Samakatuwid, hindi na magiging problema pa ni Alba ang kanyang selosang asawa kahit umagahin pala sila ni Bag–aw maliban kay Lakay Awalla dahil ang paniniwala nito ay makipagkuwentuhan lamang sa mag–asawa ang binata maski hindi ito dating ginagawa niya ngunit kailangan bang hanapan agad ng solusyon ang problema na hindi pa nangyayari, ang naging katuwiran naman ng nag–iisang apo. Maliwanag na magkasalungat ang paalam nina Bag–aw at Alba para payagan lamang lumabas ngayong gabi ang magmistad ngunit malaking problema naman ang hatid nito sa kanila kapag natuklasan ni Lakay Awallan ang kanilang pagsisinungaling dahil tiyak na ikagugulantang niya ang matuklasan na tandisang nilabag pala ng binata ang kanyang mahigpit na bilin. Talagang palaisipan kung ano naman kaya ang magiging reaksiyon ni Lakay Awallan dahil ang tiyak pa lamang sa ngayon ay mismong sina Bag–aw at Alba ang malingaw sa pag–iisip ng dahilan hanggang sa ipagbabawal na ng matanda ang paglabas ng binata kaya panibagong katanungan ang kailangang sagutin kung paano pa magkatuluyan sila ni Annayatan. Talaga yatang totoo ang kasabihan na handang hahamakin ng pusong nababaliw sa pag–ibig ang kamatayan kaysa magpapigil kay Lakay Awallan kaya wala sa isip ni Bag–aw ang ganitong alalahanin habang lumulutang pa sa alapaap ang kanyang damdamin hanggang sa darating ang panahon na magtatanong ang kanyang sarili kung bakit siya lamang ang pinarusahan ng matanda. Pero pinigil muna ni Alba ang paglalakad ni Bag–aw upang alamin kung kaaya–aya ang suot niya pagkat ito ang kailangan sa umaakyat ng ligaw kaya napilitang bumalik ang binata kahit halos dalawang dipa na ang layo niya sanhi ng pagmamadali ngunit binalewala lamang ng mistad niya kung may napansin man siya dahil madali namang unawain ang kakulangan basta ang importante ay bagong paligo ang apo ni Apong Awallan. Mistulang sumasali sa isang paligsahan ng mga ginoo ang galaw ni Bag–aw habang sinusunod ang bawat utos ni Alba kaya lalong nabalam ang kanilang lakad ngunit kailangan magtimpi ang binata para hindi mauudlot ang kanilang misyon maski gusto nang magtatakbo ang kanyang mga paa papunta sa kubol nina Annayata dahil sayang naman ang mga sandaling lumilipas. “Sandali lang . . . mistad! Patingin muna ng ayos mo . . . ha?! Hmmm!!! Hmmm!!! Ayos! Oo . . . mistad! Ayos na ayos!” Maya’t maya ang paniniyak ni Alba maski wala naman namamalas na kapintasan ang kanyang mga mata pagkat bagong laba rin ang bahag ni Ba–aw ngunit walang pantaas na kasuutan ang binata dahil hindi ito importante sa mga kalalakihang Malauegs basta may takob lamang ang kanilang maselang bahagi para hindi inaalihan ng malisya ang mga utak ng mga kababaihang Malauegs. Tanging ang Punong Sugo lamang ang may kapa dahil tinataglay nito ang simbolo ng kanyang kapangyarihan na ipinagkaloob naman ni Bathala kaya pabor kay Lakay Awallan ang ganitong kasuutan pagkat may pananggalang sa lamig ang kanyang tumatandang katawan ngunit lampas tuhod naman ang kalsonsilyo niya sa tuwing hinuhubad niya ang balabal kung masyadong maalinsangan ang panahon. Aywan kung bakit napasunod naman si Bag–aw sa dikta ni Alba habang pinapasadahan niya ng tingin ang mahagway na katawan ng kanyang mistad hanggang sa dumako sa lusay na buhok ng binata ang kanyang mga mata kaya noon pa lamang niya naalaala na may kulang pala sa kanya sanhi ng pagmamamdali ngunit hindi naman yata malaking problema ito dahil alalay lang ang kanyang papel. Subalit pasimpleng kinapa pa rin ang kanyang ulo matapos aminin na talagang nawaglit sa isip niya ang gumamit ng gugo para makintab din sanang malasin ang kanyang buhok kahit hindi siya ang nakatakdang manligaw kay Annayatan hanggang ngumiti na lamang siya nang mapansin si Bag–aw na kanina pa pala napatingin sa kanya habang hinihintay nito ang pag–alis nila. Siyempre, talagang kailangan bagong laba rin ang bahag ni Bag–aw dahil magiging kahiya–hiya naman kung putaktiin siya ng mga langaw lalo’t matindi ang anghit ng barako kaya paulit–ulit na hinihilod ang kanyang katawan habang naliligo siya upang hindi mapapansin ni Annayatan na pumasok pa rin siya sa kagubatan kanina para mangangaso pagkat sayang din naman ang kalahating araw. Palibhasa, nakasanayan na niya kahit walang tsaleko ang kanyang matikas na katawan kaya mas komportable amg kanyang sarili ngunit maaaring ito naman ang bumihag sa puso ni Annayatan sa unang pagtatagpo pa lamang nila sa ilog kung tama ang kanyang sapantaha pagkat malinaw na basehan ang pagpayag ng dalaga upang dalawin siya ngayong gabi gayong kahapon lamang sila nagkakilala. Pansamantalang natigil ang pagtawid sa ilog ni Bag–aw nang mapasulyap siya sa eksaktong kinauupuan ni Annayatan habang nagaganap kahapon ang unang pagtatagpo nila kaya mabilis na rumagasa sa alaala niya ang tagpong ‘yon dahil doon nagsimulang mabagabag ang puso niya hanggang sa muntrik pang suwagin siya ng usa pagkat nakatulugan niya ang paghaharaya sa kanya. Baka lumawig pa ang pagbabalik–tanaw ni Bag–aw kung hindi pa hinila ni Alba ang kanyang kamay upang ituloy ang kanilang paglalakad dahil kailangan maagapan nila ang mga nalalabing oras ng gabi nang hindi naman isipin ni Annayatan na nagtalo–sira siya sa pangako kaya may kasalit na takbo ang kanilang mahahabang hakbang para hindi sila masarhan ng pintuan. Sapagkat hindi dapat mabahiran ng pagdududa ang unang dalaw ni Bag–aw upang hindi magkaroon ng lamat ang tiwala sa kanya ni Annayatan lalo na kung kanina pa hinihintay ng dalaga ang kanyang pagdating kaya siya naman ang nauuna sa paglalakad ngayon sa halip na si Alba dahil alam ng kanyang mistad ang tinitirhan ng pamilya nito ngunit nagpahinga sandali ang kanyang karayama. Marahil, ikinagagalak din ni Bathala ang pagiging masigasig ni Bag–aw pagkat tinatanglawan ng buwan ang kanilang paglalakad habang tila ibinabando nito ang pag–asang makamtan niya ang pag–ibig ni Annayatan basta huwag lamang magiging sutil ang kapalaran dahil mahilig manikis ito upang subukan ang katapatan ng manliligaw hanggang sa magaganap ang pangyayari na magpapahamak sa magsing–irog para huwag lamang matutuloy ang itinakda sa kanila ng tadhana.
ITUTULOY
No responses yet