IKA–79 LABAS

Natatanaw ni Lakay Awallan ang lagablab ng apoy mula sa mga nasusunog na kubol ngunit hindi na niya naririnig ang mga hagibik ng mga sawimpalad pagkat malayo na ang nararating ng kanyang mabagal ngunit tuluy–tuloy na paglalakad upang hindi siya masusundan ng mga soldados.  Malakas ang linggaw ng tagumpay mula sa mga soldados pagkat tuluyan nang bumagsak sa kanilang mga kamay ang komunidad ng mga katutubong Malauegs kahit hindi sila nagbilang ng mga herido dahil talagang tiniyak nila na hindi na mauulit ang nangyari sa unang operasyon.  May katuwiran ni Alferez nang isinagawa sa gabi ang kanyang plano dahil naging pabor sa kanila ang sitwasyon habang naging problema naman para sa mga kalalakihang Malauegs pagkat naganap ito sa hating–gabi kung kailan mahimbing ang kanilang tulog.  Katunayan, matagal niyang binalangkas ang plano sa pangalawang operasyon habang hinihintay ang pagdating ng mga bala upang hindi na mauulit pa ang kabiguan sa unang operasyon pagkat mahalagang makubkob nila ang komunidad ng mga katutubong Malauegs dahil talagang inaasahan ito ni Alcalde mula sa kanila.  Sapagkat sinasakop nito ang malawak na mga lupain sa kabundukan ng Sierra Madre na pagmamay–ari ng mga katutubong Malauegs ngunit sinamantala naman ng pamahalaang Kastila ng Alcala sa pamamagitan ng pagpapalabas ng ordinansa tungkol sa buwis at amilyaramyento nang maging problema nila ang tungkol sa mga titulo upang patunayan ang kanilang mga karapatan.  Tuloy, nagulantang ang mga katutubong Malauegs nang maganap sa hating–gabi ang pananalakay ng mga soldados sa kanilang komunidad dahil nawalan ng kabuluhan ang kanilang ginawang pagsasanay upang magiging handa sana sila sa pagsapit ng ganitong pangyayari.  Bagkus, hindi mabibilang ang mga nangasawi ngunit maaaring tinanggap na lamang nila ang kamatayan nang mapasama sila sa natupok na sagradong kubol pagkat sa ganoong paraan din naman sinusunog ang kanilang mga bangkay.  Saka na lamang sila magtatanong kung sino ang dapat sisihin sa trahedyang sinapit nila kung kaharap na nila si Bathala kahit hindi na magbibigay sa kanila ng pangalawang buhay dahil nangyari na ang pagkakamali upang ituwid pa ito.  Disin, hindi nila sinapit ang kahindik–hindik na kamatayan kung tinanggap ang suhestiyon na ilipat na lamang ang kanilang komunidad upang hindi na sila masusundan pa ng mga soldados maski maiwan na ang kanilang mga lupain dahil ito lamang ang pakay ng pamahalaang Kastila ng Alcala.  Aywan kung kasalanan ba nang hindi agad iniutos ni Lakay Awallan ang paglikas nila sa yungib dahil hindi rin sana umabot sa ganitong sitwasyon kung nagpahayag lamang ng desisyon ang lupon ng mga matatandang Malauegs sa halip na hinintay pa nila ang problemang ito.  Sapagkat nagtagumpay ang pangalawang operasyon ng mga soldados ay walang duda na matutuloy na rin ang bentahan sa mga huwad na titulo sa darating na kapistahan ni Señor San Pedro maski kasawian ang idinulot nito sa tribung Malauegs dahil nanganganib maglaho sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanilang lahi tulad ng mga katutubong Malauegs ng Calantac.

            Matindi ang panlulumo ni Lakay Awallan pagkat mistulang pinabayaan sila ni Bathala sa panahon pa mandin na kailangan nila ang kanyang pagpapala pagkat totoo yata ang naging palagay nila na tulog siya habang nagdarasal sila upang ipakiusap ang kanilang kaligtasan.  Masyadong mahal ang naging kabayaran sa kanilang pagkakautang sa buwis at amilyaramyento pagkat maraming buhay ang nalagas gayong hindi sana nangyari ito kung tinanggap lamang ang kanilang kahinaan maski sumailalim pa sila sa pagsasanay.  Sapagkat batid naman nila na talagang walang laban ang kanilang mga busog at tunod dahil pumuputok ang mga fusil ng mga soldados kahit hindi sila nakikita ngunit tumatagos naman sa kanilang pinagtataguan ang mga bala.  Dahil sa kanilang pagtakas ay naiwan ang mga lupain na pamana pa ng kanilang mga ninuno ngunit wala nang pag–asa upang maibabalik pa sa kanila pagkat titulado na ang mga ito nang lingid sa kanila dahil sinamantala ng pamahalaang Kastila ng Alcala ang kanilang kamangmangan.  Sa halip na idalangin ang mga kaluluwa ng mga nangasawi lalo na si Lakay Lanubo ay pumanasila sa labas ng yungib si Lakay Awallan pagkat hindi niya mabigyan ng tugon ang tanong ng sarili kung dapat pa bang hintayin niya ang pagsunod ni Dayandang.  Hanggang sa yumuko siya upang alamin ang kalagayan ni Bag–aw na kanina pa pinapangko niya ngunit hindi mawari kung tulog ang bata basta dinampian na lamang niya ng halik maski puspos ng lumbay ang kanyang mukha.  Marahil, ngayon pa lamang nagising si Bathala pagkat nagkaroon ng tugon ang dasal ng kanyang puso na sana may mga nakaligtas pa rin kahit hindi nila naramdaman sa magdamag ang kanyang pagpapala dahil tulog siya.  Habang sinasambilat ng kamatayan ang bawat isa sa kanila hanggang sa tuluyan nang naagaw ng mga soldados ang kanilang komunidad lalo’t kasama sa natupok na sagradong kubol ang lupon ng mga matatandang Malauegs kaya lalong kumulimlim ang kanilang kinabukasan.  Maya–maya, paisa–isang nagdatingan sa yungib ang mga nakatakas mula sa impiyerno matapos nilang iligaw ang mga soldados na nagtangkang humabol pa sa kanila hanggang sa naglaho na sila sa dilim ngunit mabibilang lamang sila.  Pero mabuti na ito kaysa tuluyan nang naglaho ang tribung Malauegs dahil wala man lamang kahit isa sa kanila ang nakalikas sa yungib upang siya ang magpatotoo sa kasaysayan na minsan din namuhay sa kabundukan ng Sierra Madre ang kanilang lahi.  Sinisikap kilalanin ni Lakay Awallan ang mga dumarating dahil lingid sa kanya ay kabilang si Lakay Lanubo sa mga naiwan sa loob ng sagradong kubol pagkat biglang sumumpong ang karamdaman niya nang tumambad sa kanila ang apoy kaya hindi na niya nagawa ang lumabas.  Ipinagpatuloy rin ni Lakay Awallan ang pag–aabang kay Dayandang sa labas ng yungib dahil wala pang nagparating sa kanya upang hindi niya ikabibigla ang masamang balita na magkapiling na ngayon sina Alawihaw at ang asawa nito sa mundo ng mga patay.  Sana, magpaparamdam sa kanya sina Balayong, Lupog at Dayandang upang itigil na niya ang paghihintay dahil hindi na sila darating kahit ipagdasal pa niya ang kanilang kaligtasan pagkat kabilang ang kanilang mga bangkay sa mga naiwan sa komunidad.  Habang tumatagal ang paghihintay niya ay lalong tumitindi ang kanyang pangamba pagkat hindi pa rin nagpaparamdam hanggang ngayon si Assassi dahil hindi rin niya maipaliwanag kung paano sila nagkahiwalay nang biglang nasunog ang sagradong kubol.

            Dinig hanggang sa yungib ang hiyawan ng mga soldados pagkat ikinagalak nila ang tagumpay ng pangalawang operasyon lalo’t mga bangkay ng mga katutubong Malauegs ang kanilang binibilang na kabalintunaan sa naging resulta sa unang operasyon ngunit natutuwa rin kaya si Sarhento Valeriano Guztavo dela Paz kung pinabayaan lamang siya sa halip na tinulungan upang makatakas.  Naturalmente!  Naging matamis ang tagumpay para kay Alferez dahil mabibilang lamang ang mga nasawi sa kanyang tropa habang isinasakatuparan ang kanilang plano pagkat hindi nabigyan ng pagkakataon upang gumanti sa kanila ang mga kalalakihang Malauegs.  Habang nalipos ng matinding kalungkutan ang mga katutubong Malauegs dahil naging katanungan nila kung paano sila magsisimula ngayong wala na ang kanilang komunidad pagkat nabigo silang ipagtanggol ito laban sa mga soldados.  Pamana pa mandin ng kanilang mga ninuno ang komunidad at ang malawak na mga lupain sa kabundukan ng Sierra Madre ngunit kinailangan iwan nila maski masakit sa kanilang mga kalooban dahil isang himala na dapat ipagpasalamat nang makaligtas sila.  Maski naging mabigat na katanungan naman ng kanilang mga sarili kung paano na ang magiging buhay nila lalo’t wala nang magtatanggol sa kanila ngayong nagluluksa silang lahat dahil sa pagkamatay ng kanilang mga mahal.  Walang garantiya ng kaligtasan ang pananatili nila sa yungib pagkat posibleng matunton pa rin sila ng mga soldados dahil malapit ito sa komunidad kaya pansamantala lamang ang pagkakanlong nila rito habang hindi pa lumilisan sa kabundukan ng Sierra Madre ang gabi.  Matindi ang pananangis nila pagkat mistulang nalulunod sa labis na kapighatian ang kanilang mga puso dahil wala man lamang dumaramay sa kanila kahit si Bathala upang gumaan naman nang kaunti ang kanilang paghihirap.  Nais nilang humiyaw upang magising si Bathala nang marinig niya ang kanilang mga karaingan dahil higit na kailanganin nila ngayon ang kanyang pagpapala sa panahong gumagapang sila sanhi ng labis na kabiguan kung hindi lamang sila nag–aalala.  Dahil walang duda na maririnig ng mga soldados ang kanilang mga haluyhoy ay pipilitin na lamang sikilin ang kanilang paghihirap upang hindi na lumubha pa pagkat wala na silang matatakbuhan kung hanggang sa yungib ay masusundan pa sila.  Pati si Lakay Awallan ay nagtatampo na rin kay Bathala pagkat hindi man lamang niya naramdaman ang haplos ng habag habang dinudurog sila ng mga kalaban samantalang hindi naman niya kinakaligtaan ang magdasal dahil lubos ang kanyang pananalig sa kapangyarihan nito.  Kulang pa ba ang mga sakripisyo na ginagawa niya upang parusahan ni Bathala ang kanilang tribu gayong pinagsisikapan naman niyang gampanan ang manalangin sa tuwing sumasapit ang madaling–araw at sa dapit–hapon bago ipahinga sa gabi ang kanyang sarili?  Hanggang sa muling naaalala niya si Dayandang dahil kay Bag–aw na seguradong maghahanap sa kanya mamayang paggising nito kahit ang paghihintay ay magiging kainip–inip na lamang habang walang bumubulong sa kanyang puso upang malaman niya ang katotohanan.

            “Psssttt!!!  Huwag kayong maingay . . . may dumarating!  Baka . . . mga soldados sila!  Baka . . . hinahanap nila tayo!”  Naalarma si Lakay Awallan nang marinig ang babala pagkat tuluyan nang naparam ang kanilang tiwala sanhi ng dinaranas na salakhati dahil tiyak na ikamamatay nilang lahat kung totoong nasundan ng mga soldados ang kanilang pagkanlong sa yungib.  Naging aral na para sa kanila ang naranasang lugami habang hindi pa tiyak ang kanilang kaligtasan kahit naririto sila sa yungib kaya hindi nila basta maipagkakaloob sa kahit kanino ang tiwala habang balisa pa ang kanilang mga kalooban.  Matapos takasan ang impiyerno na nilikha ng mga kalaban ay wala nang dahilan upang magtiwala pa rin sila lalo’t hindi madaling kilalanin ang mga nagdatingan pagkat madilim pa ang mundo para pairalin ang kanilang awa.  Mabuti pa ang makiramdam muna sila dahil mga isip lamang nila ang nagsasabi na maaaring mga katutubong Malauegs ang dumarating samantalang naghihinala naman ang kanilang mga damdamin habang hindi pa nila tiyak kung sinu–sino ang mga nasa labas ng yungib.  Sana, nagkamali lamang ang kanilang sapantaha na natugaygayan ng mga soldados ang kanilang pagtakas dahil tiyak na makukulong silang lahat sa loob pagkat walang ibang lagusan ang yungib upang magagawa pa rin nila ang tumakbo.  Kunsabagay, hindi maglalakas–loob sumunod ang mga soldados dahil malalagay naman sa panganib ang kanilang mga sarili maski armado sila ng fusil bukod sa lingid din sa kanila ang tungkol sa yungib pagkat mga katutubong Malauegs lamang ang nakababatid kung saan ito matatagpuan.  Kahit malayo ang posibilidad upang mangyari ito ay tiyak na magkakaroon pa ng pagkakataong gumanti sa mga soldados ang mga katutubong Malauegs gamit ang kanilang mga palathaw sakaling maligaw sila sa yungib dahil sa paghahabol pagkat madilim ang paligid.

ITUTULOY

Tags:

No responses yet

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *