“P–Pasensiya na rin . . . Annayatan! I–Ipapakilala ko lang sana sa ‘yo . . . ang mistad ko! Oo . . . si Bag–aw! Hayun siya . . . !” Seguro, hindi na kinayang batahin pa ni Alba ang inis kaya kusa nang nilinaw ang tanong niya sa halip na patagalin pa ang paghihintay upang ipaunawa kay Annayatan na si Bag–aw ang nais makipagkilala sa kanya pagkat kahangalan na rin kung paulit–ulit na lamang ang pagpapakilala niya sa sarili maliban na lamang kung sadyang malimutin ang dalaga dahil kalabisan na kung biro pa rin ito para sa kanya. Marahil, matagal nang naririnig ni Annayatan ang pangalan ni Bag–aw dahil sinundan niya ang itinuturo ni Alba hanggang sa dumako kay Bag–aw ang paningin niya ngunit hindi lamang matiyak kung nagkaroon siya ng interes basta hindi man lamang kumisap ang mga mata niya maging ang mga kadalagahan kaya sandaling natahimik sila habang tinatanaw ang nais makipagkaibigan sa dalaga. Talagang ikinagulat ng mga kadalagahan dahil noon lamang nila napansin si Bag–aw na kaytagal nang naghihintay na matapunan sana siya ng sulyap kahit sandali man lamang mula kay Annayatan ngunit tumingin man siya sa kanila ay hindi niya ipinahalata na kanina pa gustung–gusto niya ang lumapit sa kanila para makilala ang dalagang nagparamdam sa kanyang panaginip. Walang duda na ngayon pa lamang nila nakita ang mabikas na katawan ni Bag–aw maski ipagpalagay nang noon pa naririnig nila ang pangalan niya kaya titig na titig sila sa kanya maging si Annayatan lalo na nang dahan–dahang umahon siya dahil sa akala’y tinatawag na siya ni Alba ngunit naudlot ang kanyang paglapit nang mamalas ang pahiwatig si Alba. May panghihinayang man ang kalooban ni Bag–aw ay ninais na lamang niya ang lumusong uli sa tubig kahit hindi pa rin siya linulubayan nang tingin ng mga kadalagahan habang napayuko naman si Annayatan nguinit hindi mawari kung ano ang lumilikaw sa isip nito basta nagmistulang katakam–takam na kakanin ang binata kaya gusto nang papakin maski mapaso pa ang kanilang mga bibig. Kunsabagay, ilang saglit na lamang ang dapat ipaghintay ni Bag–aw dahil seguradong magkakaroon na rin ng katalamitam ang kanyang puso na hindi ginabot ng mga diwata sa kagubatan kaya mapalad ang sinumang maalayan ng kanyang pag–ibig pagkat tiyak na hindi siya magsisisi sa pagkakaroon ng tapat na asawa kahit pagiging perito sa pangangaso ang tanging katangian lamang niya. Lingid kay Bag–aw ay panakaw naman ang tanaw sa kanya ni Annayatan upang hindi makantiyawan ng mga kaibigan niya ngunit hindi ito nakaligtas sa matalas na mga mata ni Alba kaya naisaloob nito na maaaring binantil ni Bathala ang damdamin ng dalaga para pagbigyan ang bulong ng puso ng binata dahil kailangan magkaroon ng katuparan ang naitakda na ng tadhana. Basta huwag lamang magpagapi sa takot ang kalooban ni Bag–aw maski normal na ito sa katulad niya na ngayon pa lamang mapapasabak sa ganitong pagsubok dahil ang importante naman ay hindi bigo ang misyon na pinagpuyatan pa mandin nila kaya depende na lamang kung paano niya isakatuparan ito pagkat walang duda na nag–aabat lamang ang tagumpay. Nagbulungan na naman ang mga kadalagahan nang palihim na tinatangko ni Annayatan si Bag–aw hanggang sa nagtawanan na sila kaya napilitang lumusong ang dalaga para bigyan sana sila ng leksiyon ngunit dali–dali rin umahon nang mangaligkig siya sa ginaw dahilan upang mapatawa na rin si Alba maski hindi dapat para hindi mapapahiya ang dalaga. Segurado, walang kamalay–malay si Bag–aw sa nangyayari dahil hindi na siya tumitingin sa kanila nang mabaling kay Lakay Awallan ang isip niya pagkat paniwalang–paniwala pa naman ang kanyang apong na pamamansing ang sadya nila sa ilog kaya tiyak na magtatanong mamaya ang matanda ngunit kumisap lamang ang kanyang mga mata nang maisaloob na kailangan din pala matutunan niya ang pagsisinungaling para ililhim lamang ang kanilang misyon. Tuloy, hindi niya napigilan ang humalakhak nang pagkumparahin niya ang pangangaso at ang panliligaw pagkat tumatagal man ang kanyang paghahanap ay tiyak naman ang huli basta maging matiyaga lamang siya dahil kusang lumalabas sa lungga ang mga hayop kapag gutom na ang mga ito makalipas ang magdamag kaya sobrang kamalasan na lamang kung umuwi siya na busog at talanga pa rin ang hawak. Samantalang hindi niya maintindihan kung bakit kailangang maghintay pa siya ng tamang panahon para makausap lamang si Annayatan maski walang kaseguruhan hanggang hindi pa iwinawagayway ang senyas mula kay Alba upang umariba na siya kung puwede namang dumeretso na siya upang maganap na ang pakipagtagpo niya sa dalaga pagkat ito naman ang talagang pakay nila. “Mistad . . . halika!” Hanggang sa narinig ni Bag–aw ang boses ni Alba ngunit hindi kaagad lumapit ang binata maski naglulundag na sa tuwa ang kanyang puso dahil nais pa rin maneguro ang kanyang sarili upang hindi siya magkamali ng pagkaintindi sa senyas kahit kanina pa niya inaabangan ito pagkat mahirap ang magpadalus–dalos ng paniniwala na handa nang makipagkilala sa kanya si Annayatan. Pagkatapos ang paswit ni Alba ay nagpasunod pa siya ng kaway para tiyaking naunawaan ni Bag–aw ang kanyang senyas kaya muling napatingin sa binata ang mga kadalagahan habang hinihintay nila ang paglapit niya ngunit hindi mawari kung ikinagalak niya ang mensahe dahil matamlay ang galaw niya imbes na magmamadaling lumapit ngayong dumating na ang sandaling hinihintay niya. Waring naglaho na ang pananabik ni Bag–aw dahil sa naramdamang panghal sanhi ng matagal na paghihintay kaya mistulang binalewala lamang niya ang senyas kung hindi pa inulit ito ni Alba ay saka pa lamang humakbang ang kanyang mga paa ngunit lalong kinilig ang mga kadalagahan habang unti–unting nagkakahugis sa kanilang mga paningin ang kanyang talangkas. Naging kapansin–pansin sa mga hakbang ni Bag–aw na waring pumusyaw ang sigla niya ngunit maaaring hindi ito ang namamalas ng mga kadalagahan kundi ang kanyang matikas na katawan kaya nagkaroon ng samu’t samot na haraya ang mga malisyosong utak maski malinaw naman ang sadya ng binsata upang tangkain pa nila ang agawin siya mula kay Annayatsan. Habang natigagal naman si Annayatan nang malantad sa kanyang paningin ang binatang nais makipagkilala sa kanya pagkat wala sa hagap niya na mahalina sa isang kisap ang kanyang puso sanhi ng kakisigan nito ngunit kailangan pigilin ang kanyang nararamdaman upang hindi siya mapapahiya sa mga kaibigan niya dahil siya na lamang yata ang pinapansin nila. Lingid kay Annayatan ang napapangiti na lamang si Alba pagkat mahirap ikubli sa pagkukunwari ang tunay na nararamdaman kaya tama pala ang naging katuwiran niya na mahilig lamang magpahili ang mga kadalagahan ngunit sariling damdamin din naman ang nagkakanulo sa kanila dahil waring may sinisipat ang mga mata habang pasulinding ang tangko nito. Subalit walang dapat ipag–aalala si Alba pagkat matinding pangangamba lamang ang totoong sanhi kaya muling nag–aatubili ang sarili ni Bag–aw kung kailan dumating na ang sandaling hinihintay niya ngunit tuluy–tuloy naman ang kanyang paglalakad sa halip na bumalik kung talagang naduduwag na siya matapos maisaloob na magdudulot ng malaking kahihiyan kung umatras siya sa laban.
ITUTULOY
No responses yet