Sapagkat sukal sa kanyang kalooban upang danasin din ng mga kababaihang Malauegs ang mapait na buhay ni Dayandang maski pinipilit niya ang maging masaya upang itago ang totoong nararamdaman niya ay hindi naman naililihim sa mga mata ang kalungkutan na laging kaniig niya sa gabi. Tuloy, napatunayan niya sa sarili na talaga palang walang hanggan ang pagdadalamhati ng isang biyuda lalo na kung wagas ang kanyang pagmamahal sa yumaong asawa dahil nabubuhay na lamang siya sa alaala habang nakikita niya si Bag–aw. Hindi rin niya lubos madalumat kung bakit ninais pa rin ng mga kalalakihang Malauegs ang lumaban sa mga soldados samantalang magiging kaligtasan naman nilang lahat kung lumikas na lamang sila sa yungib upang wala nang magluluksa uli sa kanila. Sana, nagkamali lamang ang kanyang kutob kung bakit masigasig pa rin sila upang harapin ang mga soldados kahit wala nang pagkakataon upang gawin pa ang kanilang balak pagkat tila ayaw nang dumating ang umaga kaya lalong humahaba ang gabi. Mabuti pa ang kalimutan na lamang nila kung ang balak ay ipaghihiganti nila si Alawihaw pagkat malaki pa ang posibilidad na susundan lamang nila ang kanyang kinaroroonan dahil seguradong ikasasawi lamang nilang lahat ang pagsasakatuparan nito.
“Wala pong imposible . . . Apong Awallan! Opo . . . basta nagkakaisa po tayo!” Biglang napalingon kay Lakay Lanubo si Lakay Awallan dahil talagang natulingag siya nang marinig ang katuwiran ni Balayong pagkat wala sa hagap niya na manggagaling pa sa kanya ang mga katagang ‘yon nang walang pakundangan sa kalagayan ng kanyang amang na may binabatang karamdaman. Segurado, ikinagulantang din ni Lakay Lanubo ang naging pahayag ni Balayong dahil nanlaki ang kanyang mga mata hanggang sa napayuko siya nang magtanong ang kanyang sarili kung napagod na ba sa pag–aalaga sa kanya ang nag–iisang anak niya upang naisin na rin nito ang isakripisyo siya. Kaya gusto na lamang isugal sa isang laban ang kanyang buhay kahit ikamamatay pa niya ito para makalaya lamang mula sa poder ng kanyang amang dahil sa obligasyon na kaytagal na niyang ginagampanan ngunit gusto na niyang takasan ngayon. Pumikit ang mga mata ni Lakay Lanubo pagkat hindi niya mawari kung dapat bang magdamdam siya basta ang naging katuwiran na lamang ng kanyang puso ay sana isinangguni muna sa kanya ang desisyon niya upang napag–usapan nilang mag–amang nang hindi siya nagitla. Diyata, maaatim pala ni Balayong ang iwan siya kung kailan kailanganin niya ang kaagapay dahil sa kanyang kalagayan lalo na ngayong panahon hanggang sa dumiin ang kagat niya sa mga labi upang pigilin ang pagdalisdis ng kanyang mga luha. Sinikap na lamang niyang unawain ang katuwiran ni Balayong dahil talagang kailangan din naman ipagtanggol ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang komunidad maski naghihinakit ang kanyang puso pagkat may kani–kanilang obligasyon sila na dapat gampanan. Nang tumingin sa kanya si Lakay Awallan ay umiling siya pagkat totoo naman na hindi hiningi ni Balayong ang kanyang basbas ngunit ipinaubaya na niya sa Punong Sugo ang desisyon sa halip na pigilin niya ang kagustuhan ng kanyang anak maski may agam–agam ang kanyang kalooban. Nakita niya ang pagtango ni Lakay Awallan ngunit hindi niya hulo ang kahulugan n’yon basta yumuko ang kanyang kapatid upang muling tanungin ang sarili ngayong nagpahayag na ng kahandaan ang mga kalalakihang Malauegs para ipagtanggol ang kanilang komunidad. Dahan–dahang humakbang palayo ang kanyang mga paa para ituloy na lamang ang pagdarasal niya pagkat sa malas ay talagang hindi na rin mapipigilan pa ni Lakay Awallan ang mga kalalakihang Malauegs maski tutol ang kalooban nito upang igawad sa kanila basbas.
“Opo . . . Apong Awallan! Dahil taglay po namin . . . ang pagpapala ni Bathala!” Aywan kung dapat bang hangaan ni Lakay Awallan ang ipinamalas na katapangan ng mga kalalakihang Malauegs sa gitna ng sitwasyon na wala nang katiyakan ang lahat pagkat lalong naalaala niya ang sinapit ni Alawihaw nang mapagtanto na maaaring ipinahamak lamang ng kapusukan ang sarili nito. Sabay–sabay ipinahayag ng mga kalalakihang Malauegs ang kanilang kahandaan upang patunayan ang katapatan nila sa tungkulin na laging binibigyan nila ng priyoridad sa tuwing dumarating ang ganitong kaganapan dahil sino pa ba ang dapat asahan para ipagtanggol ang kanilang komunidad kundi sila. Taglay ang maigting na pananalig na laging nasa panig nila si Bathala pagkat sadyang kailanganin nila ang kanyang pagpapala ngayong gabi upang hindi maaagaw ang kanilang komunidad dahil ang tagumpay ng mga soldados ay kasawian ng tribung Malauegs. Natigagal na lamang ang mga kababaihang Malauegs kahit natamak ng matinding balais ang kanilang mga puso pagkat hindi puwedeng tutulan nila ang naging kapasyahan ng mga kalalakihang Malauegs dahil nararapat lamang ipaglaban ang kanilang komunidad upang hindi sila magiging hampaslupa sa kabundukan ng Sierra Madre. Seguro, hihilingin na lamang nila kay Bathala ang kaligtasan ng mga kalalakihang Malauegs kahit kanina pa hindi niya pinapakinggan ang mga dasal ng lupon ng mga matatandang Malauegs ngunit magbabakasakali pa rin sila upang kahabagan niya dahil tiyak na marami ang magiging biyuda kung sila’y pababayaan niya. Tuloy, sukal man sa kalooban ni Lakay Awallan ang naging desisyon ng mga kalalakihang Malauegs ay hindi na siya tumutol dahil anong pigil man ang gawin niya kung kanina pa sila nakagawa ng desisyon ay tiyak na hahantong lamang sila sa mainit na pagtatalo. Baka mauungkat lamang ang naging pagkukulang ng lupon ng mga matatandang Malauegs kahit hindi pa naringgan ng panunumbat mula noon ang mga kalalakihang Malauegs ngunit posibleng mangyayari ito kung sumagad na ang kanilang pasensiya dahil totoo naman na hindi sana nila naranasan ang pangyayaring ito kung naging makatuwiran lamang sila. Tutal, naipaliwanag na ni Lakay Awallan ang posibleng kahinatnan ng kanilang desisyon ngunit naging masiging pa rin sila sa sariling paniniwala ay idinaan na lamang niya sa marahang tango ang pagpayag sa halip na patatagalin pa ang pakipag–usap niya sa kanila.
“S–Sige! Basta . . . ! B–Basta . . . mag–ingat na lamang kayo! Pagpalain nawa kayo . . . ni Bathala!” Pagkatapos, isa–isang binasbasan ni Lakay Awallan ang mga kalalakihang Malauegs habang umuusal siya ng maikling dasal maski hindi ipinapangako nito ang kanilang kaligtasan dahil depende pa rin kung paano nila haharapin ang laban kahit nagtagumpay sila noong unang sagupaan gamit lamang ang mga palathaw at tunod. Kung umaasa sila na mauulit ang kanilang tinamong tagumpay sa unang engkuwentro ay huwag na nilang panghahawakan ang katuwirang ito pagkat malinaw naman na magkaiba ang sitwasyon lalo’t kalaban din nila ang gabi bukod pa ang mga soldados. Kahit hindi hiniling ni Lakay Awallan ay sumabay rin sa pagdarasal ang lupon ng mga matatandang Malauegs dahil kabilang sa mga mandirigmang Malauegs ang kanilang mga anak lalo na si Lakay Lanubo na umaasang magbabago pa ang desisyon ni Balayong maski tanggap na niya sakaling hindi pagbibigyan ni Bathala ang kanyang pakiusap. Tahimik na tinanggap ng mga kalalakihang Malauegs ang basbas ni Lakay Awallan bilang karagdagang proteksiyon sa kanilang kaligtasan bukod pa ang kanilang mga katutubong armas lalo na ang palathaw na malaki ang naitulong sa unang laban nila kontra sa mga soldados. Kaagad sinuri ang kanilang mga talanga upang tiyakin na sapat ang nakapaloob na mga tunod pagkat ito lamang ang sandata na puwedeng gamitin nila sa pakipagtuos sa mga soldados na armado ng mga fusil gaya noong unang naganap ang laban. Pero wala nang saysay upang gamitin pa nila sa pagkakataong ito ang plano noon ni Alawihaw dahil hindi nila tunton ang eksaktong pinagtataguan ng mga soldados habang manggagaling naman silang lahat sa sagradong kubol kaya hindi na uubra ang pamuok. Samantala, ipinagpatuloy ng mga kababaihang Malauegs ang pagdarasal pagkat dito na lamang nila isinasalig ang natitirang pag–asa upang magkaroon ng kaunting lakas ang kanilang mga kalooban kahit hindi nila kayang pagmasdan habang naghahanda nang lumabas sa sagradong kubol ang mga kalalakihang Malauegs. Upang iwaksi sa isip ang kinakatakutan ng kanilang mga sarili na maaaring ito na ang huling sulyap nila sa mga kalalakihang Malauegs kung hindi pa rin diringgin ni Bathala ang kanilang mga samo dahil mahimbing pa ang tulog nito habang dinudurog sila ng labis na pagdurusa. Wala man sa kanila ang tumatangis ngunit hindi rin naman kayang itago sa kanilang mga mukha ang matinding pangamba pagkat posibleng magbabago ang lahat maging ang huling pananalig kapag lumabas na sila sa sagradong kubol.
“Mga kasama! Ano pa . . . ang hinihintay natin?! Tayo nang lumabas!” Mahigpit na yapos ang naging pamaalam ng mga kalalakihang Malauegs sa kani–kanilang mga pamilya na giyagis ng matinding galimgim hanggang sa dahan–dahang pumatak ang mga luha na kanina pa pinipilit pigilin ngunit hanggang doon lamang ang puwedeng gawin ng mga kababaihang Malauegs. Sapagkat tiyak na mawawalan na ng puwang sa kabundukan ng Sierra Madre ang tribung Malauegs kahit magkapiling pa silang mag–aanak kung habang buhay namang hampaslupa silang lahat dahil hinayaan nilang kubkubin ng mga soldados ang kanilang komunidad na ipinaglaban pa mandin ni Alawihaw hanggang sa kanyang kamatayan. Maya–maya, nag–uunahan nang lumabas ng sagradong kubol ang mga kalalakihang Malauegs gayong mabibilang na lamang sila upang ipagtatanggol pa ang kanilang komunidad ngunit sisikapin pa rin nilang hadlangan ang masamang balak ng mga soldados kahit ano pa ang mangyari. Huling lumabas si Balayong ngunit sadyang iniwasan niya ang lumingon upang hindi siya pipigilin ni Lakay Lanubo na napatingin na lamang sa kanya hanggang sa naramdaman niya ang bantil mula kay Lakay Awallan para payapain ang kanyang kalooban.
ITUTULOY
No responses yet