Gayunpaman, walang masama sa pagiging maagap ngunit kailangan maging handa rin ang sarili niya sa magiging kahinatnan ng kanyang plano maski sa palagay ni Lakay Awallan ay makabubuti sa kanila ang bumukod dahil ano pa ang saysay ng pagtutol kung desisyon din naman niya ang masunod kaya walang dapat ipangamba pagkat tiyak na mauunawaan din ng matanda ang kanyang kalagayan. Subalit maaatim ba ni Bag–aw ang hayaang mag–isang namumuhay si Lakay Awallan lalo’t nangangailangan na rin ng karamay ang kanyang katandaan kaya maaaring ito ang totoong rason kung bakit naging bukambibig niya na hindi pa handang magkaroon ng pamilya ang binata maski batid niya na pawang kasinungalingan ang katuwirang ito dahil ang tunay na sanhi ay natatakot siya kapag dumating ang panahong naisin na rin ng kanyang apo ang magpatayo ng sariling kubol upang humiwalay sa kanya. Magiging kaligayahan man ni Lakay Awallan ang pag–aasawa ni Bag–aw ay tiyak na maninimdim pa rin siya pagkat hindi madaling balewalain ang mahigit sa dalawampung taon na sila’y magkasamang namumuhay, ang mga gabing napupuyat siya sa tuwing nag–aalumihit ang sanggol, ang hindi matingkalang pag–aalala kapag may karamdaman ang kanyang apo. Aywan kung kayang pawiin nang isang iglap ang mga alaalang ito kung naiguhit na sa kanyang puso maliban na lamang kung bangkay na siya ngunit tiyak na tataglayin pa rin niya ito hanggang sa kanyang paroroonan upang iaalay sa mag–asawang Alawihaw at Dayandang ang mga kuwento na naglalahad sa naging buhay ng kanilang nag–iisang anak. Problema lamang pagkat hindi pa puwedeng banggitin ni Bag–aw ang tungkol sa kanyang balak kaya kailagan ilihim pa ito habang wala pang katiyakan para hindi siya magiging kahiya–hiya kung pangunahan niya ang sitwasyon dahil ito rin ang payo sa kanya ni Alba kahit may mga pagkakataon na tila naghihinala si Lakay Awallan ngunit sapat na ang kanyang kaabalahan sa pangangaso upang iwasan ang kanyang apong. Saka na lamang ipagtatapat niya kay Lakay Awallan ang katotohanan kung kinailangan nang mamanhikan sila dahil seguradong wala nang dahilan upang magalit pa siya kapag dumating ang panahong ‘yon lalo na kung pasundan pa niya ng paliwanag para mauunawaan nito kung bakit nagawang ilihim niya ang tungkol sa relasyon nila ni Annayatan. Sa kasalukuyang sitwasyon niya ay mainam kung gumawa muna siya ng kasalanan upang may dahilan ang paghingi niya ng kapatawaran kung sadyang hindi na maiiwasan ang pagsasabi ng katotohanan dahil kahangalan naman kung kumalas pa siya sa magiging usapan nila ni Annayatan lalo na kung basbas na lamang ng Punong Sugo ang kailangan para makasal sila. Sa pakiwari naman ni Bag–aw ay naroroon pa rin ang posibilidad upang maunawaan din ni Lakay Awallan ang kanyang kalagayan kaya tanging magagawa ng matanda ay sang–ayunan ang kanyang kagustuhan dahil maliwanag na pagsikil sa kanyang karapatasn ang pagtutol niya kahit siya pa ang nagpalaki sa kanya ngunit hindi puwedeng gawing pakli ito para masunod lamang ang anumang naisin niya.
“Seguro . . . mistad! Kung magkatabi lang . . . ang kubol ninyo . . . ni Apong Awallan! Baka . . . hindi magiging mahirap . . . para sa kanya ang pumayag!” May dahilan kung bakit ninais ni Alba ang bumukod maski bagong kasal pa lamang noon silang mag–asawa pagkat matindi ang pagtutol ni inang Naga kay Sahing kaya kinailangan nila ang magsarili para iwasan ang posibleng mangyari kung may mga bagay na hindi mapagkasunduan ang magbiyenan lalo’t nagdadalantao na ang kanyang asawa sa kanilang panganay. At may kapatid siya kaya hindi masyadong ramdam ng kanyang mga magulang ang pangungulila dahil katabi rin sa tinitirhan nila ang kubol na ipinatayo niya para sa kanyang pamilya maski madali lamang panghimasukan ng mga matatanda ang kanilang problema kung tuusin pagkat bintana lamang ang pagitan ngunit hindi ito ginagawa ng mga matatanda sa tuwing nagaganap ang kanilang palabas. Kunsabagay, may basbas naman ang kanyang mga magulang nang malaman nila ang kanyang plano pagkat ito rin naman ang napagkasunduan nilang mag–asawa upang hindi nananangan si Sahing kay inang Naga dahil talagang hayagan ang pagtutol nito sa kanilang pagsasama habang tanggap naman ng kanyang amang Luyong ang naging desisyon niya. Paminsan–minsan, lumilipat sa kanilang kubol sina inang Naga at amang Luyong upang lambingin ang kanyang mga anak pagkat unti–unti na rin natutunang tanggapin nila si Sahing dahil sa mga bata kaya naging palagay na rin ang kanyang kalooban hanggang sa naging karaniwang kuwento na lamang para sa kanila ang pagiging selosa ng kanyang asawa. Aywan kung bakit nagiging selosa si Sahing samantalang hindi naman lumalabas sa gabi si Alba maliban kung siya ang nakatalagang bantay sa pasukan para isipin niya na may katipang babae siya kaya napapailing na lamang siya sa tuwing natatapos ang kanilang giyera dahil talagang mahirap hanapan ng lunas ang paglilihi niya ngunit tumatahimik na lamang siya kapag naiisip na maaaring tikis na ito sa kanya. Palibhasa, hindi na umeepkto ang araw–araw na mga payo ng kanyang mga magulang at ang mga pangaral ng kanilang Punong Sugo ay naipangako niya sa sarili na huli na ang pagbubuntis ngayon ni Sahing dahil talagang mag–eermitanyo na lamang siya upang takasan ang kahihiyan pagkat siya na lamang ang tampulan ng biro ng mga kalalakihang Malauegs. Panay naman ang ngiti ni Bag–aw habang pinapakinggan niya si Alba pagkat ngayon pa lamang nagkaroon ng halaga ito sa kanya samantalang binalewala lamang niya ito noon dahil wala naman sa balak niya ang pag–aasawa kung hindi pa ipinakilala sa kanya si Annayatan kaya nagising ang kanyang puso na kaytagal nanahimlay ngunit sandaling nawaglit sa isip niya ang dalaga nang malibang siya sa mga kuwento ng kanyang mistad. Nang marating nila ang lingay ay naging maingat sila sa pagbabagtas sa madulas na bulaos sanhi ng mga hamog dahil laging mahalumigmig ang klima ng Sierra Madre maski mainit ang panahon pagkat sa layog ng pantok ay halos maabot na nito ang langit kaya laging kulapol ng makapal na ulop ang kabundukian lalo na kapag sumasapit ang hapon ngunit tamak na sa ginaw ang mga mangangaso. Noon, inaantok si Bag–aw kung tungkol sa problema ng pamilya ni Alba ang tema ng usapan nila ngunit gustung–gusto nang pakinggan ngayon ng binata ang kanyang mga kuwento pagkat may aral din naman na dapat matutunan niya upang magkaroon ng gabay ang bawat desisyon niya para hindi humantong sa kabiguan ang pag–aasawa niya maski malayong mangyayari ito dahil sa edad na dalawampu’t tatlong taon ay tiyak malawak na rin ang kanyang pang–unawa kaya magiging madali na lamang sa kanya na pag–aralan ang sitwasyon.
ITUTULOY
No responses yet