Matagal nang handa ang kanyang sarili upang samahan si Lakay Awallan habang linalakbay nila nang sabay ang mundo kaya sapat na ang mahigpit na hagpos ng kanilang mga kamay upang panghahawakan niya ang kanyang pangako. Tuloy, gustuhin man ni Alawihaw ang magpaalam pagkat bumabagsak na ang kanyang mga talukap ay nababahala naman ang kanyang sarili pagkat tiyak na kailanganin ni Lakay Awallan ang alalay kung nais na niya ang magpahinga. Dahil hindi na yata niya mahihintay pa ang tugon ni Lakay Awallan sa kanyang tanong pagkat nagparamdam na sa kanya ang antok ay ipaalaala na lamang niya ito bukas kahit walang katiyakan kung maulit pa ang kanilang pag–uusap. Talagang magpapaalam na sana siya nang maalaala si Dayandang na mag–isang natutulog sa kanilang kubol ngunit nagdalawang–isip naman siyang gisingin si Assassi para may kasama si Lakay Awallan pagkat mahimbing na ang tulog nito. Sapagkat hindi naman lingid sa kanya na maaga rin bumabangon ang binatilyo upang ihatid sa sagradong kubol si Lakay Awallan para sa madaling–araw na panalangin nito ngunit humakbang pa rin ang kanyang mga paa papunta sa papag sa pagbabakasakaling gising na siya. Talagang kailangan na niya ang magpaalam dahil tiyak nag–aalala na ngayon ang kanyang asawa kahit batid nito na lumipat lamang siya sa kubol ni Lakay Awallan ngunit hindi naman niya inakala na magtatagal hanggang madaling–araw ang pag–uusap nila. Hanggang sa napalingon nang sabay sina Lakay Awallan at Alawihaw nang may bumati sa kanila mula sa labas dahil sa kanilang maling palagay na silang mag–amang ang gising pa lamang pagkat inabot ng madaling–araw ang pag–uusap nila.
“Ipagpaumanhin po ninyo . . . ang aming kapangahasan! Apong Awallan! Alawihaw!” Boses ni Balayong ang gumambala kina Lakay Awallan at Alawihaw na parehong namangha nang malaman nila na kasama pala niya si Lakay Lanubo dahil talaga namang nakapagtataka para maisipan pa nila ang lumipat ng kubol kahit madaling–araw na. Wala sa hinagap ni Lakay Awallan na gising pa si Lakay Lanubo dahil siya ang dahilan kung bakit ipinasya ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang magpalipas muna mula sa gabi–gabing pagdarasal upang magpahinga nang maaga pagkat hindi na nila kayang batahin ang sunud–sunod na pagpupuyat. Napaisip siya kung bakit hindi sinabi kaninang maliwanag pa na may sadya pala sa kanya si Lakay Lanubo kaysa hinintay pa ang ganitong oras na lubhang delikado sa kalusugan niya pagkat sumisigid na sa katawan ang hangin sa madaling–araw. Ayaw niyang isipin na matinding problema ang nagtulak sa kanyang kapatid para makipagkita sa kanya kahit malalim na ang gabi upang huwag nang hintayin nito ang umaga kahit duda siya sa sariling palagay. Mauunawaan pa sana niya kung si Balayong lamang ang dumating upang sabihin na sumumpong na naman ang karamdaman ni Lakay Lanubo maski malayong mangyayari ito dahil hinihilot niya bago matulog sa gabi ang kanyang amang. Pero tiyak na wala nang dinatnan sina Lakay Lanubo at Balayong kung natuloy naman ang pagpaalam ni Alawihaw kay Lakay Awallan kahit hindi pa tapos ang kanilang pag–uusap pagkat nagparamdaman na rin sa kanila ang matinding antok. Kung hindi lamang mahalaga ang mga katanungan na ninais linawin ni Alawihaw mula kay Lakay Awallan ay seguradong hindi magtatagal hanggang hating–gabi ang kanilang usapan dahil balak pa ng una ang mangangaso bukas. Katunayan, talagang pipilitin na lamang ihatid ni Alawihaw sa kuwarto si Lakay Awallan imbes na iwan niyang mag–isa kung hindi lamang tumambad sa labas sina Lakay Lanubo at Balayong nang hindi nila namalayan kaya lumipad na rin yata ang antok niya.
“Kayo pala . . . Apong Lanubo! Pumasok po kayo! Balayong . . . pumasok ka!” Nagmamadali namang lumabas si Alawihaw upang salunuin si Lakay Lanubo kahit inaalalayan siya ni Balayong habang pumapasok sa kubol nang matiyak niya na sila pala ang mga dumating nang walang pasabi kahit madaling–araw na. Nang malaman ni Lakay Awallan na sina Lakay Lanubo at Balayong pala ang dumating ay nagtataka naman siya kung bakit sa hinaba–haba ng maghapon ay ngayon pa naisipan ng mag–amang ang lumipat sa kanyang kubol kung hindi naman yata mahalaga ang pakay nila. Ngayong gabi lamang nangyari na dinalaw siya ni Lakay Lanubo samantalang ang akala pa naman niya ay mahimbing na ang tulog nilang mag–amang dahil tahamik na ang kanilang kubol nang lumatag ang dilim habang nag–uusap sila ni Alawihaw. Lalong hindi niya maaayunan ang palagay na sinusundo lamang siya ni Lakay Lanubo para sabay na silang pupunta sa sagradong kubol pagkat hindi pa tumilaok ang mga labuyo sa kagubatan na naging orasan ng lupon ng mga matatandang Malauegs upang simulan na ang pagdarasal. Gustuhin man niya ang matuwa dahil dinalaw siya ni Lakay Lanubo ngunit mas umiiral sa kanya ang pagtataka pagkat walang ibinigay na abiso ang kanyang kapatid tungkol sa plano nito upang lumipat sa kanyang kubol ngayong gabi. Hanggang sa nasambit ng sarili niya na sana ipinagpabukas na lamang ni Lakay Lanubo ang kanyang sadya kaysa sinuong ang lamig ng gabi maski masama sa kanya ang nahahamugan pagkat magkikita rin naman sila sa sagradong kubol. Tuloy, naging kakuruan niya na tiyak isa rin ito sa maraming dahilan kung bakit hindi gumagaling ang kanyang kapatid pagkat pumapasok na siya sa sagradong kubol kahit madaling–araw pa lamang para magdasal nang walang pag–aalintana sa makapal na ulop. Kaya nanunumbat ang tingin niya kay Balayong kung bakit hinayaan pa rin nitong lumabas si Lakay Lanubo gayong masama sa kanya ang nahahamugan hanggang sa napailing na lamang siya dahil hindi rin naman niya alam ang sanhi. Baka hindi na napagbawalan ni Balayong ang kagustuhan ni Lakay Lanubo upang lumipat sa kanyang kubol dahil talagang mahirap sawayin ang matanda na hindi marunong tumanggap ng paliwanag ngunit magaling sa pangaral. Matapos magmano ni Alawihaw ay pinaupo niya si Lakay Lanubo sa bangko na malapit sa silyon ni Lakay Awallan upang magkarinigan silang magkapatid habang nag–uusap dahil naapektuhan na rin ang pandinig ng amang ni Balayong.
“Napasugod ka . . . kapatid ko?! May problema ba . . . ha?!” Pagkatapos batiin ni Lakay Awallan si Lakay Lanubo sa pamamagitan ng yapos ay nagpasunod siya ng tanong upang alamin ang kanyang sadya pagkat maagang itinigil ang pagdarasal nila sa sagradong kubol kaya maghapon na hindi rin nagkita silang magkapatid. Baka sa kagustuhan ni Lakay Lanubo na maiparating agad kay Lakay Awallan ang kanyang pakay ay hindi na niya nahintay ang bukas kahit gabi na para lumabas pa siya ng kubol imbes natulog na lamang sana upang hindi sumumpong ang karamdaman niya. Kahit magkatabi lamang ang mga kubol nina Lakay Awallan at Lakay Lanubo ngunit wala sa kanila ang lumabas kaninang hapon pagkat isinagawa naman ng una ang kanyang tungkulin hanggang sa dumating si Alawihaw nang sumapit ang gabi. Seguro, mabisang lunas ang dinasalang langis na ginagamit ni Balayong sa paghihilot kay Lakay Lanubo dahil tatlong araw nang hindi niya nababanggit kay Lakay Awallan ang tungkol sa kanyang karamdaman sa tuwing nagkikita sila sa sagradong kubol. Aywan kung nawaglit na sa isip ni Alawihaw ang umuwi sa kanilang kubol dahil tumuloy siya sa kusina upang magpakulo ng salabat para kina Lakay Awallan at Lakay Lanubo sa halip na gisingin pa niya si Assassi na mahimbing na ang tulog. Habang hinihintay niya ang pagkulo ng salabat ay naitanong niya sa sarili ang dahilan ng walang paabiso na paglipat ni Lakay Lanubo sa kubol ni Lakay Awallan kahit pabor sana sa kanya pagkat puwede na siyang umuwi dahil kay Dayandang. Hindi niya naiwasan na iugnay sa tungkulin ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang sadya ni Lakay Lanubo kahit hindi siya segurado ngunit tumatanggi naman ang kalooban niya upang pakinggan ang kanilang pag–uusap para hindi mahihikayat sumabad ang kanyang sarili. Hustong sinasalinan niya ng salabat ang dalawang lumbo nang dumating si Balayong na huling lumabas ng kubol pagkat pinahiran muna niya ng langis ang mga braso ni Lakay Lanubo para hindi ginawin bago siya pumunta sa kusina. Muling binalikan ni Balayong sina Lakay Awallan at Lakay Lanubo upang ihatid ang dalawang lumbo ng salabat pagkat hindi na kailangan iutos pa sa kanila ang paghahanda nito lalo’t tumitindi na ang ginaw sa madaling–araw ay ito ang hinahanap ng magkapatid. Pagkatapos ilapag ni Balayong sa mesa ang dalawang lumbo ay bumalik din siya sa kusina upang sabayan sa paghigop ng mainit na salabat si Alawihaw para pawiin ang sumisigid na lamig sa kanyang katawan. “Kunsabagay . . . ! Mabuti na rin at . . . naparito ka . . . kapatid ko! Kasi . . . ! Kanina . . . pinag–uusapan naming mag–amang! Ang . . . tungkol sa ating magiging desisyon! Ito ang itinatanong sa akin . . . ni Alawihaw! Kung . . . ? Bakit hindi pa nakagawa ng desisyon . . . ang ating lupon . . . hanggang ngayon! Siyempre . . . ipinaliwanag ko sa kanya . . . ang dahilan!” Patangu–tango lamang si Lakay Lanubo habang isinasabay sa paghigop ng mainit na salabat ang pakikinig niya sa paliwanag ni Lakay Awallan sa halip na banggitin ang sadya niya sa paglipat sa kubol ng kanyang kapatid dahil ito ang hinihintay mula sa kanya. Tuloy, napapadalas din ang kanyang ngiwi dahil sa anghang ng salabat ngunit ayaw pa rin niyang tantanan ang paghigop upang labanan ang antok na ngayon pa yata nagparamdam sa kanya kung kailan naririto siya sa kubol ni Lakay Awallan. Kunsabagay, talagang gamot ang salabat sa tumatandang katawan na batbat ng maraming karamdaman ngunit hindi nito ipinapangako ang tuluy–tuloy na paggaling dahil sadyang may hangganan ang lahat nang buhay sa mundong ito. Nang matapos ang pagsasalita ni Lakay Awallan ay siya naman ang humigop ng mainit na salabat kahit tinangay na ng hangin ang antok niya dahil tiyak palilipasin na lamang nila ang madaling–araw habang hinihintay ang pagsisimula ng kanilang dasal. Aywan kung anong oras natapos ang pag–uusap nina Lakay Awallan at Lakay Lanubo dahil naging mahimbing ang tulog nina Alawihaw at Balayong kahit sa bangko lamang nahiga ang dalawa kaya nagising sila na wala na palang dapat hintayin. Sapagkat wala na sa tabi ng bintana sina Lakay Awallan at Lakay Lanubo ngunit nagkaroon din ng tugon ang nagtatanong nilang mga mata nang mapatingin sila sa sagradong kubol dahil maliwanag na roon habang naririnig naman sa labas ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs. Nagtatakbong umuwi si Alawihaw nang maalaala na hindi dapat iniiwanan niya sa gabi si Dayandang lalo’t kabuwanan na nito kahit nagpaalam pa siya kung tumagal naman hanggang madaling–araw ang pag–uusap nila ni Lakay Awallan. Napabalikwas naman si Balayong maski ayaw pa sana niya ang bumangon upang alamin kung sino ang naghatid kay Lakay Lanubo dahil naririnig na niya sa sagradong kubol ang pagdarasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs hanggang sa ipinasya niya ang lumapit doon upang sumilip. Nang maalaala niya si Assassi dahil siya ang madalas sumasabay kina Lakay Awallan at Lakay Lanubo papunta sa sagradong kubol ngunit hindi na niya inabutan doon ang binatilyo kaya minabuti niya ang umuwi na lamang sa kanilang kubol para umidlip muna. Hindi na nagkaroon ng tugon mula kay Lakay Awallan ang tanong kung hanggang kailan maghihintay sa desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang mga katutubong Malauegs lalo’t sumapit na ang mahalagang araw sa buhay ni Alawihaw dahilan upang malimutan na rin niya ito.
Bago pa natuklasan ni Ferñao de Magalha`es na mas kilala sa pangalang Fernando de Magallanes o’ Hernando de Magallanes ang Pilipinas noong ika 16 ng Marso taon 1521 ay libong taon nang namumuhay ang tribung Malauegs dahil sa paniniwala na sila ang kauna–unahang lalang ni Bathala sa kabundukan ng Sierra Madre na sakop ng pueblo Fulay. Hanggang sa naging ganap na bayan ang pueblo Fulay noong ika 20 ng Hulyo taon 1789 ngunit makaraan ang limampu’t apat na taon ay pinalitan din ang pangalang ito upang isunod sa apelyido ni Capitan–General Don Francisco Paulo de Alcala dela Torre kaya tinawag na bayan ng Alcala sa panahon ng sibilisasyon. Dahil pagpapalaganap ng kristiyanismo sa Pilipinas ang isa sa mga layunin ng ekspedisyon noon ni Hernando de Magallanes ay naging masigasig sa pangangaral ng pananampalataya ang mga prayle noong itinatag ang gobierno revolucionario sa bayan ng Alcala hanggang sa maraming katutubo mula sa kabundukan ng Sierra Madre ang nahikayat magpabinyag. Subalit pangalawang pakay na lamang ang pananampalataya pagkat ang talagang tunay na layunin ng mga katutubong binyagan ay makamtan ang kasaganaan na ipinangako sa kanila ng mga prayle at kapatawaran dahil malaking kasalanan ang pagsasamba sa kinikilala nilang Bathala. Palibhasa, naging hurisdiksiyon ng bayan ng Lal–lo ang pueblo Fulay nang likhain ang diosesis ng Nueva Segovia noong Agosto taon 1595 ay kailangan maglakad mula sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga katutubong binyagan pagkat obligasyon nila ang dumalo ng misa araw–araw maski delikado ang tumawid sa mga ilog sa panahon ng tag–ulan. Tuloy, minabuti ng mga katutubong binyagan ng Sierra Madre ang lumipat sa pueblo Fulay kahit wala rin sariling simbahan doon ngunit nabawasan naman ang layo ng kanilang binabagtas para magsimba araw–araw sa diosesis ng Nueva Segovia sa bayan ng Lal–lo dahil may multa sa tuwing nahuhuli sila sa misa. Hanggang sa naging ganap nang bayan ang pueblo Fulay noong ika 20 ng Hulyo taon 1789 ngunit naitayo lamang ang parokya ni Santa Filomena makaraan ang limampu’t apat na taon sabay sa pagpapalit ng pangalan mula sa bayan ng Fulay ay naging bayan ng Alcala kaya lalong dumami ang mga katutubong binyagan. Sapagkat inilipat sa bayan ng Tuguegarao mula sa bayan ng Lal–lo na madalas binabaha ang diosesis ng Nueva Segovia noong 1839 sa panahon ni Obispo Diego Aduarte – ang pang–anim na obispo ay lalong mapapalayo ang mga katutubong binyagan kung walang sariling simbahan ang bayan ng Alcala lalo’t lumalaki ang bilang ng mga yumayakap sa pananampalataya. Sa panahong iyon na makapangyarihan na ang Alcalde sa bayan ng Alcala ay hindi na siya kayang manduhan ng itinalagang kura paroko ng simbahan ni Santa Filomena na si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga kahit gaano pa katalas ang dila nito sa tuwing nagbibigay ng sermon sa ibabaw ng pulpito. Hanggang sa dumating ang mahalagang araw sa kasaysayan ng tribung Malauegs sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat isinilang noong ika–15 ng Agosto taon 1843 sa kalendaryo ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang apo ni Lakay Awallan na laging magpaalaala sa mga darating pang salinlahi ang kanyang legado – si Bag–aw!
Kanina pa palakad–lakad sa labas ng kubol si Alawihaw pagkat matindi ang nararamdaman niyang tigatig dahil madaling–araw pa nang magsimulang dumaing ng pananakit sa tiyan si Dayandang kaya hiningi muna niya ang tulong ni Lakay Awallan saka sinundo ang komadrona. Sinasabayan na lamang niya ng malalim na buntung–hininga ang bumibilis na sasal sa kanyang dibdib pagkat wala pang ipinaparating sa kanya si Lakay Awallan samantalang unti–unti nang lumalatag ang liwanag ng araw sa kabundukan ng Sierra Madre hanggang sa napatingala siya. Natatanaw pa niya ang buwan kahit pasibsib na ito sa kanluran upang takasan ang araw hanggang sa muling nagpaalaala sa kanya ang kasabihan ngunit pumiksi lamang siya pagkat kanina pa siya bumulong ng kahilingan. Maya’t maya, sinusubukan niya ang sumilip sa loob ng kubol ngunit sinasawata agad ni Lakay Awallan ang kanyang kapangahasan para tiyakin na hindi malalabag ang pamahiin na mahigpit nilang sinusunod sa tuwing may nanganganak. Kanina pa nagbabantay sa pintuan si Lakay Awallan dahil nag–iwan ng mahigpit na bilin ang komadrona na huwag hayaang panoorin ni Alawihaw ang panganganak ng kanyang asawa upang hindi siya mahihirapan lalo’t nanganganay pa mandin. Pero hindi naman mapigilan ni Alawihaw ang pananabik niya upang alamin ang kasarian ng kanyang panganay kahit kailangan sundin niya ang pamahiin dahil ibinatay lamang sa paniniwala na lalaki ang bata kung naging maselan ang pagdadalantao ng inang nito. Puwes, mamaya pa lamang malalaman niya kung may katotohanan ang paniniwalang ito kahit si Lakay Awallan mismo ang may sabi dahil siya rin ang ginawang halimbawa ng kanyang amang noong nagsimula nang maglihi si Dayandang. At hindi niya ipinagkakaila sa mga nagtatanong na lalaki ang talagang nais niyang magiging panganay para malubos ang kanyang kasiyahan ngunit tanggap din naman niya sakaling babae ang unang anak nila ni Dayandang. Naku! Totoo yata ang pamahiin pagkat naliligo na sa pawis si Impong Ubak habang inaaalalayan niya si Dayandang ngunit hindi pa rin lumalabas ang bata gayong kaninang madaling–araw pa nagsimula ang kanyang walang patlang na pagdag–is. Pati si Lakay Awallan ay hindi rin mapalagay habang binabantayan ang pintuan upang tiyakin na hindi siya masalisihan ni Alawihaw na walang maisip na paraan kundi ang maghintay sa labas ng kubol para hindi niya malabag ang pamahiin. Pinapawisan na rin si Alawihaw pagkat ayaw mapaknit sa dibdib niya ang pangamba dahil kanina pa pinanabikan niya ang munting tinig ng anghel matapos tiyakin ni Impong Ubak na manganganak na ang kanyang asawa.
“Sana . . . ! Maayos ang panganganak . . . ni Dayandang!” Katunayan, hindi na natulog si Alawihaw pagkat hating–gabi pa lamang ay balisa na si Dayandang hanggang sumapit ang madaling–araw nang maramdaman niya ang matinding paghihilab sa kanyang tiyan hudyat na dumatal na ang hinihintay niyang wali–wali. Sa halip na ituloy pa ni Alawihaw ang pangangaso ay sinundo na lamang niya ang komadrona na sa tawid–ilog matatagpuan ang kubol nito matapos ipagbilin kay Lakay Awallan ang pagbabantay kay Dayandang habang wala siya. Kahit hindi muna pumasok sa sagradong kubol si Lakay Awallan ay tuloy pa rin ang pagdarasal niya para ipakiusap kay Bathala na hagpusin nawa nito si Dayandang nang magiging maayos ang kanyang panganganak habang hinihintay nila ang komadrona. Malaking tulong naman para kay Alawihaw ang liwanag ng buwan pagkat natunton agad niya ang tinitirhan ng komadrona kahit mag–isa lamang siya dahil nawaglit na sa isip niya ang magpasama kay Assassi. Kanina pa siya umuusal ng dasal ngunit hindi lamang matiyak kung nakinig sa kanya si Bathala dahil wala pa rin siyang natatanggap na magandang balita mula kay Lakay Awallan samantalang nag–iingay na sa paligid ang mga layanglayang. Panay rin ang pagtatanong ng kanyang sarili kung totoo ba ang kuwento tungkol sa bahaghari na nagbibigay ng suwerte sa bagong silang na sanggol ngunit biglang naparam ang buwan nang sumambulat ang silahis ng araw. Gayunpaman, hindi niya binigyan ng anumang kahulugan ang kanyang nasaksihan basta itinigil na lamang niya ang pagsilip sa siwang pagkat nababahala na rin siya kay Dayandang dahil madaling–araw pa sinimulan ng komadrona ang pagpapaanak sa kanya. Lalong napapadalas ang buntung–hininga niya habang hinihintay ang paglabas ni Lakay Awallan pagkat wala pa rin siyang naririnig na munting palahaw ng bagong buhay hanggang sa nahagip ng kanyang pandinig ang bulong ng komadrona. Aywan kung anong sigya ang bumudlong sa kanyang damdamin upang humiyaw nang malakas sanhi ng sobrang kagalakan nang pumailanlang ang munting tinig mula sa loob ng kubol kaya bumilis ang pintig ng kanyang dibdib.
“Uhaaa!!! Uhaaa!!! Uhaaa!!!” Tuloy, naging madalas ang paroo’t parito ni Alawihaw hanggang sa sinasadya na niya ang tumigil sa tapat ng pintuan kahit nanatiling pinid para pagbawalan pa rin siya gayong naipanganak na ni Dayandang ang kanilang panganay. Habang pinapakinggan ang palahaw ng kanyang panganay ay gusto niya ang magpasalamat uli dahil hindi pinabayaan ni Bathala si Dayandang kahit dumanas siya ng hirap sa panganganak ng kanilang panganay. Pero nabaghan yata ang isip niya pagkat sumigaw siya para ipaalam sa kanilang komunidad na isinilang na sa mundo ang kanyang panganay sa halip na pasalamatan si Bathala kaya lumabas si Lakay Awallan upang sawayin siya. Pagkatapos, muling humalakhak nang malakas dahil ganap na ang kanyang pagiging amang ngayong isinilang na ang panganay niya na dapat ipagpasalamat kay Bathala pagkat nakayanan ng kanyang asawa ang dumag–is mula madaling–araw hanggang umaga. Nang magpaalaala ang mahalagang katanungan na laging binabanggit niya sa tuwing hinihilot ng komadrona si Dayandang ay biglang naglaho sa kanyang isip ang pamahiin basta malaman lamang ang kasarian ng sanggol. Hayun! Dali–daling pumasok sa kubol si Alawihaw upang alamin ang kasarian ng sanggol na hinintay niya ng siyam na buwan dahil hindi rin malaman kung nalimutan lamang isara ni Lakay Awallan ang pintuan pagkat napatakbo siya sa loob ng kubol. Dahil sa sobrang pananabik ni Lakay Awallan nang marinig ang tinuran ng komadrona tungkol sa kanyang unang apo ay naging malaking pagkakamali naman nang hindi sinasadyang naiwan niyang bukas ang pintuan ng kubol. Siyempre, hindi na nagdalawang–isip pa si Alawihaw dahil kanina pa niya idinadalangin na sana kusang magparaya ang pagkakataon upang maibsan ang matinding pananabik niya sa paghihintay para masilayan ang kanyang panganay.
“Lalaki ang apo mo . . . Lakay Awallan!” Aywan kung bakit nawalan pa rin ng saysay ang mahigpit na pagbabawal kay Alawihaw para masunod lamang ang pamahiin pagkat tiyempo naman nang pumasok siya ay nabanggit ng komadrona ang nais niyang malaman. Masayang–masaya naman ang komadrona pagkat nairaos niya ang panganganak ni Dayandang kahit tumagal ang pagluwal ng sanggol ngunit narinig siya ni Alawihaw na pumasok nang palihim sa kubol nang lingid sa kanya at kay Lakay Awallan. Subalit nais pa rin kumpirmahin ni Alawihaw ang kasarian ng sanggol dahil posibleng nagkamali lamang ng tingin ang sulimpat na mga mata ng komadrona at gusto rin niyang alamin kung sino ang kamukha nito.
ITUTULOY
No responses yet