Seguro, kailangan lamang ang kaunting paliwanag upang maunawaan ni Lakay Awallan sakaling iparating sa kanya ang ginawang paglabag ni Bag–aw sa kanilang kaugalian dahil tiyak naranasan din niya ito bago naging Punong Sugo siya kaya batid niya na hindi biro sa isang baguhan ang makipagkilala sa dalaga lalo na kung ngayon lamang nagkita ang dalawa pagkat sa tawid–ilog pa ang kubol ng pamilya ni Annayatan. “Naku! Ah! P–Pasensiya ka na . . . Annayatan! Ha?! K–Kasi . . . n–nawala sa isip ko!” Hanggang sa napansin din ni Bag–aw nang tila napagkit na sa palad ni Annayatan ang kanyang kamay kaya nag–aalala siya dahil maliwanag na nalabag niya nang hindi sinasadya ang kaugalian ng kanilang tribu ngunit sumambulat ang malakas na hagalhal ng mga kadalagahan sa halip na mabahala sila kapag nalaman ng mga magulang ng dalaga ang pangyayari. Kaagad inirapan sila ni Annayatan matapos idaan sa tango ang pagtanggap sa paumanhin ni Bag–aw kaysa magalit siya pagkat totoo naman na insulto ang pagtawanan nila ang binata ngunit katanungan naman kung talaga bang nawaglit din sa isip niya ang kaugalian ng kanilang tribu kaya binalewala lamang niya nang kamayan siya ng apo ni Lakay Awallan dahil maaaring parurusahan din siya kahit ano pa ang magiging katuwiran niya kung malinaw naman na pumayag siya. Dahil sa pagtatanggol ni Annayatan kay Bag–aw ay lalong napatunayan na talagang tagos sa puso ang paghanga ng dalaga sa mistad ni Alba pagkat mismong mga kilos nito ang nagbibigay ng kahulugan kaya lihim na naglulundag sa tuwa ang puso ng binata ngayong nagkaroon din ng gantimpala ang matagal na paghihintay niya sanhi upang tumindi ang sigla ng sarili niya maski hindi pa nararating ang minimithing ligaya. Kunsabagay, madali namang unawain ang mga pahiwatig kahit ngayon pa lamang niya nasubukan ang makipag–usap sa dilag kaya naging masayahin ang dating pormal na mukha matapos maisaloob na iba pala kung dalaga ang kausap kaysa sa mga kababaihang Malauegs pagkat mabilis kung magsalita at wala nang kimi kung kumilos dahil talagang nagbabago ang ugali ng babae kung may asawa na. Samantala, imbes na mangangamba si Annayatan dahil ngayong lamang sila nagkita ni Bag–aw ay naging balewala lamang sa kanya nang hawakan ng binata ang kanyang palad maski magdudulot pa ito ng kahihiyan sa kanya ngunit pinapatunayan naman nito na handang tanggapin ng pusong umiibig ang anumang parusa kahit kamatayan pa ang magiging hantungan niya. Seguro, idalangin na lamang ng dalaga na sana hindi malalaman ng mga magulang niya ang ginawa sa kanya ni Bag–aw dahil tiyak na magwawala ang kanyang ama sanhi ng tinamong kahihiyan ng kanilang pamilya kaya naroroon ang posibilidad upang magreklamo sila kay Lakay Awallan kung hindi magbago ang kanilang desisyon kapag natuklasan nila na apo pala ng Punong Sugo ang binata. Nahinto man ang tawanan ng mga kadalagahan ay tuloy pa rin ang kanilang bulungan lalo na nang umupo sa tabi ni Annayatan si Bag–aw kaya lalong sumidhi ang kanilang kilig hanggang sa muling nagulantang ang kapaligiran nang hindi na nila napigilan ang humalakhak ngunit pumiksi lamang ang dalaga imbes na punahin sila pagkat natuon na sa binata ang kanyang pansin. Palibhasa, laging panakaw ang sulyap ni Alba habang sinasabayan niya ng sisid ay husto namang natanaw niya ang pagtabi ni Bag–aw kay Annayatan kaya lalong tumingkad ang tanawin sa ilog maski sumasalab ang init ng araw hanggang sa umahon siya ngunit hindi niya binalak balikan ang kanyang mistad para hindi madidisturbo ang panunuyo nito sa dalaga. Basta naisaloob na lamang niya na seguradong matutuloy na rin ang panliligaw mamayang gabi si Bag–aw hanggang sa mapapasagot niya si Annayatan pagkat ito ang katuparan ng kanilang pangalawang plano na muntik nang maudlot ngunit umiling siya nang magparamdam si Lakay Awallan dahil talagang hindi pa napapanahon para malaman nito ang lihim nila. Naseseguro rin niya na malaki ang kalamangan ni Bag–aw kahit gaano pa karami ang mga karibal niya basta wala pa sa kanila ang nagmamay–ari sa puso ni Annayatan dahil mahirap pasubalian ang kahulugan sa ipinamalas na giliw ng dalaga habang nag–uusap sila kaya tuluyan nang natahimik ang mga kadalagahan matapos tanggapin ang katotohanan na imposibleng mababaling pa sa kanila ang pansin ng binata. Kung ganito man ang naging prediksiyon ni Alba ay tiyak na may pag–asa si Bag–aw dahil mismong malawak na karanasan niya sa panliligaw ang pruweba kaya mahirap salungatin maski totoong hindi ito gumana sa kanya pagkat si Sahing pa na selosa ang kanyang napangasawa samantalang sampu ang naging kasintahan niya kaya hindi rin niya maintindihan kung paano ito nangyari.
“Ikinagagalak ko rin . . . ang pagtatagpo natin ngayon! Bag–aw! Oo! Sana . . . ! Hindi ito ang una . . . at huling pagkikita natin!” Hmmm!!! Tahasang inamin naman ni Annayatan ang kanyang kagalakan kahit unang pagtatagpo pa lamang nila ni Bag–aw ngunit maaaring walang narinig ang mga kadalagahan dahil pabulong ang kanyang tugon at hindi rin matiyak kung batid na niya na apo ng kanilang Punong Sugo ang kanyang kausap upang isipin na posibleng pinagbigyan lamang niya ang binata para hindi siya mapapahiya sa kanyang mga kaibigan. Basta yaon ang pinakamasuwerteng araw para kay Bag–aw kung ihambing sa pagkakahuli niya ng dambuhalang sawa maski nanganganib noon ang buhay niya dahil walang sumabay sa kanya upang tumulong sana pagkat tumitindi ang pintig ng kanyang puso gayong hindi niya nararamdaman ito sa tuwing ginagalugad niya ang kagubatan habang nangangaso. Diyata, nagkaunawaan agad sa unang tinginan pa lamang ang mga puso nina Bag–aw at Annayatan samantalang hindi pa naitakda ni Alba kung kailan ang tamang araw upang umakyat siya ng ligaw ngunit tiyak na hindi mamayang gabi pagkat masyadong gahol na sa panahon para gawin niya ito dahil kailangan maibahagi muna sa kanya ang naging karanasan ng mistad niya sa panliligaw para hindi siya nangangapa sa harap ng dalaga. Samakatuwid, may katotohanan ang naging palagay na sadyang itinakda ni Bathala ang pagsasama nina Bag–aw at Annayatan pagkat magkasugpong pala ang buhay nila maski wala pang nagaganap na ligawan basta huwag munang ipaalam ito kay Lakay Awallan upang tuluy–tuloy ang kaniloang pagtatagpo hanggang sa dumating ang araw ng pamanhikan para masorpresa ang matanda. Marahil, naging tapat lamang si Annayatan sa totoong nararamdamn niya ngunit pahiwatig kaya ito na wala pang nagmamay–ari sa kanyang puso kaya naging asam din niya na sana masundan pa ang pagkikita nila ni Bag–aw para malubos ang kanyang pangarap na kaytagal na palang iniingatan ng damdamin niya hanggang sa nabigyan ito ng katuparan ngayon.
ITUTULOY
No responses yet