IKA–42 LABAS

Dahil hindi naman pala nakabahag ang kanilang natatanaw na karaniwan nang suot ng mga kalalakihang katutubo ng Sierra Madre kahit saan sila pumupunta at waring may kani–kanyang sakbat sila habang naglalakad patungo sa direksiyon na hindi pa nila makumpirma.  Lalong tumibay ang paniniwala ng dalawang bakay na grupo ng mga armadong kalalakihan ang natatanaw nila dahil naging kaduda–duda rin ang kanilang bilang habang unti–unting inilalantad sila ng liwanag ng araw kaya naisip nila ang iparating agad ito kay Lakay Awallan.  Mabilis na tumalilis ang isang bakay para bigyan ng babala si Lakay Awallan at ang lupon ng mga matatandang Malauegs na sandaling huminto mula sa pagdarasal nang pumasok sa sagradong kubol sina Balayong at Assassi upang ihatid ang mainit na salabat na kanina pa nila hinihintay.  Habang ipinagpatuloy naman ng naiwan sa bukana ang pagmamatyag upang magabayan niya ang mga kalalakihang Malauegs tungkol sa eksaktong posisyon ng grupo ng mga armadong kalalakihan pagkat naseseguro niya na papunta sila sa kanilang komunidad.  Nakatulong ang pagiging masigasig sa pagbabantay ng dalawang bakay dahil nabigyan ng babala ang lupon ng mga matatandang Malauegs nang mapansin agad nila ang maagang pagdating ng panganib sa kanilang komunidad kahit tulog pa ang karamihan sa mga katutubong Malauegs.

            “Apong Awallan!  Apong Awallan . . . may dumarating po!  Opo!”  Napasugod hanggang sa pintuan ng sagradong kubol si Lakay Awallan nang marinig niya ang sigaw ng bakay habang tumatakbo upang abisuhan siya at ang lupon ng mga matatadang Malauegs tungkol sa kanilang nareparo mula sa bukana dahil hindi normal na tanawin ito sa tuwing umaga.  Labis ang pagkagitla ni Lakay Awallan nang marinig ang balita dahil wala naman silang inaasahang panauhin partikular ang mga Punong Sugo mula sa ibang tribu upang iparating lamang ang kanilang pagbati pagkat naipagdiwang na nila ang taunang dayaw kagabi.  Sumunod din si Lakay Lanubo sa tulong ni Balayong at ang mga matatandang Malauegs pagkat nagtaka sila nang mapakinggan ang balita mula sa bakay hanggang sa naramdaman nila ang matinding pangamba nang magpaalaala ang kanilang resposibilidad sa mga katutubong Malauegs.  Tuloy, nagkatinginan sila habang nagtatanong sa isa’t isa ang kanilang mga mata ngunit walang nagtangkang magsalita pagkat natatakot kumpirmahin ang kanilang hinala dahil sa mga katutubong Malauegs na matagal nang naghihintay sa kanilang desisyon.  Muli nilang sinundan si Lakay Awallan na dali–daling sumagsag papunta sa gulod kasama ang bakay at si Assassi upang kilalanin ang mga dumarating sa kanilang komunidad pagkat natatanaw mula roon ang kapatagan ng Sierra Madre kahit makulimlim ang panahon.  Nang makumpirma ni Lakay Awallan na talagang patungo sa kanilang komunidad ang mga dumarating ay nagtatanong naman ang kanyang sarili kung sino sila nang sandaling nawaglit sa kanyang alaala ang matagal nang inaasahan nilang pagbabalik ng mga soldados.  Maaaring hindi rin niya ipinagpalagay na posibleng mga soldados ang natatanaw ng mga bakay ngunit ikinabahala pa rin niya ang kanilang pakay sa ganitong oras ng umaga lalo’t tulog pa ang karamihan sa mga katutubong Malauegs kaya napalingon siya.  Hanggang sa muling nagkatinginan ang mga matatandang Malauegs dahil napatunayan na hindi pala nagkamali ang kanilang kutob nang unti–unti nang lumilinaw sa mahinang paningin nila ang kasuutan ng mga dumarating maging ang tangang sandata habang naglalakad ang mga ito.  Kisap–matang dumiklap sa mga matatandang Malauegs ang ordinansa ng pamhalaang Kastila ng Alcala matapos ang walong buwan na binalewala nila ito nang maramdaman nila ang matinding pagkabahala lalo’t sumiglaw pa sa kanila si Lakay Awallan na naninisi sa kanila ang tingin nito.  Gayunpaman, wala silang narinig mula kay Lakay Awallan kahit malaki ang posibilidad na sila ang pagbubuntunan ng sisi ng mga kalalakihang Malauegs dahil hindi puwedeng ikatuwirang nawaglit na sa isip nila ang tungkol sa buwis at amilyaramyento makaraan ang walong buwan pagkat obligasyon nila ito.  Batid naman ng lupon ng mga matatandang Malauegs na nakasalalay sa kanilang desisyon ang kinabukasan ng tribung Malauegs lalo’t sangkot sa maselang problema ang pamahalaang Kastila ng Alcala dahil ito ang nagpatupad sa ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento kaya hindi dapat ipinagwalang–bahala.  Basta nasambit na lamang ni Lakay Awallan na sana taglay ng mga soldados ang magandang dahilan sa kanilang pagbabalik sa komunidad nila kahit malakas ang kanyang kutob na taliwas sa inaasahan niya ang totoong pakay nila.  Pero masidhi pa rin ang pakiusap niya kay Bathala na sana hindi mga soldados ang natatanaw nila pagkat tiyak na hindi nila kakayanin sakaling humantong sa karahasan ang kanilang pagdating pagkat puyat silang lahat kagabi.  Ngunit hindi puwedeng pasisinungalingan ang kanilang kasuutan upang ipagpilitan niya na hindi mga soldados ang dumarating dahil imposible na nanggagaling sa ibang tribu ang grupo na maagang nagparamdam sa kanila.  “Talaga yatang papunta sila sa atin . . . Apong Awallan!”  Mula sa bakay ang bulong matapos niyang matiyak na patungo sa kanilang komunidad ang grupo ng mga armadong kalalakihan ngunit tumango lamang si Lakay Awallan na masigasig pa rin sa pagmamatyag kahit may kahinaan ang kanyang mga mata.  Sapagkat hindi matanggap ng kanyang kalooban na mga soldados ang natatanaw nila dahil natatakot siya sa maaaring mangyayari pagkat matagal nang hindi nila napaghandaan ang kanilang pagbabalik nang magtiwala sila sa maling palagay.  Gayundin ang mga matatandang Malauegs nang mapagtanto ang kanilang pagkakamali sa mga katutubong Malauegs pagkat hindi na nila maitatanggi ngayon ang katotohanan na talagang huli na ang lahat upang magpalabas pa sila ng desisiyon kung kailan tanaw na nila ang panganib.  Ano pa ang kabuluhan ng kanilang desisyon para sa mga katutubong Malauegs ngayong dumarating na ang pinangangambahan nilang lahat makaraan ang walong buwan na binalewala lamang nila ito sa halip na masinsinang pinag–ukulan ng solusyon?  Disin, nagamit sa ganitong pagkakataon ang kanilang desisyon kahit hindi pumapabor sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala dahil talagang hindi rin nila kakayanin ang malaking pagkakautang sa buwis at amilyaramyento pagkat paglalako lamang ng mga gulay ang ikinabubuhay nila.  Ngunit magiging inspirasyon naman para sa mga kalalakihang Malauegs ang desisyon ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil tiyak na magsisilbing gabay nila ito upang paghandaan ang posibleng aksiyon ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa kanila kahit totoong desbentaha sa panig nila sakaling magkaroon ng sagupaan.  Naghahanap naman ang mga mata ni Lakay Awallan nang lumingon siya pagkat hindi man lamang nagparamdam ang mga kalalakihang Malauegs samantalang kanina pa sila nagmamasid mula sa gulod upang matyagan ang galaw ng grupo ng mga armadong kalalakihan upang hindi sila masusungkaran.  Ayaw niyang isipin na pumasok na sila sa kagubatan upang mangangaso pagkat madaling–araw na sila natulog nang magising naman siya para magpahatid kay Assassi sa sagradong kubol upang mag–alay  ng pasasalamat kay Bathala dahil nairaos nila ang taunang dayaw.  Wala rin si Alawihaw upang malaman sana niya ang tungkol sa panganib na nagbabanta sa kanilang komunidad kahit naseseguro ni Lakay Awallan na hindi siya pumasok sa kagubatan upang mangangaso ngunit maaaring napuyat din.  Tuloy, nagduda si Lakay Awallan na maaaring nalasing kagabi ang mga kalalakihang Malauegs kahit ipinagbabawal na niya ang pag–iinom ng basi sa tuwing may okasyon para magiging madali na lamang sa kanila ang rumesponde kapag dumarating sa kanilang komunidad ang ganitong sitwasyon.  Napapadalas ang iling ng kanyang ulo nang maipagpalagay na maaaring naghihilik pa ang mga kalalakihang Malauegs pagkat wala pang lumalapit sa kanya gayong kanina pa siya sa gulod kung kailan kailangan sila upang mapaghandaan na sana ang pagdating ng mga soldados.

            “Nakilala mo ba sila . . . ha?!”  Si Lakay Lanubo ang pinanggalingan ng tanong dahil ngayon pa lamang siya dumating sa gulod pagkat inuwi muna siya ni Balayong upang pakainin ng almusal pagkat ito ang mahigpit na payo sa kanya ng albularyo para hindi siya nalilipasan ng gutom.  Bumalik din si Balayong upang gisingin sina Alawihaw at Lupog nang malaman niya na wala ang dalawa dahil seguradong kailanganin sila ni Lakay Awallan pagkat hindi maipagkakaila na problema ang hatid ng mga dumarating sa kanilang komunidad.  Sumabay din naman siya sa inuman kagabi ngunit hindi rin nagtagal dahil kay Lakay Lanubo pagkat importante ang buhay ng kanyang amang kaysa basi kaya pinagtitiyagaan niyang hilutin gabi–gabi ang matanda maski pagod ang kanyang katawan.  Kaya laging mahimbing ang tulog ni Lakay Lanubo maski pagod siya sa maghapong pagdarasal sa loob ng sagradong kubol pagkat totoong gumagaan ang kanyang pakiramdam sa tuwing nahihilot siya ni Balayong bago magpahinga sa gabi.  Sa halip na bumalik sa inuman si Balayong matapos niyang hilutin si Lakay Lanubo ay natulog na rin siya dahil aabangan sana niya ang kulay ng langit kung hindi lamang makulimlim ang panahon hanggang sa naidlip siya sa loob ng sagradong kubol.  Lumabas lamang siya sa sagradong kubol upang samahan si Assassi sa pagpapakulo ng salabat sa kusina ngunit makapal na dagim ang kanyang natatanaw nang tumingala siya pagkat hindi pa rin nagbabago ang paninimdim ng panahon.  Aywan kung panganib ang ibinabadya ng masamang panahon dahil narinig na lamang nila ang sigaw ng bakay kahit hindi ito ang inaasahan nila ngunit mahirap ipagwalang–bahala ang pahiwatig ng langit habang sakmal ito ng dagim.  Katunayan, lumabas pa siya sa sagradong kubol pagkat ayaw niyang iugnay sa masamang balita ang tanawin sa paligid dahil posibleng nagkataon lamang nang maramdaman ng mundo ang panglaw sabay sa pagluluksa ng kalikasan.

            “Marami ba sila . . . ha?!”  Aywan kung kanino nagmula ang tanong dahil hindi mapiho kung narinig ito pagkat abala pa rin sa pagmamatyag ang bakay habang ginagabayan niya si Lakay Awallan upang masusundan nito ang kanyang itinuturo sa kahuyan.  Halos ayaw kumurap ang mga mata ng bakay upang titigan nang mabuti ang mga dumarating hanggang sa napasulyap pa siya kay Lakay Awallan pagkat biglang may naalaala siya nang ganap nang malantad ang kanilang mga kasuutan.  Nang iglap nagbalik sa kanyang gunita ang araw nang unang narating ng mga soldados ang kanilang komunidad dahil ganoon din ang namamalas niyang kasuutan nila ngayon kahit nagtatago sila noon nang dumating sila.  At ang pinangingilagan nilang mga fusil kahit sa kuwento pa lamang nalaman nila na nakamamatay ang mga putok nito kaya naging katanungan ng kanyang sarili ang kanilang totoong pakay dahil marami sila ngayon kung ikumpara noon.  Bagaman, nakabuti ang maagap na pagpaparating nila ng impormasyon kay Lakay Awallan pagkat mga soldados pala ang natatanaw nila habang papunta sa kanilang komunidad ngunit ramdam naman nila ang pangamba dahil pangatlong balik na nila ito sa kanilang teritoryo.  Lalo’t tulog pa yata ang mga kalalakihang Malauegs kaya idinaan na lamang sa malalim na buntung–hininga ang pagtitimpi ni Lakay Awallan dahil hindi pa sila sumunod sa kanya hanggang sa naipasya niya ang utusan si Assassi upang gisingin kahit si Alawihaw man lamang.  Pero parating na si Balayong na sadyang bumalik matapos ihatid sa gulod si Lakay Lanubo upang gisingin naman sina Alawihaw at Lupog ngunit hindi tiyak kung sumunod agad ang dalawa dahil nagtatakbo na siya sa halip na hintayin pa sila.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *