IKA–43 LABAS

“Apong Awallan!  Mga soldados . . . ang dumarating!  Papunta po sila . . . sa komunidad natin!  Marami po sila . . . Apong Awallan!”  Pagkaraan ang mahabang pagmamatyag na nagsimula kaninang madilim pa lamang ay walang pagdududa na kinumpirma ng bakay sa bukana ang kanilang hinala na mga soldados ang naglalakad papunta sa kanilang komunidad.  Dahil sa kagustuhang tiyakin ang tinuran ng bakay ay nagmamadaling tumuloy sa bukana si Lakay Awallan habang inaalalayan ni Assassi upang hindi siya dumulas sa paglalakad dahil pababa ang bulaos na laging basa sa hamog sa tuwing umaga.  Kahit kanina pa ibinubulong ng kanyang isip na imposible para dumayo ang kabilang lipi kung wala naman silang mahalagang pakay dahil nangyayari lamang ito noong wala pang mga Punong Sugo ang namumuno sa iba’t ibang tribu ng mga katutubo ng Sierra Madre.  Tumututol lamang ang kanyang kalooban pagkat pinangangambahan niya ang tunay na layunin ng mga soldados matapos magpaalaala sa kanya ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na tandisang nilabag nila hanggang sa tumagal ito ng walong buwan.  Nagmamadali namang bumalik sa sagradong kubol ang mga matatandang Malauegs nang walang paalam kay Lakay Awallan sa pagbabakasakali na masasagkaan pa sa pamamagitan ng dasal ang napipintong pagsalakay ng mga soldados sa kanilang komunidad kung hindi rin puyat kagabi si Bathala dahil sa taunang dayaw.  Maliban kay Lakay Lanubo dahil minabuti ni Balayong ang iuwi na lamang siya sa kanilang kubol upang doon maghintay para maililikas agad siya sa yungib sakaling humantong sa kaguluhan ang pagdating ng mga soldados.  Tuloy, sina Lakay Awallan, Assassi at ang dalawang bakay ang naiwan na lamang sa bukana upang ituloy ang pagmamasid sa mga soldados ngunit parating na rin pala sina Alawaihaw at Lupog na parehong tumatakbo nang matanggap nila ang masamang balita.  Pinapatunayan ng malaking bilang ng mga soldados ang balak nilang pagsalakay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs kaya nabahala naman si Lakay Awallan dahil tulog pa rin ang mga kalalakihang Malauegs sa halip na gumagawa na sila ng plano upang paghandaan ang kanilang pagdating.  Nagpasalamat na lamang siya dahil makulimlim man ang panahon ngunit maliwanag pa rin ang paligid nang dumating ang mga soldados dahil maaari namang lumikas silang lahat sa yungib kung talagang hindi pumanig sa kanila ang laban.

            “Oo . . . mga soldados nga!  Anong . . . ibig sabihin nito?!”  Walang nagawa si Lakay Awallan kundi tanggapin ang katotohanan na kanina pa niya tinatanggihan dahil hindi na puwedeng hadlangan pa niya ang pagdating ng mga soldados lalo na ang tunay nilang layunin sa kanilang komunidad.  Kanina, kahit hindi pa siya segurado na mga soldados ang natatanaw nila ay sumagi na sa kanya ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala na sadyang kinalimutan nila hanggang sa tangayin ito nang dumaan ang walong buwan upang muling magpaalaala ngayon.  Naghahanap ang kanyang mga mata ngunit wala na ang mga matatandang Malauegs upang usigin niya dahil nanindigan sila sa maling katuwiran sa halip na binigyan ng priyoridad ang kapakanan ng mga katutubong Malauegs pagkat ito ang kanilang reposibilidad.  Subalit higit ang kanyang pananagutan sa mga katutubong Malauegs pagkat kabilang siya sa lupon ng mga matatandang Malauegs bukod pa ang pagiging Punong Sugo ng tribung Malauegs kaya kinilabutan siya pagkat hindi nila napaghandaan ang sitwasyong ito dahil nabuhos sa taunang dayaw ang kanilang atensiyon.  Bumilis ang pintig sa kanyang puso nang biglang sakmalin siya ng takot sanhi ng walang kapatawarang pagkakamali ng lupon ng mga matatandang Malauegs dahil sa kabiguan na magpalabas sila ng desisyon gayong kaytagal nang hinihintay ito ng mga katutubong Malauegs.  Mabuti pa pala kung nagpalabas na lamang siya ng sariling kapasyahan base sa nais isulong ng mga kalalakihang Malauegs kaysa pinakinggan ang mungkahi ng lupon ng mga matatandang Malauegs pagkat tumagal lamang ito ng walong buwan ngunit wala pa rin silang naipapahayag na desisyon.  Kunsabagay, may pagkakataon pa naman upang paghandaan nila ang pagdating ng mga soldados dahil malayo pa sila ngunit kailangan gisingin na ang mga kalalakihang Malauegs para hindi sila mabibigla lalo’t matindi ang kanilang kalasingan kagabi.  Samakatuwid, ngayong araw isinasakatupatan ng mga soldados ang plano ni Alcalde ngunit wala pa rin kaseguruhan ang tagumpay nito pagkat malinaw na nagkamali ang plano ni Alferez nang isinagawa nila ang misyon kung kailan maliwanag ang paligid.  Sapagkat ganito rin ang nangyari noong unang pinasok ng grupo ni Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil nagawa nila ang lumikas sa yungib nang lingid sa kanila nang matanaw agad sila ng mga bakay sa bukana.

            “Amang ko!  Totoo po ba . . . ang balita?!  Ha?!”  Sa halip na hintayin pa ni Alawihaw ang tugon ni Lakay Awallan ay dumako na sa tinatanaw ng mga bakay ang kanyang mga mata kaya nagimbal siya nang mamalas ang maraming soldados habang naglalakad patungo sa kanilang komunidad.  Pagkatapos, napatingin uli siya kay Lakay Awallan ngunit hindi na siya nagpasunod pa ng katanungan pagkat sapat na ang kanyang natatanaw upang maintindihan nito ang kahulugan ng kanyang biglang pananahimik kahit nagngangalit ang kalooban niya.  Mahirap ipaliwanag ang kanyang nararamdaman nang mga sandaling ‘yon habang sinasalubong niya ng tingin ang paglalakad ng mga soldados basta ang tiyak sa kanyang isip ay nagbabanta ang panganib sa kanilang komunidad.  Kung hindi lamang Punong Sugo ng tribung Maluegs ang kanyang kaharap ay tiyak sinumbatan na niya si Lakay Awallan dahil malinaw na kapabayaan ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang dahilan kung bakit umabot sila sa ganitong sitwasyon pagkat hindi sila naging seryoso sa kanilang problema.  Tumiim ang kanyang mga bagang habang sinisikap sikilin ang nagngangalit niyang damdamin upang ipaalaala sa kanyang sarili na kalabisan naman kung usigin pa ang kanyang amang dahil siya ang nag–iisang karamay na lamang nito.  Sapagkat masakit marinig ng isang amang ang paninisi kung nagmula ito mismo sa anak niya sa halip na intindihin ang kanyang pagkakamali dahil walang eksento ang pagiging Punong Sugo niya upang isipin na laging tama ang kanyang ginagawa.  Marahang bantil mula kay Lupog ang pumukaw sa sarili ni Alawihaw na napaisip nang malalim habang binabakas sa gunita ang kanyang pakiusap kay Lakay Awallan sa kanilang huling pag–uusap bago isinilang ang kanyang panganay.  Umaalingawngaw sa utak niya ang mga katagang ‘yon ngunit hindi man lamang pinahalagahan ng kanyang amang hanggang sa hindi na nito kayang hanapan ng katugunan upang isiping huli na ang lahat dahil dumating na ang sitwasyong ito.

“Amang ko!  Kung . . . puwede po!  Huwag n’yo nang . . . patatagalin pa!  Ang . . . !  Pagpapalabas . . . ng desisyon!  Nakikiusap po ako . . . sa inyo!  Amang ko!  Ano pa . . . ang kabuluhan n’yan?!  Kung . . . !  Linusob na po tayo . . . ng mga soldados?!”

            “Tena!  Para makapaghanda tayo . . . habang may panahon pa tayo!  Halika na . . . Alawihaw!”  Aywan kung anong paghahanda ang naisip ni Lakay Awallan dahil mismong dami ng mga soldados ang nagsasabi na hindi nagkakaloob ng kaligtasan nilang lahat ang paglikas sa yungib kahit maraming beses nang ginawa nila ito.  Walang duda na hahantong sa madugong pangyayari kung magiging marahas ang puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala laban sa mga katutubong Malauegs upang magtagumpay ang kanilang misyon dahil ito ang nais mangyari ni Alcalde lalo’t titulado na ang malawak na lupain ng Sierra Madre.  Pagkatapos, nagmamadaling bumalik sa sagradong kubol si Lakay Awallan sa tulong ni Assassi para bigyan ng babala ang mga katutubong Malauegs upang maihanda ang kanilang mga sarili pagkat wala siyang tiyak na palagay kung ano ang posibleng mangyari kapag dumating na ang mga soldados.  Basta ang alam niyang solusyon ay dapat maging handa ang mga kalalakihang Malauegs upang tiyakin na hindi magtatagumpay ang layunin ng mga soldados kahit mahirap isagawa ito pagkat armado ng mga fusil ang bawat isa sa kanila.  Napapadalas ang buntung–hininga ni Alawihaw habang sinisikap kontrolin ang kanyang nararamdamang linggatong pagkat hindi dapat magpamalas siya ng pangamba bilang pinuno ng mga mandirigmang Malauegs ng kanilang tribu upang hindi sila panghihinaan ng loob.  Aminado siya na ngayon pa lamang nila mararanasan ang mapalaban sa mga soldados kahit mga busog at tunod lamang ang kanilang armas dahil kailangan maipagtatanggol ang kanilang komunidad maski magsanhi pa ito ng kamatayan.  Sadyang mahirap isipin kung paano nila haharapin ang ganitong laban kung sa mga putok pa lamang ng mga makabagong sandata ay seguradong mangangaligkig na sila dahil sa takot kaya bahala na kung ano ang magiging kahinatnan nito.  Basta panghahawakan na lamang niya ang paniniwala na may Bathala sila na laging nagbibigay ng patnubay sa kanila upang pakalmahin ang kanyang sarili dahil hindi makabubuti kung taglay ng puso niya ang balais.  Hindi lamang niya maiiwasang isipin ang kaligtasan ng kanyang mag–ina dahil mas kailangan nila ang kanyang proteksiyon ngunit tungkulin din naman niya ang ipagtanggol ang kanilang komunidad laban sa puwersa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Ah!  Bahala na kung saan hahantong ang kaganapan ngayong nalalagay sa panganib ang buhay ng mga katutubong Malauegs pagkat wala nang saysay kung patuloy ang paninisi niya sa lupon ng mga matatandang Malauegs dahil hindi na rin kailangan ang kanilang desisyon.  Ngunit siya ang kinilabutan dahil seguradong sila pa rin ang pagbubuntunan ng galit ng mga katutubong Malauegs pagkat nalagay sa kapahamakan ang kanilang buhay sanhi ng kapabayaan na kagagawan din nila nang hindi na sila nagpalabas ng desisyon.  Sumunod din kay Lakay Awallan si Alawihaw ngunit matamlay ang kanyang kilos lalo’t mistulang itinulos sa lupa ang kanyang dalawang paa upang pigilin ang pag–alis niya hanggang sa lumapit si Lupog upang sabayan siya.  “Makinig kayong lahat!  Papunta sa ating komunidad . . . ang mga soldados!  Pero . . . may pagkakataon pa tayo!  Upang paghandaan . . . ang kanilang pagdating!”  Sa halip na sumunod pa sa bukana ang mga kalalakihang Malauegs ay naghintay na lamang sila nang matanaw si Lakay Awallan habang naglalakad pabalik sa sagradong kubol upang bigyan sila ng mahalagang bilin kaugnay sa hindi inaasahang pagdating ng mga soldados.  Nakinig na rin ang mga matatandang Malauegs dahil sa labas ng sagradong kubol tumigil si Lakay Awallan upang ipaalaala sa mga kalalakihang Malauegs na tungkulin nila ang bigyan ng priyoridad ang pagtatanggol sa kanilang komunidad para sa kaligtasan nilang lahat maski puyat sila.  Hindi na niya inalam kung bakit tinanghali sila ng gising pagkat importante ang kanilang kooperasyon sa mga sadaling ‘yon upang hindi makubkob ang kanilang komunidad dahil tiyak na magluluksa habambuhay silang lahat.  Sa pagbabakasakali na maiiwasan pa ang madugong engkuwentro ay paghahanda ang naisip niyang paraan habang malayo pa ang mga soldados maski taliwas ito sa posibleng mangyayari pagkat maiiwan naman ang mga kalalakihang Malauegs upang ipagtanggol ang kanilang komunidad.  Kaya naroon pa rin ang posibilidad upang gumanti sila pagkat hindi rin naman nila hahayaan upang maghasik ng karahasan ang mga soldados dahil wala silang karaka–rakang malilipatan kung mangyari ito sa kanilang komunidad.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *