Habang pinapatunayan naman sa titig ni Annayatan na minsan na rin narinig niya ang pangalan ni Bag–aw ngunit muntik pang hindi mangyari ang kanilang paghaharap kung hindi siya sumama sa mga kaibigan para maglaba ngayon dahil wala rin naman nabanggit si Alba maliban sa inalam lamang nito ang kanyang pangalan kaya nagulat siya nang malaman na may gustong makipagkilala sa kanya. Marahil, pinangarap din ni Annayatan ang makatagpo balang araw si Bag–aw kaya siya pa ang nagulantang nang magsambal ngayon ang kanilang mga landas dahil nagkaroon ng katuparan ang kanyang asam kaya malamang na malaya pang umibig ang kanyang puso kung may katotohanan ang sapantahang ito pagkat kasalanang mortal ang pagtataksil sa sinisinta lalo na kung may nabuo nang kasunduan sa pagitan nila. Sa halip na pakinggan ni Alba ang mga kadalagahan ay nasambit na lamang nito na walang dudang nakapuntos na si Bag–aw mask hindi pa siya nagsasalita dahil unti–unti nang nasisilayan sa mga labi niya ang pinipigilang umis patunay na dahan–dahan na rin napaparam ang sintog sa kanyang dibdib kaya seguradong dumaloy na sa mga ugat niya ang nag–aalab na dugo upang pasiglahin ang kanyang damdamin. Pagkatapos ang kanyang obserbasyon ay naging kakuruan niya na kung anong paghanga’t papuri ang ipinapahayag ng mga kadalagahan ay posibleng ganoon din ang nararamdaman ni Annayatan dahil tiyak na may kaugnayan din kay Bag–aw ang kanilang mga kuwentuhan sa tuwing nagkukumpulan sila pagkat naririnig na pala nila ang pangalan ng binata. Walang duda na hahantong sa matinding problema kung higit pa sa paghanga ang nararamdaman nila dahil seguradong magiging karibal sila ni Annayatan pagkat siya lamang ang gumising sa puso ni Bag–aw mula nang mapanaginipan niya ang dalaga kaya hindi pa rin mangyayari ang anumang binabalak nila sa binata maski lumuha pa sila ng dugo.
“Oo . . . Bag–aw! Totoo ‘yon! Talagang humahanga kami . . . dahil sa katapangan mo! Pati . . . ang pagkakahuli mo sa malaking sawa! Nabalitaan din namin ‘yon!” Diyata, naging bukambibig na rin pala ng mga naninirahan sa tawid ng ilog ang tungkol sa pagkakahuli ni Bag–aw sa dambuhalang sawa na dalawang buwan din inulam ng kanilang tribu kahit matagal na ‘yon kung tuusin ngunit pinapatunayan lamang na batid ng mga kadalagahan ang bawat nangyayari sa buhay ng binata kaya nanggilalas si Alba nang marinig niya ang kanilang pahayag. Kung nagawa noon ni Bag–aw ang makipagtagisan ng lakas sa isang dambuhalang sawa nang nag–iisa lamang siya ay walang dahilan upang pangingilagan niya ang mala–diyosang kagandahan ni Annayatan dahil walang kakayahan ang dalaga upang lingkisin siya sa pagkakataong ito na sinisikap pa lamang nila na maging kapalagayang–loob ang isa’t isa. Kabutihan, hindi mga kaibigan ni Annayatan ang liningkis ng sawa dahil seguradong humantong sa bangungot ang kanilang mga panaginip kung hindi pala napatay ni Bag–aw ang dambuhala pagkat tiyak na sinagpang nang buhay ang bawat isa sa kanila maski ikatuwiran pa na handang mamatay ang pusong hangal sa pagsinta kung ito ang kahulugan ng kaligayahan. Aminado naman si Annayatan na hindi niya kilala si Bag–aw pagkat ngayon lamang sila pinagharap ng tadhana nang wala sa kanyang hagap dahil hindi ito ibinulong ni Bathala nang maging mahimbing ang tulog niya sa magdamag ngunit tuluyan nang nawalan ng saysay ang pagsisikap niya upang hindi ipagkanulo ng kanyang sarili ang totoong nararamdaman niya nang mga sandaling ‘yon. Sapagkat kusang humilagpos ang dadamin ni Annayatan nang walang pag–aatubiling ipinahayag ang kanyang paghanga kay Bag–aw ngunit huwag naman sanang sisihin ang kanyang pagkakamali dahil tiyak na ganito rin ang maisip gawin ng sinumang dalaga kung mistulang bangkay naman ang binatang kaharap niya kaya mabuti pa ang hayop pagkat may pag–asa pang magsalita. Dali–daling tinutop ng dalaga ang kanyang bibig nang hindi na niya napanindigan ang pagtitimpi sabay siglaw sa mga kadalagahan saka nagpasunod siya ng imid upang balaan sila ngunit mapagbawalan ba sila kung siya na lamang ang kanilang minamatyagan kaya halos mag–alumpihit sila sa tuwa habang pumapalakpak dahil sa kanilang narinig. Muntik pang tangayin ng agos si Alba sanhi ng labis na pagkamangha nang walang gatol na inamin ni Annayatan ang totoo kaya hindi siya tumanggi nang malaman kung sino ang nais makipagkilala sa kanya dahil naririnig na pala niya ang pangalan ni Bag–aw ngunit malaking kahihiyan naman kung hindi pa rin samantalahin ng binata ang pagkakataon ngayong naipagtapat na ng dalaga ang kanyang tunay na saloobin. Napapalatak na lamang si Alba pagkat hindi pala siya nagkabisala nang ipagpilitan niya kay Bag–aw ang makipagkilala ngayong umaga kay Annayatan dahil malaong pangarap na pala ito ng mga kadalagahan ngunit naghihintay lamang ng katuparan upang isiwalat ang inililihim na katotohanan ng mga pusong nananabik masilayan ang apo ni Lakay Awallan.
“K–Komusta ka . . . A–Annayatan?!” Nararapat mang purihin si Bag–aw ngayong nagkaroon din siya ng lakas upang batiin si Annayatan ngunit makatuwiran lamang ang kumilos na siya lalo’t dalaga na ang mismong nagpahiwatig para magsalita siya pagkat mawawalan ng saysay ang kanilang pagtatagpo kung magtinginan lamang sila hanggang hapon dahil seguradong magsiuwian na rin ang mga kadalagahan maski taglay ang malaking panghihinayang. Subalit waring nagpupugay naman ang kalikasan pagkat biglang lumakas ang galaw ng hangin kaya humahayuhay ang mga sanga, sumigla ang awit ng mga ibon habang lumilimbay sa kalawakan ngunit huwag naman sanang rumagasa ang baha dahil nagsisimula pa lamang ang komustahan ng dalawang puso na parehong nabalani sa kanilang unang pagkikita. Ngayon pa lamang yata nagkaroon ng ningas ang damdamin ni Bag–aw kaya gumana ang lahat nang piyesa ng kanyang katawan nang sandaling naluoy ang mga ito dahil sa tagal na paglulunoy niya sa malamig na tubig ngunit sapat na ang nagkaroon siya ng lakas pagkat hinihintay din naman ni Annayatan ang komustahin siya upang makilala nila ang isa’t isa. May dahilan pala kung bakit hindi pinag–interesan ng mga diwata sa kagubatan si Bag–aw kahit binata siya pagkat talagang makalusaw ng puso ang titig niya ngunit maaaring epekto lamang ng ginaw, kaba at puyat ang pamamagaw ng boses niya habang kumukuha ng buwelo kaya huwag mabahala si Alba dahil nagsisimula nang pumitlag ang puso niya.
ITUTULOY
No responses yet