Bagaman, tunay na masakit ang lumasap ng katalunan lalo’t maraming buhay ang naglaho ngunit hindi pa rin dapat tangisan ang kabiguan dahil hindi nagtatapos sa araw na ‘yon ang laban habang may mga nangakatayo pa upang ipagpatuloy ang sinimulan. Kaya naisip ni Alferez ang isang epektibong paraan upang hindi na mauulit pa ang malagim na katalunan sa panig nila matapos aminin sa sarili na isang malaking pagkakamali nang isinagawa nila sa araw ang paglusob sa komunidad ng mga katutubong Malauegs. Matindi ang pangako ni Alferez nang halos malipol silang lahat kahit palathaw lamang ang mga sandata ng mga kalalakihang Malauegs laban sa mga soldados na armado ng mga fusil dahil mali pala ang naging palagay niya tungkol sa kakayahan nila. Hindi pala madaling gapiin ang mga kalalakihang Malauegs maski mga mangmang sila pagkat hindi man lamang sila nasindak sa mga putok ng mga fusil na taliwas sa kanyang inaasahan kaya hindi na siya naghanda ng plano kaugnay sa isinagawang operasyon. Lalo’t isinagawa nila sa araw ang pagsalakay sa komunidad ng mga katutubong Malauegs ay hindi naging pabor sa kanila ang sitwasyon maski sumabay pa ang pananalasa ng bagyo sa kabundukan ng Sierra Madre pagkat napaghandaan agad nila ang kanilang pagdating kahit biglaan ang pangyayari. Kaya nanghilakbot ang mga soldados dahil sa palathaw na ginamit ng mga kalalakihang Malauegs laban sa kanila sa halip na mga busog at tunod pagkat marami ang nahagip ng kamalasan nang maganap ang pamuok habang malakas ang buhos ng ulan. Ngunit may inihandang plano na si Alferez na talagang pinagpuyatan niya habang ibinuburol sa liwasan ng Alcala ang labinlimang soldados upang iparamdam sa kanila na hindi niya binalewala ang kanilang sinapit pagkat nararapat lamang maipaghihiganti ang kanilang pagkamatay. Tinitiyak niya na mag–iiba ang magiging resulta ng laban sa pangalawang operasyon dahil sa naisip niyang plano para matuloy lamang ang nakatakdang bentahan sa mga huwad na titulo upang hindi magiging kahiya–hiya si Alcalde sa mga negosyante at sa Gobernador ng Cagayan. Subalit hindi naman masabi ni Alferez kung kailan ilulunsad ang pangalawang operasyon pagkat kailangan hintayin pa niya ang paggaling ng mga soldados na kasalukuyang nararatay sa pagamutan ng Alcala kaya balak niya ang dalawin sila para alamin ang kanilang kalagayan. Aywan kung pinakinggan ni Alcalde ang katuwiran ni Alferez pagkat tahimik siya sa tabi ng bintana habang iniisip ang malaking halaga dahil magdedepende pa sa magiging kahinatnan ng pangalawang operasyon kung matuloy ang bentahan sa mga huwad na titulo. Habang patungo naman sa mesa si Alferez para magsalin ng huling tagay upang bumalik na sa munisipyo ng Alcala nang inakala niya ay hindi naging katanggap–tanggap kay Alcalde ang kanyang paliwanag dahil nagparamdam na rin sa kanyang mga mata ang antok.
“¡Deber ser un Teniente! ¡Si deberia serlo! Porque no quiero pasar verguenza! ¡Recuerde ese Teniente!” Seguro, malamig na ang ulo ni Alcalde maski mabagsik pa rin ang boses niya ngunit tama lamang pala ang naging desisyon ni Alferez ang huwag nang upungan pa ang galit niya lalo’t may kaugnayan sa pera ang problema. Naturalmente! Nagkaroon na ng ugat ang pinagsamahan nila dahil taon na rin ang binibilang nito kaya nagiging madali na lamang ang magpasensiya pagkat kilala na nila ang isa’t isa upang hayaan na kusang maghilom ang tampuhan para mapapanatili ang kanilang pagkakaibigan. Normal lamang ang hindi sila nagkakaunawaan kung minsan dahil may sariling prinsipyo sila ngunit hindi dapat seryosohin pagkat ito ang nagpapatingkad sa kanilang pagkakaibigan basta huwag lamang umabot sa sukdulan na kailangan gumamit pa ng dahas ang isa sa kanila. Sapagkat tao lamang sila upang sumama ang loob ngunit sa isang tagay ng alak ay tiyak pawi agad sa puso’t isipan nila ang pagtatampo dahil ito ang mabisang lunas para hindi tuluyang mamanamlay ang kanilang pagkakaibigan kahit may mga lamat na. Tutal, wala nang dapat alalahanin pa si Alferez ay tumango lamang siya para hindi masisira ang gana niya sa pag–inom lalo’t namnam na niya ang sarap ng alak dahil mahigit isang linggo rin na nangilin siya pagkat sarado ang opisina ni Alcalde. Dahil musika na lamang sa kanyang tainga ang banta ni Alcalde pagkat hindi ito ang unang pangyayari ngunit wala siyang panahon para gunitain pa ang mga bagay na puwedeng makaapekto lamang sa kanyang gana. Talaga yatang wala siya sa kondisyon kanina dahil inilapag lamang niya sa mesa ang kopita matapos tunggain ang panlimang tagay hanggang sa dinampot niya ang bote ng alak upang basahin sa etiketa ang bansang pinanggalingan ng produkto. Dahil dumaan pala sa palacio del gobernador si Alcalde nang manggaling siya ng Maynila ay maaaring isinakay na lamang sa karwahe ang kanyang rasyon kaysa mababalam ang paghahatid nito dahil nagiging problema rin ang disponibilidad ng sasakyan. Matagal nang inaasam ni Alferez ang marasyunan din sana siya ng alak bilang un Comandante del Ejercito de Alcala upang hindi na siya laging umaakyat sa opisina ni Alcalde para lamang makipag–inuman ngunit hindi naman yata inaaksiyunan ni Gobernador Don Vicente Eriberto Cachuela Nepomuceno ang kahilingan niya. Minsan, pumasok siya sa opisina ni Alcalde ngunit wala siyang dinatnan hanggang sa nangati ang kanyang lalamunan nang dumako sa estante ang mga mata niya kaya nahikayat siyang buksan ito upang kumuha ng isang bote ng alak. Nang malingunan niya si Alcalde na pumapasok sa opisina ay inilapag na lamang niya sa mesa ang bote ng alak upang buksan dahil hindi rin niya masabi kung naantala lamang ang dating nito sa munisipyo ng Alcala kahit kanina pa inihudyat ang alas–nueve ng umaga. Aywan kung talagang hindi lamang napansin ni Alcalde ang masamang balak ni Alferez dahil naglabas agad siya ng dalawang kopita mula sa gaveta saka sinalinan niya ito ng alak sa halip na sitahin niya ang fiduciario. Doon natapos ang maikling pagbabalik–tanaw ni Alferez nang marinig niya ang tanong mula kay Alcalde kaya hindi natuloy ang pagtungga niya dahil napilitan siyang ilapag muna sa mesa ang kopita kahit halos dumampi na ito sa mga labi niya. “¿Cuando piensas regresar a la Sierraa Madre? ¿Teniente?” Hindi pa pala naglubag ang kalooban ni Alcalde maski ipinangako na sa kanya ang paglulunsad ng pangalawang operasyon pagkat kailangan pa yatang tiyakin ni Alferez na hindi na muling madidiskaril ang kanilang misyon upang hindi tuluyang maglalaho sa kanyang mga kamay ang malaking halaga. Bukod sa mabigat ang tono ng kanyang boses ay tila hindi pa rin siya kumbinsido sa pahayag ni Alferez pagkat ito ang nasisilayan sa kanyang mukha ngunit hindi na lamang siya pinansin nito dahil mga soldados naman ang magsakatuparan ng misyon. Palibhasa, hindi pa narating ni Alcalde ang komunidad ng mga katutubong Malauegs ay naging madali lamang para sa kanya ang magmando pagkat hindi pa niya nakikita ang aktuwal na terreno ng pook na nagpapahirap sa mga soldados sa tuwing may operasyon sila. Palibhasa, ibinase lamang sa mapa ang kanyang palagay na taliwas sa totoong sitwasyon dahil kailangan maglakad nang maghapon ang mga soldados para marating nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs habang campante siya sa opisina. Kaya nagiging madali lamang sa kanya ang magpalabas ng mga kautusan maski mahirap para sa mga soldados ang pagsakakatuparan nito matapos tawirin ang maraming ilog at bagtasin ang mga bulaos sa gilid ng kalugay habang umiinom siya ng alak. Pruweba ang maraming herido sa unang operasyon pagkat hinarap din ng mga kalalakihang Malauegs ang mga soldados dahil hindi basta nagtataboy sila ng mga hayop sa kagubatan para makubkob agad nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs. Sapagkat nag–iisip din ang mga kalalakihang Malauegs maski mangmang sila sa turing ni Alferez ay hinarap pa rin nila ang mga soldados na armado ng fusil ang bawat isa kaya humantong sa kabiguan ang unang operasyon dahil hindi ganoon kadali ang makipaglaban sa kanila. Siyempre, lahat nang mga katutubong Malauegs ay handang magbuwis ng buhay para sa kapakanan ng kanilang tribu pagkat ito ang simbolo ng kalayaan na dapat ipaglaban nila kontra sa puwersa ng mananakop maski maulit pa ang pangyayari na naging dahilan ng kamatayan ni Alawihaw. Ngunit mas naapektuhan ang mga soldados pagkat nagdulot ito ng linggatong na ayaw magpatahimik sa kanila dahil sa choque de guerra nang maranasan nila ang nakapangingilabot na pangyayari nang lahat sila’y muntik nang kapusin ng suwerte kung hindi sila umusal ng dasal. Natigil ang pagtungga ni Alferez ng pansampung tagay nang muling nagtanong si Alcalde dahil ang nais yata niya ay bukas din isagawa ng mga soldados ang pangalawang operasyon upang malaman agad niya ang magiging resulta nito ngunit umiling lamang ang fiduciario. Dapat ganap nang magaling ang mga soldados na kasalukuyang nararatay sa ospital ng Alacala upang wala silang binabatang karamdaman habang isinasagawa ang operasyon kahit kailangan nila ang mahabang pahinga upang maiwasan ang muling pagsumpong ng choque de guerra pagkat sariwa pa sa alaala nila ang pangyayari.
“¡Cuando lleguen municiones adicionales! ¡Si . . . Alcalde! ¡Desde Manila!” Problema na nangangailangan ng solusyon dahil ano pa ang katuturan ng mga fusil kung kapos sa mga bala ang mga soldados lalo’t hindi puwedeng sabayan ang istilo ng mga kalalakihang Malauegs pagkat hindi nila pinag–aralan sa entrenamiento militar ang pamuok gamit ang palathaw. Dahil sa barcaza lamang puwedeng isakay ang tone–toneladang mga bala ay tiyak na magtatagal hanggang dalawang buwan ang paghihintay ni Alferez dahil maraming probinsiya ang daraanan pa nito bago dumaong sa puwerto ng Aparri para maipapadala sa bayan ng Alcala ngunit apektado naman ang kasunduan nina Alcalde at ng mga negosyante. Bagaman, pabor ito sa mga soldados na nagpapagaling pa sa pagamutan ng Alcala pagkat magkakaroon sila ng mahaba–habang pahinga at mapag–aralan pang mabuti ni Alferez ang inihanda niyang plano upang tiyakin ang tagumpay ng pangalawang operasyon habang hinihintay ang pagdating ng mga bala galing ng Maynila. Ngunit kabiguan naman ito para kay Alcalde dahil hindi kontrolado ni Alferez ang sitwasyon habang naglalayag sa karagatan ang barcaza lalo na kung abutin ito ng bagyo kaya ang dalawang buwan na paghihintay nila ay wala pa rin kaseguruhan. Kunsabagay, tanggapin man o hindi ni Alcalde ang mga katuwirang ito ay hindi na magiging problema pa ni Alferez basta nabanggit na niya ang mga kadahilanan kung bakit hindi agad mailulunsad ang pangalawang operasyon kahit naitakda na ang bentahan sa mga huwad na titulo. Seguro, bahala na rin gumawa ng paraan si Alcalde upang hindi siya masisira sa mga negosyante dahil kasalanan din naman niya nang ikinompromiso sa isang pangako ang kanyang sarili kahit wala pang katiyakan ang resulta sa operasyon. Tuloy, nabaghan si Alcalde pagkat mababalam pala ang operasyon na inakala niya ay puwede nang ilunsad bukas dahil kailangan pang hintayin ang mga bala kaya maliwanag sa kanyang pagkakaintindi na magtatagal pa ito kung hindi agad dumating ang suplay.
“¡Por que! ¡La segunda operacion llevara mas tiempo! ¿No hay otra manera? ¿Para faciltar la entrega de municiones al pueblo de Alcala . . . eh? ¿Teniente?” Kung pursigido si Alcalde upang masimulan agad ang pangalawang operasyon ay higit ang kagustuhan ni Alferez pagkat hindi lamang layunin ng kanyang tropa ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kundi hinahangad din niya ang maipaghigant si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz.
ITUTULOY
No responses yet