IKA – 231 LABAS

Subalit wala na yatang kabuluhan ang pahintulot ng kanyang mga magulang maski magalit pa sila pagkat hindi niya natanggihan ang kahilingan ni Bag–aw sanhi ng kanyang labis na paghanga sa binata ngunit hindi naman niya maipaliwanag kung bakit napatango siya maski hindi pa naging tiyak ang desisyon ng kanyang kalooban dahil sa kanyang mga magulang.  Basta ang natatandaan lamang niya ay humibo sa kanyang damdamin ang bulong ng kanyang puso upang pagbigyan ang kahilingan ni Bag–aw hanggang sa nagkibit–balikat na lamang siya kaysa baguhin ang kanyang kapasyahan kung siya naman ang mapasama sa binata dahil tiyak na hindi nito maiiwasang isipin na wala isang salita pala siya kaya napayuko na lamang siya.  Kunsabagay, puwede nang gumawa ng sariling desisyon si Annayatan maski hindi na ipapaalam ito sa kanyang mga magulang basta huwag lamang makasisira sa kanya ngunit umiiling siya pagkat mahalaga pa rin ang pahintulot ng kanyang mga magulang kaya hindi ito makatuwiran upang walang dapat ipangamba si Bag–aw kahit siya ang sadya nito bukas ng gabi.  Sa ipinakitang pag–aalala ni Annayatan ay walang duda na masunuring anak siya ngunit maaaring handa rin siya upang hamakin ang lahat maski ikagagalit pa ng kanyang mga magulang ang naging desisyon niya dahil talagang makapangyarihan ang puso lalo na kung pag–ibig ang ibinubulong ng bawat tibok nito kaya handang magpaubaya ang damdamin kung ito ang kailangan.  Muling pumailanlang ang malakas na halakhak ng mga kadalagahan sa halip na pigilin upang hindi sila kabagan sabay sunong sa kani–kanilang batya pagkat kailangan nang umuwi upang hindi mag–aalala ang kanilang mga magulang dahil paglalaba lamang ang kanilang paalam ngunit tumagal ito hanggang tanghaling–tapat nang makilala nila si Bag–aw.  Hindi matiyak kung nagtagal pa sa ilog sina Bag–aw at Alba pagkat hinatid pa nila ng tingin ang pag–alis ng mga kadalagahan habang kumakaway sa kanila ang mga ito maliban kay Annayatan dahil maaaring iniisip pa rin niya kung paano ipagtatapat sa kanyang mga magulang ang balak ng binata kaya tahimik siya hanggang sa aliw–iw ng tubig ang gumagambala na lamang sa katahimikan ng paligid nang tuluyang namaalam sa kalangitan ang araw.

            Walang pagsidlan ng tuwa sina Bag–aw at Alba habang naglalakad pauwi matapos ang kanilang matagumpay na misyon sa unang tangka lalo’t pumayag pa si Annayatan upang madalaw siya ng binata bukas ng gabi maski gulo ang magiging kahinatnan nito kapag nalaman ni Lakay Awallan ang ginawang pakipagtagpo ng kanyang apo sa dalaga ngunit masaya pa rin sila pagkat umepekto ang plano na pinagpuyatan nang magdamag nilang dalawa.  Kinagabihan, talagang hindi matali ang puso ni Bag–aw sapul nang masilayan niya ang kagandahan ni Annayatan habang paulit–ulit na binabalikan sa gunita ang kanilang pagkikita sa ilog kaya lalong naligalig ang kanyang isip ngunit pinagmamasdan naman siya ni Lakay Awallkan nang buong pagtataka kung bakit umuwi siya na walang huli maski ulang man lamang sana gayong ito pa naman ang inaasahan nito para may sabaw ng tinolang isda sana ang kanilang pananghalian kanina.  Tuloy, ayaw dalawin ng antok si Bag–aw maski nakahiga na siya matapos ang sandaling pag–uusap nila ni Lakay Awallan sa tangkil dahil waring walang kupas ang nararamdaman kagalakan ng kanyang puso hanggang sa papag kaya dilat ang kanyang mga mata habang inaaninaw sa dilim ang naganap na tagpo sa ilog kaninang umaga pagkat naging kaaliw–aliw ito sa kanya.  Hanggang sa nabuo ang maraming pangarap na nagsasalimbayan sa utak niya kahit kanina lamang sila nagkakilala ni Annayatan ngunit ninais agad niya ang magkaroon ito ng katuparan samantalang bukas ng gabi pa magsisimula ang panliligaw niya sa kanya kaya hindi dapat pinangungunahan ang kaganapan kung sa susunod na araw pa lamang mangyayari ito pagkat posibleng magbago pa ang lahat kapag hindi pumayag ang mga magulang ng dalaga.  Pero talagang ayaw magpapigil ang nahihibang na puso kaya tuluy–tuloy pa rin ang paghaharaya nito habang lumilikha ng maraming pangarap ang sarili dahil handa nang isugal sa mas kapana–panabik na pakipagsapalaran ang damdamin taglay ang pag–asa na pag–ibig ang magiging tugon sa marubdob na pananalig upang ganap nang maramdaman ang tunay na kaligayahan.  Tuloy, nagtatanong ang sarili ni Bag–aw kung normal lamang ba sa katulad niya ang magkaroon ng ganitong damdamin matapos makipagkilala sa isang dilag kahit kaninang umaga lamang ito nangyari ngunit wala si Alba upang masagot sana nito ang katanungan niya kaya pumiksi lamang siya saka ipinikit ang kanyang mga mata dahil naghihilik na si Lakay Awallan samantalang siya na naunang humiga ay gising pa.  Sapagkat ngayon lamang niya nararanasan ang pagkakaroon ng saligutgot dahil kay Annayatan ay minabuti niya ang bumangon muna saka tinungo ng kanyang marahang hakbang ang tangkil maski madilim doon at umupo sa silyon sabay ugoy nito sa pagbabakasakaling makatulog siya pagkat ipinaramdam na ng lamig ang pagsapit ng hating–gabi.  Marahil, nawaglit sa isip niya na hindi dapat malaman ng kahit sino ang sekreto nila ni Alba dahil balak pa yatang idulog kay Lakay Awallan ang kanyang problema bukas nang umaga nang umalingangaw sa utak niya ang mahigpit na bilin ng kanyang mistad kaya karakang tumanggi  ang kanyang sarili matapos aminin na hindi pa napapanahon para ipaalam niya sa matanda ang nakatakdang panliligaw niya sa dalaga upang hindi siya pagbabawalan nito. 

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *