na uugud–ugod na dahil sa maling paniiwala.  Tutal, nahutok na ng maraming kaalaman ang kanyang malak ay hindi na kailangang gabayan pa ang mga kilos niya para magiging matatag ang kanyang tiwala sa sarili habang taglay niya ang kakayahang ito ngayong binata na siya dahil sa unang hakbang nagsisimula ang pangarap ngunit sa unang tibok ng puso naman nag–uumpisa ang matinding pagpupunyagi upang magkaroon ito ng katuparan.  Sapagkat ito ang nagsisilbing sukatan kung kaya na bang balikatin niya ang mga reponsibilidad sakaling naisin na niya ang pag–aasawa para walang dapat ipangamba ang kanyang magiging maybahay lalo na kung nagbibilang na sila ng mga anak dahil bumibigat din ang kanyang pasanin kaya kailagan paigtingin pa ang kanyang kasipagan upang matugunan ang mga panagangailangan ng kanyang pamilya.  Samantala, base naman sa sariling pananaw ni Alba ay walang duda na magkasugpong ang mga damdamin nina Bag–aw at Annayatan basta magpamalas lamang siya ng sigasig hanggang sa pumitlag ang kani–kanyang puso sa unang pagkikita nila para sila ang magkatuluyan dahil sadyang itinakda ni Bathala ang kanilang pagsasama kaya kailangan mangyayari ito.  Kung hindi lamang naging problema nila si Lakay Awallan ay talagang imumungkahi ni Alba na dapat maihanda na ni Bag–aw ang mga kailanganin sa pamanhikan tulad ng pasalap pagkat ito ang laging hinihiling ng mga magulang ng dalaga upang mapag–usapan agad ang kanilang kasal dahil hahantong din naman sa pag–aasawa ang kanilang pag–iibigan.  Para maipatayo na rin ang kubol na magiging pugad na paglilimliman ng kanilang mga puso na sabik sa pagmamahalan kung marapatin ni Lakay Awallan dahil wala na rin magagawa ang kanyang pagtutol maliban sa igawad ang kanyang basbas maski magdulot pa ito ng kaunting kirot sa kanyang damdamin para magiging maalwan ang pamumuhay ng kanyang apo sa piling ng pamilya nito.  Sandali, huwag masyado madaliin ang pagplano sa mga kaganapan kung wala pa namang katiyakan ang pakipagsapalaran ni Bag–aw pagkat posibleng gumana na naman ang kanyang katorpehan kapag kaharap na niya si Annayatan dahil maling–mali upang ipagpalagay na magiging katanggap–tanggap din sa paningin niya ang anumang naging kaakit–akit sa mga mata ni Alba.  Kung mga kababaihang Malauegs lamang ang naging batayan ni Alba ay mabuti pang mangangaso na lamang si Bag–aw imbes na sayangin niya ang panahon para makipagkita lamang kay Annayatan dahil tunay na pihikan ang mga katutubong binata kaya mahirap pangungunahan kung anong katangian ang hinahanap nila sa isang dalaga pagkat maalimis din naman sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *