Aywan kung may magagawa pa ang kanilang pagdarasal dahil kailangan ang konkretong solusyon upang kayaning harapin ng mga kalalakihang Malauegs ang mga soldados maski imposible na walang magbubuwis ng buhay sa panig nila. Batid ni Lakay Awallan na hindi ito ang tamang pagkakataon upang kausapin niya nang masinsinan ang mga matatandang Malauegs ngunit kailangan mangyari kung bumalik na sa normal ang sitwasyon upang mapagtanto nila ang desbentaha sa pagkakaroon ng magkasalungat na katuwiran.
“Puwes! Ano pa . . . ang hinihintay natin?! Paghandaan na natin . . . ang pagdating ng mga soldados! Tayo nang kumilos!” Pagkaraka, umagaw sa pagsasalita si Lupog matapos mapakinggan ang magkasunod na pahayag dahil mahalaga ang bawat sandali habang palapit nang palapit ang mabagal na kilos ng mga soldados sanhi ng matinding kapaguran. Kailangan magsitungo na sa dating puwesto ang mga kalalakihang Malauegs upang magkaroon sila ng bentahang posisyon para mapag–aralan nila ang taktika na nararapat gamitin habang inaabatan ang pagpasok ng mga soldados sa kanilang komunidad. Sapagkat hindi na dapat pagdudahan pa nila ang biglaang pagdating ng malaking bilang ng mga soldados sa kabundukan ng Sierra Madre dahil taliwas ito sa dapat paniniwalaan na kapayapaan ang hatid nila para sa mga katutubong Malauegs lalo’t ganito rin ang naging palagay ni Lakay Awallan. Subalit ang maagang pagpaparamdam ng mga soldados maski madilim pa ang buong kapaligiran sa kabundukan ng Sierra Madre ang talagang nakapagtataka pagkat puwede namang isabay sa pagsikat ng araw ang kanilang pagdating sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Sapagkat desidido nang ipagtanggol ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang komunidad ay talagang hindi na maiiwasan pa ang madugong paghaharap ng dalawang lahi dahil sa magkasalungat na paninindigan at katuwirang nais ipaglalaban. Maninindigan ang mga kalalakihang Malauegs kahit busog at tunod lamang ang kanilang mga armas upang patunayan sa mga soldados na walang banyaga ang puwedeng yumurak sa kanilang mga karapatan upang mamuhay sila nang malaya sa sariling bayan. Kahit sukal sa kalooban ni Lakay Awallan ang igawad sa mga kalalakihang Malauegs ang kanyang basbas dahil sa pangangamba para sa kanilang kaligtasan ay kailangan ipagkaloob niya pagkat magiging karagdagang sandata rin ito na magbibigay ng proteksiyon sa kanila. Hanggang sa dumako kay Alawihaw ang mga mata niya dahil nakapagtataka ang kanyang pananahimik habang iginagawad niya ang basbas pagkat hindi man lamang siya nagsalita gayong mahalaga rin ang kanyang mga pahayag bilang pinuno ng mga madirigmang Malauegs.
“Sige! At kayong . . . mga kababaihan! Tumuloy na rin sa yungib . . . ngayon din! Alalayan . . . ang mga matatanda! At . . . ang mga bata! Huwag silang . . . pababayaan! Bilisan n’yo! Walang maiiwan dito . . . maliban sa mga kalalakihan!” Pagkatapos basbasan ni Lakay Awallan ang mga kalalakihang Malauegs ay iniutos na rin niya sa lahat ang paglilikas sa yungib pagkat hindi ligtas na pagtataguan ang mga kubol sakaling magiging walang habas ang pagpapaputok ng mga soldados sa kanilang mga fusil. Hinatid muna ng mga kalalakihang Malauegs ang kani–kanilang mga pamilya sa pahintulot ni Lakay Awallan upang tiyakin na ligtas sila maski malapit lamang ang yungib pagkat may mga anak ang karamihan sa kanila ngunit hindi sumabay sa kanila ang mag–inang Dayanbang at Bag–aw. Si Lakay Lanubo ang naging priyoridad naman ni Balayong dahil hindi puwedeng sumabay sa karamihan ang mabagal na lakad ng kanyang amang kung hindi niya aalalayan lalo’t ginapi na rin siya ng sindak nang inutos ni Lakay Awallan ang paglilikas. Sina Alawihaw, Lupog, Assassi at Lakay Awallan ang naiwan na lamang sa labas ng sagradong kubol habang hinahatid nila ng tingin ang mga lumilikas hanggang sumalit ang katahimikan nang tuluyan nang maparam ang kahambal–hambal na tanawin sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Batid ni Alawihaw na hindi pa lumikas ang kanyang mag–inang ngunit inaabangan na nila ang kanyang paglapit upang ihatid sila sa yungib kaya tumango siya nang tumingin si Dayandang sa kanya habang pangko nito si Bag–aw. Kunsabagay, kayang maglakad ni Dayandang papunta sa yungib habang pangko si Bag–aw ngunit gusto niya ang magpaalam muna kay Alawihaw kung talagang hindi na sila puwedeng ihatid nito upang mag–iwan na rin ng bilin. Sapagkat batid naman niya na si Alawihaw ang laging inaasahan ni Lakay Awallan lalo na sa ganitong sitwasyon bilang pinuno ng mga mandirigmang Malauegs ngunit sumenyas siya upang hintayin nila kahit natitigatig na rin ang kanyang kalooban pagkat nag–uusap pa silang mag–amang. Maya–maya, naisaloob niya na maaaring tapos na ang pagbibigay ng bilin ni Lakay Awallan nang matanaw niya ang paglisan ni Lupog hanggang sa tumingin na rin sa kanila si Alawihaw upang kawayan si Bag–aw na pangiti–ngiti lamang sa kanya.
“Mauuna na ako . . . Alawihaw! Magkikita na lamang tayo . . . sa dating puwesto! Ha?!” Hindi lamang ang mag–inang Dayandang at Bag–aw ang naiiwan pa dahil naghihintay rin pala kay Lupog sina Asana at Dita sa halip na lumikas na rin sana sila papunta sa yungib dahil alam naman nilang tuntunin ang landas. Sinundan ni Alawihaw ng tingin ang nagmamadaling paglisan ni Lupog kasama ang kanyang pamilya papunta sa yungib hanggang sa nabaling sa kanyang mag–inang ang mga mata niya dahil sila na lamang ang hindi pa lumilikas. Tuloy, naghahanap ang mga mata ng walong buwang gulang na si Bag–aw sa kanyang amang na hindi pa lumalapit sa kanila upang ihatid na rin sana sila sa yungib pagkat nag–atubili namang magpaalam kay Lakay Awallan si Alawihaw. Sapagkat hindi naman mapiho ni Alawihaw kung magpaiwan din sa komunidad si Lakay Awallan kahit may pagdududa siya pagkat matanda na ang kanyang amang lalo’t hindi pa naranasan nito ang mapalaban sa mga soldados. Salubong ang mga kilay ni Alawihaw hanggang sa naisaloob niya na maaaring hinihintay lamang ng kanyang amang ang pagbabalik ng mga kalalakihang Malauegs galing sa yungib upang tiyaking naririto silang lahat bago siya lilikas. Nang mapansin niya si Assassi na nanatili pa rin sa tabi ni Lakay Awallan sa halip na lumikas na rin ay hindi na siya nagdalawang–isip upang magpaalam dahil siya na lamang ang hinihintay ng kanyang asawa’t anak upang ihatid sila sa yungib. Baka datnan pa ng mga soldados sina Dayandang at Bag–aw kung hintayin pa niya ang desisyon ni Lakay Awallan kaya ramdam niya ang matinding pangamba ng kanyang maybahay pagkat silang mag–inang ang naiiwan na lamang sa komunidad.
“Amang ko! Bahala na po kayo . . . sa pamilya ko! Huwag n’yo po silang pababayaan . . . ha?! Lalo na po ang . . . ang anak ko! Ha?! Amang ko!” Aywan kung bakit nasambit ni Alawihaw ang ganoong pamamaalam samantalang ihahatid lamang niya sa yungib ang kanyang mag–inang upang tiyakin ang kanilang kaligtasan sakaling humantong sa maigting na labanan ang paghaharap ng mga kalalakihang Malauegs at ng mga soldados. Katunayan, hindi na sana niya ihahatid sa yungib ang mag–inang Dayandang at Bag–aw dahil puwede namang ipakiusap niya kay Assassi ngunit napilitan siya matapos maipagpalagay na maaaring magpapaiwan na rin sa komunidad si Lakay Awallan pagkat hindi pa siya lumilikas. Nagimbal si Lakay Awallan nang marinig ang bilin ni Alawihaw kaya humigpit ang yapos niya upang pawiin ang anumang bumabagabag sa isip ng kanyang anak kahit batid niya na may dahilan upang mangangamba siya ngunit hindi dapat sa ganitong pagkakataon. Bagaman, ngayon pa lamang mararanasan ng mga kalalakihang Malauegs ang mapalaban sa mga kaaway na gumagamit ng mga fusil ay kailangan harapin nila ang katotohanan na hindi dapat magkaroon ng puwang sa kanilang mga puso ang agam–agam. Labis ang pagtataka ni Lakay Awallan nang maramdaman ang matinding kaba sa dibdib ni Alawihaw pagkat ngayon lamang siya nagpahiwatig ng pagkabahala samantalang hindi naman siya nakikitaan ng takot sa tuwing nangangaso kahit nag–iisa sa malawak na kagubatan ng Sierra Madre. Halos ayaw bumitiw sa pagkakayapos sa kanya ang mga bisig ni Alawihaw hanggang sa gumuhit ang matinding kalungkutan sa mukha niya matapos bumuntung–hininga nang malalim saka ipinikit nang mariin ang mga mata niya. Aywan kung nagkamali lamang ang tingin ni Lakay Awallan ngunit nangulimlim ang mga mata ni Alawihaw na waring nais pang lumuha habang dumadalas ang hinagpis ngunit wala naman siyang kakayahan upang pawiin ang kanyang linggatong. Dahan–dahang hinaplos niya ang mukha ni Alawihaw sa pagbabakasakali na tumining sa kanyang isip ang salagimsim habang sinasabayan niya ng dalangin upang ipakiusap kay Bathala ang kanyang kaligtasan alang–alang sa kanyang pamilya. Sana, noong mga panahon na malakas pa siya dumating ang sitwasyong ito dahil tiyak na hindi niya ipauubaya kay Alawihaw ang humarap sa mga soldados pagkat hindi bale nang siya ang magsakripisyo basta huwag lamang ang nag–iisang anak niya. Ngunit sadyang lumilipas ang panahon upang magbigay–daan sa mga kasalukuyang henerasyon kahit ikamamatay pa ni Lakay Awallan ang kapahamakan ni Alawihaw pagkat may kani–kanyang kuwento ang buhay ng bawat nilalang para magsilbing alaala na pagyayamanin ng mga susunod na salinlahi. Bumulong ng maikling mensahe si Alawihaw kahit paulit–ulit na lamang ang bigkas niya rito sa tuwing nagbabatian silang mag–amang ngunit ngayon pa lamang nagkaroon ito ng malalim na kahulugan para kay Lakay Awallan habang binasbasan ang kanyang anak. “Huwag n’yo rin pababayaan . . . ang inyong sarili! Amang ko!” Yaong kalas ni Alawihaw mula sa pagkakayakap kay Lakay Awallan ay nagtatakbo na siya papunta sa kanyang mag–inang upang ihatid sila sa yungib ngunit nag–iwan naman ng katanungan ang kanyang ikinikilos pagkat naging palaisipan ito para sa kanyang amang. Kunsabagay, walang dapat ikabahala si Dayandang kung ngayon pa lamang sila inililikas ni Alawihaw pagkat pumapasok pa lamang sa komunidad ang mga soldados dahil wala nang pumigil sa kanila nang umalis na rin sa bukana ang mga bakay. Nang inutos ni Lakay Awallan sa mga katutubong Malauegs ang agarang paglilikas ay nais lamang niyang maneneguro dahil magiging problema pa kung may napahamak sa kanila kapag humantong sa labanan ang pagtatagpo ng mga kalalakihang Malauegs at ng mga soldados. Sakbat ni Alawihaw ang talanga niya upang akuin ang pagpangko kay Bag–aw na tila nagtataka dahil ipinagbubuntis pa lamang siya ni Dayandang nang lumikas sila sa yungib noong unang narating ng mga soldados ang kanilang komunidad. Pero sandaling natigil ang paglalakad ni Alawihaw upang kawayan si Lakay Awallan na hindi pa rin lumilikas kasama si Assassi kaya maaaring tama ang kanyang sapantaha na magpapaiwan na rin sa komunidad ang kanyang amang. Hanggang sa naglaho na sila sa paningin ni Lakay Awallan nang dali–daling sinundan niya ang nagmamadaling lakad ni Dayandang pagkat babalik din siya sa komunidad upang paghandaan naman ang pagdating ng mga soldados. Napaisip nang malalim si Lakay Awallan habang tinatanong ang sarili kung bakit kumaway pa si Alawihaw dahil babalik din naman siya hanggang sa naalaala niya ang kanyang bilin ngunit tumatanggi ang kalooban niya para bigyan ito ng kahulugan.
ITUTULOY
No responses yet