IKA – 225 LABAS

Kung totoong si Bathala mismo ang may gabay upang palakasin ang kanyang loob ay salamat naman pagkat nakayanan din niya ang lumapit kay Annayatan maski pormal pa rin ang kanyang hitsura sa halip na ngumiti ngayong kaharap na niya ang dalaga na unang nagparamdam sa kanyang panaginip kaya pasimpleng tinapik ni Alba ang kanyang balakang para gisingin ang sarili niya.  Dapat pa bang pagtakhan ang pagiging mahiyain si Bag–aw kung nabuhos sa pangangaso ang buong panahon niya hanggang ngayong binata na siya kaya malinaw na lumaki siya sa kagubatan habang kasalamuha ang mga mababangis na hayop sa halip na katulad niya upang maragdagan sana ang kanyang karunungan at masanay na rin sa pagharap ng madla.   Pakiwari ni Alba ay mahihiya ang mga guwardiya sibil dahil sa walang katinag–tinag na pagkakatayo ni Bag–aw samantalang makipagkilala lamang ang kanyang layunin kaya hindi niya nagawang batiin si Annayatan ngunit madali namang unawain ang kanyang kalagayan pagkat unang karanasan ito sa buhay niya na walang muwang sa pamamaraan ng panliligaw.  Katunayan, muling gumana ang kanyang pagiging malumat sanhi na rin sa tindi ng kanyang kaba kahit isang dangkal na lamang ang pagitan nila ni Annayatan ngunit naging maagap naman ang kamay ni Alba para ipaalaala sa kanya na kailangan pigilin muna niya ang anumang ibinubulong ng kanyang sarlli upang hindi niya malalabag ang patakaran ng kanilang tribu.  Sandaling nabalaho naman ang mundo ni Annayatan nang mistulang nagayuma ang buong katauhan niya sanhi ng hindi inaasahang pagtatagpo nila ni Bag–aw kaya halos ayaw nang kumisap ang kanyang mga mata habang minamasdan ang binata nang mawaglit sa isip niya ang mga kaibigan niya dahil tiyak na pagtatawanan na naman ng mga ito ang kanyang naging reaksiyon.  Hindi pa rin nagbabatian sina Annayatan at Bag–aw maski magkaharap na sila dahil kuntento na yata sila sa pagtitinginan kaya wala sa kanila ang gustong magsalita ngunit walang duda na matutuwa si Lakay Awallan kapag nalaman nito na naging positibo naman pala ang ginawang pamamansing ng binata kahit ngayong araw pa lamang siya natuto nito basta huwag umasa ng tinolang isda.  “Mistad!  Siya si . . . Annayatan!”   Pagkatapos, pinakiramdaman ni Alba ang posibleng gawin ni Bag–aw ngayong naipinakilala na niya si Annayatan maski hindi na niya kamayan ang dalaga dahil talagang ipinagbabawal ito sa kanilang tribu ngunit mas kaaliw–aliw pagmasdan kung magbatian sila bilang panimula ng kanilang pagkakaibigan kung desidido siya pagkat malapit nang tumirik sa tanghaling tapat ang araw kaya posibleng magpapaalam na mamaya lamang ang mga kadalagahan.  Habang pinapakiramdaman ni Alba si Bag–aw ay natanong naman niya ang sarili kung talaga bang normal lamang sa mga binata ang pagiging dungo sa unang pakipagtagpo sa mga dalaga lalo na kung balak din nila ang manligaw dahil ganito rin noon ang nararamdaman niya imbes na lumakas ang loob ngunit nanlalamig ang kanyang mga kamay pagkat ayaw tumining ang kanyang kaba.  At limitado ang kanyang pagsasalita upang magmistulang maginoo siya sa tuwing kinakausap ang kanyang nililigawan para tanggapin lamang nito ang iniluluhog niya maski pinuputakti na siya ng mga lamok ngunit sa simula lamang pala ‘yon habang nararagdagan ang kanyang karanasan kaya naging kasayahan niya ang nagbibilang ng kasintahan hanggang sa humantong sa kamalasan ang huling yugto ng kanyang talikakas.  Ngayon, naging malinaw na para sa kanya kung bakit ganito ang kilos ni Bag–aw sa harap ni Annayatan dahil ito ang magiging unang arangkada niya sa gabi–gabing panliligaw na sadyang hindi itinuro ni Lakay Awallan ngunit walang duda na magiging kaniig niya ang tagpong ito sa mga panaginip niya pagkat madaling maramdaman ng puso ang lumbay kapag ito’y natuto nang umibig.  Pero nababahala pa rin si Alba dahil hindi mawari kung nagkaroon ng diperensiya ang paningin ni Bag–aw pagkat walang tiyak na direksiyon ang baling ng kanyang mga mata kaya gusto nang saludsurin niya ang kanyang paa para mapasubsob siya sa dibdib ni Annayatan ngunit binawi niya ang ideyang ito pagkat sila rin ang mapasama kung biglang magbago ang desisyon ng dalaga.  Seguro, hindi na dapat magtaka si Alba kung nangulughoy pa lamang si Bag–aw dahil hindi naman lingid sa kanya na wala pang karanasan ang binata lalo’t biglaan din naman ang nagaganap na paghaharap nila ni Annayatan kahit may paunang bilin na siya ngunit hindi naman niya itinuro ang paran kung  paano ba simulan ang pakipagkaibigan sa isang dilag.  Kunsabagay, mainam na ang hindi magpamalas ng sobrang pananabik si Bag–aw para mapanindigan pa rin ang pagiging maginoo niya dahil magiging tampulan sa paningin ng mga kadalagahan ang anumang pagkakamaling nagawa niya sanhi ng pagiging agresibo pagkat apo siya ng Punong Sugo kaya tiyak na magagalit din si Lakay Awallan kapag nalaman nito ang pangyayari.  Malaking tulong ang pagiging maingat ni Bag–aw habang kumukuha pa lamang siya ng buwelo sa unang arangkada upang magkaroon ng positibong impresyon sa kanya si Annayatan dahil importante ito sa dalawang puso na ngayon pa lamang pinagtagpo ng tadhana lalo na kung magkatuluyan pa sila para laging may tugon ang tanong kung paano ba nagsimula ang kanilang pag–iibigan.  Tuloy, tumingala na lamang si Alba upang ikubli ang kanyang ngiti dahil mahirap ilarawan ang naging reaksiyon ng dalawa pagkat mistulang naglaho ang kanilang kakayahan sa pagsasalita sa tindi ng nararamdamang hiya kaya naghihintayan pa kung sino sa kanila ang unang kumibo ngunit seguradong hindi si Bag–aw  pagkat hindi na lingid sa lahat ang pagiging dungo nito.  Habang umaariba na naman ang mga kadalagahan nang mamalas nila si Bag–aw dahil naririnig na pala nila ang pangalan niya ngunit ngayong araw lamang nakilala nila ang apo ni Lakay Awallan kung hindi pa naganap ang pagtatagpong ito maski naging sorpresa para kay Annayatan pagkat tiyak na hindi ito nabanggit sa kanya ni Alba kaya namangha siya.

            “Hayyy!!!  Siya pala . . . si Bag–aw!”   Pagkatapos, nagpasunod ng malalim na hinagpis ang mga kadalagahan sanhi ng panghihinayang pagkat si Annayatan pala ang talagang sadya si Bag–aw kaya napuspos ng pangingimbulo ang kanilang mga kalooban habang nagtataka kung bakit ayaw makipagkilala sa kanila ang binatang kaytagal nang ninais nilang masilayan upang purihin dahil sa kanyang taglay na katapangan.  Naghihimutok man ang mga damdamin ng mga kadalagahan ngunit hindi pa rin nila napigilan ang humanga kay Bag–aw dahil talagang umakit sa kanilang mga puso na nagdedeliryo sanhi ng nararamdamang kahibangan ang kanyang kakisigan kaya napapalatak na lamang si Alba habang pinanghihinayangan ang pagkakataon na dapat samantalahin kung binata pa sana siya pagkat sila mismo ang nagpaparamdam ng matinding pananabik nang mamalas ang kanyang mistad.  Totoo rin naman na talagang mahirap ipagwalang–bahala ang gilas ng katawan ni Bag–aw lalo’t hindi rin naging balakid ang kanyang sunog na balat dahil sa araw–araw na pangangaso upang hindi mapapansin ang kanyang naniningkad na lindig kaya marami ang humanga sa kanya ngunit nagdulot lamang ng problema ang pagiging mailap niya sa mga kadalagahan.  Mangyari, mistulang sumisisid ang kanyang mga mata sa kamuwangan ng bawat titigan niya kaya dapat mag–ingat ang mga kadalagahan upang hindi tumagos sa kanilang mga puso ang kanyang kaluluwa pagkat hindi malayong gayahin din niya ang naging istilo noon ni Alba kapag natalaksan na sa isp niya ang maraming karanasan sa panliligaw kung totoo ang kasabihan na hindi lamang mga itinuturo ng guro ang dapat matutunan kundi maging ang ginagawa nito.  Bahala na si Bathala ang umunawa basta kinilig ang mga kadalagahang Malauegs nang magbiro sa kanilang mga imahinasyon ang mahigpit na yapos ni Bag–aw maski malulunod pa sila kung labis na kagalakan ang sanhi naman ng kanilang kamatayan ay hindi magsisigaw nang pagsisisi ang kanilang mga kaluluwa habang sinusunog ang mga bangkay nila.  Grabe!  Mabuti na lamang hindi ginabot ng mga diwata sa kagubatan si Bag–aw pagkat hindi sana naganap ang pagtatagpo ngayong umaga dahil sadyang mapag–imbot ang mga diwata lalo na sa mga mangangasong napupusuan nila kaya marami ang naglaho nang balewalain nila ang paniniwala na hindi dapat pumasok sa kagubatan ang sinumang nakatakda nang ikakasal upang hindi rin mangyayari sa kanila ang sinapit ng ibang biktima.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *