Napailing nang mariin si Alba pagkat wala sa hagap niya ang naging gawi ngayon ni Bag–aw kung hindi pa niya namalas ito ngunit naging pangako naman niya ang alalayan siya habang nahihibang pa ang kanyang puso dahil darating din ang panahon para kumalma ang kanyang damdamin lalo na kung siya na lamang ang laging sinasambit ng dalaga kaya walang dahilan upang mag–aalala siya. Muli napangiti si Alba nang makita niya ngayon kay Bag–aw ang kanyang katauhan noong nanliligaw pa siya pagkat wala nang iniisip ang sarili niya kundi ang kanyang sinisinta samantalang halos tumatagal hanggang madaling–araw ang gabi–gabing pag–uusap nila kaya hindi na niya magawang tumulong sa kanyang mga magulang dahil maghapong tulog siya. Subalit kagyat nalungkot ang sarili niya nang magtapos kay Sahing ang kanyang pagbabakas sa nakaraan sa halip na matuwa dahil siya ang naging katuwang niya sa hirap at ginhawa kaya nagkaroon sila ng limang anak kahit naging ordinaryo na lamang sa kanila ang giyerang mag–asawa kung ito naman ang nagpapatingkad sa kulay ng kanilang pagsasama. Maya–maya, biglang tumigil sa paglalakad si Bag–aw kaya huminto na rin si Alba sa pag–aakalang mamahinga muna sila pagkat halos naliligo na sila sa pawis dahil malayu–layo na rin ang kanilang nararating ngunit mali pala ang kanyang naging palagay nang magtanong ang binata upang tiyakin na hindi niya nalilimutan ang tungkol sa kanilang lakad mamayang gabi. Napatingala na lamang si Alba imbes na ipaalaala kay Bag–aw ang kanyang tanong kanina dahil ito rin naman ang nais kumpirmahin niya kaya ninais pa rin niya ang sumunod sa kagubatan kahit mataas na ang araw pagkat hindi malinaw sa kanya ang napagkasunduan nila nang manggaling sila sa ilog kahapon pagkat natuon kay Annayatan ang kanilang pag–uusap. Tuloy, kumunot ang noo ni Alba sabay tingin kay Bag–aw upang tiyakin na hindi siya nagdedeliryo sanhi ng sobrang pag–iisip pagkat hindi siya dapat magkasakit para matuloy ang unang gabing panliligaw niya kay Annayatan kahit tumagal pa ito hanggang madaling–araw dahil seguradong magiging kaaliw–aliw ang kanilang kuwentuhan kaya kailangan maaliwalas ang kanyang malak.
“Mistad! Huwag mong kalimutan . . . ang lakad natin! Mamayang gabi . . . na ‘yon! Ha?!” Pumiksi lamang si Alba ngayong malinaw na sa kanya na hindi pala siya narinig kanina ni Bag–aw saka nagpasunod ng kil–it ngunit seguradong hindi ito napansin ng binata dahil naglalakbay na naman sa alapaap ang tingin nito kaya siya naman ang nagmistulang baliw pagkat talagang hindi rin niya mapigilan ang ngumiti maski mabati pa siya ng mga diwata na laging nagmamatyag sa mga mangangaso. May katuwiran siya nang maisaloob na mas matindi pa yata ang nararamdaman ngayon ni Bag–aw kaysa noong nagkaroon siya ng sampung kasintahan dahil palagay lamang ang kanyang loob sa halip na mababahala siya pagkat hindi naman paninda ang kanyang iniluluhog na pag–ibig upang tanggihan kung namamahalan sila kaya hindi niya sineryoso ang pakipagrelasyon sa mga naging kasintahan niya. Siyempre, walang dahilan para mangangamba ang kanyang damdamin kung malayo naman ang posibilidad nang kabiguan dahil sampu ba naman ang kanyang naging kasintahan kaya tiyak na may isang mananatiling tapat sa kanya maski kumalas pa ang siyam lalo na kung ipinangako pa niya ang buwan at ang mga bituin upang gawing palamuti sa araw ng kanilang kasal. Kasamaang palad, dumanas naman siya ng matinding pagdurusa sa piling ng nag–iisang tapat sa kanya pagkat maaaring parusa na rin ito sa kanya sanhi ng pagiging salawahan niya kaya wala na rin magagawa ang kanyang pagsisisi maliban sa tanggapin ang naging kapalaran niya dahil hindi naman puwedeng ibalik niya si Sahing sa mga magulang nito ngayong kasal na sila. Kung abala si Alba sa pagbabalik–tanaw sa kanyang kahapon ay ganoon din naman si Bag–aw ngunit mas nakababahala ang mga pumapasok sa utak niya dahil wala namang kabuluhan para pansinin niya ang mga ito pagkat magsisimula pa lamang ang panliligaw niya kay Annayatan kaya wala pang katiyakan kung may kahinatnan ang pamimintuho niya sa dalaga. Aywan kung bakit pinagtuunan ni Bag–aw ang mga problema na posibleng makaaapekto lamang sa relasyon niya kay Annayatan pagkat masyadong maaga pa upang umasa sa isang bagay maski walang kaseguruhan kung makamtan niya ito dahil maraming araw at gabi ang kailangang bunuin para malalaman kung may kabuluhan ang kanyang ginagawang pagsasakripisyo. Sapagkat abala rin sa pagbabakas ng sariling talambuhay si Alba ay hindi naging malinaw sa kanya ang huling tanong ni Bag–aw kaya nabaling sa kanyang mistad ang tingin niya upang linawin ang tungkol dito pagkat ramdam niya ang kaunting pagkabahala nang mabanggit ang pangalan ni Lakay Awallan dahil hindi pa dapat malaman nito ang kanilang lihim. Palibhasa, magkapalagayang–loob sila kaya hindi na nagdalawang–isip hingin ni Bag–aw ang suhestiyon ni Alba dahil sa paniniwala na matutulungan siya ng kanyang mistad pagkat ngayon pa lamang niya sinisimulang tahakin ang buhay na kabisado na nito maski handa na ang kanyang sarili ngunit mainam pa rin kung may gabay ang bawat desisyon niya upang hindi siya magkamali. Wala sa hinagap ni Alba na marinig ang ganoong tanong mula kay Bag–aw pagkat pinapahalagahan pa rin pala ng kanyang mistad ang mga pangaral ni Lakay Awallan maski malapit nang magkaroon siya ng asawa kung totoong itinadhana ni Bathala ang kanilang pagsasama kahit noong ipinaglilihi pa lamang sila ngunit kailangan pa rin mamalas ang katuparan sa paniniwalang ito. “Mistad! Sa palagay mo . . . papasa kaya . . . si Annayatan?! Sa kilatis ni . . . Apong Awallan?! Ha?!” Tuluyan nang gumalakgak si Alba maski naging sanhi pa ito upang magulantang ang nahihimlay na mga diwata pagkat wala namang dahilan upang intindihin pa ni Bag–aw ang ganitong problema dahil siya rin naman ang magdesisyon kung karapat–dapat ba para sa kanya si Annayatan ngunit biglang itinikom ang bibig niya nang maalaala na matampuhin pala ang binata kaya posibleng bigyan nito ng masamang kahulugan ang naging reaksiyon niya. Kunsabagay, sa edad ngayon ni Bag–aw ay wala nang dahilan para ikonsidera pa niya ang opinyon ni Lakay Awallan dahil hindi siya naman ang may matinding paghahangad upang makatuluyan si Annayatan maski nararapat malaman pa rin ng matanda ang naging desisyon niya ngunit hindi ito nangangahulugan na kailanganin niya ang pagsang–ayon nito. Kahit si Lakay Awallan pa ang Punong Sugo ng tribung Malauegs ngunit wala naman sa mga kamay niya ang karapatan para panghimasukan ang problema ni Bag–aw lalo’t may kaugnayan ito sa pag–ibig dahil tanging siya lamang ang nakaaalam sa tunay na itinitibok ng kanyang puso kaya siya rin ang dapat mag–isip ng solusyon kung paano lutasin ang ganitong suliranin upang patunayan na magagawa nang tumayo ng kanyang mga paa maski walang nagdidikta. Dapat malaman ni Bag–aw na hindi nakagapos sa kasalukuyan ang kanyang buhay kaya kahangalan upang panghahawakan ang katuwirang hindi na sasapitin niya ang pagtanda pagkat malinaw na panlilimbong lamang ito sa kanyang kaisipan para naisin niya ang nag–iisa habang nabubuhay hanggang sa mapaglilimi niya ang malaking kamalian dahil lumihis siya sa katotohanan. Maski itanong pa yata kay Bathala ay talagang walang kinalaman sa nararamdaman ni Bag–aw kay Annayatan ang pagiging apo niya kay Lakay Awallan dahil hindi na rin ito saklaw sa kapangyarihan ng Punong Sugo kaya hayaan na lamang ikampay niya ang mga sariling bagwis upang maramdaman naman niya ang kalayaan na kaytagal ipinagkait sa kanya.
ITUTULOY
No responses yet