IKA–51 LABAS

Subalit walang karapatan si Lakay Awallan upang usigin ang langit kahit siya pa ang Punong Sugo ng tribung Malauegs dahil karaniwang nilalang lamang siya ngunit puwedeng ipagpalagay na sa dinami–rami ng mga kalalakihang Malauegs ay maaaring pangalan pa ni Alawihaw ang hindi niya nabanggit sa dasal.  Sapagkat tiyak na hindi rin ginusto ni Bathala ang pangyayari upang walang magdurusa ngunit sadyang may mga pagkakataon na mga tao rin ang gumagawa ng sariling kapahamakan na hindi kayang hadlangan ng dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs.  Batid ni Lakay Awallan na may hangganan ang lahat tulad ng mga puno sa kabundukan ng Sierra Madre, ng mga ibon na tinitingala niya sa kalawakan at ang panahon na laging dumarating sa umaga upang gisingin sila ngunit naglalaho rin naman pagsapit ng gabi.  Kung bumababaw ang tubig sa mga ilog at pumapagas ang karagatan ay tiyak na may katapusan din ang buhay ng tao pagkat naitakda na ang hangganan ng kanyang paglalakbay habang ipinaglilihi pa lamang siya sa sinapupunan.  Kailangan lamang tanggapin ang katotohanan upang magkaroon ng katiwasayan ang kalooban sa halip na pagtuunan ang maraming katanungan pagkat hindi magdidilim ang bukas dahil lamang sa pagpanaw ng mga minamahal.  Ngayon pa lamang nagkaroon ng kahulugan kay Lakay Awallan ang bilin ni Alawihaw kaugnay sa kanyang mag–inang pagkat malinaw sa kanyang mga kaway ang pahiwatig ng huling pamamaalam nang mangyari ang salagimsim.  Kunsabagay, naririyan pa naman si Dayandang upang gabayan si Bag–aw maski wala na ang kanyang amang pagkat mas mapapadali ang paglubag ng kapighatian kung tanggapin na lamang nilang mag–inang ang itinakda ng kapalaran.  Bagaman, totoo na wala pang muwang si Bag–aw upang matandaan niya na minsan sa kanyang kamusmusan ay may amang siya na labis ang pagmamahal sa kanya ngunit hindi kumukupas ang alaala kahit magbilang pa ng maraming taon.  Bagkus, maglalakbay pabalik sa nakaraan ang isip upang gunitain ang mga kaganapan kahit hindi niya nasaksihan ito ngunit sapat nang mapakinggan ang mga kuwento na naging dahilan kung bakit nabubuhay siya sa kasalukuyang panahon.

            “Apong . . . patawarin po ninyo ako!  Hu!!!Hu!!!Hu!!!  Kung . . . dahil po sa kapabayaan ko! Kaya . . . napatay po ng mga soldados . . . si dikong Alawihaw!  Patawarin po ninyo ako!  Opo . . . Apong!  Hu!!!Hu!!!Hu!!!”  Nanginginig ang boses ni Balayong habang hinihingi niya ang kapatawaran ni Lakay Awallan dahil totoo rin naman na hindi niya natulungan si Alawihaw sa huling sandali ng kanyang buhay kahit hindi niya kasalanan ang pagkakabaril sa kanya.  Gayunpaman, hindi puwedeng ipagwalang–bahala ang tanong ni Lakay Awallan dahil hindi totoo na pinabayaan niya si Alawihaw pagkat wala sa kanyang kapwa ang kaligtasan ng bawat isa sa kanila habang nagaganap ang sagupaan laban sa mga soldados.  Katunayan, walang may gusto sa pangyayari dahil lahat sila’y isinugal ang buhay upang maipagtanggol lamang ang kanilang komunidad kahit ramdam niya ang takot mula sa kaibuturan ng kanyang puso dahil mas kailangan siya ni Lakay Lanubo.  Walang sinuman ang dapat sisihin sa pagkamatay ni Alawihaw dahil nakasalalay sa sariling pag–iingat ang kaligtasan nilang lahat ngunit minabuti ni Balayong ang unawain na lamang si Lakay Awallan imbes na mangatuwiran pa siya.  Bagaman, hindi siya tumanggi nang mapabilang sa grupo ni Alawihaw kahit alam niya na lubhang mapanganib ang plano dahil laging ipinapaalaala sa kanya ni Lakay Lanubo ang magdamayan silang dalawa dahil ipinagkatiwala na sila sa isa’t isa ng kanilang mga amang.  Pero hindi ito nangyari kanina pagkat masyadong delikado ang sitwasyon upang isipin pa niya ang kapakanan ni Alawihaw dahil nangangamba rin siya sa sariling kaligtasan pagkat armado ng mga fusil ang kanilang mga kalaban.  Lalong tumindi ang kanyang pamimighati nang malipos ng pagsisisi ang kanyang kalooban pagkat nawalan ng kabuluhan ang bilin ng kanilang mga amang kahit hindi niya ginusto ngunit tiyak na masusumbatan pa rin siya ni Lakay Lanubo.  Aywan kung may halaga pa ba ang tagumpay kahit nabawi nila ang komunidad kung buhay naman ni Alawihaw ang naging kabayaran nito pagkat may isang pamilya ang tiyak mananaghoy dahil sa matinding pangungulila sanhi ng kanyang pagpanaw.  Tiyak na tataglayin din ni Lakay Awallan hanggang sa kanyang huling hantungan ang kasawian upang hindi na muling maalaala pa niya ang pangyayari kung itulot ni Bathala ang salunuin na rin siya para samahan ang kanyang anak.  Pagkatapos balikan ni Balayong ang mga pangyayari ay humaluyhoy siya sa pagbabakasakali na naririnig pa rin siya ni Alawihaw maski imposible nang mangungusap pa ang patay upang aminin ang pagkakamaling nagawa niya kaya humantong ito sa kanyang kamatayan.  Kunsabagay, tiyak na hindi rin magdadalawang–isip ang kahit sino sa mga kalalakihang Malauegs para tugisin si Alferez kung siya naman ang nagkaroon ng pagkakataon upang wakasan ang panunupil ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat ito ang nagdulot ng kaguluhan sa buhay ng mga katutubong Malauegs.  “Hu!!!Hu!!!Hu!!!  Diko . . . sana mapapatawad mo pa ako!  Hu!!!Hu!!!Hu!!!  Patawarin mo ako . . . !  Hu!!!Hu!!!Hu!!!  Kung .  . . hindi kita natulungan!  Hu!!!Hu!!!Hu!!!  Diko!”  Lumapit si Lupog upang patayuin si Balayong nang maging katuwiran niya na walang may gusto sa pangyayari kahit kabutihan pa ang intensiyon sa paghingi ng kapatawaran ngunit mali pa rin upang sisihin ang kanyang sarili.  Sapagkat naganap ang pangyayari habang hinahabol nila ang mga soldados kaya walang nakababatid sa naging huling desisyon ni Alawihaw hanggang sa natagpuan na lamang siya ni Balayong sa gulod na wala nang buhay.  Sa isip ni Lupog ay sinisisi niya ang mga soldados dahil hindi na nila iginalang ang kanilang pananahimik gayong katatapos lamang ang taunang dayaw sa kanilang tribu nang isinagawa nila ang pananalakay sa kanilang komunidad.  Napilitang harapin ng mga kalalakihang Malauegs ang panganib dahil sa biglang pagsulpot ng mga soldados sa kanilang komunidad maski puyat sila sa nagdaang gabi pagkat maraming buhay ang nanganganib na mapahamak kung hindi sila lumaban.  Bagaman, hindi itinatanggi ni Lupog na may pananagutan din sila sa pangyayari nang balewalain ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat naniniwala siya na ito ang matinding dahilan kung bakit isinagawa ng mga soldados ang paglusob sa kanilang komunidad.  Pero naisip din niya na posibleng hindi pa rin  mababago ang pangyayari maski pinakinggan ng lupon ng mga matatandang Malauegs ang mga kalalakihang Malaueg dahil isinusulong naman nila ang huwag tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala pagkat mahigpit na tinututulan nila ang pagbabayad ng buwis at amilyaramyento.  Mangyari mang salakayin pa rin ang kanilang komunidad dahil alam na ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang naging paninindigan ay tiyak hindi ganito kalubha ang magiging pinsala pagkat mapaghahandaan na nila ang marahas na hakbang ng mga soldados.  Ngunit nangyari na ang lahat upang sisihin pa ang kanilang mga sarili samantalang buhay ang isinugal nila sa halip na isipin ang kamatayan para mabawi lamang ang kanilang komunidad kahit kontrolado na ito ng mga soldados.  Kunsabagay, hindi na dapat pagtakhan pa kung bakit ganito ang naging damdamin ni Lakay Awallan dahil nag–iisang anak niya si Alawihaw kaya nalipos ng salakhati ang kanyang kalooban lalo’t minsan na rin niyang naranasan ang pangungulila nang mamatay ang kanyang asawa.  Pagkatapos, pinahid ni Lupog ang mukha ni Balayong pagkat tanda ng kahinaan ng loob ang luha lalo na kung nagmula sa mga mata ng mga kalalakihang Malauegs dahil sila ang salamin ng katatagan sa harap ng maraming pagsubok sa kanilang buhay.  Hanggang sa nagpaliwanag na rin si Lupog upang lubos na mauunawaan ni Lakay Awallan kung bakit sila pa ang lumalabas na umatake sa mga soldados samantalang mahigpit nitong bilin na hindi dapat magsimula sa kanila ang laban.

            Kasi po . . . Apong!  Umatras po kami . . . nang magpaputok po ang mga soldados!  Pagkatapos . . . gumawa po ng plano si Alawihaw!  Upang hatiin po kami . . . sa apat na grupo!  ‘Yon po . . . ang naisip ni Alawihaw!  Para mabawi namin . . . ang ating komunidad!  Dahil napasok po ng mga soldados . . . ang komunidad natin!  Kaya po . . . nagawa nilang sunugin ang mga kubol!  Opo!”  Nagimbal si Lakay Awallan nang malaman niya mula sa paliwanag ni Lupog na napasok pala ng mga soldados ang kanilang komunidad kaya saglit naglakbay ang kanyang paningin hanggang sa napausal siya ng pasasalamat dahil hindi natupok ang sagradong kubol.  Ngunit nanlumo siya dahil abo na lamang ang natatanaw niya sa dating kinatatayuan ng kanyang kubol ngunit hindi ito magiging problema dahil puwede siyang magpalipas ng magdamag sa loob ng sagradong kubol kasama si Lakay Lanubo.   Muling dumako sa bangkay ang kanyang mga mata hanggang sa paulit–ulit na isinisigaw niya ang pangalan ni Alawihaw na lumikha ng lingawngaw sa kabundukan ng Sierra Madre habang sinasabayan ng malakas na buhos ng ulan at nakatutulig na kulog.  Pagkatapos, tumingala siya na waring nais marinig mula sa nagngangalit na kalangitan ang tugon ng kanyang tanong kung bakit nangyari ito sa kanyang kaisa–isang anak ngunit matalim na kidlat ang natatanaw ng kanyang mga mata sa kalawakan.  Kung totoo na kahinaan ng loob ang pagluha ay hayaan nang maipamalas niya ang tunay na nararamdaman ng kanyang kalooban kaysa sikapin pa ang maging matatag kung lalong lumalamin naman ang sugat sa kanyang puso.  Tunay na habambuhay niyang ipagluluksa ang pagpanaw ni Alawihaw dahil lumikha ito ng walat sa kanyang puso ngunit kamatayan lamang ang lunas kung hindi rin naman magbibigay sa kanya ng kapayapaan ang mapait na alaala.  Panahon lamang ang nakababatid kung hanggang kailan muling magkakaroon ng kahalagahan sa kanya ang buhay pagkat giyagis ng masidhing kapighatian ang kanyang puso kahit minsan na niyang naranasan ang ganitong pangyayari.  Ngunit nabahala ang mga kalalakihang Malauegs pagkat hindi nila mawari ang kahulugan ng mariing pag–iling ni Lakay Awallan kaya nagkatinginan sila dahil ayaw nilang isipin na hindi niya tinatanggap ang paliwanag ni Lupog.  Ngunit itinuloy pa rin ni Lupog ang pagpapaliwanag dahil sa paniniwala na ito lamang ang hinihintay ni Lakay Awallan upang malaman niya kung bakit wala man lamang sa kanila ang tumulong kay Alawihaw para hindi sana siya nabaril.  Hanggang sa inilahad na niya ang buong pangyayari mula nang ipresenta ni Alawihaw ang plano upang himukin silang suportahan ito dahil kailangan mababawi nila ang komunidad mula sa mga soldados ngayong araw rin.  Habang pinapakinggan ni Lakay Awallan ang paliwanag ni Lupog ay yumuko siya sabay sambit ng dasal upang ipakiusap kay Bathala na sana magiging karapat–dapat sa paraiso nang walang sukdulang kapayapaan ang kaluluwa ni Alawihaw bilang ganti sa kanyang mga kabutihan.

            “Makinig kayong lahat . . . gagamit tayo ng taktika!  Yamang dehado tayo . . . laban sa kanilang mga fusil!”  Kanina, naisip ni Alawihaw na isang malaking pagkakamali nang pumuwesto sila sa labas ng kanilang komunidad dahil hindi nila nahadlangan agad ang pagpasok ng mga soldados gayong may palagay na sila sa totoong layunin ng mga ito.  Baka hindi pa nangyari ang panununog ng mga soldados sa mga kubol kung inabangan na nila sa bukana ang kanilang pagpasok ngunit ayaw niyang sisihin si Lakay Awallan pagkat kaligtasan nilang lahat ang naging priyoridad nito.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *