Matapos tunggain ni Alcalde ang kanyang kopita ay muli niyang sinalinan ito saka nag–alok ng brindar por los vencedores na tinanggap naman nina Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz at Expedito Monsanto del Solamente dahil kanina pa inaabangan ito ng dalawa bilang bahagi ng okasyon upang ipagbunyi ang tagumpay. Kaagad nagsalin si Alferez para sa panlabing–anim na tagay ngunit kalahati lamang ang laman ng kanyang kopita pagkat said na pala ang alak sa bote kaya napatingin muna siya sa estante bago sumabay sa kanila na naghihintay sa kanya. “¡Por nuestro gobierno! ¡Por nuestro pais Espana! ¡Viva Espana!” Muntik pang matapon ang alak dahil sa lakas ng pagkapingkian sa mga kopita para masabayan lamang nila si Alcalde habang isinisigaw niya ang papuri upang ialay sa bansang España ang kanyang tagumpay na natamo sa balakyot na kaparaanan. Naniningkad na mga pruweba kung paano nagkaroon ng malawak na lupain sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga opisyal ng mga pamahalaang Kastila ng Alcala samantalang saplot ng kanilang mga katawan ang tanging dala lamang nang dumating sila sa pueblo Fulay hanggang sa naging bayan ng Alcala ito. Katunayan, ang tunay na layunin ng gobierno revolucionario ay itatag ang sibilisasyon upang magkaroon ng mapayapang pamayanan ang dating pueblo Fulay habang ipinapalaganap naman ng mga prayle ang kristiyanismo pagkat ito ang pangalawang dahilan nang sakupin ng bansang España ang Pilipinas. Hanggang sa pumayag magpabinyag ang karamihan nang mamamayan ng pueblo Fulay matapos yakapin nila ang bagong pananampalataya kaya tinawag silang mga katutubong binyagan ngunit ang mga hindi bumitiw sa kanilang pananalig partikular ang mga naninirahan sa kabundukan ng Sierra Madre ay tinawag na mga katutubong erehe. Maganda ang layunin ng gobierno revolucionario ngunit nagkaroon ito ng maraming pagbabago sa paglipas ng mga panahon hanggang sa dumating ang mga bagong mukha upang pamunuan ang bagong tatag na pamahalaang Kastila ng Alcala matapos maging bayan ng Alcala ang dating pueblo Fulay. Ginamit ng bagong pamunuan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanyang kapangyarihan upang magpatupad ng mga batas para sa kanyang kapakinabangan na hindi niya natamasa sa pinanggalingang bansa nang matuklasan niya ang malawak na kalupaan sa munisipalidad ng Alcala. Samakatuwid, nawalan ng saysay ang pagpapalaganap ng kristiyanismo nang yurakan ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang mga karapatan ng mga katutubo ng Sierra Madre dahil sa mapag–imbot na hangarin sa mga lupain gayong hindi naman sila ang tunay na nagmamay–ari pagkat dinatnan na lamang nila ito noong itinalaga sila sa bayan ng Alcala. Tuloy, naging bangungot para sa mga katutubo ng Sierra Madre ang pagkakaroon ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat lalong nasadlak sa kumunoy ng kahirapan ang kanilang buhay kapara nang sinapit ng mga katutubong Malauegs ng Calantac dahil sa pagpapatupad sa mga ordinansa na panlilinlang lamang ang layunin. Hindi man lamang ba sumagi sa pamahalaang Kastila ng Alcala na malaking pagkakamali upang samantalahin ang kamangmangan ng mga katutubong Malauegs dahil tao rin sila kahit sa kabundukan ng Sierra Madre naninirahan ngunit naiintindihan nila kung ano ang kaibahan ng tama sa mali pagkat may mukta sila na tumutulong sa kanilang pagpapasya? Sakaling naisin ng mga katutubong Malauegs ang manindigan sa madugong hamon kung ito ang nalalabing paraan upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa mga lupain na pamana pa ng kanilang mga ninuno ay tiyak na dadanak ang dugo sa kabundukan ng Sierra Madre. Kahit wala silang pinanghahawakan na anumang papeles na nagpapatunay sa pagmamay–ari nila sa mga lupain matangi sa pamana ngunit ito naman ang katotonanan na hindi puwedeng baguhin ng sibilisasyon lalo’t walang alam sa totoong kasaysayan ng mga katutubo ng Sierra Madre ang mga banyaga.
“¡Viva España! ¡Viva España!” Pagkatapos, masayang tinungga nang sabay–sabay ang kani–kanilang kopita hanggang sa mapahit ang laman kaya muling gumuhit sa mga mukha nina Alcalde, Alferez at Expedito Monsanto del Solamente ang mga ngiti ng tagumpay taglay sa mga huwad na titulo na ginawa lamang sa loob ng isang linggo. Maliban kay Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz pagkat may natitira pang kalahati sa kanyang kopita dahil talagang hindi mapaknit sa isip niya ang promosyon na pinapatunayan naman ng kanyang mahiwagang umis kahit hindi siya nagsasalita. Marahil, kapos para kay Alcalde ang isang tagay dahil muling sinalinan ang kanyang kopita pagkat ngayon pa lamang yata nararamdaman niya ang pananabik sa alak matapos pirmahan niya ang mga huwad na titulo. Siyempre, hindi nagpalamang si Alferez nang mapansin ang ginawa ni Alcalde pagkat sinambot niya ang bote upang salinan din ng alak ang kanyang kopita kahit napapadalas ang angat niya nito papunta sa kanyang bibig. Maya–maya, kinuha ni Alcalde mula sa gaveta ang malaking sobre saka ipinaloob doon ang mga huwad na titulo na pirmado nilang tatlo – si Alferez, ang agrimensor at siya upang tiyakin na hindi mapapatakan ng alak para hindi magkatotoo ang kasabihan. Dumako sa sobre ang mga mata ng agrimensor pagkat napasama rin doon ang dalawang titulo ngunit hindi siya nababahala pagkat puwedeng pasukin niya ang opisina ni Alcalde dahil laging maaga ang pasok niya sa munisipyo ng Alcala. Bagaman, isinasara ng guwardiya sibil ang opisina ni Alcalde sa tuwing umuuwi siya sa residencia ejecutiva ay hindi naman ito itinatrangka kaya nagawa niya ang pumasok kanina upang iwan ang mga huwad na titulo dahil wala pa siya na tinanghali ng gising. Kailangan lamang tiyakin ng agrimensor na iniiwan ni Alcalde sa opisina ang mga huwad na titulo para hindi mabubulilyaso ang kanyang plano pagkat sulit din sa pagod at hirap na dinanas niya ang pakinabang na maibibigay ng dalawang titulo. Hindi naman lubos maramdaman ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang kasayahan kahit kabilang siya sa mga naroroon pagkat laging umuukilkil sa isip niya ang tungkol sa promosyon dahil tuluyan na yatang nalimutan nina Alcalde at Alferez ang kanilang pangako. Lalo’t mistulang nalulunod sa labis na kagalakan ang mga puso’t damdamin ng dalawang opisyal dahil minsan pang nagtagumpay ang kanilang plano nang walang kahirap–hirap sanhi upang mawaglit sa isip nila ang ipinangakong promosyon para sa Sargento Primero. Tuloy, natanong niya ang sarili kung tama ba ang maghuramentado na lamang siya para ipaalaala kina Alcalde at Alferez ang tungkol sa kanyang promosyon hanggang sa napayuko siya upang tiyaking nakasukbit ang kanyang pistola. Hanggang sa napangiti siya pagkat kabaliwan din naman upang sayangin ang kanyang serbisyo dahil lamang sa pangako na hindi nila tinupad kaya nilunod na lamang sa alak ang kanyang sarili sa pagbabakasakali na malilimutan din niya ito. Hustong narinig sa bayan ng Alcala ang hudyat ng alas–doce ng tanghali mula sa kampana ng munisipyo ng Alcala nang dumating si Zafio dala ang pananghalian ni Alcalde gayundin ang pulutan na sadyang ipinaluto nito sa mayordoma para sa okasyon ngayong araw. Tanong na hindi pa puwedeng sagutin kung nabalitaan na ba ni Señora Mayora ang tungkol sa pulutan pagkat mahilig din mang–upat ang kutsero basta asahan na lamang ang guerra mundial mamayang gabi sa residencia ejecutiva pagkat seguradong si Alcalde ang pagbubuntunan ng galit dahil hindi niya kayang komprontahin ang mayordoma.
Hindi naman nakapagtataka kung sa sobrang kahimbingan ay naghihilik si Alferez pagkat halos siya na lamang ang umubos sa sampung bote ng alak kanina habang ginaganap ang pirmahan sa mga huwad na titulo sa opisina ni Alcalde na tumagal lamang ng alas–seis nang hapon. Katunayan, hindi na niya nakayanan ang pumasok pa sa kanyang kuwarto dahil sa matinding kalasingan ngunit naging normal na lamang ang makitang lagi sa ganitong ayos ang sarili niya sa tuwing bumabalik siya sa opisina. Sapagkat nakalimutan na rin niya ang maghapunan ay ginapangan na ng mga ipis at mga langaw ang kanyang pagkain dahil sanay na ang kanyang estomago na alak lamang ang tinutunaw sa maghapon at magdamag. Mistulang nagkaroon ng sanaw ng laway at suka ang mesa kung saan lumungangi ang kanyang ulo ngunit naging mahimbing pa rin ang kanyang tulog dahil balewala na lamang sa kanyang ilog ang nakasusulukasok na asngaw ng yamutmot. Sakaling malasing din ang mga lamok na kanina pa lumulusob sa kanya ay hindi na dapat pagtakhan dahil mas marami pa yata ang alak na dumadaloy sa kanyang mga ugat kaysa dugo na pinalabnaw na ng alkohol. Nakahaway naman ang kanyang mga kamay dahil ngayon pa lamang yata nangamay mula sa mahigpit na pagkakahawak niya sa kopita sa tuwing nagsasalin siya ng alak upang tunggain ng bibig niya na laging naghihintay sa tagay. Ganito ang ayos ni Alferez nang mapasukan siya ng guwardiya sibil na nagulat pa dahil naging himala para sa kanya ang makita siya na maagang bumalik sa opisina kung ikumpara sa mga nagdaang gabi na laging madaling–araw kung dumating. Seguro, nakaramdam ng gutom ang guwardiya sibil dahil dala niya ang pagkain ni Alferez nang muling lumabas siya sa opisina imbes na ginising ang opisyal upang pumasok sa kanyang kuwartel kaysa hinayaang matulog sa silya. Naging mabilis yata ang inog ng mundo pagkat mamaya lamang ay inihudyat na sa kampana ng munisipyo ng Alcala ang pagsapit ng hating–gabi na sinundan agad ng kampana ng simbahan ng Alcala kaya lalong tumindi ang katahimikan sa bayan ng Alcala dahil naging mahimbing ang lahat kahit araw ng palengke bukas ng umaga. Tiyak hindi na naramdaman ni Alferez ang magkasunod na hudyat ng dalawang kampana dahil lalong napahimbing ang kanyang tulog nang sumigid ang lamig sa madaling–araw ngunit nagising ang guwardiya sibil upang alamin ang kanyang kalagayan. Lumipas ang magdamag na tahimik ang kabayanan hanggang sa nagsimula nang magdatingan sa pamilihang bayan ng Alacala ang mga komprador na nanggaling pa sa iba’t ibang bayan upang sambutin ang mga murang paninda ng mga katutubo ng Sierra Madre. Kaya maaga rin nagsibalik sa kuwartel ang mga guwardiya sibil matapos isagawa ang magdamag na pagroronda upang umidlip kahit sandali pagkat muli silang babalik mamaya sa pamilihang bayan ng Alcala upang magbigay ng seguridad sa araw ng palengke.
Naging kalmado si Señora Mayora mula nang malaman niya ang tungkol sa mga huwad na titulo sa halip na itinuloy ang balak niyang diborsiyo kay Alcalde dahil pinanghinayangan din naman niya ang malilikom na halaga kapag naibenta ang mga ito sa mga negosyante. Laging mahimbing ang tulog ni Alcalde mula noon hanggang ngayong gabi lalo’t adobong baboy at kanin na sinaing sa pandan ang naging hapunan niya habang inaalalayan ng mayordoma upang tiyaking nabusog siya. Pero ang talagang nagpapagana sa kanyang pagkain ay ang pritong bislad na paboritong ulam niya habang alamang mula sa lalawigan ng Pangasinan na ginisa sa dalawang kilong taba na linahukan ng siling labuyo ang paborito naman ni Señora Mayora. Kabutihan, hindi ginambala ng bangungot si Alcalde kahit dinig hanggang sa labas ng bintana ang kanyang malakas na hagok dahil laging dumadalaw sa kanyang panaginip ang mga alitaptap upang ipasyal siya sa kagubatan ng Sierra Madre. Tunay na palaisipan kung ano ang kahulugan ng kanyang panaginip basta siya mismo ang naaalimpungatan dahil sa kanyang hilik na mistulang tunog ng baradong makina ng sasakyan ngunit walang dapat ikabahala kahit nag–ulam siya ng adobong baboy. Sapagkat wala pa siya sa listahan ng mga nakatakdang salunuin ng kamatayan dahil nagsisimula pa lamang ang kanyang panlilimbong sa mga katutubong erehe sa kabundukan ng Sierra Madre dahil ito naman ang talagang layunin nang ipasya nilang mag–asawa ang manirahan ng Pilipinas. Marahil, walang epekto kay Señora Mayora ang hilik ni Alcalde dahil naparami yata ang kain niya ng adobong baboy na idinildil sa ginisang alamang habang matindi ang paghihinagpis ng kalooban kaya mahimbing din ang tulog niya. Mangyari, ibinuhos na lamang niya sa adobong baboy ang galit na hindi niya naibulalas habang kumakain sila ni Alcalde pagkat tandisang gumagawa ng paraan ang mayordoma upang mangingimbulo siya ngunit nagawa pa rin niya ang magtimpi. Dahil si Alcalde lamang ang pinapaypayan ng mayordoma samantalang magkatabi naman sila ni Señora Mayora ngunit maaaring sinasadya na lamang nito upang lalong atakehin siya ng infarto para mapapadali ang pagiging biyudo ng kanyang esposo. Sana, hindi atakehin ng alta presyon si Señora Mayora maski makabubuti na rin seguro kaysa inaaway niya si Alcalde gayong walang dahilan upang maninibugho siya sa mayordoma pagkat siya naman ang laging kasiping nito sa pagtulog tuwing gabi. Ngunit nakapagtataka rin naman dahil lalong tumataba si Señora Mayora imbes na pumapayat kahit nakahiligan na niya ang paglalakad nang paluhod mula sa pintuan ng simbahan ng Alcala hanggang sa altar pagkat hindi simpleng sakit ang selos. Unti–unting pinapatay ng selos ang katawan kahit gaano pa siya kalusog hanggang sa humahantong ito sa masidhing konsumisyon na nakaaapekto naman sa utak ngunit huwag naman sanang magdilang–propeta ang mayordoma dahil hindi pa natutuklasan ang gamot para sa mga baliw. Sa halip na araw–arawin ni Señora Mayora ang paglalakad nang paluhod ay kaibiganin na lamang niya ang mayordoma habang tinutuklas niya ang katotohanan tungkol sa usap–usapan na magkasalo sila nito sa pagmamahal ni Alcalde. Kaysa mababaliw siya ay seguradong si Alcalde naman ang maghamon ng diborsiyo upang gawing maybahay niya ang mayordoma kahit madilim pa sa gabi ang kutis nito kung kaya naman siyang bigyan ng isang dosenang anak.
Pagkaraan ang walong buwan mula nang ipinatupad ang ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento ay nagtatanong ngayon ang sarili ni Alcalde kung tumalima ba rito ang mga katutubong Malauegs ng Sierra Madre dahil nabaling sa mga huwad na titulo ang kanyang pansin. Paulit–ulit na binabasa niya ang ordinansa na nagtataglay ng kanyang pirma upang tiyakin kung hanggang kailan magwawakas ang palugit bago patawan ng parusa ang mga lumalabag dito para hindi magkakamali ang kanyang desisyon. Lalo’t wala rin nababanggit ang tesorero maski madalas nagsasabay ang pagpasok nila sa munisipyo ng Alcala sa tuwing umaga pagkat naging abala siya para dar seguimiento sa mga huwad na titulo upang tiyakin na maisusumite ito ng agrimensor pagsapit ng takdang araw. Bagaman, malakas ang kanyang sapantaha na binalewala lamang ng mga katutubong Malauegs ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala ay nais pa rin niyang tiyakin mula sa tesorero kahit hindi ito ang magiging batayan sa pagpapatupad sa kanyang plano sakaling tama siya. Yamang handa na ang mga huwad na titulo upang mapapawalang–bisa ang pagmamay–ari ng mga katutubong Malauegs sa kanilang mga lupain kahit gaano pa katagal ang paninirahan nila sa kabundukan ng Sierra Madre dahil hindi ebidensiya ang pamana na madaling bigkasin sa bibig upang kilalanin ito ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Kaya ipinatawag niya ang tesorero kahit kararating pa lamang niya sa opisina upang kumpirmahin ang kanyang sapantaha pagkat kailangan maisasakatuparan na ang kanyang plano ngayong wala nang sagwil para patatagalin pa ito. Pati rin sana si Alferez ngunit bumalik si Zafio na inutusan niya upang sabihin na maaaring sumaglit siya sa pamilihang bayan ng Alcala pagkat araw ng palengke ngayon ngunit nangako naman ang nakatalagang guwardiya sibil sa opisina na ipaparating nito ang bilin para sa opisyal. Subalit ipapatawag pa rin niya si Alferez kapag nakumpirma niya mula sa tesorero na walang katutubong Malauegs ang nagbayad sa buwis at amilyaramyento upang ihanda nito ang plano pagkat malinaw na naging malatuba sila sa utos ng pamahalaang Kastila ng Alcala. Hindi niya hahayaan na suwayin ng mga katutubong Malauegs ang batas pagkat dito malalaman kung may takot sila sa pamahalaang Kastila ng Alcala lalo’t siya pa mandin ang pumirma sa kautusan bilang punong–bayan ng Alcala ay malinaw na golpeo en su cara ito para sa kanya kaya hindi dapat palampasin. Muling binasa ni Alcalde ang ordinansa kahit maraming beses nang napasadahan ng kanyang mga mata upang palipasin ang kanyang pagkainip sa paghihintay sa tesorero hanggang sa tinungo niya ang bintana para tanawin ang simbahan ng Alcala. Tuloy. natanong niya ang sarili kung ilang misa na ba ang hindi niya nadaluhan ngunit salungat ang tugon na sumagi sa kanyang isip nang maalaala niya si Padre Lucrecio Anton Nacarado dela Mallorga dahil lagi na lamang binabanggit ang kanyang pangalan sa sermon nito. Kunsabagay, hindi naman niya naramdaman ang kamalasan maski matagal nang itinigil niya ang pagsisimba pagkat taliwas sa sermon ng kura paroko ng Alcala ay mistulang agos ng tubig ang daloy ng suwerte sa kanyang buhay mula nang dumating siya sa bayan ng Alcala. Sa halip na maglabas ng bote ng alak mula sa estante nang bumalik siya sa mesa ay minabuti niya ang hintayin na lamang ang pagdating ni Alferez mula sa pamilihang bayan ng Alcala kahit kanina pa nanunuyo ang kanyang lalagukan dahil walang saya kung mag–isa lamang siya. Kasalukuyan namang umaakyat sa hagdanan ang tesorero habang nagtataka kung bakit ipinatawag siya ni Alcalde gayong magkasunod lamang silang dumating kanina sa munisipyo ng Alcala ngunit wala naman siyang nabanggit sa kanya.
“¡Buenos dias . . . Alcalde! ¿Me llamaste?” Pinapatunayan sa tango ni Alcalde na talagang ipinatawag niya ang tesorero upang mabigyan ng linaw ang mga katanungan na gumagambala sa kanyang isip dahil hindi dapat pinapatagal ang problemang ito upang hindi masisira ang kanyang mga plano. Sa pamamagitan ng senyas ni Alcalde ay saka pa lamang pumasok sa opisina ang tesorero na kanina pa kinakabahan pagkat wala naman siyang ginagawang gawak sa tuwing nagpapalabas ng pondo upang ipatawag siya sa unang pagkakataon mula nang naging ingat–yaman siya sa munisipyo ng Alcala. Minabuti ng tesorero ang huwag na lamang umupo nang ituro sa kanya ni Alcalde ang silya dahil sa pag–aakala na hindi siya magtatagal kahit hindi segurado pagkat pansin agad niya sa mukha nito ang urgencia sa kanilang paghaharap.
ITUTULOY
No responses yet