Walang duda na magiging bahagi na sa araw–gabing panaginip ng mga kadalagahan si Bag–aw ngayong napagmasdan na nila ang kanyang kaibig–ibig na tikas ngunit wala namang masama pagkat normal lamang ang magkaroon sila ng ganitong damdamin basta huwag lamang humantong sa kasalan dahil seguradong magigising sila sa hating–gabi habang nagtatanong ang mga sarili kung bakit hindi pa nagkatotoo. Sunud–sunod ang tinanggap na pagbati ni Bag–aw ngunit hindi lamang matiyak kung narinig sila ng binata pagkat sumabay ang pagkamot niya sa ulo, saka ginili ang mga palad sa pagbabakasakali na sumigla ang sarili at nagpalinga–linga na waring may hinahanap samantalang nasa harapan na niya ang dilag na nagparamdam sa panaginip niya kaya kumindat sa kanya si Alba upang batiin din niya si Annayatan. “Magandang umaga . . . Bag–aw! Komusta ka?!” Aywan kung sanhi ng tumitinding kaba kaya saglit naging bingi si Bag–aw ngunit hindi rin naman nagtampo ang mga kadalagahan maski hindi sila pinapansin ng binata dahil sapat na ang masilayan nila ang apo ng kanilang Punong Sugo pagkat ngayon lamang dumating ang pagkakataong ito na kaytagal nang hinihintay nila upang magkaroon ng magandang wakas ang panaginip. Maya’t maya ang bulungan nila saka nagpasunod ng kil–it upang planuhin kung paano mababaling sa kanila ang pansin ni Bag–aw dahil animo lumantad sa kanila ang prinsipe ng mga anito kaya nagayuma ang kanilang mga puso ngunit kahibangan naman kung tangkain pang agawin nila ang binata pagkat hindi na nawaglit sa kanyang isip ang dilag mula nang magparamdam siya sa kanyang panaginip. Hanggang sa dumako kay Alba ang paninisi ng mga kadalagahan habang nagtatanong ang mga sarili kung bakit kay Annayatan pa inireto si Bag–aw samantalang marami naman sila ang handang magpatirapa sa kandungan ng binata sa ngalan ng pag–ibig maski danasin pa nila ang matinding parusa kung kaligayahan naman ang dulot nito sa kanila. Aywan basta umeksena na lamang ang mga kadalagahan kung hindi umubra kay Annayatan si Bag–aw maski gugustuhin na lamang ng binata ang mag–ermitanyo upang hindi na maalaala pa ang dinanas na kasawian ngunit may pag–asa pa naman dahil seguradong sila ang pagbabalingan ni Alba kapag nabiyudo na siya ngayong batid na niya ang kanilang kahinaan. Siyempre, magiging lunas na lamang kay Bag–aw ang tuluyan nang manirahan sa kagubatan sa pagbabakasali na ikulong siya sa kaharian ng mga diwata dahil tunay na masakit ang mabigo sa unang pagsubok sa laro ng pag–ibig ngunit mangyayari lamang ito kung magbulag–bulagan siya habang naghihintay naman si Annayatan pagkat imposibleng siya pa ang unang magpakita ng interes kahit kanina pa niya pinanabikan ito. Bagaman, kahangalan ang mangarap ngunit wala namang masama kung umasa ang mga kadalagahan kaysa bumitiw sa pananalig basta tuluy–tuloy lamang ang kanilang panaginip hanggang sa magkatotoo ito kahit hindi ang binata na laging idinadalangin ng kanilang mga spuso pagkat ang importante naman ay may minamahal sila hanggang sa kanilang pagtanda. Lalong walang dapat ipangamba pagkat sila pa rin naman ang magiging abay sa kasal sakaling magkatuluyan sina Annayatan at Bag–aw kaya dalasan na lamang nila ang pagdarasal para sa kaligayahan ng kanilang kaibigan hanggang sa muling nabulabog ang ilog dahil sa lakas ng halakhakan upang tumawa na rin si Alba. “Ang kisig–kisig mo pala . . . Bag–aw!” Sadyang mahirap sikilin ang totoong nararamdaman pagkat posibleng huminto sa pagtibok ang mga puso hanggang sa ikamamatay pa kung hindi ito maibulalas kaya kailangan kumilos na ni Bag–aw bago pa maramdaman ni Annayatan ang panghal hanggang sa tuluyan nang malagas ang pananabik ng kanyang damdamin kung wala naman palang dapat hintayin. Halos natuyo na ang bahag ni Bag–aw sa tagal nang pagkakatayo niya sa harap ni Annayatan kaya muling nagparamdam sa kanya ang tapik ni Alba dahil talagang kailangan magtagumpay ang misyon nila maski dumaan pa siya sa matinding pagsubok upang siya ang gabi–gabing bida sa panaginip ng dalaga kung wala pang nagmamay–ari sa puso nito. Sapagkat talagang panahon na rin para mag–asawa si Bag–aw upang lumaganap ang kanyang lahi nang maiba naman ang hitsura ng mga katutubong Malauegs sa mga susunod na siglo at may magmamana sa kanyang katapangan kahit alamat ng kanyang buhay ang maiwan na lamang dahil sadyang lumilipas ang lahat sa tuwing sumasapit ang itinakdang hangganan ng kanilang pananatili sa mundo. Bahala na kung nagbabahag pa rin ang mga katutubong Malauegs pagdating ng panahon na ‘yon basta matiyak lamang na manggagaling sa tribu nila ang mga naggagandahang angkan sa kabundukan ng Sierra Madre para mabago naman ang pakikitungo sa kanila ng sibilisadong lipunan lalo na kung napuspos na rin ng maraming karunungan ang kanilang mga kaisipan. Basta huwag lamang tuluyang malipol ang tribung Malauegs kahit ilang beses pang lusubin ng mga soldados ang bagong komunidad upang lalo pang puming–il ang kanilang lahi hanggang sa magiging laksa–laksa ang bilang nila sa patnubay ni Bathala dahil siya ang tanging takbuhan nila sa panahon ng kagipitan pagkat kulang ang kanilang kakayahan para labanan ang kasamaan ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Tuloy, si Alba ang natutuwa habang pinapakinggan ang tandisang paghanga mula sa mga puso na laging giniginaw pagsapit ng madaling–araw kaya naghahanap ng kasiping upang magiging mainit ang kanilang gabi ngunit imposibleng magkaroon ng katuparan ang kanilang mga kahilingan pagkat nag–iisa lamang ang apo ni Lakay Awallan maski gustuhin pa ng matanda ang muling mag–asawa kung hindi na rin kaya ng kanyang mga tuhod ang tumayo. Maliban na lamang kung ipahintulot ni Bathala sa mga kalalakihang Malauegs ang pagkakaroon ng maraming asawa pagkat pabor kay Alba ang ganitong patakaran kaya napangiti siya sabay tingin sa mga kadalagahan habang waring sinisimulan nang sipatin ng kanyang mga mata kung sino sa kanila ang talagang tunay kung magmahal upang maagapan bago pa maparam sa isip niya ang haka–hakang ito. “Naririnig na namin . . . ang pangalan mo! Bag–aw! Oo!” Palibhasa, apo ni Lakay Awallan kaya hindi na kataka–taka kung naging bukambibig ang pangalan ni Bag–aw lalo na sa mga kadalagahan kahit katanungan kung talaga bang batid na nila na nag–iisang apo lamang ng kanilang Punong Sugo ang binata kung hindi siya dumating sa ilog ngayon para makipagkita kay Annayatan dahil mismong reaksiyon nila ang nagsasabing totoo ang palagay. Maraming rason din naman kung bakit kilala sa bagong komunidad si Bag–aw dahil laging nababanggit ni Lakay Awallan ang pangalan ng binata sa tuwing may lumalapit sa kanya upang hingin ang kanyang payo pagkat kadalasan may kaugnayan sa pamilya ang problemang idinudulong sa kanya kaya nagiging halimbawa ang kanyang apo pagkat hindi pa naiisip niya ang pag–aasawa kahit dalawampu’t tatlong taon na siya.
ITUTULOY
No responses yet