IKA–53 LABAS

Marahil, nagpanakbuhan na silang lahat papunta sa yungib kung hindi lamang nagpaalaala ang pangako nila kay Lakay Awallan kaysa ikamamatay pa nila ang sumugal sa laban na palathaw lamang ang kanilang sandata laban sa mga soldados.  Tutal, malawak pa ang kabundukan ng Sierra Madre para pagtatayuan ng kanilang magiging bagong komunidad kahit maiiwan sa kanilang pagtakas ang mga lupain na pamana ng kanilang mga ninuno dahil priyoridad pa rin ang kanilang buhay.  Pero naghunus–dili sila dahil seguradong isusumbat ni Lakay Awallan ang maginoong salita na binigkas nila sa kanyang harapan kung magpamalas sila ng karuwagan samantalang hindi naman tuluyang ipinagbabawal ni Alawihaw ang paggamit ng mga busog at tunod.  Hanggang sa napayuko sila upang tiyakin na sukbit ng kanilang mga baywang ang palathaw matapos mapagtanto ang katuwiran ni Alawihaw kung harap–harapan ang laban pagkat ‘yon lamang ang paraan para magapi nila ang mga soldados.  Kunsabagay, ngayon pa lamang mapapatunayan ang kanilang galing sa paggamit ng palathaw dahil mabisang pandepensa ito sa sarili kung humantong sa pamuok ang tunggalian upang hindi magagamit ng mga soldados ang kanilang mga fusil.  Bagaman, walang garantiya ang ganitong kaparaanan ngunit sa larangan ng digmaan ay normal na ang may nagbubuwis ng buhay para makamit ang tagumpay kahit walang may gusto sa katuwirang ito dahil masyadong malupit.  Sapagkat sadyang marahas na laro ang digmaan sa buhay ng mga mandirigma kaya naroroon na ang kanyang dahilan upang pumatay para sa sariling kaligtasan pagkat wala nang halaga ang pagiging bayani kung siya naman ang paglalamayan.  Pagkatapos, nagtalaga agad si Alawihaw ng anim na kalalakihang Malauegs sa bawat grupo para hindi na nila magagawa pa ang tumanggi upang maisasagawa ang plano habang maliwanag pa ang paligid dahil tumitindi na ang pangulimlim ng panahon.  Segurado, walang magkukusang sumama sa kanya kung sila ang hayaan mamili dahil grupo niya ang nakatakdang lumusob sa kanilang komunidad na lubhang delikado kaya napilitang tumalima ang mga napabilang sa kanyang pamumuno.  Sana, magtagumpay ang mga kalalakihang Malauegs alang–alang sa kanilang mga pamilya na umaasang may babalikan pang komunidad dahil talagang maselan ang plano lalo’t palathaw lamang ang gamit ngunit walang imposible para sa kanila na masidhi ang hangarin.  Bagkus, panghahawakan nila ang natitirang pag–asa upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan nang huwag lamang sila mapiyapis sa mga banyaga para hindi sila huhusgahan balang araw ng kanilang mga anak pagkat nagpagapi sila sa takot.  “Matyagan n’yo . . . ang kalawakan!  Magbibitiw ako . . . ng isang tunod!  Ito ang magiging hudyat . . . upang simulan n’yo ang paggapang!  Hanggang sa makalapit tayong lahat . . . sa kanila!  Saka ako sisigaw!  Para sugurin natin nang sabay–sabay . . . ang mga soldados!  Alam ko . . . magagawa natin ito!  Maliwanag ba?!  Ha?!”  Walang bakas ng takot ang mukha ni Alawihaw habang binibigkas ang kanyang huling paalaala upang tiyakin ang tagumpay sa kanilang plano dahil higit na mahalaga ang kinabukasan ng kanilang tribu kaysa kanilang mga sarili.  Tumango ang mga kalalakihang Malauegs sa halip na bigyan ng puwang sa kanilang mga puso ang pangamba dahil hindi taglay ng kasalukuyan ang kinabukasan na magbibigay sa kanila ng inspirasyon upang naisin nila ang mabuhay pa.  Kung nagawang itaya ng nag–iisang anak ng kanilang Punong Sugo ang sariling buhay nito ay walang dahilan upang hindi sila magpamalas din ng katapangan pagkat lahat naman ay naghahangad ng tagumpay maski sa harap ng mapanganib na laban.  Bahala na kung ano ang magiging hantungan ng kanilang laban pagkat segurado naman na may magluluksa sa kanilang kabiguan basta pakiusap lamang nila kay Bathala ay pakinggan sana niya ang samo ng lupon ng mga matatandang Malauegs.  Nang sabay silang napatingala dahil gumuhit sa kalawakan ang matalas na kidlat kaya natigilan sila na waring nagtatanong kay Alawihaw kung kailangan bang ituloy pa ang plano ngayong nagbabadya ang masamang panahon.  Maya–maya, halos matulig silang lahat nang kumayugkog ang malakas na kulog ngunit hindi nito mahahadlangan ang plano ni Alawihaw pagkat mahalagang maisasakatuparan nila ang misyon dahil wala nang susunod na pagkakataon kung ipagpaliban pa nila ito ngayon.  Bagkus, lalong ikinatuwa ni Alawihaw nang maramdaman niya ang mga tikatik pagkat malaki ang maitulong nito sa kanilang plano dahil magagawa nila ang lumapit sa komunidad kapag bumagsak ang makapal na ulop.  Marahil, ito ang tugon ni Bathala sa mga dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs kahit maghapon na hindi nasisilayan ng mga katutubong Malauegs ang kulay ng langit na laging inaabangan nila sa tuwing nagtatapos ang taunang dayaw pagkat naging masungit ang panahon.  Subalit madali rin namang unawain ang naging pahiwatig ng langit nang hindi na tumigil ang mga tikatik kahit hindi ito pinansin ng mga kalalakihang Malauegs nang muling gumuhit sa kalawakan ang kidlat dahil desidido na sila upang isagawa ang plano.  Upang samantalahin ang pagkakataon habang umaayon sa kanila ang panahon dahil nagsisimula na rin bumaba ang ulop kaya lalong hindi nakikita ang kanilang mga sarili sanhi na rin ng kanilang mga kulay nang balutin sila ng kulimlim.

            “O!  Maliwanag na ba sa atin . . . ang plano?!  Ha?!”  Basta malalim na buntung–hininga ang naging tugon ng mga kalalakihang Malauegs nang tanungin sila ni Lupog upang tiyaking naunawaan ng bawat isa ang kani–kanyang reponsibilidad pagkat wala nang magaganap na atrasan sa sandaling inihudyat na ang ultimatum ng laban.  Kunsabagay, naghihintay lamang si Alawihaw upang pakinggan ang kanilang mga mungkahi kahit naipaliwanag na niya ang plano ngunit wala siyang narinig mula sa mga itinalagang lider kaya naisaloob niya na wala nang dapat pang linawin.  Kinamayan ni Alawihaw ang bawat isa upang magpasalamat dahil nararapat lamang magkaisa ang kanilang puso’t damdamin ngayong dumating ang matinding pagsubok sa kanilang tribu upang mabawi ang kanilang komunidad na kontrolado ng mga soldados.  Pagkatapos, sina Balubad, Bakaw at Lupog ang nagkamayan naman saka nagpasunod pa sila ng mahigpit na yapos at nagpahabol ng galamgam sa isa’t isa para pawiin ang kaba sa kanilang mga dibdib bago sila naghiwa–hiwalay upang harapin ang matinding hamon sa kanilang buhay.  Sabay nagpaalam kay Alawihaw ang mga grupo nina Bakaw at Balubad upang simulan na ang paglalakad patungo sa kani–kanilang puwesto matapos ang maikling dasal na hindi nila dating ginagawa sa tuwing nangangaso sila sa kagubatan.  Naiwan ang pangatlong grupo dahil kinakausap pa ni Alawihaw si Lupog upang ituro sa kanila kung paano mararating ang kanilang puwesto na hindi sila mapapansin ng mga soldados dahil sila ang talagang tampak sa panganib.  Mas nababahala pa yata si Alawihaw sa pangkat ni Lupog imbes na mag–aalala sa kanyang sarili pagkat nakasalalay sa kanyang mga kamay ang mabigat na responsibilidad dahil sa kanya magmumula ang hudyat upang sumabay sa paglusob ang tatlong grupo.  Paano kung lingid kay Alawihaw ay hindi na pinangahasan nina Bakaw, Balubad at Lupog ang tumuloy sa kani–kanilang puwesto dahil sa takot nang malaman na okupado na pala ng maraming soldados ang komunidad sa halip na gumawa sila ng paraan?  Kaagad pinulong ni Lupog ang mga napabilang sa kanyang grupo habang hindi pa sila pinapaalis dahil kailangan tantiyado ni Alawihaw ang pagdating nina Bakaw at Balubad sa kani–kanilang puwesto upang hindi sila mapapansin ng mga soldados kung sabay–sabay.  Maya–maya, tumango si Alawihaw upang payagan nang umalis ang grupo ni Lupog papunta sa kanilang puwesto nang matantiya niya na kailangang sumunod na sila dahil tiyak nakatulong kina Bakaw at Balubad ang malakas na ulan.  Sumasabay sa ulan ang matalas na kidlat at nakabibinging kulog ngunit hindi nagpapigil ang grupo ni Lupog dahil pabor sa kanyang grupo ang sitwasyon upang marating ang kanilang puwesto nang ligtas mula sa mga soldados.  “Sige . . . Alawihaw!  Mauuna na kami!  Hihintayin na lamang namin . . . ang hudyat mo!”  Pagkatapos ang paalam ni Lupog ay nagpasunod siya ng mahigpit na yapos kahit hindi niya dating ginagawa ito kay Alawihaw dahil siya lamang ang madalas sumasabay sa kanya sa pangangaso kung hindi siya tinatanghali ng gising.  Kumaway pa siya maski malayo na ang nilalakad ng kanyang grupo papunta sa kanilang puwesto ngunit hindi siya segurado kung nakita ito ni Alawihaw pagkat kumakapal na ang ulop sa paligid habang nagpapatuloy ang malakas na ulan.  Pero napangiti siya kahit pasuong sa panganib ang kanyang grupo dahil ibinalik ni Alawihaw ang kanyang kaway nang lumingon siya hanggang sa nagpasunod pa siya ng tango upang magpasalamat sa kanya.  Ngunit naging kapansin–pansin sa kanya ang matamlay na kilos ni Alawihaw habang ipinapaliwanag sa kanila ang plano nito kaya hindi na siya nagtanong kahit marami ang dapat linawin dahil lahat naman ay nangangamba para sa kanilang kaligtasan.  Aywan kung bakit naisaloob  niya ang bagay na ‘yon ngunit nagkibit–balikat na lamang siya imbes na pansinin ang mga kilos na hindi naman dapat ipagtataka dahil talagang nangyayari ito kahit hindi nila lubos nauunawaan ang kahulugan.  Subalit hinabol pa ng tingin ni Alawihaw ang grupo ni Lupog upang iparating ang kanyang mahalagang mensahe maski hindi na sila halos masundan ng kanyang mga mata dahil sa walang tigil na buhos ng ulan.  Sumigaw pa siya dahil sumasabay ang kulog habang ipinapaalala niya sa grupo ni Lupog ang mag–alay ng sandaling panalangin kahit walang marunong magdasal sa kanila ngunit seguradong naririnig pa rin ni Bathala ang bulong ng kanilang mga isip.  Dahil tungkulin niyang ipaalaala sa mga kalalakihang Malauegs ang tanging kaligtasan nila sa tuwing dumarating ang matinding pagsubok sa kanilang buhay kahit hindi nila namamalas ngunit nararamdaman naman ang kanyang mga mapagpalang kamay.  Ngayon higit na kailanganin nila ang kanyang gabay para sa kaligtasan ng bawat isa sa kanila pagkat maraming beses na rin nilang napatunayan ang kanyang walang maliw na pagpapala dahil sa kanilang taimtim na pananalig sa kanya.  Mangyari mang nagkamali ang kanilang desisyon ay marapatin na lamang sana niyang gawan ito ng paraan pagkat mahalagang maibabalik ang kanilang komunidad para may masisilungan mamayang gabi ang kanilang mga pamilya.  Lalo’t nagiging masungit pa ang panahon na waring nagagalit nang malugami ang mga katutubong Malauegs matapos kubkubin ng mga soldados ang kanilang komunidad bilang parusa sa kanilang pagtanggi na tumalima sa ordinansa ng pamahalaang Kastila ng Alcala.

            “Huwag ninyong kalimutan hingin . . . ang patnubay ni Bathala!  Siya . . . ang ating kaligtasan!”  Aywan kung narinig pa ni Lupog ang bilin pagkat maitim na ulop ang natatanaw ni Alawihaw habang binabayo ng hangin ang kapaligiran kaya posibleng may darating na bagyo ngunit hindi lamang alam ng mga kalalakihang Malauegs

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *