IKA–242 LABAS

Bagaman, may posibilidad upang magkamali ang kanyang pagkaiintindi sa namalas na pahiwatig ngunit hindi naman maaaring magkabisala ang kanyang tunay na nararamdaman kay Annayatan lalo’t naniniwala siya na malaki ang kanyang pag–asa kahit kahapon lamang sila nagkakilala kaya kailangan maging masigasig siya pagkat puso ng dalaga ang kailangan tudlain niya para magkatuluyan sila.  Ngayon, nagtatanong ang kanyang sarili kung talaga bang ganito ang damdamin ng umiibig pagkat si Annayatan na lamang ang laging kaulayaw niya sa mga pangarap mula nang umukit sa isipan niya ang mukha ng dalaga dahil naging kaligayahan niya ang sambahin siya maski sa panaginip lamang kaya napupuyat siya samantalang kayhimbing ng tulog niya noong wala pang bumabagabag sa puso niya.  Yamang hindi matiyak kung darating pa si Alba ay minabuti niya ang puntahan na lamang ang kanyang mistad para alamin kung tuloy pa rin ba ang kanilang lakad kaysa tumagal hanggang hating–gabi ang paghihintay niya upang makagawa na rin siya ng sariling desisyon habang may panahon pa dahil may isang salita siya kaya kailangan tuparin niya ito.  Sakaling hindi na sumama si Alba ay itatanong na lamang ni Bag–aw ang tinitirhan ni Annayatan upang siya na lamang ang tumuloy basta huwag lamang maipagpaliban ang kanyang mahalagang lakad ngayong gabi dahil ito ang kompromiso na hindi dapat ipinagwalang–bahala para walang masabing masama ang dalaga lalo na kung inaasahan din niya ang kanyang pagdalaw pagkat seryoso siya habang hinihingi ang pahintulot niya.

            Pagkatapos ang hapunan kanina ay maagang natulog si Lakay Awallan pagkat nagdasal na ang matanda bago pa sumapit ang dapit–hapon kaya lingid nito ang nakatakdang pagdalaw ni Bag–aw kay Annayatan ngunit naging pabor naman ito sa binata dahil hindi nadasalan ng orasyon ang kanyang unang panliligaw ngayong gabi lalo’t maitim ang asngal ng Punong Sugo hanggang sa napangiti na lamang siya nang maisaloob na talagang umaayon sa kanyang mga plano ang kusang pagdating ang suwerte.  Talagang pinanghahawakan din naman ni Bag –aw ang mahigpit na bilin ni Alba pagkat naniniwala sila na hindi pa napapanahon upang ipaalam kay Lakay Awallan ang tungkol sa panliligaw ng binata kay Annayatan dahil na rin sa kanyang katuwiran gayong taliwas naman ito nang makilala ng kanyang apo ang dalaga kaya naging maingat ang dalawa sa tuwing kaharap nila ang matanda.  Saka na lamang nila ipagtatapat kay Lakay Awallan ang dapat malaman ng matanda lalo’t malaking katanungan pa kung mapagtiyagaan naman kaya ni Bag–aw dahil nangangailangan ng mahaba–habang sakripisyo’t pasensiya ang gabi–gabing panliligaw niya kay Annayatan hanggang sa humantong ito sa pamanhikan kaya doon pa lamang kakailanganin nila ang pahintulot nito.  Siyempre, bilang pangalawang amang ni Bag–aw ay nararapat lamang na si Lakay Awallan ang makipagkasundo sa mga magulang ni Annayatan upang hindi nila pagdududahan ang intensiyon ng binata dahil kailangan magiging maayos ang pagtalakay ng tamang araw ng kasal lalo’t nananalig pa rin sila sa pamahiin at tiyak na magtatakda ng maraming pasalap ang mga magulang ng dalaga pagkat naging kauglian na ito sa kanilang tribu.  Nagpaalam din pala kay Lakay Awallan si Bag–aw ngunit sandali lamang ang pag–uusap nila para hindi masyadong mag–uusisa ang matanda dahil hustong napaaga naman ang pahinga niya sa halip na magpalipas muna ng antok sa tangkil pagkat maraming problema pala ang dininig niya sa maghapon habang nangangaso siya sa kagubatan.  Si Alba ang kanyang idinahilan upang paniwalaan lamang siya ng matanda dahil may gustong linawin ang kanyang mistad kaugnay sa nakaraang alitan nila pagkat hindi pa sila masyadong nagkaunawaan kaya may mga kondisyon na kailangan pang pag–uusapan nila ngunit napapangiti na lamang siya matapos mapagtanto na naging sinungaling na rin siya buhat nang matutunan niya ang umibig gayong hindi niya dating ginagawa ito.  May katuwiran kung magduda man si Lakay Awallan pagkat hindi rin maiaalis ang posibilidad na hahanapin niya si Bag–aw kapag nagising siya na wala pa ang binata sa papag nito lalo na kung hindi pa siya umuwi kahit hating–gabi na kaya seguradong mapupuyat din siya sa paghihintay mamaya sa kanya dahil normal na ang ganitong damdamin ng mga matatanda basta nag–aalala ang kanilang mga kalooban.  Subalit ipinagkibit–balikat lamang ito ni Bag–aw pagkat hindi rin naman puwedeng basta na lamang isantabi niya ang importanteng gabi sa kanyang buhay lalo’t mamaya pa lamang niya mararanasan ang manligaw sa dalaga kaya bahala na kung magalit sa kanya si Lakay Awallan dahil totoo rin naman na nagsinunglaing siya para tuparin lamang ang kanyang pangako kay Annayatan.  Sana, madaling–araw na ang gising ni Lakay Awallan dahil tiyak nakauwi na rin nang mga oras na ‘yon si Bag–aw kaya walang dapat ikabahala ang kanyang sarili basta huwag lamang tumagal hanggang umaga ang kanyang panliligaw pagkat seguradong wala nang paraan kundi ipagtapat ang kanyang lihim maski hindi pa dapat kung ito lamang ang paraan para maglubag lamang ang kalooban ng matanda.  Napailing na lamang si Bag–aw nang maalaala na minsan na rin napalo siya ni Lakay Awallan nang inabot siya ng hating–gabi sa pakipaglaro kina Alba, Lawug at Remus dahil maliwanag ang buwan noon kaya hindi niya namalayan na kailangan na palang umuwi siya ngunit hindi na naulit ‘yon pagkat kahihiyan na rin kung hambalusin pa rn siya ng tungkod dsahil binatilyo na siya.  Lalong hindi na puwedeng gawin ito ngayon ni Lakay Awallan dahil hindi na siya kayang habulin ng matanda bukod sa magiging kahiya–hiya naman kung kastiguhin pa rin siya nito samantalang nag–umpisa na nga ang panliligaw niya kaya malakas ang loob niya pagkat malayong mangyayari ang dapat ipag–aalala hanggang sa muling napagbalingan niya si Alba.  Nabahala si Bag –aw nang maisip na maaaring  naghihintayan lamang silang magmistad pagkat kanina pa dapat dumating si Alba ngunit malinaw naman ang kanilang usapan na maghihintay siya sa labas ng tangkil kaya nagsimulang humakbang ang kanyang mga paa para tiyakin kung tama ang kanyang hinala kaysa abutn pa ng umaga ang kanyang paghihintay.

            “Mistad!  Handa ka na ba . . . ha?!”  Pagkaraan ang matagal na paghihintay kaya halos antukin na si Bag–aw ay nagpasalamat pa rin siya kay Bathala dahil matutuloy na rin sa wakas ang lakad nila ngunit hindi niya magawa ang ngumiti pagkat malinaw naman na hindi nasunod ang kanilang usapan kung hindi lamang sa matindig kagustuhan niya na madalaw ngayong gabi si Annayatan para hindi laging sa pangarap lamang nangyayari ang kanilang pag–uusap.  Talagang muntik na rin pumasok sa kubol si Bag–aw kung hindi pa dumating si Alba para matulog na lamang dahil ramdam na rin niya ang matinding antok na epekto naman ng magkasunod na dalawang gabing puyat at maghapong pagod sa pangangaso kanina kaya medyo nananamlay ang kanyang katawan ngunit muling naramdaman niya ang sigla nang marinig ang boses ng kanyang mistad.  Seguro, kani–kanina lamang sumaglit sa ilog si Alba para maligo muna pagkat basa pa ang kanyang buhok kaya sinasabukay niya ito habang natubog naman sa pawis ang kanyang katawan ngunit naging kapansin–pansin naman kay Bag–aw ang kanyang sigla dahil waring hindi dumaan sa masusing pagtatanong ang kanyang paalam kay Sahing.  Talaga yatang pinaghandaan din niya ang gabing ito pagkat bagong laba ang kanyang bahag at tsaleko maski hindi naman siya ang nakatakdang manligaw kay Annayatan dahil karayama lamang siya ni Bag–aw ngunit hindi ito ang pinansin ng binata kundi ang makaalis na sila para hindi naman magiging kahiya-hiya kung gisingin pa nila ang dalaga maski mahimbing na ang tulog nito.  Pinapatunayan lamang sa ayos ni Alba na may pahintulot mula kay Sahing ang kanyang paglabas ngayong gabi kaya hindi kataka–taka kung walang giyerang magaganap bukas ng umaga sa pagitan nilang mag–asawa maliban na lamang kung biglang manganak ang babae habang wala siya dahil tiyak na pipilitin nito ang bumangon para sapakin siya.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *