Hanggang sa tinangka pa ng ludlod ang lumapit kay Bag–aw upang alamin lang yata kung hayop din ba siya na anyong tao lamang sa paningin nito para hindi masungkaran ng panganib ang sarili ngunit hindi pa rin ito namalayan ng binata pagkat posibleng lumulutang na sa kalawakan ang kanyang kaluluwa habang nagpapasalamat kay Bathala dahil natagpuan na niya ang hinahanap na kaligayahan. Nang maaalimpungatan si Bag–aw mula sa malalim na pagkakahimbing dahil lumikha ng sagaak ang pagtapak ng ludlod sa mga naigang na lambo kaya hinanap agad niya ang pinagmulan nito sabay bintad sa kanyang busog pagkat noon pa lamang yata nagpaalaala ang kanyang sarili na naririto siya sa kagubatan upang mangangaso imbes na sayangin sa paghaharaya kay Annayatan ang bawat sandali. Yaong angat ni Bag–aw sa busog ay noon lang din nalaman ng ludlod na mangangaso pala ang sunog na tuod na nakahilig sa puno nang humaginit sa direksiyon nito ang tunod ngunit hindi pa rin mapiho kung nagawa pa ng hayop ang tumakbo basta nagdududa rin siya kung nahagip ito dahil hindi rin malinaw sa kanyang mga mata na waring bagong gising. Malakas ang paniniwala ni Bag–aw na hindi niya tinamaan ang ludlod pagkat wala siya sa tamang posisyon upang asintahin ito ngunit laking gulat na lamang niya nang tumimbuwang ang hayop dahil tinamaan pala sa hita ngunit natigil ang kanyang pagtakbo para tuluyan na sanang todasin ang hayop nang maisaloob niya na maaaring hindi siya nag–iisa kung tama ang kanyang sapantaha. Mandin, nagpalingus–lingos ang kanyang mga mata pagkat talagang imposible rin upang masapol niya ang ludlod kung wala naman siya sa tamang posisyon nang tudlain niya ito dahil totoo rin namang nakatulog siya ngunit linapitan pa rin niya ang hayop kahit hindi niya magawa ang magbunyi kaya umusal siya ng pasasalamat kung ito man ay pagpapala ng suwerte. Maya–maya, narinig niya ang boses na nanggaling sa kanyang likuran kaya noon pa lamang tumibay ang kanyang hinala na hindi siya ang talagang nakadale sa usa kundi ang ibang mangangaso ngunit sino siya dahil hindi na niya inaasahan ang pagsunod ni Alba lalo’t balak na niya ang umuwi kahit maaga pa para hindi gahulin ang gagawing paghahanda niya.
“Maaga ka pala umalis kanina . . . ha?! Mistad?!” Sumunod din pala si Alba maski napuyat siya dahil magdamag na nag–alumihit ang kanyang bunso at pinagbigyan na rin niya ang paglalambing ni Sahing upang iwas–giyera kahit kabuwanan na nito sa kanilang pang–anim na anak nang singilin siya sa isang gabing hindi sila magkasiping kaya ramdam ng lahat ang kahimbingan dulot ng kapayapaan. Nang malaman niya mula kay Lakay Awallan na kaninang madaling–araw pa umalis si Bag–aw ay hindi na siya nagdalawang–isip sumunod sa kanya upang tiyakin ang tungkol sa lakad nila mamayang gabi para makapagpaalam siya kay Sahing dahil ito ang obligasyon na kailangan sundin maski walang kasulatan kaya huwag naman sanang mangyayari rin ito sa binata kapag nagsasama na sila ni Annayatan. Samantala, maski tagos sa maselang bahagi ng katawan ang tama ng ludlod ay sinisikap pa rin nito ang umalpas pagkat walang dita a ng ginamit na tunod ni Alba dahil madalas pinaglalaruan ng mga anak niya ang kanyang talanga ngunit napuruhan naman ang hayop kaya hindi nito nagawang tumakbo nang lumapit ang dalawa para alisin sa hita nito ang pana. Tinalian na lamang ni Alba ang mga paa ng ludlod sa halip na tulawin niya pagkat maaaring magtatagal pa sila sa kagubatan upang ipagpatuloy ang kanilang pangangaso dahil maaga pa para naisin na nila ang umuwi maski taliwas naman ito sa balak kanina ni Bag–aw matapos magpaalaala sa kanya ang lakad nila mamayang gabi kung hindi siya dumating. Pumutol ng sanga si Bag–aw sa halip na baktutin nang mag–isa ang usa pagkat hindi naman siya ang nakahuli nito kundi si Alba na may dala yatang suwerte kahit ngayon pa lamang siya pumasok sa kagubatan ngunit natanong naman niya ang sarili kung posible kayang sinuwag na siya ng usa sanhi ng labis na panghaharaya niya kay Annayatan hanggang sa napapikit ang kanyang mga mata dahil sa matinding antok. Lihim na napausal ng pasasalamat ang kanyang sarili pagkat malaki ang posibilidad upang tumagal hanggang gabi ang tulog niya kung hindi dumating si Alba kaya napatingin siya sa mistad niya dahil mapipilitang ipagtapat niya kay Lakay Awallan ang dahilan kung bakit nakatulugan niya ang pangangaso para maglubag lamang ang pag–aalala nito sa kanya. Pagkatapos, inusong nilang dalawa ang usa para walang lamangan sa hirap at ginhawa habang naglalakad sila upang ituloy ang pangangaso dahil ito ang sandali na naglalabasan mula sa lungga ang mga hayop ngunit tumingala pa rin si Bag–aw pagkat hindi dapat lumampas sila sa tanghali kaya inalam niya ang posisyon ng araw maski hindi tumatagos sa mayayabong na mga sanga ng mga puno ang sinag nito. Tingadngad lamang ang kanilang paglalakad pagkat nahuhuli si Bag–aw na matangkad ng isa’t kalahating pulgada kay Alba na siya ang nauuna ngunit hindi ito naging problema ng dalawa basta masaya sila lalo’t ito ang unang pagsasama nila sa pangangaso mula nang magkatampuhan sila kaya muling sumigla ang kanilang mundo makaraan ang mahigit sa isang linggong pamamanglaw nito. Siyempre, buhos sa balikat ni Alba ang bigat ng usa dahil hindi naman balanse ang pag–uusong nila ngunit hindi na lamang siya kumibo habang nagpapaalaala sa kanya ang nakatutuwang tanawin na dinatnan niya kanina maski nasa isip na niya ang hayaang magising ang binata kung hindi lamang siya nabahala pagkat akmang susuwagin na ng ludlod ang mistad niya. Talagang hindi niya napigilan ang matawa dahil sa hitsura kanina ni Bag–aw nang dumating siya kaya hindi napansin ng binata ang dahan–dahang paglapit ng ludlod pagkat mistulang seryoso ang pagdarasal ng kanyang mistad ngunit hindi na lingid sa kanya ang ganitong damdamin lalo’t kahapon lamang tumibok ang puso nito nang makilala si Annayatan. Kabutihan, unang tumambad sa kanyang paningin ang usa maski ikinabigla rin nito ang kanyang pagdating kaya naudlot ang tangkang paglapit nito kay Bag–aw ngunit sinamantala naman niya ang pagkakataon upang hindi na magagawa pa nito ang tumakbo pagkat kanina pa nakaumang sa busog ang kanyang tunod para magiging madali na lamang ibintad ito. “Mistad . . . tuloy ba tayo . . . mamayang gabi?! Ha?!” Naisaloob ni Alba na maaaring iniisip na naman ni Bag–aw si Annayatan nang hindi tumanggap ng sagot ang kanyang tanong ngunit madali nang unawain ang nararamdaman ng binata dahil ganito rin siya noon kahit mga magulang niya ang kausap kaya walang matinong tugon ang lumalabas sa bibig niya pagkat lumilipad pabalik sa kubol ng dalagang liniligawan niya ang kanyang isip. Hindi na rin niya inulit ang pagtatanong para hindi magambala ang pananahimik ni Bag–aw dahil seguradong bumalik sa ilog ang kanyang isip upang muling sariwain ang naganap na pagtatagpo nila ni Annayatan pagkat kulang ang magdamag na panghaharaya kaya kailangan ituloy ito maski makatulugan pa niya ang pangangaso basta maaliw lamang ang kanyang puso. Likas man kay Bag–aw ang pagiging tahimik ngunit taliwas ito sa mga ikinikilos niya ngayon dahil lalong sumigla ang kanyang utak sa pagbabalik–tanaw sa mga naging karanasan niya kahit sa maikling panahon kaya nararapat lamang magpasalamat siya pagkat posibleng bukas na siya magigising sa himbing ng kanyang tulog kung hindi sumunod sa kanya si Alba.
ITUTULOY
No responses yet