Puspos ng kagalakan ang hilagyo sa komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil isinilang na ang apo ng kanilang Punong Sugo kahit wala pang nakababatid kung ano ang pangalan ng sanggol pagkat hinihintay pa lamang ang pahayag ni Lakay Awallan. Samakatuwid, malaking sorpresa pala para sa mga katutubong Malauegs ang pangalan ng sanggol pagkat ipapahayag lamang ito habang binibinyagan siya ni Lakay Awallan kaya makuntento muna sila sa tawag na ‘munting Alawihaw’ kaysa bansagan nila ng kung anu–ano. Diyata, mauuna pang ipapahayag ang pangalan ng anak nina Alawihaw at Dayandang kaysa desisyon ng lupon ng mg matatandang Malauegs kaugnay sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil tila nawaglit na rin sa isip nilang lahat ang paghihintay nito hanggang ngayon. Labas–masok sa kubol ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang ang mga kababaihang Malauegs dahil sa kagustuhang makita ang bagong silang na sanggol pagkat naging palagay yata nila ay natatangi siya bilang apo ng Punong Sugo kaysa kanilang mga anak. Magkasalungat lamang ang mga naging reaksiyon nila matapos masilayan ang sanggol na mahimbing pa rin ang tulog kahit wala na si Impong Ubak ngunit maingay naman sa loob ng kubol dahil sa kanilang mga bulungan at tawanan. Kung gaano karami ang nagsasabi na kamukha ni Alawihaw ang sanggol ay ganoon din ang bilang ng mga naniniwala na kamukha siya ni Dayandang samantalang hindi naman yata nila kamag–anak ang komadrona upang maging kamukha nito ang munting anghel. Pero ikinaaliw ni Dayandang ang papuri kahit nagkakasalungat ang kanilang mga palagay dahil tiyak naman na dugo ng katutubong Malauegs ang nananalaytay sa mga ugat ng kanyang anak na tataglayin nito hanggang sa paglaki. Tungkol sa binyag ang usapan ng mga kalalakihang Malauegs nang magkaisa sila na ilalaan sa naturang okasyon ang kanilang mga huli sa pangangaso para magiging masagana ang handaan kahit hindi pa ito itinakda ni Lakay Awallan na parating naman kasama ang lupon ng mga matatandang Maluegs. Habang inaabangan nila ang paglabas ng mga kababaihang Malauegs upang sila naman ang mabigyan ng pagkakataong masilayan ang sanggol ngunit kailangan magpaubaya na naman sila sa lupon ng mga matatandang Malauegs kahit lumabas na ang mga hinihintay nila. Mabuti pa sina Balayong at Assassi dahil pinalad silang mapasama kina Lakay Awallan at Lakay Lanubo kahit nakailang balik na sila sa kubol ng mag–asawang Dayandang at Alawihaw para sabayan ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang matapos ang kanilang panalangin. Maya–maya, dumating si Alawihaw galing sa tawid–ilog ngunit hindi siya tumanggi sa naging plano ng mga kalalakihang Malauegs sa halip isa–isa silang kinamayan niya sabay sambit ng pasasalamat nang mapatingin sila sa loob ng kubol. Sanhi ng sobrang pananabik ni Balayong ay hinalikan niya ang mga paa ng sanggol habang hinahaplos naman ni Assassi ang kanyang ulo hanggang sa dumilat siya sa unang pagkakataon na ikinalugod nilang lahat.
Hindi pa man gumiti ang liwanag mula sa silangan ay nagtipun–tipon na ang lahat upang saksihan ang mahalagang kaganapan pagkat ngayong umaga itinakda ang seremonya ng pagbibinyag sa panganay ng mag–asawang Alawihaw at Dayandang. Gaganapin ang pagbibinyag sa banal na dambana kung saan laging nananalangin si Lakay Awallan sa tuwing sumasapit ang dapit–hapon upang magpasalamat kay Bathala dahil sa bigay nitong mga biyaya na tinatamasa ng mga katutubong Malauegs sa buong maghapon. Natatanaw ang kabundukan ng Sierra Madre na naging paraiso ng mga katutubong Malauegs mula sa timak kung saan matatagpuan ang banal na dambana na lalong nagniningning sa palamuti nitong puting lino na sumisimbolo sa wagas na pananalig nila kay Bathala. Kahit hindi pa tuluyang lumabas mula sa likod ng kabundukan ng Sierra Madre ang araw ay naaaninag na sa kalawakan ang silahis ngunit kailangan lamang ipanalangin na huwag sanang maging ulan ang dagim para hindi maaabala ang okasyon ngayon. Pagkatapos ang gagawing pagbibinyag ay ngayong araw pa lamang magkakaroon ng sariling pagkakakilanlan ang sanggol na kaninang madilim pa hinatid sa banal na dambana ngunit hindi mawari ang kahulugan ng kanyang palahaw. Sapagkat ramdam ng kanyang murang katawan ang ginaw sa umaga dahil kailangan mahirati siya sa klima ng kanyang mundo na lamig ng gabi ang laging kaniig sa pagtulog at ang nakadadarang na init ng araw. Mahalagang masunod ang tradisyon ng tribung Malauegs upang maiakma ng sanggol ang kanyang sarili sa kagubatan kung saan siya maninirahan habambuhay kaya hindi siya dapat kahabagan kahit kanina pa siya nagpapasaklolo. Nakalapag sa ibabaw ng banal na dambana ang dalawang bakol na puno ng maraming prutas na kahapon lamang pinitas ng mga kalalakihang Malauegs mula sa kagubatan sabay sa kanilang pangangaso para sa okasyon ngayon dahil na rin sa kahilingan ni Alawihaw. Napagitnaan ng dalawang bakol ang sanggol na pinahiga lamang sa dahon ng banahaw nang walang saplot ang kanyang katawan ngunit naging kaaliw–aliw sa mga katutubong Malauegs ang tanawin kahit lahat naman sila ay dumaan nito. Pero hindi mapakali ang damdaming–ina ni Dayandang habang tinatanaw ang sanggol na waring nagpapasaklolo sa kanya ngunit malalabag naman ang kaugalian kung pairalin niya sa puso ang habag hanggang sa pumikit na lamang siya.
“Uhaaa!!! Uhaaa!!! Uhaaa!!!” Kung maaari lamang iuwi na ni Dayandang ang kanyang panganay kahit hindi pa siya nabibinyagan ay kanina pa niya ginawa ito pagkat mistulang hinihiwa ang kanyang puso sa tuwing naririnig niya ang hagibik ng sanggol. Pumikit na lamang siya upang tiisin ang kanyang nararamdaman dahil dumaan din naman silang lahat sa ganitong seremonya kahit ang kanyang amang Alawihaw na wala pa sa tabi niya pagkat sinundo nito sa sagradong kubol si Lakay Awallan. Alam niya na hindi dahil sa gutom kaya matindi ang pag–iiyak ng kanyang panganay pagkat maaga niyang pinasuso ang sanggol sa utos ni Lakay Awallan kundi iniinda lamang ng murang katawan nito ang lamig ng umaga. Bagkus, sinabayan na lamang niya ng dasal ang palahaw ng kanyang panganay para maglubag ang kanyang damdamin pagkat lalabas din naman mamaya ang araw mula sa likod ng kabundukan ng Sierra Madre upang pawiin ang nararamdamang ginaw ng sanggol. Aywan kung dumating na si Impong Ubak pagkat hindi si Alawihaw ang inutusan ni Lakay Awallan upang alalayan siya sa pagtawid sa ilog dahil kailangan masaksihan din niya ang gagawing pagbibinyag sa sanggol bilang mahalagang panauhin. Sapagkat hindi pa dumarating si Lakay Awallan ay hindi naman mapatid–patid ang tawanan ng mga katutubong Malauegs pagkat normal na tanawin na lamang para sa kanila sa tuwing ayaw tumahan ang sanggol habang hinihintay ang pagbibinyag sa kanya. Kung paniwalaan ang pamahiin ng mga katutubong Malauegs ay mainam sa sanggol ang umiiyak para mapansin siya ng mga diwata mula sa kagubatan upang magiging bantay sila sa kanyang paglaki hanggang sa matutunan na niya ang pangangaso. Subalit nagbibigay rin pala ng suliranin ang mga diwata pagkat nagiging selosa sila dahil sa sobrang paghanga sa mga kalalakihang Malauegs hanggang sa ginagabot nila ang sinumang nakatakdang ikasal upang ibilanggo siya habambuhay. May katuwiran pala upang ipagbawal sa isang lalaking Malauegs ang pangangaso bago ang kasal nito para ilayo sa mga diwata ngunit nakapagtataka pa rin dahil may asawa’t anak na ang amang ni Asssassi nang maglaho siya sa kagubatan. Aywan kung anong mayroon ang amang ni Assassi para mahumaling sa kanya ang mga ada basta natigil ang anasan ng mga katutubong Malauegs nang matanaw nila si Lakay Awallan na papunta sa banal na dambana ang mabagal na lakad nito upang simulan na ang seremonya ng pagbibinyag.
Kasamang dumating ni Lakay Awallan sa banal na dambana ang lupon ng mga matatandang Malauegs habang sinusundan naman sila nina Balayong dahil kay Lakay Lanubo na inaalalayan niya sa paglalakad at si Assassi na tangan ang umuusok na insensaryo na laging ginagamit sa mga seremonya. Mistulang pamana na kay Assassi ang insensaryo habang si Lakay Awallan ang Punong Sugo ng tribung Malauegs pagkat maliit pa lamang siya ay ito na ang laging tangan niya sa tuwing may okasyon sa komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit takot pa siyang hawakan ito noon dahil sa usok. Magdamag na dinasalan ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang tubig sa tukil na hawak ni Alawihaw upang tiyaking malinis ito kapag ginamit na sa pagbibinyag para hindi magkasakit ang sanggol sakaling nainom niya ito dahil sa kalikutan. Sa halip na pansinin muna ni Lakay Awallan ang sanggol na hilam sa luha ang mukha ay tumayo lamang siya sa tapat mismo nito saka umusal ng panimulang dasal pagkat hindi na bago para sa kanya ang ganitong tanawin. Pumuwesto na rin malapit sa banal na dambana ang lupon ng mga matatandang Malaueg pagkat sila ang magiging saksi sa isasagawang pagbibinyag sa sanggol dahil puspos sila ng maraming karanasan na malaking tulong sa pagbibigay ng payo pagdating ng araw. Gayunpaman, hindi na kataka–taka kung pinagdudahan pa rin ni Alawihaw ang lohika ni Lakay Awallan pagkat hindi pa naririnig hanggang ngayon ng mga katutubong Malauegs ang desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs kaya mahirap ang manalig sa katuwiran na dumaranas din ng matinding pagsubok. Pagkatapos, pinausukan ni Lakay Awallan ang mga handog sa loob ng dalawang bakol upang magiging katanggap–tanggap ito kay Bathala habang dinudunghap niya ang ginaganap na seremonya kung hindi siya abala sa mga higit na nangangailangan ng kanyang pagpapala. Sumabay sa pagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs matapos pausukan ni Lakay Awallan ang banal na dambana habang nagsisimula na rin ang pagsambulat ng sikat ng araw sa kabundukan ng Sierra Madre na sinalubong ng masasayang awitin ng mga ibon na waring ikinagagalak ang ginaganap na seremonya. Maya–maya, sumenyas si Lakay Awallan upang pangkuin ni Impong Ubak ang sanggol pagkat isusunod na ang pagbibinyag sa kanya na hindi mawari kung sadyang pumikit ngunit huwag naman sana mangyayari na magsalubong pa ang kanilang mga mata. Marahil, naramdaman ng sanggol ang init mula sa katawan ni Impong Ubak pagkat natigil ang kanyang pag–iyak at maaaring nanibago rin siya sa mga kamay na humawak sa kanya bukod pa ang amoy kahit naligo ang komadrona. Waring naintindihan naman ng munting nilalang ang isinasagawang seremonya pagkat tuluyan na siyang natahimik ngunit pikit man ang kanyang mga mata ay halatang hindi siya tulog kaya tuwang–tuwa ang kanyang mga magulang.
“Makapangyarihang Bathala! Hinihiling ko po . . . ang pahintulot mo! Upang binyagan ang snggol na naririto po ngayon . . . sa harapan mo! Marapatin mo po . . . na mapabilang siya sa magiging anak mo! Pagpalain mo po . . . ang sanggol na ito!” Binuksan ni Lakay Awallan ang kalakpan na naglalaman ng abo na dinasalan niya dito rin sa banal na dambana isang linggo bago ang ginaganap na pagbibinyag ngayon sa sanggol saka ipinagpatuloy ang kanyang pagdarasal na sinasabayan pa rin ng lupon ng mga matatandang Malauegs. Kung mga labi lamang ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang kumikibot ay malakas na boses naman ang naririnig mula kay Impong Ubak na sumabay rin sa pagdarasal sa pagbabakasakali na mahihikayat lumapit ang mga suwerte kaya napapadilat ang sanggol na pangko pa rin niya. Tahimik namang pinanood ng mga katutubong Malauegs ang ginagawang pagraraya ni Lakay Awallan mula sa noo ng sanggol patawid sa ulo hanggang sa balugbog nito gamit ang kanyang hinlalaki na itiniin sa abo nang biglang napaihi ang binibinyagan. Dahil inulit ito ni Lakay Awallan mula naman sa kaliwang tainga ng sanggol patawid uli sa ulo papunta sa kanyang kanang tainga ay kumunot ang noo niya na tila nagtatanong kung bakit napagdiskitahan ng matanda ang kanyang bumbunan. Sinusunod lamang ni Lakay Awallan ang pamahiin na dapat may taglay na raya ang sanggol upang hindi siya mauusog ng mga bantay sa kagubatan dahil magiging batayan nila ang guhit na krus sa kanyang ulo para isiping nabinyagan na siya. Wala sa seremonya ang pansin ni Dayandang pagkat nagtatalo ang kanyang sarili sa totoong dahilan kung bakit tahimik ang kanyang panganay habang isinasagawa ang pagbibinyag sa kanya hanggang sa naisip niya ang lumapit. Maya–maya, kumaway si Lakay Awallan upang akuin niya mula kay Impong Ubak ang pagpangko sa sanggol na nagbigay sa kanya ng pagkakataon pagkat kanina pa pinanabikang masakbibi ng kanyang mga bisig ang munting anghel sa buhay niya. Sandaling dumilat ang sanggol ngunit pumikit din matapos malasin ang mukha ng kanyang inang samantalang wala naman siyang narinig na bulungan kagabi mula sa kanyang mga magulang upang mapuyat siya. Muling dinasalan ni Lakay Awallan ang tubig na isinalin niya sa kalo mula sa tukil na tangan ni Alawihaw kahit isinabay na ito sa pagdarasal kagabi ng lupon ng mga matatandang Malauegs para magiging banal kapag dinawdaw ni Bathala pagkat apo ng Punong Sugo ng tribung Malauegs ang binibinyagan. Magkatabi ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang habang hinihintay nila ang huling pagbabasbas sa kanilang panganay na kumikisig sa tuwing nararamdaman ng kanyang hubad na katawan ang dampi ng hangin. Pagkaraan ang mahabang panalangin ni Lakay Awallan ay dumating din ang hinihintay na pagbabasbas sa sanggol ngunit hindi tiyak kung tulog siya dahil dumidilat naman sa tuwing nag–iingay ang mga ibon na tuwang–tuwa pa rin sa kanya. “Makapangyarihang Bathala! Sa pamamagitan po . . . ng kapangyarihan na ipinagkaloob mo sa akin! Bilang . . . Punong Sugo ng tribung Malauegs! Binibinyagan ko po ngayong araw . . . ang sanggol na ito! Sa pangalang . . . Bag–aw! Nawa . . . kakalingain mo po siya! Hanggang . . . sa kanyang paglaki! Gabayan . . . mo rin po siya! Sa lahat po . . . ng kanyang ginagawa! At huwag mo po sanang hahayaan . . . ang malugmok siya sa kapahamakan! Ginagawa ko po . . . ang pagbibinyag na ito! Bilang pagtalima . . . sa kautusan mo! Ummm!” Palibhasa, magdamag sa tukil ang tubig matapos itong dasalan kagabi ng lupon ng mga matatandang Malauegs ay talagang mistulang yelo ang dating nito sa katawan kahit kaunting patak lamang lalo’t sumabay pa ang lamig ng panahon sa ginagawang pagbibinyag. Tuloy, muling pumalahaw si Bag–aw nang maramdaman ang lamig sa kanyang noo na gumitla naman sa kanyang kahimbingan lalo’t dahan–dahan pa mandin ang ginawang pagbibinyag ni Lakay Awallan sa kanya hanggang sa nasaid ang laman ng kalo. Sadyang binagalan ni Lakay Awallan ang pagbuhos ng tubig upang isabay ito sa panalangin niya kahit nakabibinging pakinggan ang iyak ni Bag–aw kaya napahalakhak na lamang ang lahat dahil mistulang naalimpungatan siya. Habang walang pagsisidlan ng tuwa sina Alawihaw at Dayandang ngayong kabilang na sa mga anak ni Bathala ang kanilang panganay na waring nagsusumbong ang tono ng kanyang iyak dahil naabala ang kahimbingan niya. Lalong natawa ang mga katutubong Malauegs maging ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang magsimulang maglikot ang mga kamay ni Bag–aw pagkat muling naramdaman niya ang gutom dahil sa haba ng seremonya ng pagbibinyag gayong siya rin naman ang nakinabang. Nag–uumapaw sa kaligayahan ang mga puso nina Alawihaw at Dayandang ngayong may sariling pagkakakilanlan na si Bag–aw habang nabubuhay siya sa mundo na hindi tiyak ang taglay na kapalaran sa bawat bukas na dumarating. Naging hudyat sa pagtanggap ng bagong miyembro ng tribung Malauegs ang palakpak mula sa lupon ng mga matatandang Malauegs upang isagawa ang sayaw ng pasasalamat na sinimulan ni Alawihaw habang pangko ang kanyang panganay upang masunod ang pamahiin. Maya–maya, umiindak na rin si Dayandang upang sabayan ang kanyang mag–amang hanggang sa nahikayat sumali ang mga katutubong Malauegs sa tradisyon na laging isinasagaw sa tuwing may binyagan sa kanilang komunidad bilang pasasalamat kay Bathala. Aywan kung maaari nang sundan si Bag–aw pagkat hindi pa nakausap mula noon ni Alawihaw si Impong Ubak dahil naging abala siya sa pangangaso mula nang bumalik ang sigla sa katawan si Dayandang matapos ang panganganak nito. Lalong hindi sila nagkaroon ng pagkakataon kanina dahil tumulong sa ginagawang paghahanda ni Lakay Awallan ang komadrona ngunit tumatango siya habang mag–isang sumasayaw samantalang hindi pa sila nag–uusap. Laging nagtatapos sa kunday ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang sayaw ng pasasalamat sa binyagan kaya hindi naramdaman ng mga katutubong Malauegs ang kapaguran habang pansamantalang nawaglit naman sa kanilang mga kaisipan ang problema tungkol sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alacala.
Masayang pinagsaluhan ng mga katutubong Malauegs ang handa – inihaw na usa, inihaw na isda, tapa ng baboy–ramo, dinuguan at kaning malagkit na naging pananghalian na nila pagkat hindi naghain ng almusal kaninang umaga ang mga nakatalaga sa kusina dahil abala sila sa pagluluto ng mga putahe mula pa ng madaling–araw. Sa sagradong kubol inilatag ang mga pagkain para sa lupon ng mga matatandang Malauegs kasama sina Impong Ubak at ang mag–asawang Alawihaw at Dayandang at ang kanilang sanggol na maaaring matindi ang nararamdamang gutom pagkat tuluy–tuloy pa rin ang pagsuso niya. Habang pabor naman sa mga katutubong Malauegs kung hindi nila kasabay ang lupon ng mga matatandang Malauegs kahit nagkasya sila sa hapag pagkat wala namang pagkakaiba ang mga inihaing pagkain sa loob ng sagradong kubol kaysa kanilang pinagsasaluhan basta masaya sila. Gaano kalayo man ang bayan ng Alcala ay nagiging malapit lamang ito kapag ginusto nila ang bumili ng basi dahil hindi kumpleto ang kasayahan ng mga kalalakihang Malauegs kung walang inuman pagkat dapat samantalahin ang pagkakataon para malubos ang katuwaan. Hustong lumabas ng sagradong kubol si Alawihaw upang iuwi ang kanyang mag–inang para hindi madidisturbo ang kahimbingan ni Bag–aw matapos magsuso ngunit kailangan paunlakan muna niya ang alok ni Lupog. Para sa bagong amang ang una’t pangalawang tagay kung hindi tanggihan ni Alawihaw dahil hindi niya nakasanayan ang uminom ng basi ngunit tiniis na lamang niya ang sahang ng alak para pagbigyan ang mga kalalakihang Malauegs.
ITUTULOY
No responses yet