“Apong . . . naman! Kahit araw–arawin po natin . . . ang paligo! Hindi po magbabago . . . ang amoy natin! Opo . . . Apong! Kung hindi rin tayo nagpapalit . . . ng bahag! Opo!” Kabutihan, hindi masyadong malakas ang tugon ni Bag–aw basta sapat lamang marinig ito ni Lakay Awallan ngunit napahagalpak pa rin si Alba pagkat narinig din pala niya ito nang hustong lumapit siya sa tangkil para yayain na ang binata upang hindi pumalpak ang kanilang misyon dahil tiyak na mababalam ang kanilang pagpunta sa ilog kung magtagal pa sila. Subalit may punto rin naman si Bag–aw dahil siya at si Lakay Awallan lamang ang magkasukob sa kubol kaya alam niya kung kailan nagpapalit ng bahag ang isa’t isa sa kanila ngunit natatakpan ng makapal na balabal ang buong katawan ng matanda bilang simbolo ng kanyang pagiging Punong Sugo sa tribung Malauegs upang magiging kagalang–galang ang kanyang hitsura. Katunayan, minana pa niya kay Lakay Bangkuwang ang balabal na mas matanda pa kaysa kanya dahil talagang iniingatan din naman niya ang kahalagahan ng kasuutang ito pagkat ipinagkakaloob nito ang kapangyarihan ng Punong Sugo upang pamunuan ang tribung Malauegs kaya iginagalang ang kanyang mga salita lalo’t naniniwala ang mga katutubong Malauegs na kapasyahan ni Bathala ang pagkatatalaga sa kanya sa tungkuling ito. Pero napaismid si Lakay Awallan sabay singhot sa kanyang katawan saka umiling nang mariin na waring pinabubulaanan ang pasaring ni Bag–aw nang hindi na napigilan nito ang mapikon ngunit napatawa na naman si Alba dahil sa naging reaksiyon niya kaya lumilimpay sa isip nito ang tanong kung totoo bang lingguhan lamang kung maligo ang kanilang Punong Sugo. Sapagkat totoo rin naman na hindi pa niya namalayan kahit kailan na pumunta sa ilog ang matanda para maligo maski wala pa naman sa mga katutubong Malauegs ang tumatanggi na talagang amoy anghit at palot ang kanilang mga katawan dahil maghapong bantad sila sa araw lalo na sa panahon nang tag–init kaya lalong umiitim ang kanilang mga kutis ngunit hindi naman nila ikinahihiya ito. Kaya hindi sapat para sa mga katutubong Malauegs ang minsanang paligo lamang upang mapaknit sa kanilang mga katawan ang ganitong amoy lalo’t hindi pa nila batid ang kahalagahan ng sabon pagkat ginagamit lamang nila ito sa paglalaba dahil ito ang turo sa kanila ng mga katutubong binyagan sa bayan ng Alcala kahit may kamahalan ang presyo nito. Subalit lalong naaantala naman ang kanilang pagpunta sa ilog nang hindi nila namamalayan kung maratnan pa nila si Annayatan kaya nabahala si Alba dahil maaaring uminit ang ulo ni Bg-aw kung magpatangay siya sa kantiyaw ni Lakay Awallan gayong hindi dapat upang hindi maaapektuhan ang paghaharap niya sa dalaga lalo na kung kasama pa ang mga kaibigan nito. Nagmamadali namang sumunod si Bag–aw nang mapansin ang senyas ni Alba upang datnan pa nila si Annayatan na maagang naglalaba sa ilog kaya hindi na dapat pinansin pa niya ang mga biro ni Lakay Awallan para hindi sana sila naghahabol ngayon ng oras pagkat sayang naman kung humantong sa kabiguan ang misyon na magdamag pa mandin nilang binalak. Bahala na kung may kasama ngayon si Annayatan dahil mag–isa lamang siya kahapon basta matuloy lamang ang pagkikita nila ni Bag–aw pagkat mahalagang malaman ang magiging resulta ng kanilang misyon kaya puspos nang pananabik ang kanilang mga damdamin lalo’t marami na ang nagtungo sa ilog upang maglaba’t maligo matapos ang almusal. Masigla ang katawan ni Bag–aw kaya kainamang lunas pala sa kanyang katorpehan ang isang lumbo ng salabat kahit sandali lamang ang kanyang tulog dahil sa mga guni–guni na gumambala sa kanyang isip ngunit maaabutan pa kaya nila si Annayatan na maaaring maliligo lamang ang sadya niya sa ilog pagkat naglaba na siya kahapon samantalang nasa ikasampung baitang ng langit na ang araw sanhi ng pagiging mabagal nila. Ngumiti lamang si Lakay Awallan sa halip na magpasunod pa ng biro nang magpaalam sa kanya si Bag–aw pagkat handa na ang sarili ng binata para pumalaot sa bagong misyon ng kanyang buhay habang umuusal ng masidhing panalangin na sana hindi iparamdam sa kanya ni Bathaa ang kabiguan upang malubos naman ang kanyang kaligayahan na kaytagal nang pinangarap ng kanyang puso. “Sige . . . Apong! Aalis na po . . . kami! Tena . . . mistad! Dahil . . . tanghali na!” Kabalintuaan kagabi na matindi ang pagtanggi ni Bg–aw para makipagkita kay Annayatan kaya kinailangan pilitin pa siya hanggang madaling–araw ay masigla ngayong umaga ang kilos niya ngunit binalewala na lamang ito ni Alba dahil sapat na ang ipinamalas na interes niya upang tuparin ang kanilang naging kasunduan nang lingid kay Lakay Awallan na patangu–tango lamang. Ngayon, si Bag–aw ang nagmamadali para maabutan pa nila si Annayatan pagkat mataas na pala ang araw nang hindi nila namalayan dahil sa mga kantiyaw ni Lakay Awallan na lalong nagpaantala sa kanilang pag–alis kaya patakbo ang kanilang lakad ngunit hindi pa rin mapalagay si Alba kahit nauuna siya hanggang sa bumilis ang kanyang takbo upang pigilin ang dalaga sakaling tapos na ang paglalaba nito. Kabado man si Alba ay malaki pa rin ang pananalig niya na daratnan pa nila si Annayatan pagkat ganitong oras din kahapon nang samahan niya sa ilog ang kanyang mga anak para maligo habang lakad– takbo naman si Bag–aw nang malingunan niya kahit unti–unti nang lumalayo ang kanyang nararating ngunit hihintayin na lamang niya ang pagsunod nito. Ngayong nagpamalas ng interes si Bag-aw ay nararapat lamang samantalahin ang pagkakataon pagkat bihira lamang dumarating sa buhay niya ang ganitong suwerte kaya tunay na sayang kung hayaan pang palampasin ito samantalang sa panahon ni Alba ay siya ang tumutuklas ng kanyang magiging kapalaran maski humantong siya sa maling desisyon dahil sa pagiging mapusok. Hanggang sa naging dalangin na lamang niya na sana hindi rin selosa si Annayatan dahil tiyak na siya ang pagbubuntunan ng sisi ni Bag–aw kapag naranasan din nito ang pagkakaroon ng mapanibughong asawa lalo na si Lakay Awallan kung malaman din nito na siya ang naging dahilan kung bakit nagkakilala ang dalawa ngunit sa wari naman niya ay hindi dominante ang dalaga. Aywan kung bakit mistulang hinahabol siya ng kamalasan samantalang pinipilit naman niya ang magbago dahil sa kanyang mga anak hanggang sa napailing na lamang siya pagkat sadyang mahirap arukin ang kanyang kapalaran kaya sinisikap na lamang gampanan ang kanyang mga reponsibilidad upang hindi siya lalong isusumpa ni Bathala. Seguro, pinaparusahan siya ni Bathala dahil sa pagiging salawahan sa mga naging kasintahan niya kaya siya naman ang dumaranas ngayon ng pait na ipinunla niya sa kanilang mga puso kaya ramdam niya ito kahit may pamilya na siya pagkat huli na ang pagsisisi upang pahalagahan ang mga pangaral ng kanyang mga magulang kung tinangay na ito ng mga lumipas na taon. Kung nagdulot man ng kaunting kirot sa kanyang puso ang mga naging karanasan niya ay masaya pa rin siya habang kapiling ang kanyang mga anak pagkat sila ang totoong yaman ng kanyang buhay kahit sila rin ang laging nagpaalala sa kanyang mga kasalanan kaya nagdurusa siya ngunit tiyak na mapaparam din ito pagdating ng panahon na matanda na siya. At mabuti na rin ang may binabalikang alaala habang tinatanaw ang nakaraan dahil hindi siya natakot subukin ang pag–aasawa kahit kapalaran na niya ang nagpahamak kaya si Sahing ang nakatuluyan niya pagkat tiyak na ang puwang niya sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan upang magkaroon ng katiwasayan ang kanyang kaluluwa kung totoo ang alamat na pinaniniwalaan nilang lahat.
ITUTULOY
No responses yet