IKA–241 LABAS

Ngayon lamang yata bumilis ang inog ng mundo para kay Bag–aw nang maharap sa espesyal na misyon ang kanyang sarili kaya pinanabikan niya ang bawat sandaling dumarating habang hinihintay si Alba mula pa kanina pagkat hindi pa nagpaparamdam ang kanyang mistad kung kailan kailangan na nila ang umalis ngunit hindi rin naman niya alam ang sanhi kung bakit nabalam ang dating nito hanggang sa napailing siya nang sumagi sa isip niya si Sahing.  Maya’t maya ang tanaw niya sa kubol nina Alba ngunit hindi man lamang niya naaaninag ang anino ng kanyang mistad samantalang kanina pa inaabangan niya sa labas ng tangkil ang pagdating ito kaya panay ang hinagpis niya matapos maisaloob na mapupurnada pa yata ang unang gabi ng panliligaw niya kay Annayatan kung abutin ng hating–gabi ang kanyang paghihintay.   Problema na naging dahilan kaya napapadalas ang palatak niya pagkat lalong sumidhi ang kanyang pagnanais na makaharap si Annayatan ngunit nauntol lamang ito nang tumagal ang kanyang paghihintay hanggang sa napalingon siya sa tangkil nang manghibo ang kanyang sarili upang matulog na lamang dahil wala na rin kabuluhan kung sa pagdating nila ay tulog na ang pamilya ng dalaga.  Panay ang pag-iiling ni Bag–aw dahil hindi niya lubos madalumat kung bakit wala pa hanggang ngayon si Alba kung kailan kailangan na nila ang umalis pagkat batid naman ng kanyang mistad ang oras ng kanilang tipanan kaya inagahan niya ang pagbihis matapos sumaglit sa ilog upang maligo muna para hindi mangangamoy baboy–ramo ang kanyang katawan.  Tuloy, napakamot na lamang sa ulo ang binata na tatlong beses pa mandin pinatakan niya ng gugo upang kumintab ang kanyang lusay na buhok ngunit mukhang masasayang pa yata ang ginawang paghahanda niya sa sarili hanggang sa napalakas ang boses niya sa pagtutol kaya dali–daling nagkubli siya sa dilim para pakiramdaman kung nagising si Lakay Awallan.  Muling napailing nang mariin si Bag–aw nang sumagi sa isip niya ang hinala na madalas nagiging dahilan upang maatraso sa kanilang usapan si Alba ngunit umaasa pa rin siya na matutuloy ang kanilang lakad ngayon pagkat hindi rin naman hahayaan ng kanyang mistad na masisira ang kanilang plano kahit nagiging payaso kung magpatawa ang kanyang mistad.  Naglalaro sa isip niya ang maraming posibilidad kung bakit nabalam si Alba maski hindi na ito bago sa kanya ngunit nag–aalala pa rin siya pagkat ngayon ang unang gabi ng dalaw niya kay Annayatan kaya talagang pinaghandaan niya ang pagkakataong ito dahil tumatagal daw ang unang impresyon ng kahit sino sa kanyang kapwa, ayon kay Lakay Awallan kaya kailangan ipamalas niya ang pagiging maginoo upang ito ang matanim sa malak ng dalaga.  Nang maisaloob niya na maaaring hindi pinayagan ni Sahing si Alba dahil kabuwanan na ng babae ngunit katabi lamang nila ang kubol ng mag–asawang amang Luyong at inang Naga kaya madali na lamang ang humingi ng tulong sakaling kailangan nito pagkat ginagawa rin naman ng kanyang inang ang magpaanak kung hindi puwedeng sunduin ang komadrona sanhi ng malakas na baha sa ilog.  Sana, tama ang hinala niya na maaaring kumukuha pa lamang ng tiyempo si Alba habang pinapatulog ang kanyang mga anak lalo na ang kanyang bunso dahil siya ang laging katabi nito sa higaan upang hindi mamalayan ng mga bata ang kanyang paglabas pagkat madali namang kausapin si Sahing kung hindi inaalihan ng selos kaya naging pangako ng mistad niya na magpakapon na lamang siya para hindi na muling mabubuntis ang kanyang asawa.  Napangiti si Bag–aw matapos maisip na posibleng ganito rin ang magiging buhay niya kapag nagkaroon na rin siya ng anak kaya hindi rin niya maaaring sisihin kung bakit wala pa ang si Alba habang maya’t maya naman ang tingala niya upang tiyakin na maaga pa ang gabi maski lumalamig na ang dapyo ng hangin ngunit ang tanging magawa niya ay habaan ang pasensiya.  Kung alam lamang niya ang tinitirhan ni Annayatan ay seguradong kanina pa siya pumunta roon kahit mag–isa lamang siya pagkat lalong sumisigid ang kanyang pag–aalala sanhi ng walang katiyakang paghihintay kay Alba dahil siya ang nababahala kung umabot hanggang bukas ang kanyang panghal ay talagang maujulit na naman ang kanyang pagtatampo.  Kung kanina pa siya umalis dahil may kalayuan din yata mula sa ilog ang tinitirhan ng pamilya ni Annayatan ay seguradong marami–rami na rin ang napag–uusapan nila ng dalaga at walang duda na magbibigay naman ito ng inspirasyon sa kanya upang panghahawakan ang pag–asa na sa mga panaginip lamang madalas nagpapamalas ng pahiwatig.  Baka naipagtapat na rin niya kay Annayatan ang kanyang pag–ibig pagkat ito ang talagang misyon niya kahit unang dalaw pa lamang niya ngayong gabi para magkaroon nang kaseguruhan ang kanyang puso na laging nag–aalinlangan kaya hindi matali maski naroroon siya sa kagubatan hanggang sa kanyang pagtulog dahil naging pangarap na rin niya ang magkaroon ng sariling pamilya mula nang magkakilala sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *