IKA-65 LABAS

Pagkatapos, huminga nang malalim si Alferez saka ipinilig ang kanyang ulo upang pahupain ang ngitngit sa kalooban niya habang nagsisisi ang sarili kung bakit pumunta pa siya ng residencia ejecutiva kung ganito lamang pala ang mangyari sa kanya.  Tama pala ang kanyang naging palagay na imposibleng ipagluluksa siya ni Alcalde kung isa rin siya sa mga nangasawi sa kanilang operasyon dahil binigyan pa niya ng pagpapahalaga ang magaganap na bentahan sa mga huwad na titulo kaysa magparamdam siya ng kahit kaunting malasakit sa mga soldados.  Lalong masakit kung ang pagkamatay niya ay isisi rin sa kanyang sariling kapabayaan dahil magiging katuwiran naman ni Alcalde ang pagiging inutil na opisyal niya sa halip na papurihan siya pagkat nagtagumpay ang operasyon.  Salamat sa kanyang angel dela guardia dahil nagawa pa rin niya ang tumakas mula sa komunidad ng mga katutubong Malauegs habang dumidilim ang tingin niya sa pag–asa sa mga sandaling ‘yon kaya buhay pa rin siya kahit dalawang beses nang nagbiro sa kanya ang kamatayan.  ¡Estupido!  Retrasado!”  Napasuntok nang maraming beses sa mesa si Alcalde pagkat malinaw na sinira ni Alferez ang kanyang mga plano samantalang handa na ang lahat kaugnay sa nakatakdang bentahan sa mga huwad na titulo kaya lalong tumindi ang pagpupuyos ng kanyang damdamin.  Talagang nagdulot ng linggatong sa kanya nang maisip ang malaking halaga na posibileng mawawala sa kanya kung hindi matuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo dahil nadiskaril pala ang isinagawang operasyon ng mga soldados.  Baka mismong bote ng alak ang ibato na niya kay Alferez kahit kalahati pa lamang ang nabawas nito kung hindi siya nakapagtimpi kaya humakbang ang kanyang mga paa ngunit naiwan sa komedor si Alferez sa halip na sundan siya.  Napailing na lamang si Alferez dahil may kanti rin sa sarili niya ang bawat suntok ni Alcalde maski sa mesa tumatama ang kanyang kamao ngunit naghunus–dili na lamang siya para hindi lumubha pa ang problema.  Katunayan, napapadalas din ang iling niya upang hindi tumama sa kanyang mukha ang bawat suntok ni Alcalde maski kunwari lamang ang pag–iilag niya kaysa patulan siya na wala namang kalaban–laban sa kanya dahil kontrolado niya ang mga soldados at ang mga guwardiya sibil.  Kainaman, sinikap niya ang magpasensiya na lamang kahit muntik na niyang ikamamatay ang ginawa ni Alcalde dahil wala rin naman patutunguhan ang kanilang diskusyon kung pairalin niya ang galit pagkat seguradong pareho nang malamig ang kanilang mga ulo bukas ng umaga.  Nagpasalamat pa siya sa espiritu ng alak kahit dalawang kopita pa lamang ang nainom niya dahil hindi lubos tumalab sa kanya ang malas maski mahirap ipaliwanag kung bakit naging maamo sa kanya ang suwerte samantalang noong misa rekyem ng labinlimang soldados lamang pumasok siya sa simbahan ng Alcala.  Pero lumipad ang kanyang antok pagkat hindi mapaknit sa isip niya ang kamatayan na halos tumambad na sa kanyang paningin ngunit naging mabilis din naman ang pag–antanda niya saka umusal ng maikling dasal.  Nasundan na lamang niya ng tingin si Alcalde ngunit taliwas sa akala niya na magpahinga na siya sa kuwarto ay bumalik pala sa tabi ng bintana sa pagbabakasakali na mapapawi ng hangin ang kanyang galit.  Sa halip na sundan niya si Alcalde ay dali–daling sinalinan muna ng alak ang kanyang kopita saka tinungga ito para magpasunod ng panibagong tagay dahil nais niyang samantalahin ang pagkakataon na muntik na niyang iwan ito kung natuloy ang pagkalawit sa kanya ng kamatayan.

            ¡Hay remedio! ¡Si . . . Alcalde!”  Napilitang sumunod si Alferez matapos mapagtanto na kailangan unawain na lamang niya si Alcalde pagkat siya man ang nasa kalagayan nito ay tiyak na mag–aalala rin siya dahil hindi naman pala matutuloy ang pinasok niyang kasunduan.  Lalo’t nakataya ang pangalan ni Alcalde sa isang pangako na kailangan matupad upang hindi masisira ang tiwala ng mga negosyante sa kanya dahil ito’y isang kompromiso na seguradong pinanghahawakan nila hanggang sa magkaroon ng positibong resulta.  Naturalmente!  Nararapat lamang gumawa ng paraan si Alferez upang matuloy ang bentahan pagkat maraming negosyante na pala ang nahikayat bumili sa mga lupain ng Sierra Madre dahil dangal na dapat pahalagahan ang mga salita ni Alcalde at ang posisyon nito bilang punong–bayan ng Alcala.  Kung kinailangan lipulin ng mga soldados ang mga katutubong Malauegs upang magtagumpay ang kanilang operasyon ay hindi mangingiming gagawin ito ni Alferez para wala nang magiging balaksila sa pagsakakatuparan sa mga pangarap ni Alcalde maski mauulit pa ang naging kapalaran ng mga dating katutubong Malauegs ng Calantac.  Por lo tanto!  Bakit hindi gawin kung ito ang natitirang solusyon sa problema ni Alcalde pagkat mismong pagkatao niya ang nakakompromiso bukod pa ang masamang epekto nito sa lipunan na magiging dungis lamang sa kanyang pangalan.  At nakapanghihinayang din naman kung mawala pa sa kanya ang malaking halaga pagkat hindi natuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo lalo’t namuhunan pa mandin siya ng limang kahon ng alak hanggang sa araw ng pirmahan.  Lalo’t pinagdedebatehan na sa residencia ejecutiva kung sino kina Señora Mayora at mayordoma ang dapat magbilang ng mapagbebentahan ng mga huwad na titulo ngunit bumili na ng kaha de yero sa Maynila ang hermosa esposa upang tiyakin na walang puwedeng gumalaw sa mga pera kahit si Alcalde pa kung walang pahintulot mula sa kanya.  Lumapit si Alferez upang pakalmahin ang kalooban ni Alcalde dahil silang dalawa lamang ang nagkauunawaan tungkol sa mga bagay na madalas pinagtatalunan nila pagkat tiwala silang sabihin sa isa’t isa ang mga problema na malimit sa alak nahahanap nila ang solusyon.  Ano pa ang saysay ng pagiging fiduciario niya kung siya rin ang sumisira sa pagkakaibigan nila pagkat nagdedepende lamang sila sa isa’t isa upang magkaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay sa harap ng mga problema na tila wala nang katapusan.  Kung magkasalungat man ang kanilang mga katuwiran ay normal nang pangyayari ito dahil hindi maaaring magkasundo sa lahat nang pagkakataon ang kanilang mga paniniwala ngunit puwede namang linawin ito habang tumatagal ang kanilang hora feliz.  Aywan kung kagustuhan ng tadhana nang sabay silang itinalaga sa bayan ng Alcala ngunit may kabutihan din naman pagkat naging kapalagayang–loob agad nila ang isa’t isa maski magkaiba ang kanilang tungkulin dahil pareho ang kanilang hilig.  ¡Porque volveremos a la comunidad indigena! ¡Pero esta vez telo aseguro . . . Alcalde! ¡No volveremos a fallar! ¡Si . . . Alcalde! ¡Porque actuaremos de noche cuando todos esten dormidos!”  Sapagkat may batayan na si Alferez upang magiging maingat siya sa paglulunsad ng panibagong operasyon para hindi na mauulit ang kalunus–lunos na kabiguan nang magtala sila ng maraming herido dahil sa maling paniniwala na magagawa nilang lipulin sa madaling paraan ang mga katutubong Malauegs.  Leksiyon na hindi dapat malilimutan dahil hindi sana nangyari ito kung pinakinggan niya si Alcalde pagkat Procedimiento De Operacion Estandar ang pagbabalangkas ng plano sa tuwing may isinasagawang operasyon kahit sino pa ang mga kalaban nila upang may pagbabasehan ang bawat aksiyon ng mga soldados.  Tuloy, siningil siya nang mahal sanhi ng panghahamak niya sa kakayahan ng mga kalalakihang Malauegs dahil sa pagiging mangmang nila ngunit nalimutan yata niya na tao sila na marunong din mag–isip kapag nalalagay sa kapahamakan ang kanilang buhay pagkat priyoridad nila ang laging handa laban sa panganib.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *