Nagbunga rin ang pagiging matiyaga nina Bag–aw at Alba dahil dumating naman ang isang kawan ng mga baboy–ramo na lalo lamang ikinatuwa ng dalawa kaya agad–agad inihanda ang kani–kanyang busog at tunod upang samantalahin ang buhos ng suwerte kung kailan lampas na sa kalagitnaan ng langit ang araw nang sumapit ito lalo’t bihira lamang kung magkaroon ng ganitong pagkakataon. Mahigpit ang hawak nina Bag–aw at Alba sa kani–kanyang busog habang kumukuha ng tiyempo upang tiyakin na sabay ang bitiw nila ng mga tunod na kanina pa nila iniumang sa mga baboy–ramo na abala naman sa pagsusungkal pagkat seguradong magpapanakbuhan agad ang mga hayop kung pumalya sa pagbitiw ng palaso ang isa sa kanila dahil mabubulabog ang mga ito maski sa kaltak ng daliri lamang. Hanggang sa napuruhan ang mga hayop nang sabay rin humagibis ang dalawang tunod kaya mabilis na dumapo sa mga katawan nila ang mga ito habang kumaksripas nang takbo ang mga nangakaligtas nang gitlain sila ng panganib ngunit nanggilalas si Alba nang mabaling ang tingin niya kay Bag–aw na pangiti–ngit lamang nang makita ang pagtimbuwang ng tatlong baboy pagkat higit pa ito sa kanilang inaasahan mula sa dalawang pana. Palibhasa, matatag ang pulso ni Bag–aw ay muling ginamit ang sariling istilo nang idinaan sa bilis ng kanyang kamay ang pagpakawala ng dalawang tunod na madalas ginagawa niya upang hindi siya pumalya kaya sadyang malas na lamang kung walang huli sa maghapong pangangaso ang binata dahil talagang may panahon din na hindi lumalabas sa lungga ang mga hayop. Napailing na lamang si Alba pagkat wala sa hagap niya na madale nila ang tatlong baboy hanggang sa napatingala siya sabay usal ng pasasalamat dahil matatagalan din ang kanilang pahinga kaya mapag–uukulan ni Bag–aw ang kanyang panliligaw kay Annayatan lalo na kung pamanhikan ang magiging kasunod sa magandang resulta ang kanyang panunuyo sa dalaga. Aminado naman siya na hindi kayang tapatan ng sinumang mangangaso sa kanilang tribu ang kagalingan ni Bag–aw kung paggamit ng busog at tunod ang pag–uusapan basta huwag lamang ang tungkol sa pag–ibig dahil ito ang kahinaan niya kaya mas matindi ang nararamdamang kuribrib ng kanyang mistad kung ikumpara sa kanya pagkat pulso lamang ang magalaw sa tuwing nangangaso siya ngunit hindi ang mahalagang parte ng kanyang katawan. Nagtugma naman ang palagay nina Bag–aw at Alba na maaaring limang buwan pa lamang ang mga baboy–ramo ngunit tamang–tama ang lambot ng karne dahil hindi na kailangan pakuluan pa nang magdamag kaya lalong sumigla ang kanilang kuwentuhan pagkat ito ang kanilang hinahanap–hanap noong mangyari ang isang linggo na hindi sila nagkikibuan. Hanggang sa naisaloob ni Alba na posibleng gamitin din ni Bag–aw ang kanyang istilo maging sa pakipagtalik nang walang anu–anong sumagi sa malisyosong isip niya si Annayatan pagkat nasa dugo na pala ang kanyang kagalingan ngunit kaagad tinutop ang bibig niya para hindi maibulalas ang biro dahil malaki ang posibilidad upang mauulit ang kanilang tampuhan gayong hindi dapat sa panahong nanliligaw pa lamang siya sa dalaga. Puwes, hindi na siya magtataka sakaling magkatotoo ang kanyang hinalas hanggang sa hindi na rin niya napigilan ang tumawa sabay baling kay Bag–aw na lumulutang na naman sa alapaap ang kaluluwa habang naglalakad sila kaya lalong matutuwa si Lakay Awallan dahil wala pang nanganak ng kambal sa kanilang tribu mula nang inilipat sa pusod ng kagubatan ang kanilang bagong komunidad. Napagpasyahan ng dalawang magmistad ang bumalik na sa komunidad upang paghandaan naman ang kanilang lakad mamayang gabi dahil kailangan pa ang permiso ni Sahing habang bahala na ang binata kung anong paraan ang nararapat gawin para hindi mamamalayan ni Lakay Awallan ang kanyang pag–alis pagkat tiyak na hindi papayag ang matanda kung hingin pa niya ang basbas nito. Seguradong tatagal ng dalawang buwan ang kanilang ulam lalo na kung may mga huli rin ang mga kalalakihang Malauegs pagkat halos magkasunod lamang nang pumasok sila sa kagubatan kaninang umaga ngunit pabor naman ito kay Bag–aw maski tahimik lamang siya habang nahihibang ang kanyang isip basta huwag lamang siya pumalya sa pagkain para hindi matutuluyan ang kanyang kabaliwan.
Baka sa muling pangagaso ng magmistad ay tungkol sa pamanhikan naman ang kanilang kuwentuhan pagkat matagal na ang isang linggong ligawan kung talagang mahal din siya ni Annayatan kaya wala nang katuwiran para palawigin pa ang paghihirap ng mga puso kung kasalan din naman ang magiging hantungan nito upang magkaroon ng katuparan ang inaasam ng kanilang mga damdamin. Pagkatapos ipaubaya sa mga nakatalaga sa kusina ang kanilang mga huli ay naghiwalay na sila upang ipahinga muna ang kanilang mga sarili pagkat sapat pa naman ang panahon para umidlip maski walang katiyakan kung patulugin ni Sahing si Alba habang wala rin kaseguruhan kung magawa pang matulog ni Bag–aw pagkat sa kagubatan pa lamang kanina ay wala nang kapaguran sa paghaharaya kay Annayatan ang kanyang isip. Tumuloy sa tangkil si Bag–aw para ihiga ang kanyang pagal na katawan matapos magmano kay Lakay Awallan na nagtatanong naman ang sulyap dahil ngayon lamang napaaga ang kanyang uwi mula sa pangangaso ngunit hindi nag–aksaya ng sandali ang binata upang magpaliwanag pagkat posibleng mababanggit niya ang hindi dapat malaman ng matanda kung humaba ang kanilang pag–uusap. Aywan kung may napapansin si Lakay Awallan pagkat ilang gabi na rin napupuyat si Bag–aw maski pagod siya dahil sa walang puknat na paghaharaya kay Annayatan mula nang magkakilala sila ngunit sadyang magaling lang yata magtago ng lihim ang binata lalo’t wala namang nagbago sa kanyang araw–araw na gawain para pagdududahan siya ng matanda. Maski mariin ang pikit ng mga mata ni Bag aw ay hindi naman siya tulog pagkat matindi ang pang–uudyok ng kanyang sarili kaya walang kailangan kung makatulugan man niya ang pangangaso basta huwag lamang mapaknit sa alaala niya si Annayatan dahil ganap na nararamdaman ng kanyang puso ang kasiyahan sa tuwing nangyayari ang pagkakataong ito. Kunsabagay, wala namang dapat ikabahala si Bag–aw kung kayang–kaya namang bigyan ng solusyon ni Alba ang mga problema sa pag–ibig sanhi na rin sa kanyang mga naging karanasan kaya malaking kalamangan ito kung tuusin dahil may gumagabay sa bawat desisyon niya para hindi siya matutulad sa kanya na humantong sa matinding kabiguan ang kapalaran. Maya–maya, nagmamadaling pumasok siya sa kubol para doon na lamang itutuloy ang kanyang pamamahinga upang hindi na rin alamin pa ni Lakay Awallan ang dahilan ng kanyang malakas na halakhak ngunit nalipos naman ng pagtataka ang matanda habang sinusundan niya ng tingin ang pagpasok ng binata hanggang sa kumunot ang noo nito. Aywan kung likha lamang ng guni–guni nang mistulang narinig niya ang pahayag ni Lakay Awallan na walang dapat ikatakot dahil hindi naman siya haharap sa husgado upang hatulan ng kamatayan kayanapagalakgak siya saka dali–daling bumalikwas upang tiyakin kung takaga bang nanggaling sa matanda ang kanyang narinig ngunit parehong nagtataka ang mag–apong nang magsalubong ang kanilang mga paningin.
ITUTULOY
No responses yet